Chapter 14: Audition Time
Habang naghihintay kami na tawagin ay binigyan ako ni Kat ng business card.
"Pag may time ka, punta ka sa bar namin. Tuwing Sabado, may live band at pwedeng kumanta ang sinong may gusto at may lakas ng loob."
Nagtawanan kami.
"Pero di ka pwedeng uminom kasi mukhang ang bata mo pa."
"Seventeen lang ako."
"Oh my god! Hindi halata."
"Kasi ang tanda kong tingnan?"
Hinataw niya ako sa hita.
"Hindi 'no. Ang tangkad mo kasi."
Lumabas ulit ang PA at tinawag ang number niya.
"Ako na." Tumayo si Kat.
"Kinakabahan ako pero kaya ko 'to." Huminga siya ng malalim at inayos ang blazer.
Nag-goodluck ako sa kanya.
Nang makaalis na siya, bumalik ang kaba ko.
Noong nag-uusap kasi kami, nalibang ako dahil palabiro si Kat at ang dami niyang kuwento tungkol sa mga contest at auditions na sinalihan niya dati.
Hindi daw niya alam pero hindi siya sinuwerte..
"Kung di pa rin ako makapasok dito, siguro dapat ko ng tanggapin na hindi pang-TV ang talent ko." Sabay tawa.
Ganoon siya magsalita.
Nagagawa niyang magbiro kahit seryoso ang pinag-uusapan namin kaya ang gaan ng loob ko sa kanya.
Bumukas na naman ang pinto at lumabas ang babae na nauna kay Kat.
Glittery ang suot nitong tube top at mini skirt.
Pati ang make-up, sobrang kapal.
Hindi bumagay sa maitim niyang kulay ang red colored lipstick na ginamit niya.
Umiiyak ito na lumapit sa dalawang lalake na kasama niya.
Sa itsura nito, parang pinagsakluban ng langit at lupa.
Nagyakapan sila at sabay-sabay na lumabas ng studio.
Sa loob ng mahigit na singkwentang contestant natawag, wala pa sa lima ang nakapasok.
Tama nga na parang dumadaan sa butas ng karayom para makasali sa show na ito.
Nanlamig lalo ang kamay ko.
Ang pwede ko na lang gawin ay magdasal at ipaubaya sa Diyos ang lahat.
Kung paniniwalaan ko ang sinabi sa akin dati ni Papa na musically inclined ako dahil kahit di niya ako turuan ay nagagawa kong tumugtog ng mga instrumento, at least nasa akin ang talent.
Di ba nga may kasabihan na nasa Diyos ang awa at nasa tao ang gawa?
Gagawin ko ang best ko para sa audition na ito at para hindi ako manilbihan kina Tita Gloria.
Pero ang pagpapala ng Diyos ang magiging susi ng aking tagumpay.
Nang lumabas si Kat, hinanap niya agad ang mama niya at ang anak.
Sa laki ng ngiti sa mukha niya, alam ko na meron siyang good news.
Paglapit sa mama niya, tumili ito ng malakas at sinabi na nakapasok siya.
Natuwa ako sa sinabi niya at pinagmasdan siya habang kinakarga ang anak sabay pupog ng halik sa pisngi nito.
Kinongratulate siya ng mga tao sa paligid.
Binitbit ng mama niya ang dala nilang diaper bag at akala ko aalis na sila.
Nang makita kong lumalakad sila palapit sa pwesto ko, tumayo ako.
"Congrats!" Sabi ko kay Kat.
"Thank you. Pinagpray ko na makapasok ka din para magkasama tayo."
"Salamat."
Pinakilala niya ako sa mama niya na si Tita Eden.
Mestisa siya, mamula-mula ang pisngi at matangos ang ilong.
Light brown ang kulay ng mata at kapag natatamaan ng liwanag ay parang bolang apoy.
Kung si Kat ay medyo malaki ang biyas, si Tita Eden naman, payat.
"Uuwi ka na ba?"
"Hindi pa. Ihahatid ko lang sina mama sa taxi para di na sila maghintay dito. Kakausapin daw ako at bibigyan ng instructions kung ano ang gagawin para sa next episode."
Nagpaalam na silang mag-iina at bumalik ako sa kinauupuan.
Pakiramdam ko, ang haba ng oras habang naghihintay.
Pero sabi nga ni Kat kanina, kung walang tiyaga, walang nilaga.
Ilan pang luhaang contestant ang lumabas sa pintuan.
Lalo akong pinanghihinaan ng loob kapag nakikita ko ang mga hindi pinalad.
Nang tinawag ang numero ko, hindi ako agad nakatayo.
"Number 01794?" Lalong lumakas ang boses ng PA na kulay pula ang buhok at natatakpan ang isang tenga ng headphones.
"Rio, ikaw na." Sigaw ni Janina na nakaupo sa likurang bahagi ng waiting area.
Dahan-dahan akong tumayo at bago lumapit sa PA ay nagsign of the cross.
