Chapter 13: Katrina
Pagdating namin sa studio, pinababa kami ng tatay ni Margo dahil wala siyang mahanap na parking spot.
Sabay-sabay kaming lumakad sa tapat ng entrance na punong-puno ng mga tao.
Puro likod at ibabaw lang ng ulo ng mga tao ang nakikita ko.
Dikit-dikit at nagsisiksikan sila.
Hindi magkamayaw ang mga guwardiya sa pagsasalita gamit ang megaphone para maayos ang pila pero parang walang nakakaintindi.
Katabi ko si Len at Kuya Ethan.
Nakasabit sa balikat ni Kuya ang gitara ko at nang papalapit kami ay pinagtitinginan siya ng mga tao.
Guwapong-guwapo kasi ito sa suot na tight-fitting jeans at saka asul na polo shirt.
Matikas naman kasi ang pinsan ko kaya kuha niya ang atensiyon ng mga tao.
Akala siguro nila, siya ang sasali sa contest.
Tumigil kami sa ilalim ng puno ng acacia dahil doon na lang ang available na space.
"Ito na ba ang outfit mo?" Tinuro ni Margo ang kupas kong maong na may butas sa tuhod dahil sa kakalaba, white T-shirt na lalong pumuti dahil sa binabad sa Zonrox at ang luma kong itim na canvas shoes.
"Oo. Bakit?"
"Baka lamigin ka sa loob dahil airconditioned ang studio."
"Paano mo naman nalaman?" Tanong ni Eddie na nilalantakan ang baon naming potato chips.
"Di ba dati nanood kami ng noontime show nina Tita Bella noong bumisita sila galing Austria?"
"Wala na akong ibang dalang damit."
Tinanggal ni Margo ang maong na jacket na nakapulupot sa bewang niya.
"Isukat mo kung kasya sa'yo."
"Nakakahiya naman."
"Huwag ka ng mahiya. Kesa naman mangatog ka sa loob."
Kinuha ko ang jacket at parang sinukat lang ng maisuot ko.
"Ayan! Kasyang-kasya." Nakangiting inayos niya ang kuwelyo na tumabingi.
"Bagay sa'yo." Sabi naman ni Janina.
"Ang vibe na napi-feel ko parang rock chick." Dugtong pa niya.
"Kinakabahan ako." Pag-amin ko sa kanila.
"Normal yan, Rio. Maganda ang may konting nerbiyos di ba?" Sabi ni Paulie.
"Madali para sa'yo na sabihin kasi di naman ikaw ang kakanta at haharap sa mga judges."
Napakamot siya sa batok.
"Tama. Kung ako ang nasa pwesto mo, baka naihi ako sa nerbiyos." Sabi ni Paulie.
Nagtawanan kaming lahat.
May narinig kaming tumuktok sa microphone.
Nakita ko na tumayo sa gitna ang isang maliit na lalake at winelcome kaming lahat sa Studio 5.
Benj ang pangalan niya at sinabi niya na sa loob ng limang minuto ay bubuksan na ang gate para sa mga contestants.
Ang mga companions, sa kaliwang bahagi magi-stay.
Bawal pumasok dahil hindi kasya lahat.
Lahat ng mago-audition, pipila sa kanan.
Magreregister kami tapos uupo sa puting tent habang naghihintay na tawagin ng isang production assistant.
Dalhin daw namin ang kailangan namin sa performance dahil kapag nasa backstage na kami, di na kami pwedeng lumabas ulit.
Nagpasalamat siya sa amin.
Pag-alis niya, parang mga bubuyog ang boses ng mga tao dahil sa excitement.
Para akong masusuka sa nerbiyos.
Malamig ang mga kamay ko at ang lakas ng kabog ng dibdib ko.
"Kaya mo iyan, Ate." Hinawakan ako ni Len sa kamay.
Tinitigan ko siya.
Si Len ang inspirasyon ko para patuloy na lumaban.
Kung wala siguro siya, hindi ako magbabakasali.
"Para sa'yo 'to." Ginulo ko ang buhok niya.
Tumango siya at ngumiti.
"Isipin mo si Lola. Siguradong matutuwa iyon kapag narinig ka niyang kumanta." Paalala niya.
May kumurot sa puso ko ng banggitin niya si Lola Adelfa.
Para malibang kami dati, lagi siyang nagrerequest na kantahin yung paborito niya na Moon River.
Bago ako umabot sa kalagitnaan ng kanta, tumutulo na ang luha niya.
Lagi kasi naming naririnig sa radyo ang kanta na ito at kapag kumikilos siya sa bahay, sinasabayan niya ng pagkanta.
Kinalabit ako ni Janina.
"Mago-open na ang gate."
Para kaming nagpuprusisyon habang sama-samang pumapasok sa loob ng studio.
Kahit anong takot ang nararamdaman ko, wala na talagang atrasan.
Kailangan kong gawin ito dahil kung hindi, habang buhay akong maninilbihan kina Tita Gloria.
Inabot sa akin ni Kuya ang gitara bago kami maghiwalay.
"Goodluck, Rio."
Nilapag ko ang gitara sa semento.
"Kuya, paano kung di ako makapasok?"
Sa lahat, siya ang nakakaalam ng tunay na dahilan.
Narinig ko sila ni Tita na nagtatalo dahil di siya payag na maging alila nila ako.
Ang sabi pa ni Kuya, pamilya kami at hindi katulong.
Nasampal siya ni Tita at naawa ako kay Kuya.
