Kabanata 6

[Kabanata 6]

"ESTENG, paano na iyan? Ano na ang iyong gagawin?" bungad ni Celeste. Nang sandaling makapasok siya sa aming silid-aralan ay dali-dali siyang tumakbo papalapit sa akin at hinawakan ang magkabilang-balikat ko saka binitawan ang mga salitang iyon na mas lalong nagpamulat sa akin sa katotohanang malapit nang ikasal si Enrique.

Maging sina Amanda at Bonita ay mabilis ding tumabi sa akin pagkapasok nila sa pintuan. "Totoo ba ang usap-usapan na may pakakasalan ng binibini si Señor Enrique?" gulat na tanong ni Bonita. Ang kanilang mga hitsura ay tila nakakita ng multo at ngayon ay inaabangan nila ang sagot ko.

"Nabanggit nga sa akin ni Kuya Juancho kagabi. Maging sila ay nagulat din nang dumating si Don Fabian at ang anak nitong dalaga," nag-aalalang wika ni Amanda, napakagat pa ito sa kaniyang kuko. Bakas din sa mukha ng aming ibang mga kamag-aral na maging sila ay hindi rin makapaniwala at hindi rin natutuwa sa balitang ikakasal na ang anak ni Don Matias.

Isinubsob ko na lang ang aking mukha sa mesa. Wala na ba talagang pag-asa? Dito na ba magtatapos ang lahat ng aking pangarap na makasama si Enrique at higit isang dekadang paghihintay?

Ilang sandali pa, naramdaman kong umalis na sina Celeste, Amanda at Bonita sa aking tabi. Nagmamadaling bumalik sa kanilang silya. Nang iangat ko ang aking ulo, tumambad sa aking harapan si Maestra Silvacion kasama ang isang pamilyar na babae.

Tumayo sila at agad binati ng magandang umaga si Maestra Silvacion. Mabilis akong tumayo at sumabay sa pagbati saka dahan-dahang naupo habang nakatitig sa babaeng iyon na nakatayo sa kaniyang tabi. "Magmula sa araw na ito ay makakasama na natin sa ating leksyon si Binibining Paulina Buenavista," panimula ni Maestra Silvacion.

Naglakad sa gitna ang babaeng iyon saka nagbigay-galang. "Ako'y nagagalak na maging bahagi ng inyong klase. Nawa'y matulungan niyo ako sa aking mga pagkukulang," wika niya saka ngumitI. Napatingin ako kina Celeste, Amanda at Bonita na ngayon ay nakataas ang kilay. Marahil ay ngayon lang nila nakita si Paulina ngunit ang pangalan nito at ang pamilya Buenavista na mula sa Laguna na kinabibilangan niya ay siyang laman ng usap-usapan ngayon sa buong bayan. Dahil si Paulina Buenavista ang babaeng pakakasalan ni Enrique.

"Maupo ka na Paulina sa likod ni Estella," wika ni maestra. Sabay-sabay na napalingon sa bakanteng upuan sa likod ko ang aking mga kamag-aral. Bakas naman sa mukha ng aking mga kaibigan na hindi umaayon sa amin ang tadhana at sa dinami-rami ng leksyon na maaring salihan ni Paulina ay sa amin pa siya napunta.

Napatingin ako kay Paulina na ngayon ay naglalakad papalapit sa akin yakap-yakap ang kaniyang mga aklat at kuwaderno. Ngunit napatigil siya nang magtama ang aming mga mata. Marahil ay nakilala niya ako sa daungan.

Napaiwas siya ng tingin sa akin saka nagpatuloy sa paglalakad at naupo sa aking likuran. Paano pa ako makapagsusulat ng lihim na tula para kay Enrique kung nasa likod ko ang babaeng pakakasalan niya?

Alas-kwatro ng hapon, sabay-sabay kaming naglalakad sa mahabang pasilyo ng simbahan. Pagdating sa labas, nakaabang na ang aming mga kalesang sasakyan. Nagulat ako nang biglang hinawakan ni Amanda ang braso namin nina Bonita at Celeste.

"Amigas, ang lalaking iyon! Siya ang kutserong sumundo kay Señor Enrique noong gabi sa teatro!" bulong ni Amanda at sinundan namin ang kaniyang daliri kung saan siya ngayon nakaturo. Napatigil ako nang makita ang kutserong iyon na siyang umalalay kay Paulina pasakay sa kalesa nito.

"I-ibig sabihin... Si Paulina ang dahilan kung bakit nagmamadaling umalis si Señor Enrique noong gabing iyon?" tanong ni Bonita na sinang-ayunan nilang dalawa. Nang makaalis ang kalesang sinasakyan ni Paulina ay sabay-sabay silang napatingin sa akin. Bagama't hindi nila sabihin ay batid nilang unti-unting nadudurog ang puso ko ngayon.

HATINGGABI na. Hindi ako makatulog. Ilang oras na akong nakaupo sa tapat ng aking bintana habang dinarama ang sariwang hangin mula sa labas. Hindi ko maialis sa aking mata ang singsing at pinagmamasdan itong mabuti. Kung paano ito kumikinang sa tuwing natatamaan ng liwanag ng lampara.

Hindi rin mawala sa aking isipan ang nangyari kagabi kung saan dahan-dahang tumalikod at naglakad papalayo si Lucas nang makita namin sina Paulina at Enrique kasama ang mga pamilya nito. Tila nagtatagpi-tagpi na sa aking isipan kung anong koneksyon ang mayroon sa kanilang tatlo.

Kung kailan nagkausap na muli kami ni Enrique, tuluyan nang nakapili ang kaniyang mga magulang sa kung sino ang babaeng dapat niyang pakasalan.

