Chapter 10: Why Don't You Audition?
Unang sahod at niyaya ako nina Janina na sumamang manood ng sine pero tumanggi ako.
Bukod sa wala ang card ko, hindi din ako nakapagpaalam.
"Ang KJ mo naman. Kasasahod lang natin, mag-enjoy naman tayo."
Nagbibihis kaming tatlo sa staff room.
Na-extend ang duty nina Paulie at di na namin sila mahihintay.
"Eh hindi nga ako pwede. Kayo na lang ni Margo."
Pinasok ko ang maduming apron at T-shirt sa plastic bag bago nilagay sa backpack.
"Kung ayaw mong gumastos, ililibre na lang kita." Pamimilit ni Janina.
"Hindi naman yan ang dahilan kung bakit ayokong sumama."
Tumayo si Margo at lumapit sa salamin para magsuklay.
"Eh bakit ayaw mong pumayag? Ngayon lang tayo lalabas na tatlo."
Pareho silang nakatingin sa akin.
Pwede akong magsinungaling pero ilang araw na mula ng kunin ni Tita ang card ko eh masama pa din ang loob ko.
"Kinuha ni Tita ang ATM ko."
"Ano? Bakit?" Nanlalaki ang mata na tanong ni Janina.
"Para daw hindi ako gumastos."
"Sorry, Rio. Di ko kasi alam."
"Ayoko sanang sabihin sa inyo pero masama ang loob ko sa ginawa niya." Hinila ko ang plastic na upuan at umupo.
Umupo din silang dalawa.
"Eh di ba mayaman sina Ethan?" Tanong ni Margo.
"Oo nga." Sang-ayon naman ni Janina.
"Pero iyong mama niya, kilalang mayabang at mukhang pera." Dagdag ni Janina.
"Sa St. Martin, kilala si Shania na laging bago at updated ang mga gamit. Noong lumabas ang apple watch, siya ang unang nagkaroon nito sa school. Tapos pati ang cellphone niya, di ba iphone 11?" Kuwento naman ni Margo.
Lalo lang akong naiinis sa mga naririnig ko.
Kung makapagsalita kasi si Tita, akala mo naghihikahos.
Napansin ko din na pati sa pagkain, hindi nila kami sinasabay ni Len at nakaportion ang ulam namin.
Malimit, isang maliit na mangko na may dalawang hiwa ng karne at puro gulay.
Okay lang sana kaso hindi kasya kay Len ang pagkain lalo na at napansin ko na tumangkad ito.
Ang ginagawa ko na lang, sa akin ang sabaw at sa kanya ko binibigay ang ulam.
Libre naman kasi ang pagkain namin sa Happy Chicken at kung lampas anim na oras ang duty namin, fried chicken at unlimited na kanin with softdrinks ang meal namin.
Minsan nga, gusto kong iuwi na lang kay Len ang
fried chicken kaso bawal naman.
Kapag nakita ng guwardiya na naglabas ako ng pagkain, siguradong masisisante ako.
"Ganito na lang." Biglang lumiwanag ang mukha ni Janina.
"Sumama na lang kayo sa bahay at dun na lang tayo kumain. Magti-takeout na lang ako ng 12-piece chicken at saka strawberry cream pie kasi request ni Mommy."
"Di pa din ako pwede kasi di nga ako nagpaalam."
"Bakit di ka na lang tumawag sa inyo tapos sabihin mo na-extend ang duty mo?" Mungkahi naman ni Margo.
Nagulat ako sa sinabi niya kasi sa itsura niya, para siyang anghel na nahulog sa lupa.
Siya iyong tipo ng tao na parang hindi magsisinungaling.
"Tama! Ang galing mo talaga, Margo." Tuwang-tuwa na naman si Janina.
"Eh paano kung malaman ni Tita eh di lagot ako?"
"Rio, minsan lang naman tayo gagala. Isa pa, hindi malalaman ng Tita mo kung walang magsusumbong di ba?"
Medyo nakukumbinsi na ako.
"Sige pero saglit lang tayo ha?"
"Yan! Bumaba na tayo at pipila na ako."
Paglabas namin ng staff room, meron akong naisip.
"Margo, pwede hiramin ang phone mo?"
"Bakit?"
"Alam ko na ang gagawin ko."
"Tatawag ka?"
"Hindi."
"Eh ano?"
"Iti-text ko si Kuya Ethan."
"Sa tingin mo, hindi ka niya isusumbong?"
"Di naman siguro. Ayoko lang talaga magsinungaling. Isa pa, baka hanapin ako ng kapatid ko."
Kinuha niya ang phone sa bulsa at inabot sa akin.
Tinext ko si Kuya at saglit ko pa lang nasend ang message ay nagreply na siya agad.