Liwanag.
Iyon ang una kong napansin ng hinatid ako ng PA papunta kay Marky at Jessica.
Para silang mga model ng toothpaste dahil bukod sa sobrang puti ng mga ngipin, parang permanenteng naka-tape ang mga labi sa kakangiti.
Tinanong nila ang pangalan ko.
"Riordan?" Ulit ni Marky.
Di siya masyadong katangkaran at namimintog ang mga muscles sa suot na slim fit na blue polo shirt na may maliliit na bulaklak na design.
Faux hawk ang style ng buhok at tirik na tirik dahil sa ginamit na styling gel.
"Opo." Sagot ko.
"Parang yung name ng The Cranberries tama ba?" Tanong naman ni Jessica.
Mahaba ang light brown na buhok niya, almond ang shape ng mata, medyo matangos ang ilong at payat.
Lalo siyang pumayat sa suot na charcoal long-sleeved shirt na pinaresan ng mahabang silver necklace na swan ang pendant.
"Tama po." Matipid na sagot ko.
"Sinong mga kasama mo?" Tinapat ni Marky sa bibig ko ang mic.
Ang hina kasi ng boses ko dahil sa nerbiyos.
"Kapatid ko po, pinsan at mga barkada."
"Riordan," Tinawag ako ni Jessica at siya naman ang hinarap ko.
"Rio na lang po para mas madali."
"Okay. Rio, anong nararamdaman mo na malapit ka ng humarap sa mga judges?"
"Para po akong hihimatayin sa nerbiyos." Pag-amin ko.
Tumawa sila.
Hindi na siguro bago sa kanila ang ganitong sagot.
"Rio," Inakbayan ako ni Marky at ang bigat ng kamay niya.
"Lahat tayo nakakaexperience ng ganyan. But we wish you all the best."
"Tama si Marky." Sang-ayon ni Jessica.
"As long as you're prepared, don't ever doubt that you could be the next winner of..."
"The Chosen!" Sabay silang nagsalita sabay harap sa camera.
Tapos ng magperform ang susundan ko.
Hindi lang kamay ang malamig sa akin kundi pati ang katawan ko.
Baka bago ako tumapak sa stage ay himatayin ako.
Huwag naman.
Nakakahiya.
For sure magiging headline sa TV kapag nangyari iyon.
Ayokong makilala bilang contestant na hindi nakakanta dahil sa hinimatay sa sobrang kaba.
Humigpit ang hawak ko sa gitara ng tinawag na ako para lumapit na sa stage.
Mas maliwanag dito at tama nga si Margo na malamig.
Nanuot sa sleeves ng jacket ang lamig galing sa aircon.
"Who do we have here?" Tanong ni Joaquin Almeda habang nakataas ang mga daliri.
Kulot ang maitim na buhok niya at may bigote.
Nakasuot siya ng dark blue sport coat at bukas ang dalawang butones ng gray shirt.
Matinis ang boses niya at friendly siya kung ngumiti.
"Hello po. Ako po si Riordan Ybañez." Magalang na sagot ko.
Dumako ang tingin ko kay Marlene Beltran.
Naalala ko iyong mga kontrabida sa mga teleserye hindi dahil nakataas ang kilay niya kundi dahil hindi mabasa ang expression sa mukha niya.
Pero ang mga mata niya, nanunuri.
Napalunok ako.
Sana hindi na lang sinabi nina Janina ang tungkol sa kanya.
Nadagdagan tuloy ang kaba ko.
"Riordan. What a unique name." Sabi naman ni Camille.
Nakaponytail ang brunette niyang buhok.
Maliit ang bilugang mukha, bronze ang kutis at labas ang collar bone dahil sa suot na gold off-shoulder top.
"Thank you." Ngumiti ako.
"What are you going to sing for us, Rio?" Tanong ni Xavier.
Tsinito siya, maputi at parang Korean pop star ang style ng buhok.
Tulad ni Marky, kitang-kita din ang maskuladong muscles niya sa suot na fitted black shirt.
"One Way Or Another po by Blondie." Tumaas ang kilay ni Marlene at nagtinginan si Camille at Xavier.
"Wow! This is new." Sabi ni Joaquin bago dumiretso sa pagkakaupo.
Ang mga audience, nagbulungan.
Lalo akong ninerbiyos.
Diyos ko po.
Mali yata ang desisyon ko na sumali dito.
"Okay. Show us what you got, Rio." Sabi ni Xavier.
Dumilim sa studio at sa akin nakatutok ang spotlight.
Tinipa ko ang D-chord intro at tulad ng laging nangyayari kapag tumutugtog ako, wala akong ibang nakikita at naririnig kundi ang sarili ko at ang tunog ng gitara.
Pumapadyak pa ang paa ko habang tumutugtog.
Ito ang kinanta ko sa unang contest na sinalihan ko sa probinsiya namin.
Seven years old yata ako noon.