Tinitigan ko muli nang mabuti ang singsing. Ilang beses nang tinatanggi ni Lucas na ito ang singsing na pagmamay-ari niya. Ngunit nang makita ito ni Paulina ay may kakaiba rin sa kaniyang reaksyon. Aking nararamdaman na maaaring may masalimuot na kwento sa likod ng singsing na ito na parahong nauugnay kina Lucas at Paulina.

Kinabukasan, maaga pa lang ay bumangon na ako saka nagtungo sa sanglaan kasama sina Mang Eslao, Berto at Vito. Noong una ay pinipigilan pa nila ako dahil baka isumbong ako ni Ginoong Tres na siyang may-ari ng sanglaan kay ama. Ngunit kailangan kong alamin kung ano bang klaseng singsing ito.

"Tila kay bilis ng mga pangyayari, kamakailan lang dumating si Señor Enrique at ngayon ay ikakasal na siya," wika ni Mang Eslao na siyang nagpapatakbo sa kalesang sinasakyan namin. Tumango naman sa kaniya ang dalawa bilang pagsang-ayon.

"Ayon sa usap-usapan, malaki rin daw ang impluwensiya ng pamilya Buenavista sa Laguna lalo na sa larangan ng abogasya," saad ni Berto. Napatingin ako sa kanila, at abala sila sa pagbubulungan. "Si Don Fabian ay bahagi ng hukuman sa Maynila. Ang kaniyang kapangyarihan at impluwensiya ay tiyak na malaking tulong kay Don Matias," dagdag ni Vito.

Napatingin na lang ako sa bintana. Kasalukuyan naming tinatahak ang malawak na hacienda ng pamilya Flores. "Sa aking pagkakaalam, kasalukuyang nananatili si Señorita Paulina sa kabilang bayan kasama ang kaniyang mga tiya at ngayon ay tiyak na rito na siya mamamalagi sa San Alfonso upang mapaghandaan ang nalalapit nilang pag-iisang dibdib ni Señor Enrique," wika ni Berto. Nagulat naman sila nang hampasin sila ni Mang Eslao gamit ang sombrero nito.

"Magsitahimik nga kayong dalawa. Hindi sila maaaring magkatuluyan. Walang magandang maidudulot sa ating bayan ang pagpapalawig ng impluwensiya ng hukuman. Bakit? Nakatitiyak ba tayo na magiging patas ang hatol ng hukuman sa ating mahihirap laban sa mga mayayaman?" panimula ni Mang Eslao sabay tingin sa 'kin saka hinampas muli ang dalawa niyang tauhan.

"Pansariling kapakanan lang ang makukuha ni Don Matias sa pamilya Buenavista at ganoon din ito sa kaniya. Makakain ba natin ang batas? Uunlad ba ang ating pamumuhay kung ang batas ay gagamiting panakot sa atin?" banat ni Mang Eslao, animo'y nakikipagtalo siya ngayon sa hukuman.

"Ang kailangan natin ngayon ay ang pamilya na kayang paunlarin ang ating kalakalan at kabuhayan. Isang makapangyarihang pamilya na malaki ang impluwensiya sa pamilihan, salapi at pagamutan," sigaw ni Mang Eslao sabay tingin sa akin. Napalingon din sa akin sina Berto at Vito sabay ngiti nang mapagtanto nila kung sino ang tinutukoy ng kanilang pinuno.

Nang marating namin ang sanglaan ay malugod kaming sinalubong ni Ginoong Tres. Inilatag niya muli sa aking harapan ang mga alahas na kaniyang binebenta habang pinandidilatan sina Mang Eslao, Berto at Vito dahil batid niyang mga kawatan ito noon.

"Ano ang iyong naibigan sa mga alahas na ito, binibini? Ibig mo rin bang bilhan ang iyong ama?" ngiti ni Ginoong Tres. Kinuha ko na sa aking bulsa ang singsing saka inabot sa kaniya. "Sabihin mo sa akin kung anong klaseng singsing ito at ano ang kahulugan ng mga disenyo nito?"

Pinagmasdang mabuti ni Ginoong Tres ang singsing na iyon. Nabanggit niya na maaaring mula pa sa Mesopotamia ang singsing. Kinuha niya ang kaniyang salamin saka sinuri itong mabuti. "Ang mga bituin na disenyo ng singsing na ito ay maaaring sumisimbolo sa pangako. Tulad ng nabanggit sa Bibliya, sinabi ng Panginoon kay Abraham na magkakaroon ito ng salinlahi na kasing dami ng mga bituin sa langit at buhangin sa lupa," paliwanag niya. Nagkatinginan kaming apat saka muling nakinig nang mabuti kay Ginoong Tres.

"Marahil ay ang bagay na ito ay isang singsing ng pangako," patuloy ni Ginoong Tres sabay abot sa 'kin ng singsing. "Ano bang pangakong binitawan sa iyo ng ginoong nagbigay sa iyo ng singsing na iyan binibini?" ngiti ni Ginoong Tres, halos kaedad na niya si ama ngunit mas makapal ang kaniyang balbas at bigote.

Napatitig ako sa singsing, maging sina Mang Eslao, Berto at Vito ay napanganga rin sa gulat. Halos tulala kaming lumabas sa sanglaan. "K-kung ganoon, isang mahalagang bagay pala ang kinuha natin kay Señor Lucas. Kailangan na nating ibalik ang singsing!" nanginginig sa gulat na saad ni Berto, napayakap pa ito kina Mang Eslao at Vito.

"Hindi niyo ba narinig ang sinabi ni Señor Lucas? Hindi raw sa kaniya iyan at kung sa kaniya nga iyan, bakit hindi niya na ibig kunin?" wika ni Mang Eslao sa dalawang tauhan saka hinila ang magkabilang tainga nito at pinasakay sa kalesa.