"Anong sabi ni Ethan?" Nakatingin si Margo sa phone niya.
"Have fun daw."
Sinamahan namin si Janina sa pila.
Pagkatapos niyang bumili, lumapit siya sa counter manager na si Mam Kathy para ipacheck ang mga binili niya.
Ito ang first time na hindi ako uuwi ng diretso galing sa trabaho.
Paglabas namin ng restaurant, feeling ko, ngayon ko lang naramdaman ang maging isang teenager.
Kahit kasi noong nasa probinsiya ako, hindi din ako masyado gumagala.
Kailangan kasi ni Lola ang tulong ko.
Sumakay kaming tatlo sa tricycle papunta sa bahay ni Janina.
Nasa loob silang dalawa ni Margo at nakaupo ako sa likod ng driver.
Sa Maharlika Village sila nakatira.
Pagpasok ng gate, di ko maiwasang ikumpara ang lugar nila sa lugar nina Uncle.
Malinis din ito pero bungalow ang mga bahay at simple lang ang itsura.
Gawa sa jalousie ang mga bintana at ang bubong ay gawa sa yero.
Pumara si Janina sa tapat ng isang bahay na kulay pula ang bubungan.
Ito ang pinakamagandang bahay na nakita ko dahil parang kapareho ng style ng bahay nina Uncle.
Nagkaiba lang sa pintura dahil two-toned ang kulay ng pader.
Light pink ang itaas at beige naman ang kulay ng haligi pati na din sa ilalim ng bintana.
"Pasok kayo." Binuksan niya ang bakal na gate at pinapasok kami ni Margo.
Sa gate pa lang ay dinig ko ang pagkanta ng isang lalake.
"Nagvivideoke pala si Daddy." Sabi niya sabay bukas ng pinto.
Halos mabingi ako sa lakas ng tugtog.
Release Me ni Engelbert Humperdinck ang binabanatan ng daddy niya.
Nginitian lang niya kami ng pinakilala kami ni Janina at nagpatuloy siya sa pagkanta.
Nagmano dito si Janina at narinig ko na tinanong kung nasaan ang mommy niya.
Nasa parlor daw at nagpapagupit.
Pasigaw na tinuro sa amin ni Janina ang sofa.
Umupo daw muna kami at maghahanda siya ng pagkain.
Magkatabi kami ni Margo at tahimik na pinanood ang Daddy ni Janina.
Hindi din naman kami magkarinigan dahil sa lakas ng tugtog.
Malapit ng matapos ang kanta at kung pwede ko lang takpan ang tenga ko, ginawa ko na.
Sintunado kasi ang Daddy niya at nauuna sa lyrics.
Pero sa itsura niya, feel na feel niya ang pagkanta.
Papikit-pikit pa ito at feel na feel ang lyrics.
In-enjoy ko na lang ang kanta.
Hindi naman ito singing contest.
Ang mahalaga, happy ang daddy ni Janina.
Nang matapos ang kanta, hinintay namin ang score niya.
Ninety-two percent.
Pumalakpak kami ni Margo.
"Kayo naman." Inabot niya sa akin ang microphone.
"Thank you po." Kinuha ko tapos inabot kay Margo.
"Ikaw na. Hindi ako marunong kumanta." Lumayo siya sa akin na akala mo ay may virus ang microphone.
"Kanta na kayo. Di pa naman ako tapos magready ng pagkain eh." Sabi ni Janina pagbalik niya.
Nakatitig sa akin ang Daddy niya at naghihintay na pumayag ako.
Kinuha ko ang songbook at nakita ang kanta na malimit gitarahin ni Papa para kay Mama nung magkakasama pa kaming lahat.
Pinindot ko ang number sa numeric keypad sa microphone at kumunot ang noo ng Daddy ni Janina dahil sa song choice ko.
Burning Love ni Elvis Presley.
Pagkatapos ng intro, sinabayan ko ang lyrics sa TV.
Kahit hindi ko basahin, memoryado ko ang kanta dahil noong buhay pa si Papa, lagi niyang sinasabi kay Mama na ito ang naramdaman niya ng una niya itong nakita na nanonood sa kanya.
Pero ang init ng pagmamahalan nila ay hindi nagtagal.
Marami pang pangarap si Mama sa buhay niya samantalang si Papa, kuntento sa buhay niya.
Nang mawala ang init sa puso niya, nakalimutan niya na may dalawa pang tao na umaasa sa kanya.
Naramdaman ko ang pag-akyat ng emosyon sa lalamunan ko pero mabilis akong lumunok para bumaba ulit ang lungkot na naramdaman.
Nakangiti ang Daddy ni Janina at mukhang nai-entertain ng maigi sa ginawa ko.
Nginitian ko din siya.
