Chapter 15: Social Media













Dahil sa nakapasok ako sa The Chosen, biglang nagbago ang takbo ng buhay ko.

Kapag nasa trabaho, may mga nagtatanong sa akin kung ako iyong sumali kapag inaabot ko ang order nilang French fries.

Opo lang ang sagot ko.

Hindi ako nakikipagkuwentuhan kasi bukod sa maraming tao, baka masunog din ang niluluto ko.

Iyong ibang customers, kung anu-ano ang tinatanong tungkol sa mga judges.

Dragon daw ba talaga si Miss Marlene?

Nakakatakot daw ba kapag kaharap mo siya?

Mas guwapo daw ba sa personal si Marky at Xavier?

Si Camille at Jessica, bukod sa maganda, mabait din daw ba?

Bading daw ba si Mr. Joaquin Almeda?

Hindi ako nagco-comment sa mga tanong nila dahil pagkatapos ng audition ko, meron akong pinirmahan at ang isa ay tinatawag na non-disclosure agreement.

Hindi pwedeng mag-share tungkol sa mga susunod na episode ng show.

Bawal kumuha ng mga videos at pictures at I-share ng walang permiso.

Mahigpit ang patakaran nila at puwedeng tanggalin ang isang contestant kapag sinuway ang mga nakasulat sa kontrata.

Isa pa, hindi naman ako pwedeng makipagdaldalan dahil busy kami sa trabaho.

Pabirong sinabi ni Sir Albert na ililipat niya ako sa burger station para nakatago ako sa loob lalo na at may mga humihingi sa akin ng autograph kahit kauumpisa pa lang ng contest.

Tumatanggi ako kasi nahihiya ako.

Hindi naman ako artista para magbigay ng autograph.

Hindi din ako sikat.

Isa pa, kakaumpisa pa lang ng season ng show.

Nandiyan ang possibility na matanggal ako lalo na at magagaling ang ibang mga contestants na kalaban ko.

"Kailangang masanay ka na sa mga tao, Rio." Sabi ni Janina habang nakabreak kami.

Kasama namin si Paulie sa crew room.

"Oo nga. Iyong iba nga nakikita ko na kinukuhanan ka ng picture kapag lumalapit ka sa counter."

"Mahaba pa ang laban. Tsaka di naman ako sikat ano?" Katwiran ko.

"Oo nga pero kasama na iyan dahil napapanood ka nila sa TV at nakikita ka nila dito."

"Huwag kang magulat kung meron kang maging stalker." Sabad ni Paulie.

"Ano ba iyan? Di naman siguro." Sumubo ako ng kanin at manok.

"Baka kailangan mo ding mag-leave sa trabaho lalo na kapag nabuo ang team ninyo."

"Bakit?"

"Kasi magrerehearse kayo at mas malimit ka na sa studio. Ireready niyo ang ipapalabas para sa next episode." Paliwanag ni Janina.

"Naku! Okay lang kaya kina Sir Albert kung malimit akong wala sa trabaho? Baka masisante ako dito."

"Hindi 'no? Tuwang-tuwa nga si Sir Albert na nakasali ka. Ang sabi pa niya, bigyan mo daw siya ng ticket kapag nakapasok ka sa grand finals. Nagha-hire na yata din siya ng bagong crew para sa French Fries station."

Natigilan ako.

Pakiramdam ko, bumara ang kinakain ko.

Hindi ko kasi alam ang tungkol sa hiring.

"Jan, baka nga palitan niya ako kapag malimit akong umabsent?" Di ko maitago ang pag-aalala.

"Huwag kang mamuroblema. Okay naman ang performance mo sa work. Sure ako na hindi ka basta-basta bibitawan ni Sir Albert."

Hindi nabawasan ang kaba ko.

Paano nga kung matanggal ako sa trabaho?

Paano kung hindi ako umabot sa grand finals?

Paano na kami ni Lennon?

"Basta, Rio. Ikaw ang bet namin. Galingan mo kasi kalahati ng boto, galing sa mga texts."

"Texts?"

"Oo. Kaya nga iyong iba, super nice sa mga fans kasi alam nila na advantage kung maraming boboto sa'yo." Paliwanag ni Janina.

"Eh hindi naman sila lahat nice." Sabi ko.

"Huwag kang gumaya sa kanila. Kundi dahil sa mga fans, hindi sisikat ang mga artista ano?" Payo niya.

"Mas maigi kong meron kang cellphone at social media accounts." Suggestion ni Paulie.

"Bakit?"

"Iyong mga contestants kasi, sa ganoong paraan nagrereach out sa mga fans nila."

"Eh di ba bawal ngang mag-share tungkol sa show?"