"Binibining Estella," tawag ni Mang Eslao, naiwan ako sa tapat ng kalesa. Bago ako tuluyang sumakay roon ay napatitig muli ako sa singsing. Marahil ay may mahalagang pangakong binitiwan sina Lucas at Paulina sa isa't isa.

NANG makabalik kami sa aming hacienda, paakyat na sana ako sa aking silid ngunit hinarang ako ni Isidora. "Binibini!" wika niya, pawis na pawis siya at animo'y tumakbo ng napakalayo. "Bakit?" Napalingon ako sa paligid. Wala namang kakaibang nangyari sa aming tahanan.

"Binibini, kanina ka pa hinihintay nina Señor Lucas at Señorita Constanza sa kwadra ng mga kabayo," wika niya na ikinagulat ko. Maging sina Mang Eslao na nakatayo sa sala ay nagulat din sa sinabi ni Isidora. Dali-dali akong tumakbo pabalik sa kalesa at nagpahatid sa kwadra ng mga kabayo.

"Binibini, sa iyong palagay, maaaring kinamumuhian kami ngayon ni Señor Lucas dahil ninakaw namin ang singsing. Hindi niya lang kami maparusahan dahil hindi niya ibig makalaban si Don Gustavo," kinakabahang wika ni Vito at napayakap ito kay Berto. Agad naman silang hinampas muli ni Mang Eslao ng sombrero.

"Huwag niyo ngang sabihin iyan. Mas lalo tuloy tayong kakabahan," wika nito. Maging siya ay hindi na rin mapalagay habang pinatatakbo ang aming kalesa patungo sa kwadra. Ilang sandali pa, narating na namin ang kwadra ng mga kabayo.

Nakabukas ang malaking pintuan nito. Malayo pa lang ay natanaw ko nang hinahawakan ni Constanza si Kisig habang pinakikilala ito ni Lucas sa kaniya. "Ate Estella!" tawag ni Constanza saka tumakbo papalapit sa akin at nagbigay-galang.

Bago pa ako makapagsalita ay mabilis niyang hinawakan ang aking kamay saka hinila papalapit kay Kisig kung saan nakatayo ngayon si Lucas. "Paumanhin kung nagtungo kami rito nang walang pasabi," wika ni Lucas saka hinubad ang kaniyang sombrero at itinapat iyon sa kaniyang dibdib bilang pagbati sa akin.

"Ate Estella, nabanggit po sa akin ni Kuya Lucas na may mga pangalan ang inyong mga alagang kabayo," ngiti ni Constanza. Bumitaw na siya sa aking kamay saka isa-isang hinawakan ang aming mga kabayo. "Kisig, Tikas, Tipuno at Rikit," patuloy ni Constanza habang tinuturo ang mga kabayo.

Napatingin ako kay Lucas na ngayon ay parang isang amang natutuwa habang pinagmamasdan si Constanza. "Ibig ko sanang turuan sumakay ng kabayo si Constanza," wika ni Lucas sabay ngiti. Hindi ko batid ngunit sa pagkakataong iyon ay pilit kong hinahanap sa kaniyang mga mata ang kalungkutan taliwas sa ngiting ipinamamalas niya.

"Ngunit kung hindi maaari ay aming uunawain iyon," patuloy ni Lucas. Napatingin ako kay Constanza na ngayon ay tuwang-tuwa at sabik na sabik makilala ang aming mga kabayo. Sino ba naman ako para ipagkait ang kaligayahan iyon?

Tumingin ako kay Lucas. "Maaari niyo silang hiramin," tugon ko. Ngumiti si Lucas saka tumakbo papalapit kay Constanza, binuhat ito at maingat na isinakay sa ibabaw ni Kisig. "Coseng, magpasalamat ka sa kabutihan ni Ate Estella," wika niya sabay tingin sa akin. Ngumiti si Constanza saka nagpasalamat at tumawa pa ito.

Sumakay na rin si Lucas kay Kisig upang alalayan si Constanza dahil hindi pa ito sanay sumakay nang mag-isa sa kabayo. "Ate Estella, sumama ka sa amin, pakiusap," tawag ni Constanza. Napaturo ako sa aking sarili saka napatingin kina Mang Eslao, Berto, Vito at Isidora na ngayon ay nagulat dahil si Constanza Alfonso mismo ang nakiusap na sumama ako sa kanila.

"Upang hindi rin malumbay si Kisig, sumama ka na," ngiti ni Lucas at nauna na silang lumabas sa aming kwadra. Napatingin ako kay Tikas na nasa tapat ko noong mga oras na iyon at sumakay na rin sa kaniya.

Ala-una ng tanghali nang marating namin ang Lawa ng Luha. Kasalukuyan akong nakaupo sa lilim ng isang malaking puno habang pinagmamasdan sina Lucas at Constanza na masayang nakasakay sa kabayo at umiikot sa malawak na paligid.

Tinuturuan ni Lucas ang kaniyang pinsan na parang bunsong kapatid na rin niya kung pagmamasdan. Naririnig ko mula sa malayo ang malakas na bungisngis ni Constanza sa tuwing binibiro siya ng kaniyang Kuya Lucas at kunwaring hinahabol nito ang kabayo.

Maaliwalas ang kalangitan, matirik din ang sikat ng araw ngunit hindi ito mahapdi sa balat. Nakadagdag din sa ganda ng kapaligiran ang sariwang hangin at ang kumikinang na lawa. Patuloy kong sinusundan ng tingin si Lucas na ngayon ay tawa nang tawa habang nakipagbibiruan at habulan kay Constanza. Animo'y walang bahid ng problema o kalungkutan na makikita sa kaniyang mukha. Hindi ko tuloy lubos maisip kung bakit naging iba ang kaniyang reaksyon nang malaman namin kung sino ang nakatakdang babae para kay Enrique.