Pati tuloy siya nasaktan dahil sa ginawa ko.
"Huwag mong isipin iyon. Hindi papayag si Daddy na ganoon ang mangyari."
Gusto kong paniwalaan ang sinabi niya pero seryoso si Tita Gloria sa usapan namin.
Pero wala na akong magagawa.
Napasubo na ako.
Hinabilin ko sa kanya si Len at sumama na ako sa mahabang pila ng mga nagpaparehistro.
Libo-libong tao ang nandito at nakikipagsapalaran.
Kahit maaga pa lang, mataas na ang sikat ng araw at mainit na ang panahon.
Butil-butil ang pawis sa noo ko habang naghihintay na makarating sa harapan.
Noong buhay si Papa, malimit niyang sabihin kay Mama na hindi niya malalaman kung may pag-asa siyang madiscover kung hindi siya makikipagsapalaran.
Ang gusto naman ni Mama, humanap siya ng matinong trabaho.
Puwede naman daw tumugtog kapag walang pasok.
Basta huwag lang iyong buong oras niya ay nakalaan sa pagsama sa banda.
Pero buo na ang isip ni Papa.
Hindi daw siya ang tipo ng tao na uupo sa opisina sa loob ng walong oras.
Nakatapos naman si Papa sa college at may degree ito sa music.
"Eh pwede ka namang magturo di ba?" Pangungumbinsi ni Mama.
Ayaw din ni Papa ng ganoon.
Wala daw siyang pasensiya.
Baka daw masuntok niya lang ang mga pasaway na estudyante.
Nang mapuno si Mama dahil walang makitang malinaw na direksyon sa asawa niya, umalis na lang siya ng walang paalam.
Umupo ako sa tabi ng isang babae.
Nakadikit sa suot niya na gray blazer ang number niya—01756.
Ako ang number 01794.
Lahat ng number sa 17 nagsisimula dahil Season 17 na ng The Chosen.
Nginitian ako ng babae.
"Hi. I'm Katrina. Kat for short." Inabot niya ang kamay.
"Riordan." Nagkamay kami.
"Dolores O' Riordan?"
Tumango ako.
Sa wakas, may tao na nakagets agad at di ko kailangang magpaliwanag sa origin ng pangalan ko.
Napansin ko ang nunal sa kaliwang pisngi niya.
Mestisahin si Katrina at kulay dark brown ang buhok na abot hanggang balikat.
Medyo chubby siya at straight ang maputing ngipin.
"Wow! Ang unique ng name mo. Nice to meet you. First time mo dito?"
"Oo. Ikaw?"
"First time ko din."
"Sinong mga kasama mo?"
Tumingin siya kung saan nakaupo ang mga guests.
"Si Mama at saka ang anak ko na si Khrishna."
Kinawayan niya ang anak.
Nakapigtails ang buhok niya at may hawak siya na brown teddy bear.
"Wala ang asawa mo?"
Natigilan ako bigla.
"Sorry." Uminit ang pisngi ko.
Bakit ko naman inassume na may asawa na siya?
"Okay lang. Nang malaman niya na buntis ako, di niya pinanagutan." Prangkang sagot niya.
"Sorry ulit."
"Buti nga at ginawa niya iyon dahil magiging complicated lalo ang buhay namin."
Tumango lang ako at di na nag-usisa.
"Ikaw? Sinong kasama mo?"
Tinuro ko si Len at ang mga kaibigan ko.
"Saan ang parents mo?"
"Patay na si Papa. Si Mama naman di ko alam kung nasaan."
"Nandito ang Mama mo?"
Umiling ako.
"Wala. Matagal niya na kaming iniwan."
"Ah. Pareho pala tayong iniwan ng mga mahal natin sa buhay."
"May karma." Bigla kong nasabi.
"Uy. Bitter ka. Masama iyan." Pabirong sabi niya.
"Di ko maiwasan eh." Pag-amin ko.
"Ikaw, di ka ba bitter sa nangyari sa'yo? Ang cute pa naman ng anak mo."
"Noong una, oo. Lalo na at eighteen lang ako nung mabuntis. Ang aga kasing lumandi, hayan tuloy." Ngumiti siya.
"Pero ang sabi sa akin ni Mama, may mga tao at bagay na hindi talaga para sa'yo. Kesa naman daw magmukmok ako, mas mabuti pa na tanggapin ko ang katotohanan tapos magmove on ako."
"Ang daling sabihin ng ganoon ano?"
"Oo pero sabi nga nila, mother knows best kaya sinunod ko si Mama. Noong una, ang hirap kasi pinagpatuloy ko ang pag-aaral tapos baby pa si Khrishna. Pero sabi nga, pag may tiyaga, may nilaga. Natapos ko yung course ko na HRM at ngayon, nagwowork ako bilang manager sa isang bar sa Makati."
Kita ko ang pride sa laki ng ngiti niya.
"Ang galing mo naman. Nakakainspire."
"Naku! Kung wala si Mama at ang mga kapatid ko, di ko kakayanin. Team effort at totoo nga na it takes a village to raise a child."
"Mahilig ka sa quotes?"
"Medyo."
Natigil ang kuwentuhan namin dahil nagsimula ng tawagin ang mga contestants.
"Malayo pa naman tayo pero goodluck, Riordan."
"Rio na lang ang itawag mo sa akin."
"Okay."
"Goodluck din sa'yo, Kat."
"Sana, pareho tayong makapasok."
"Sana nga."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top