"Di mo naman isi-share ang tungkol sa episodes. Kuha ka lang ng selfie tapos I-post mo. Gamitan mo ng hashtag na The Chosen at saka vote for Rio kasi makakatulong din iyon na I-promote ang show at ang standing mo." Paliwanag ni Janina.

"Ang dami namang kailangang gawin." Reklamo ko.

"Huwag kang mag-alala. Kami na ang bahalang mag-manage ng account mo." Suggestion niya.

"Talaga?"

"Oo. Para makapagconcentrate ka sa pagpapractice."

"Salamat ha?"

"Punta tayo sa bahay mamaya at gagawan ka namin ng account sa Instagram at Twitter."

Kumunot ang noo ko.

Hindi ko alam ang sinasabi nila.

Nahalata ni Jan sa itsura ko na wala akong ideya sa mga sinasabi niya.

"Ipaliwanag ko sa'yo mamaya. Sana nga makabili ka ng phone kahit mumurahin lang para send mo na lang sa amin sa text."

"Pwede iyon?"

"Oo naman." Sagot ni Paulie.

"Baka hindi pumayag si Tita. Ngayon pa nga lang, kinukulit niya ako kung kailan ko makukuha ang fifty thousand."

"Grabe talaga yang tita mo!" Nakaismid na sabi ni Janina.

"Kung makahingi ng pera sa'yo, parang siya ang nag-audition."

"Itatago niya daw para di ko gastusin."

"Hay naku! Naniwala ka naman."

"Eh pinapadalhan naman siya ni Uncle ng pera. Di naman niya siguro gagalawin ang pera ko." Pagtatakip ko.

Kahit hindi kami masyado magkasundo ng tiyahin ko, ayokong siraan sila sa mga kaibigan ko.

Sa tono ng pananalita ni Janina, mukhang mas kilala pa nila sina Tita.

"Ewan ko pero duda ako diyan sa tita mo."

"Kung ako sa'yo, Rio, kapag nakuha mo ang pera mo, bawasan mo. Sabihin mo, tax." Nanunuyang sabi ni Paulie.

"Puwede iyon?"

"Pera mo iyon. Puwede kang magdahilan."

"Eh paano kung hindi maniwala si Tita? Lagot ako."

Napailing na lang sila.

Magkahalong awa at pagtataka ang nakita ko sa mukha nila.

Pagkatapos ng duty namin, nagtext ako kay Kuya gamit ang phone ni Paulie at sinabi na pupunta ako kina Janina.

Pagdating naming lima sa bahay, nanonood ng drama ang mama niya at tulog naman ang daddy niya.

Kinongratulate ako ni Tita Linda.

"Lalo kaming tututok sa The Chosen dahil sa'yo." Natutuwang sabi niya.

Nagpaalam si Janina na pupunta lang kami sa kuwarto niya.

Kulay yellow ang pader sa kuwarto niya at may nakadikit na poster ni Ellis Almeda at ng ka-loveteam nito na si Joseph Smith.

Sa poster, nakatayo sa likod si Joseph at nakapulupot ang mga braso sa bewang ni Ellis.

Ang ganda-ganda niya at parang ang happy sa picture.

Pero baka magaling lang siya mag-project?

Di ba napag-aaralan naman ang mga bagay na iyan?

Habang nakatingin sa poster, naisip ko kung totoo nga kaya na may relasyon sila ni Joseph kaya masaya siya?

Pero bukod sa happiness na pino-project nila, ang mata niya ang nakakuha ng atensiyon ko.

Bilugan at light brown tulad sa amin ni Len.

"Ba't natulala ka?" Tanong ni Paulie.

"Wala." Inalis ko bigla ang tingin sa poster.

Pinatong ni Janina ang backpack sa upuan na nasa gilid ng computer table.

"I-on ko ang computer tapos gawa tayo ng account mo." Sabi niya.

"Kailangan natin ng profile picture mo so pipicturan kita." Hinugot niya ang cellphone sa bulsa ng pantalon.

"Saan ka kaya pwedeng pumuwesto?" Tinapik-tapik niya ng hintuturo ang baba habang tinitingnan ang kuwarto.

"Alam ko na." Hinila ako ni Paulie at pinatayo sa likod ng pintuan.

"Pwede na dito."

"Sige. Tutal puti naman ang pintura at maliwanag kaya tumayo ka lang diyan."

Nilapitan niya ako at dinikit ang likod sa pintuan.

"Medyo ayusin natin ang buhok mo." Inangat niya ang kamay sa bandang bangs ko at natigilan ng makita ang peklat sa ibabaw ng kanang kilay ko.

Isang manipis na linya iyon at kulay puti.

"Anong nangyari diyan?" Tinuro niya ang peklat.

"Matagal na yan. Nadapa kasi nung bata pa ako. Bumuka daw kaya tinahi. Nang maghilom, naging ganyan."