Makalipas ang ilang oras, nagpahinga na sila. Sumandal si Lucas sa puno na sinisilungan ko habang si Constanza naman ay patuloy na naglaro sa gitna ng talahib at mga bulaklak. Kumukuha rin siya ng mga damo at pinapakain nang mabuti sina Kisig at Tikas.

Napatingala si Lucas sa sanga ng puno, tumayo siya saka umakyat doon at nanguha ng mga aratilis na bunga ng punong iyon. Nang makababa siya ay muli siyang sumandal sa puno at inabutan ako ng aratilis. "Mabuti ang prutas na ito sa daloy ng dugo patungo sa iyong utak," panimula niya. Kinuha ko na lang sa kamay niya ang ilang piraso ng aratilis saka pinagmasdan iyon.

"Mas magiging panatag ang iyong isipan sa oras na kainin mo iyan," patuloy niya at nagsimulang kumain. Napatingin ako sa kaniya. Bagama't magiliw, ngumingiti at tumatawa siya ngayon, batid kong nasasaktan siya nang lihim at itinatago niya lang ang kaniyang kalungkutan sa likod ng mga ngiting iyon.

"Hindi ka ba nagdaramdam?" tanong ko sa kaniya na ikinagulat niya. Napatigil siya sa pagkagat ng aratilis saka napatingin sa akin. Kinain ko na lang din ang aratilis na binigay niya. Matamis ito, magagandang klase ang nakuha niya.

Nagulat ako nang bigla siyang ngumisi. "Hindi ko akalaing mabilis mong mapagtatagpi ang lahat," wika niya.

"Madali lang pala basahin ang iyong mukha," saad ko, "Nakita ko na rin dati si Paulina. Hindi ko nga maunawaan kung bakit interesado siya sa singsing na pagmamay-ari mo," patuloy ko. Hindi sumagot si Lucas, nagpatuloy na lang siya sa pagkain ng aratilis.

"Ikaw dapat ang tanungin ko niyan, hindi ka ba nagdaramdam?" wika niya, halatang ibig niyang ibahin ang usapan. Nagpatuloy lang ako sa pagkain at hindi tumingin sa kaniya. Bilib na ako sa galing niya, nagagawa niyang ibalik sa akin ang tanong na dapat ay sinagot na niya.

"Ikakasal na si Enrique. Ni hindi mo pa nasasabi ang iyong nararamdamn tungkol sa kaniya. Bago ka pa magsimulang lumaban, ang iyong hangarin ay tila magwawakas na agad," patuloy niya, napatingin ako sa kaniya. Nakatingin siya ngayon sa lawa habang sinasayaw ng hangin ang buhok niyang tumatama sa kaniyang kilay.

"May mga pagkakataon talaga na gaano ka man kapursigido na ipaglaban ang bagay na iyon, sa huli ay uuwi ka pa ring luhaan. Paano mo siya ipaglalaban kung mismo ang taong iyon ay sumuko nang magtiwala sa iyo?" dagdag niya. Ang bawat salitang lumalabas sa kaniyang bibig ay tila hinuhugot niya sa kaibuturan ng kaniyang puso.

Tumingin siya sa akin. "May mga taong karapat-dapat ipaglaban at may mga taong hindi. Huwag mo nang tangkain na ipaglaban ang pag-ibig na iyan dahil sa huli ay masasaktan ka lang." Dahan-dahan akong napayuko at napatingin sa damuhang kinauupuan namin ngayon. Dinukot ko rin sa aking bulsa ang kaniyang singsing ngunit napatigil ako nang magsalita pa siya.

"Kalimutan mo na si Enrique at magpakalayo-layo ka. Magtungo ka sa malayong lugar at muli mong hanapin ang iyong sarili. Marahil ay maalala ka niya sa oras na magpakilala ka ngunit hindi pa rin nito mababago ang katotohanang nakatakda na siyang ikasal sa iba," patuloy niya. Napapikit na lang ako at hinawakan ko nang mahigpit ang singsing. Hindi ko na nagawang ilabas iyon sa aking bulsa at ipakita muli sa kaniya.

Sa halip ay tiningnan ko siya nang deretso sa mata. "Ibig mo bang gawin ko ang ginawa mo? Matapos mong pakawalan ang babaeng iniibig mo ay nagpakalayo-layo ka. Sa iyong palagay, naging maligaya ba si Paulina sa paglisan mo?" wika ko na ikinagulat niya. Hindi niya siguro akalaing mapagtatagpi-tagpi ko ang mga pangyayari. Batid kong naroon pa rin ang sakit sa puso ni Paulina nang makita niya ang singsing na iyon. Gayon din kay Lucas, naroon din ang sakit sa kaniyang puso nang malamang ikakasal na ang babaeng itinatago niya sa singsing na iyon.

Humarap ako sa lawa, tila nag-aalab ang aking puso. Buong buhay ko, ako ang gumagawa ng paraan upang makuha ang isang bagay.

"Anong balak mong gawin ngayon? Huwag mo sabihing—" Hindi na niya natapos ang kaniyang sasabihin dahil nagsalita na ako habang nakaharap pa rin sa lawa. Tulad ng lawak ng lawa na iyon ay siya ring lawak ng aking determinasyon at pag-asang hindi agad sukuan ang aking hangarin sa buhay.

"Kung nagawa mong sukuan si Paulina, nagkakamali ka dahil hindi ko magagawa iyon kay Enrique. Wala sa aking bokalbularyo ang salitang pagsuko," saad ko sabay tingin sa kaniya, halos walang kurap siyang nakatingin sa akin.