Si Margo naman, natulala.
Ginaya ko din kasi ang boses ni Elvis sa pagkanta.
Nang matapos ang kanta, naghintay kami sa score.
One hundred percent.
Todo ang palakpak ng Daddy ni Janina.
"Magaling ka pala kumanta. Bakit di ka sumali sa The Chosen?" Sabi niya habang pinipindot ang number sa microphone.
Alam ko ang sinasabi niya dahil gabi-gabi, nakatutok sina Tita at Shania para manood.
"Wala po sa ganoong level ang pagkanta ko."
"Anong wala?" Lumabas si Janina na may hawak na bote ng Coke.
"Napanood mo na ba iyon?" Tanong ni Margo.
"Oo."
"Eh yung ibang contestant, naghahanap lang yata ng fifteen minutes of fame nila kasi kahit di marunong kumanta, sumasali."
"Iyon na nga eh. At least sila, may lakas ng loob na sumali. Baka mamatay lang ako sa nerbiyos pag-akyat ko sa stage."
"Rio, ikaw may talent. Sa panahon ngayon, pakapalan lang ng mukha kung gusto mong sumikat."
"Wala naman akong balak sumikat."
"Subukan mo lang." Tumabi sa akin si Janina.
"Kung hindi ka mapili, at least sinubukan mong mag-audition."
"Tamang-tama, Rio. Di ba day off nating tatlo sa susunod na Biyernes?" Tanong ni Margo.
"Oo bakit?"
"Kung gusto mo, punta tayo sa studio nila sa Quezon City. Sabihin ko kay Papa na ihatid tayo."
"Di pa naman ako pumapayag eh. Isa pa, paano kung hindi pumayag si Tita?"
"Papayag iyon. Kung nanonood siya ng palabas, alam niya na ang grand prize winner eh bibigyan ng three million pesosesoses, five-year recording contract mula sa Allegro Records, European trip for two at saka brand new car mula sa Toyota."
Hindi ako makapaliwanag sa narinig.
Di ko kasi masyadong pinagtutuunan ng pansin ang palabas dahil abala kami ni Manang Ising sa gawaing bahay.
"Malay mo, baka ito ang makapagpabago ng buhay ninyo ni Len?" Udyok pa ni Janina.
"Hindi ko alam."
"Pag-isipan mo, hija." Nagsalita ang Daddy niya.
"Hindi matutupad ang mga pangarap mo kung wala kang gagawin para makamit ito."
Pag-uwi ko sa bahay, kahit nasermonan ako ni Tita dahil sa paggala, di ko masyadong ininda ang mga sermon niya.
Inisip ko ang tungkol sa The Chosen.
Pagpasok ko sa kuwarto, namataan ko ang gitara na binigay sa akin ni Papa.
Mula ng dumating ako kina Uncle, hindi ko ito inalis sa hard case para tugtugin.
Puro lang kasi sama ng loob ang naiisip ko.
Ang gitara niya ay magpapaalala lang ng mga malungkot na bagay na nangyari sa buhay niya at ang mga bagay na hindi niya ginawa para sa amin ni Len.
Atubiling kinuha ko ito sa pagkakasandal sa pader.
Pinihit ko ang snap lock at halos masilaw ako sa kintab ng gitara.
Mas mahal pa ito ni Papa kesa sa amin dahil lagi niya itong nililinis.
Tinipa ko ang bawat kwerdas.
Wala sa tono.
Dahil tinuruan niya ako ng manual tuning, isa-isa kong tinipa sa standard na E-A-D-G-B-E.
Nang pinakinggan ko ulit, hindi na tunog lata.
Naisipan kong tugtugin ang unang kanta na tinuro niya sa akin—La Bamba.
Iyon kasi ang pinapraktis niya ng oras na iyon.
Habang tumutugtog, saka ko lang naalala na musika ang nag-uugnay sa amin ni Papa.
Kapag hindi siya lnago sa kalasingan, tinuturuan niya ako.
Hindi ako marunong bumasa ng nota dahil ang sabi niya, pareho kaming oido.
Pinakikinggan lang tapos kaya ng tugtugin.
Tumigil ako sa pagkanta dahil napaluha ako.
Kundi dahil sa isang katok, patuloy kong yayakapin ang gitara at iiiyak ang mga emosyon na matagal ko ding dinadala sa dibdib ko.
Pinunasan ko ang luha ko at binuksan ang pinto.
"Was that you?" Nakangiting tanong ni Kuya Ethan.
Tumango lang ako.
Siguradong nagtataka siya dahil namumula ang ilong at mata ko.
"Why don't you join The Chosen? Ang galing mo palang kumanta at mag-gitara eh."
Pang-apat na siya na nagsabi sa akin nito.
Sign na kaya ito?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top