May record si Papa ng Blondie at naalala ko na noong marinig ko ang kanta, sayaw ako ng sayaw kahit di ko naiintindihan kung ano ang ibig sabihin ng lyrics.
Basta sinabayan ko ang melody.
Sumali si Papa sa pagsayaw at paikot-ikot kami sa sala habang hawak niya ang mga kamay ko at nakatapak naman ang paa ko sa sapatos niya.
Palapit pa lang ako sa mic para kantahin ang unang stanza ay nakita kong umangat ang kamay ni Marlene.
Namangha ang manonood at kahit natigilan sa nangyari, pinigil ko ang magpaapekto sa nakita dahil mula sa stage, sunod-sunod na tumaas ang mga banner ng tatlong judges.
May narinig akong tunog ng mga fireworks.
Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin noon dahil walang nabanggit sa akin sina Margo at Janina tungkol dito.
Pinagpatuloy ko ang pagkanta at bago dumating sa refrain ay tumayo si Marlene at nagsayaw.
Tinuro ko siya ng banggitin ang linya na I'm gonna win ya.
Nginitian niya ako at ngumiti din ako sa kanya.
Ang nerbiyos na naramdaman ko kanina ay napalitan ng excitement.
Pagdating sa instrumental, napanganga si Xavier.
Hindi bago sa akin ang guitar riffs.
Bata pa ako, tinuro na ito sa akin ni Papa.
Dahil maikli pa noon ang mga daliri ko, kailangan kong I-stretch para maabot ang mga chords.
Ilang Band-Aid ang nagamit niya dahil sa dumudugong daliri.
Sermon ang inabot namin kay Mama.
Bakit daw ako tinotorture ni Papa?
Bakit hindi daw ako mag-start sa mga basic na kanta tulad ng Happy Birthday?
Ang sabi ni Papa, parte ito ng pagtugtog.
Kung gusto ko daw gumaling sa paggigitara, dapat lagi akong magpractice.
Dapat handa akong masugatan dahil doon daw kakapal ang kalyo ng mga daliri ko.
"Kalokohan." Sabi ni Mama sabay talikod.
Habang nakatayo sa stage at nakikita na sumasayaw ang ibang audience, naramdaman ko ang saya na sinasabi sa akin ni Papa noon.
Ganito pala ang pakiramdam.
Kaya pala tuwang-tuwa si Papa kapag nagkikuwento tungkol sa mga performance nila.
Nakakataba ng puso na makita na masaya ang mga tao.
Standing ovation ang mga audience pagkatapos kong kumanta.
Hindi matapos-tapos ang ang palakpakan at di ko na mapigil ang umiyak.
Nawala ang panlalamig ng katawan ko.
Parang tambol ang bilis ng kabog ng dibdib ko dahil sa magkahalong tuwa at nerbiyos
Ang laki ng puso ko dahil sa hindi ako makapaniwala sa reaksiyon di lang ng mga judges kundi pati ng mga audience.
Nang tumigil ang mga tao, nanatiling nakatayo si Marlene at hinarap ang iba pang judges.
"I call dibs on this one."
Natawa ang mga kasama niya.
"Where have you been, Riordan?"Tanong niya sa akin.
"I'm outside, Mam."
Nagtawanan ang mga audience.
"At kaliwete ka talaga?"
Tumango ako.
"Wow! Just wow!" Umupo na siya ulit.
"What you did was very impressive, Rio." Sabi naman ni Xavier.
"It's been a while since nagkaroon ng impromptu party sa studio."
Humiyaw ang mga tao.
"You heard the sound of fireworks, right?" Tanong sa akin ni Joaquin.
"Yes."
"You are the first one to get it which means you get the highest seal of approval. It also means you get to go home with fifty thousand pesos and you are coming back next week."
"Thank you, po." Sumaludo ako sa kanila at lumabas na ng stage.
Pagbalik ko sa backstage, nandoon na sina Len at ang mga kaibigan ko.
Nakikipagkuwentuhan sa kanila si Marky at Jessica.
Tumitili sila sa tuwa at niyakap ako ni Janina at Margo.
Nakangiti na ako dahil tapos na akong kumanta.
"That was amazing." Inakbayan ako ni Marky at di ko na alintana ang bigat ng kamay niya.
"Matagal ng hindi nagtataas ng banner si Miss Marlene, Rio." Sabi naman ni Jessica.
"Anong feeling mo ng nangyari iyon?"
"Gusto ko pong sabihin na speechless kaso kailangan kong kumanta sa harap niya." Sagot ko.
Tumawa sila.
"Well, Rio, congratulations! You won fifty thousand pesos and you get to come back next week where you get to choose your coach and meet your teammates."
Tumutok sa aming lahat ang camera.
"Stay tuned for The Chosen." Sabi ni Marky tapos tinapat niya kina Janina ang mic.
"Dream, Rise, Inspire." Sabay-sabay nilang sigaw.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top