"At kung hindi mo ako ibig tulungan, uunawain ko iyon. Ako na ang bahalang gumawa ng paraan. Kapag nakuha ko na ang puso ni Enrique, subukan mong buksan muli ang iyong puso kay Paulina. Nang sa gayon, hindi kita kamuhian dahil nagawa mong sukuan ang pag-ibig mo para sa kaniya at ang pag-ibig niya para sa 'yo," patuloy ko. Sa pagkakataong iyon, ibig kong ipamulat sa kaniyang isipan na ang pag-ibig ay hindi dapat basta-basta sinusukuan.

MAKALIPAS ang isang linggo, mas lalong lumaganap ang balita tungkol sa nalalapit na pag-iisang dibdib ng isang Alfonso at Buenavista. Kahit saan ako magtungo, iyon ang naririnig ko. Magmula sa pamilihan, pagamutan, sa aming hacienda at lalong-lalo na sa aming silid-aralan.

Maging si ama ay hindi rin maipinta ang mukha. Inakala niya ang pagbisita ni Don Matias kasama si Enrique sa aming tahanan noong isang araw ay siyang simula upang mapalapit ang aming pamilya sa kanila. Ngunit nagkamali kami, ibig lang pala tutukan ni Don Matias ang pag-unlad ng kalakalan sa San Alfonso upang mas lalong maging matunog ang kaniyang pangalan sa Maynila.

Sa klase, patuloy rin ang pag-angat ni Paulina. Magaling siya sa larangan ng pagtugtog ng iba't ibang klase ng instrumentong pang-musika. Maging sa pagbuburda at paggawa ng tula ay siya rin ang pinakamahusay sa lahat. Paboritong-paborito siya ni Maestra Silvacion at ng iba pang mga maestra at madre dahil kabisado niya ang lahat ng dasal at mga aral tungkol sa kababaihan.

Madalas niyang kasama kumain ang aming maestra at iniimbitahan din siya ng mga ito sa kani-kanilang tahanan. Marahil ay nagpapabango sila upang makuha ang simpatiya at pabor ni Paulina sa oras na magkaroon na ng katungkulan si Enrique sa pamahalaan at maging gobernadorcillo ng aming bayan.

Batid kong ganiyan naman ang mga tao. Kapag ikaw ay isang ordinaryong tao lamang na walang koneksyon at napatutunayan sa mundong ito, wala silang pakialam sa iyo. Mamaliitin ka, pagduduhan ang iyong kakayahan at hihilahin ka nang hihilahin pababa. Ngunit sa oras na magkaroon ka ng mahalagang papel o katungkulan na siyang kakailanganin nila para sa kanilang pansariling interes, kulang na lang ay halikan nila ang iyong paa at ipamalas ang kanilang walang hanggang debosyon sa iyo.

Nasasaktan ako para kay ama. Ginagawa niya ang lahat para sa ikauunlad ng bayang ito at ng mga mamamayan ngunit marami pa rin ang hindi nagtitiwala sa kaniyang kakayahan. Hindi dahil sa hindi siya magaling kundi dahil sa wala siyang makapangyarihang pangalan na makatatawag pansin kay Don Matias.

Nakaupo akong muli sa tapat ng balkonahe habang pinagmamasdan ang mga tauhan ng aming hacienda na siyang nakapila ngayon at tinatanggap ang kanilang mga sahod. Sa pagkakataong iyon, naalala ko bigla ang sinabi ni Mang Eslao noong isang araw.

"Pansariling kapakanan lang ang makukuha ni Don Matias sa pamilya Buenavista at ganoon din ito sa kaniya. Makakain ba natin ang batas? Uunlad ba ang ating pamumuhay kung ang batas ay gagamiting panakot sa atin?"

"Ang kailangan natin ngayon ay ang pamilya na kayang paunlarin ang ating kalakalan at kabuhayan. Isang makapangyarihang pamilya na malaki ang impluwensiya sa pamilihan, salapi at pagamutan."

Hukuman laban sa kalakalan? Ano nga ba ang mas matimbang? Ano nga ba ang mas kailangan ng aming bayan?

Mahalaga ang batas at hukuman upang mapanitili ang kaayusan sa isang bayan ngunit may malaki rin itong epekto. Tumayo ako saka nagtungo sa aming silid-aklatan, hinanap ko ang libro tungkol sa mga batas at panukala na isa sa mga koleksyon ni ama.

Naupo ako sa mesa saka binasa ang mahahalagang pahina ng aklat na iyon. Karamihan sa mga batas ay naaayon at pabor sa mga elitista, principales, opisyal at prayle. Nasasaklaw rin nito ang pagkakahati-hati ng antas ng mga tao magmula sa mga taong nabibilang sa alta-sociedad hanggang sa mga alipin.

Sa paglipas ng panahon ay batid din ng lahat na iba-iba ang natatanggap na pabor ng mga Peninsulares, Insulares, Mestizos, Sangley at mga katutubo. Mahalaga ang pagpapalakas ng militar at hukuman ngunit hindi rin mabuti ang maidudulot nito sa bayan ng San Alfonso.

Kilala ang bayan na ito na may maunlad na kalakaran at ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng lahat ay ang mga malalawak na lupain na siyang tinataniman ng iba't ibang uri ng palay. Maging ang pangingisda, paggawa ng mga kagamitan at pakikipagpalitan ng kalakalakan sa mga karatig bayan at bansa ay siyang pangunahing lakas ng San Alfonso.

Kinuha ko rin ang aklat na siyang sinusulatan ni ama ng mga naisagawang proyekto at pagpapaunlad sa bayan ng San Alfonso bilang dating miyembro ng samahan ng mga mangangalakal, kalihim ng salapi at ngayong pinuno na siya. Marami na silang nagawa, tulad ng pagamutan, pondo sa pagpapaayos ng simbahan sa tuwing nasisira ito ng lindol o bagyo, mga tulay at kalsada, pagpapalawak ng pamilihan at daungan at marami pang iba.