"Kaya mo ba tinatakpan ng bangs mo?"

"Di naman. Gusto ko lang talaga na may bangs."

"Okay." Tinutok niya ang camera ng magsalita si Paulie.

"Teka. Ang plain naman kung puti ang pinto at puti din ang T-shirt niya."

"Oo nga." Iniwan ako ni Janina at binuksan ang closet na nag-uumapaw sa damit.

Pagbalik niya, inabot sa akin ang itim na leather jacket.

"Suot mo 'to. Medyo malaki yan pero pwede ng props natin."

Sinuot ko at maluwag nga dahil mas malaking bulas si Janina.

Natatakpan ang mga kamay ko ng mahabang sleeves.

"Sa unang picture mo, simpleng smile lang."

Sumunod ako sa sinabi niya.

Tatlong shot ang kinuha ni Janina at pinakita sa amin ni Paulie.

"Anong gusto mo sa tatlo?"

"Yung nakangisi lang kasi parang meron akong gagawing kalokohan."

Napailing si Paulie sa sinabi ko.

"Sabagay, kita sa mukha mo yung mischief." Agree naman si Janina.

Pagkatapos, pinag-project niya ako ng parang model.

May shot na side view ako tapos hinahawi ko ang bangs.

"Look natural, Rio." Akala mo ay professional photographer kung magsalita si Janina.

Iyong isa naman, nakatingin ako sa malayo at seryoso ang itsura ko.

Meron pang isa na pagkatapos niyang bumilang ng tatlo, tinaas ko ang kamay ko na nakasign ng rock n' roll.

Nilabas ko pa ang dila ko.

Tawa ng tawa si Paulie pero approved naman kay Janina dahil sa nakikita daw niya, parang rock chick ang magiging image ko.

"Tama na 'to." Lumapit siya sa computer para I-upload ang mga pictures.

Mabilis na nagtype siya sa keypad at sinearch ang Instagram.

Kailangan kong gumawa ng e-mail address dahil wala ako nito.

Sinulat ko sa notebook pati ang password.


Hindi pumayag si Paulie na ang gamitin ko ay 1234.

Common daw ito.

Madali daw mahahack ang account ko lalo na kapag sikat na ako.

"Ang laki ng bilib mo sakin." Pabirong sabi ko.

"Oo naman ano? Isa pa, magaling ka naman talaga."

Lumaki ang puso ko sa sinabi ni Paulie.

Kahit ngayon lang kami nagkakilala, full support sila sa akin.

Ang username na ginamit ni Janina sa Instagram ay RockinRio.

Ako ang nakaisip at impressed silang dalawa.

Bagay na bagay daw sa image na binubuo ko sa isip ng mga tao.

Noon pa man, rock n' roll na talaga ang gusto ko.

Ito kasi ang nakagisnan ko na laging tinutugtog ni Papa.

Pagkatapos gumawa ng profile picture, sinabi ni Janina na ang unang picture na ipo-post namin ay yung nakatingin ako sa malayo.

"Para kasing nagmumuni-muni ka tungkol sa future mo."

Nilagyan niya din ng hashtags na wishful thinking, The Chosen, Rock Chick at VoteforRio01794.

"Ganyan ang lagi mong gagawin kapag naghahashtag ka ha?"

Medyo nakakasunod na ako sa mga linguwaheng sinasabi nila ni Paulie.

Hindi naman kasi ako sanay sa mga ganito dahil wala naman nito sa probinsiya namin.

Malay ko ba sa mga tweet-tweet at insta?

"Kapag nag-start na ang voting, ang ite-text naman ng mga fans mo ay Rio01794."

"Kailangan din nating mag-follow ng mga celebrities para I-follow ka din nila. Unahin na natin ang The Chosen tapos yung mga judges." Payo ni Paulie.

"Saka mo na I-follow yung ibang contestants kapag nakuha mo ang mga account nila. Maganda na connected ka sa kanila kasi malimit, nagkakampi-kampi ang mga fans ng mga contestants at nakakatulong para mapataas ang standing ng isa't-sa sa show."

"Iba na talaga ang labanan ngayon dahil sa technology ano?"

"Oo kaya kailangan may phone ka para kung may mag-follow sa'yo, pwede mo ding I-follow kung gusto mo.

Tapos kung nagustuhan mo ang post nila, pindutin mo lang yung heart. Pwede ka ding mag-comment." Paliwanag ni Janina.

"Eh paano kung di pumayag si Tita na bumili ako ng phone?"

"Ako na ang bahala." Sabi ni Janina.

"Ang importante, masipag kang mag-post para updated ang mga fans mo. Kung delayed ang mga post mo, just let them know na busy ka. Iyon naman ang importante. Ang maramdaman ng mga fans mo na di mo sila nakakalimutan."