Hindi nga matatawaran ang patuloy na pag-usbong ng San Alfonso sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kalakalan at ekonomiya nito ngunit ang malaking palaisipan sa akin ngayon ay kung anong ibig mangyari ni Don Matias sa oras na papasukin niya ang mahigpit na batas na umiiral na pinagsamang militar at hukuman?

Hindi ko tuloy maiwasang mangamba. Totoo ba ang sinabi ni Mang Eslao na pansariling interes ang ibig mangyari ni Don Matias? Isa ba ito sa paraan niya upang makakuha ng malaking posisyon sa gobyerno kahit pa ang magiging kapalit nito ay ang pagkakagulo ng mga mamamayan sa oras na hindi maging patas ang hukuman?

ALAS-DOS ng hapon, naglalakad akong mag-isa sa mahabang pasilyo galing sa aming klase. Wala palang klase ngayon dahil may pinuntahan ang aming maestra. Tahimik ang buong paligid, may ilang nagdadasal at nagrorosaryo rin sa simbahan na siyang aking nadaraanan.

Ilang sandali pa, napatigil ako nang matanaw si Paulina. Magkakasalubong kami sa mahabang pasilyo. Yakap-yakap niya pa rin ang kaniyang mga libro habang ako naman ay walang dala dahil iniiwan ko lang iyon sa aking mesa.

Hindi ko batid ngunit tila may kakaibang tensyon sa pagitan naming dalawa. Magmula sa daungan nang tanungin niya ako tungkol sa singsing ay may kakaiba na akong nararamdaman sa kaniya. Marahil iisipan ng iba na naiinggit ako sa kaniya dahil siya ang mapalad na binibini na ikakasal kay Enrique, siya rin ngayon ang bukambibig ng lahat ng tao saan man ako magpunta at siya rin ang pinupuri ng lahat dahil sa kaniyang angking galing at talento na masasabi kong sadyang kahanga-hanga talaga.

Ngunit wala akong pakialam kung sino man siya o anuman ang kaniyang kayang gawin. Hindi ko siya mapapatawad lalo na ang kaniyang pamilya at si Don Matias sa oras na may mangyaring masama sa aming bayan.

Nilagpasan ko lang siya, ngunit napatigil ako nang tawagin niya ang aking pangalan. "Estella." Napalingon ako sa kaniya, yakap niya pa rin nang mahigpit ang kaniyang mga aklat at dahan-dahang tumingin sa akin. "Maaari ba kitang makausap sandali?" patuloy niya, sandali ko siyang tinitigan. Mahinhin at sadyang kaaya-aya pakinggan ang kaniyang magalang na boses.

Bago pa ako makapagsalita ay namalayan ko na lang ang aking sarili na sumusunod sa kaniya patungo sa hardin. Naupo kami sa isang mahabang upuan na gawa sa bato. "Nasa iyo pa rin ba ang singsing?" panimula niya. Ako na ang unang umiwas ng tingin dahil sadyang nakaaamo ang kaniyang mga mata. Animo'y nangungusap ang mga ito dahilan upang mahabag ang iyong puso.

Napayuko siya saka tinitigan ang kaniyang magandang kamay, animo'y hinahanap niya ang dating pakiramdam noong suot ang singsing na iyon. "Marahil ay ibig na niyang kalimutan ako kung kaya't nagawa na niyang ipamigay sa iba ang singsing," patuloy niya. Sa pagkakataong iyon ay dahan-dahan akong napatingin sa kaniya. Umiiyak siya nang marahan. Humihikbi. Dinaramdam ang sakit at pagkasawi sa pag-ibig.

Ibig sabihin, tama nga ang aking mga hinala, may namamagitan nga sa kanilang dalawa ni Lucas. At ayon sa kanilang reaksyon, tila masalimuot ang kanilang pagmamahalan. Umayos ako ng upo saka dahan-dahang humarap. "M-mahal mo pa ba si Lucas?" tanong ko dahilan upang mapatigil siya sa pagluha at agad niyang pinunasan ang kaniyang mga mata.

"P-paumanhin ngunit hindi ko ibig na sagutin ang tanong na iyan. Ako ay malapit nang matali sa kasunduang—" Hindi na niya natapos ang sasabihin niya dahil hinawakan ko ang kamay niya. Gulat siyang napatingin sa akin.

"Nalalapit pa lang mangyari ngunit maaaaring hindi mangyari," wika ko, kumakabog ang puso ko. Batid kong hindi ko dapat ito sinasabi sa kaniya ngunit makikipagsapalaran pa rin ako. "A-anong ibig mong sabihin?"

Napalingon ako sa paligid saka muling tumingin sa kaniya. Hindi ko rin binitawan ang kamay niya. "Hindi pa huli ang lahat. May pagtingin pa rin sa iyo si Lucas. Tutulungan ko kayong—" Hindi ko natapos ang sasabihin ko dahil kumawala siya sa pagkakahawak ko sa kamay niya at biglang tumayo.

"Lucas? Maaari mo na siyang tawagin sa kaniyang pangalan ng ganoon? Anong mayroon sa inyong dalawa? Bakit nasa iyo ang singsing?" sunod-sunod niyang tanong, napapikit na lang ako saka tumayo. Gustuhin ko mang sabihin sa kaniya na pumayag naman si Lucas na tawagin ko siya sa pangalan niya ngunit sa palagay ko ay hindi iyon magugustuhan ni Paulina.

"Sabihin na lang nating... Kailangan ko siya at kailangan niya rin ako. Hindi kami magkaibigan at mas lalong walang namamagitan sa aming dalawa. Sadyang... Ang hirap ipaliwanag," wika ko saka napakagat sa aking ibabang labi. Paano ko ba sasabihin na nagpapatulong ako kay Lucas para kay Enrique? Dapat ko bang sabihin sa babaeng ito na siyang nakatakdang ikasal kay Enrique?

Pinagmasdan ko siya sandali, kahit kailangan ko makipagsapalaran ngayon, hindi ko pa rin dapat pagkatiwalaan ang babaeng ito. Kung totoo mang iniwan siya ni Lucas, kung mahal niya ito ay hindi pa rin dapat siya pumayag na maikasal sa iba lalo na sa pinsan mismo ng kaniyang minamahal.

"Kung anumang namamagitan sa inyo ni Lucas, nawa'y alagaan mo siya at huwag mo siyang sasaktan," wika ni Paulina saka nagsimulang humakbang palayo sa hardin. Napatulala ako sa sinabi niya lalo na nang daanan niya ako na parang pinauubaya na niya sa akin ang lahat.

"Pareho kayong dalawa," wika ko saka lumingon sa kaniya. Napatigil din siya sa paglalakad ngunit pinili niyang hindi lumingon sa akin. "Hindi ko man batid ang buong kwento niyong dalawa ngunit pareho kayo. Parehong sinukuan ang isa't isa nang hindi nagagawang lumaban. Ni hindi niyo man lang sinubukang pahalagahan ang pagmamahalan at pangako na binitiwan niyo," patuloy ko, nakita kong napahawak siya nang mahigpit sa kaniyang saya.

"Sana lang hindi niyo pagsisihan ang lahat. Sana hindi dumating ang araw na sasabihin niyo sa sarili niyo na paano kung sinubukan ko? Paano kung nagbaka-sakali ako?" dagdag ko, nanginginig ang kaniyang balikat. Batid kong kailangan niyang marinig ang masasakit na salitang ito upang magising ang kaniyang puso't isipan.

Dinukot ko sa aking bulsa ang singsing, ito ang huling alas. Kailangan kong ipakita sa kaniya ito at ipaalala ang sinumpaan nilang pangako sa isa't isa nang sa gayon ay piliin niya si Lucas at hindi matuloy ang kasal nila ni Enrique. Nagsimula akong humakbang papalapit sa kaniya, animo'y sinasalubong ako ng hangin at pusong nag-aalab sa pag-asang magagawa kong gisingin ang kaniyang diwa at pag-ibig para kay Lucas.

Hahawakan ko na sana ang kaniyang balikat nang biglang may humawak sa aking kamay. Napalingon ako sa aking likuran at laking-gulat ko nang makita si Lucas. Hindi ko batid kung saan siya nanggaling o kung narinig niya ang lahat ng sinabi ko ngunit iisa lang napagtanto ko, hindi niya ibig na ipakita ko kay Paulina ang singsing.

Dahan-dahang napalingon sa amin si Paulina. Maging siya ay gulat na napatingin kay Lucas na ngayon ay mapangahas na hawak ang kamay ko upang itago ang singsing na nasa loob ng aking palad. Agad akong kumawala sa pagkakahawak ni Lucas. Anong ginagawa niya rito?

Agad akong tumingin kay Paulina na ngayon ay namamaga na ang mga mata at hindi rin makapaniwala na muling makikita si Lucas sa mga oras na ito. "Paulina, makinig ka. Mahal ka pa rin—" Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil biglang tinakpan ni Lucas ang bibig ko saka sapilitan akong hinila papalayo sa hardin.

Sinubukan kong kumawala sa kaniya ngunit sadyang mas malakas siya sa akin. Binitawan niya ako nang makarating kami sa isang silid kung saan naroroon ang mga instrumentong pang-musika na ginagamit sa simbahan. "Bakit mo ako pinigilan?" reklamo ko sa kaniya. Sinubukan kong buksan ang pinto ngunit hinarangan niya ako.

"Sinayang mo ang pagkakataon. Magagawa kong ibalik sa iyo si Paulina. Handa siyang makinig sa akin at muling yakapin ang pagmamahal mo ngunit bakit mo—" Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nagsalita na siya.

"Pakiusap, tumigil ka na." Mahinahon lang ang kaniyang boses ngunit hindi ko alam kung bakit napatahimik niya ako gamit ang apat na salitang iyon. Napatingin ako sa kaniya; tumatama ang repleksyon ng liwanag ng araw sa kaniyang mukha mula sa mga maliliit na uwang ng nakasaradong bintana.

"Titigil lang ako sa oras na makita kong wala na talagang pag-asa. Na hindi niyo na mahal ang isa't isa. Iba ang lumalabas sa iyong bibig sa sinasabi ng iyong mga mata. Gayon din sa kaniya, batid kong ikaw pa rin ang mahal—" Hindi ko muli natapos ang sasabihin ko dahil bigla siyang sumigaw dahilan upang mapatahimik muli ako at gulat na napatingin sa kaniya.

"Pagkatapos ano? Anong mangyayari sa aming dalawa? Hindi ko mabibigyan ng magandang buhay at karangalan ang pamilya niya. Sa huli, mahihirapan lang siya at mapapagod. Magsasawa siyang tanggapin ang lahat ng sisi na ibabato sa kaniya ng kaniyang pamilya at ng mga taong nakapaligid sa kaniya. Matagal nang inaasam ito ng pamilya niya, kailangan nila ang kasunduang ito upang mabawi ang lahat ng nawala sa kanila," patuloy niya. Nakatingin siya nang deretso sa akin habang sinasabi ang mga bagay na iyon, namumuo rin ang luha sa kaniyang mga mata.