Pinakita niya sa akin ang picture ko.

Ginamitan niya ng filter na black and white kaya parang malungkot ang dating.

"Ang galing mo naman, Janina." Pinuri ko ang gawa niya.

"Expert na iyan." Sabi ni Paulie.

Nag-smile lang si Janina.

Natutuwa ako kasi ito ang unang social media account na ginawa ko.

Gumawa din kami ng Twitter account at ginamit namin ang same e-mail address pati password.

Pati username, pareho din sa Instagram.

Simple lang ang description na nilagay namin—loves to sing.

Wala na kasi akong maisip na ilagay.

Ang first tweet ko? Hello, it's Rio.

Ibang picture ang nilagay ni Janina para sa Twitter.

Ginamit niya yung nakarock n'roll sign ako.

"Ayan, ready ka na." Ngumiti siya at mukhang satisfied sa ginawa niya.

"Ako na ang bahalang magmanage ng accounts mo dahil for sure, magiging busy ka sa mga susunod na araw. Ipapa-approve ko muna sa'yo bago ako mag-post."

"Pwede ka ng maging social media manager, Jan." Kantiyaw ni Paulie.

"Oo naman. Kapag naging sikat na si Rio, saka na ako maniningil ng talent fee."

"Basta ba hindi kukunin ni Tita Gloria ang bayad sa akin eh."

Nagtawanan kami.

"Ngayon pa lang, di ko alam kung paano magpapasalamat sa lahat ng tulong ninyo."

"Don't worry. Basta magfocus ka sa show at kami na ang bahala sa'yo." Inakbayan ako ni Janina.

Pagkauwi ko, tinanong na naman ako ni Tita tungkol sa cash prize.

"Wala pa pong sinasabi sa akin." Sagot ko.

Nasa sala siya at naglalaro ng solitaire.

Nakahilera ang mga cards sa coffee table at umusok ang sigarilyo na nakapatong sa ashtray.

"Baka naman nagsisinungaling ka sa akin ha?"

"Hindi po."

Tinanong ko siya kung pwede akong bumili ng cellphone.

"Aanhin mo naman ang cellphone?"

"Kailangan ko po para sa contest."

"Di mo kailangan ang cellphone."

"Eh bakit po si Shania at Kuya, may cellphone sila. Kailangan po ba iyon sa school?"

"Oo. Kailangan iyon para sa mga assignments nila. Tinitext sila ng mga teachers kapag merong kailangan sa school."

Hindi ako naniniwala.

Pero alam ko na hindi siya papayag kaya hindi na ako nangulit.

Isa pa, pagod na ako at walang lakas na makipagdiskusyon .

Pagpunta ko sa kuwarto, nakasalubong ko si Manang Ising na may bitbit na laundry basket.

Hinila niya ako papasok sa laundry room.

"Gamitin mo muna ang cellphone ko." Kinuha niya sa bulsa ang telepono.

"Di na po." Tanggi ko.

"Hihiram na lang ako kina Janina."

"Kunin mo na." Bulong niya sabay patong ng phone sa dibdib ko.

"Malaki ang maitutulong nito sa'yo sa contest lalo na kung meron kang Instagram at Twitter."

"Alam niyo din po iyon?"

"Oo naman ano? Pinapadalhan ako ng mga pamangkin ko ng mga picture nila sa Instagram. Meron nga akong account eh. Ang di ko lang maintindihan eh yang mga tweet tweet na iyan."

"Ako na lang yata ang di masyadong updated sa mga ganyan."

"Paturo kay kay Ethan. Magaling siya sa computer. Ang mga barkada mo, marunong din ang mga iyon."

"Sila nga po ang nakaisip nito eh."

"Basta huwag ka na lang maingay at baka mapagalitan ka ng tita mo."

"Eh paano mo kayo? Anong gagamitin niyo?"

"Ako na ang bahala sa mga kamag-anak ko."

"Salamat po." Nahihiya man ay tinanggap ko ang tulong niya.

"Pinagdarasal ko na sana ikaw ang manalo. Magaling ka at magandang oportunidad ito para sa inyong magkapatid."

"Kapag ako po ang nanalo, sabay-sabay tayong aalis dito."

"Huwag mo akong alalahanin at kaya ko namang bola-bolahin iyan si Gloria."

Nauna na siyang lumabas ng laundry room at pumasok naman ako sa kuwarto.

Pinindot ko ang telepono at lumabas ang picture ni Manang Ising kasama ang isang batang babae at lalake.

Nakangiti silang lahat sa picture.

Naalala ko si Lola Adelfa at kami ni Len noong mga bata pa kami.

Si Manang Ising ang tumatayong guardian angel namin.

Kahit merong humahadlang sa mga bagay na gusto ko, mas maraming tao ang tumutulong sa akin.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top