"Ibig mong piliin niya ako upang sirain ang natitirang pag-asa ng pamilya nila? Ibig mong talikuran niya ang kaniyang pamilya para sa akin? Mahal ko siya, ngunit hindi ko ibig na ako mismo ang tuluyang makasira ng magandang buhay na naghihintay sa kaniya sa oras na maikasal siya kay Enrique." Dahan-dahan akong napayuko, marahil ay nagkulang ako na alamin ang lahat. Nakaligtaan kong alamin ang panig nina Lucas at Paulina.

"At lahat ng ito ay ginagawa mo para kay Enrique. Bakit? Para sa kapangyarihan? Ibig mo ring maging Alfonso dahil sa hangaring iyon?" patuloy niya. Dahan-dahan kong iniangat ang aking ulo at muling napatingin nang deretso sa kaniyang mga mata. Nauunawaan kong naging padalos-dalos ako sa aking desisyon ngunit hindi ko akalaing sasabihin niya iyon.

"Halos ganiyan naman kayong lahat. Ibig niyong maging Alfonso at maging ina ng bayang ito dahil sa kapangyarihan at walang kamatayang impluwensiya. Mahal mo si Enrique? Paano mo mamahalin ang isang tao na ilang segundo mo lang nakausap? Dahil ba sa nagawa mo siyang hintayin nang matagal kung kaya't masasabi mo nang mahal mo siya? O dahil sa mga pangarap na ibig mong maisakatuparan sa oras na makasal na kayong dalawa?" Hindi ko namalayan na sa mga oras na iyon ay mahigpit ko na lang na hinawakan ang aking saya. Ang mga luhang namumuo sa aking mata ay tila mainit na tubig mula sa puso kong hindi makapaniwala sa mga sinasabi niya.

Magsasalita pa sana siya ngunit inunahan ko na. "Nagkamali ako." Ramdam ko ang malalim niyang mga mata na nakatingin sa akin ngayon. Pinili kong hindi siya tingnan at tumingin na lang sa pinto. "Hindi ka dapat makatuluyan ni Paulina. Kaya ka siguro niya iniwan dahil sa mapanghusga ka at sa matabil mong dilang iyan," patuloy ko saka ko siya tiningnan nang deretso.

Kung kanina ay puno ng sakit ang kaniyang mga tingin, ngayon ay napalitan ito ng pagkagulat dahil sa mga sinabi ko. "Sinabi ko na sa iyo dati na hindi kapangyarihan o salapi ang habol ko kay Enrique. Hindi kita masisisi kung hindi mo ako ibig paniwalaan ngunit..." Hindi ko na mapigilan ang sunod-sunod na pagbagsak ng luha kong patuloy na dumadaloy sa aking pisngi. Ramdam ko ang init nito at iyon ang lubos na nakadaragdag sa unti-unting pagkadurog ng puso ko.

"Wala kang karapatan na husgahan ako nang ganiyan. Inaamin ko na ako'y nagkamali at lumagpas sa linya, hindi ko na dapat pinanghimasukan ang tungkol sa inyo ni Paulina. Subalit, hindi ko hahayaang mapunta si Enrique sa babaeng hindi siya mahal. K-kung hindi man kami ni Enrique ang para sa isa't isa, mas maluwag kong tatanggapin kung ang babaeng makakasama niya habambuhay ay mahal siya hindi dahil sa kailangan nito ang impluwnesiya ng pamilya nila kundi dahil sa handa niyang ialay ang buong puso niya para kay Enrique." Sa bawat salitang aking binibitawan ay siyang bilis ng kabog ng aking puso dahil sa matinding emosyon.

"Kung totoong mahal mo si Paulina, hindi mo siya hahayaang mabuhay nang malungkot sa taong hindi naman niya mahal. Parang itinulak mo siya sa bangin at hinayaang tumalon doon mag-isa sa pag-aakalang iyon ang makapagliligtas sa kaniya. Hindi ko gagawin iyon kay Enrique. Hindi man ako ang mapangasawa niya, sisiguraduhin kong mapupunta siya sa babaeng totoong nagmamahal sa kaniya. Gagawin ko ang lahat ng iyon dahil mahal ko siya," patuloy ko saka nagpatuloy sa paglalakad patungo sa pinto. Hindi na niya ako hinarangan at nanatili lang siyang nakatayo roon.

Bubuksan ko na sana ang pinto ngunit napatigil ako saka napalingon muli sa kaniya. "Minahal ko siya kahit ilang segundo lang kami nagkausap. Wala akong ideya kung anong pangalan niya. Wala akong ideya kung anong pagkakaiba ng mga antas ng pamumuhay ng mga tao noon. Malugod kong tinatanggap sa aking puso ang mga taong kumakatok, pikit-mata ko silang pinagbubuksan nang hindi tinitingnan kung anong antas ng kanilang pamumuhay. K-kung maaari ko lang ibalik ang araw na iyon, hihilingin ko na sana hindi isang Alfonso si Enrique nang sa gayon ay malaya ko siyang mahalin dahil sa kabutihang ipinakita niya sa akin." Matapos ko sabihin iyon ay malakas kong isinara ang pinto.

Naabutan ko si Paulina na nakatayo sa labas at halos walang kurap na nakatingin sa akin. Marahil ay narinig din niya ang lahat ng pinag-usapan namin ni Lucas. Hindi ko na lang siya pinansin at nagpatuloy na ako sa paglalakad palayo sa lugar na iyon.

LUMIPAS ang ilang araw, hindi muna ako pumasok sa klase. Hindi ko ibig makita si Paulina, hindi ako galit sa kaniya. Sadyang nahihiya lang ako at hindi pa ako handang makaharap siya dahil tiyak na narinig niya na may gusto ako kay Enrique.

Ilang araw din akong nanatili sa aming tahanan at hindi nagtungo sa pagamutan. Tiyak na makikita ko roon si Lucas at hindi rin ako handang harapin siya. Sa loob ng ilang araw ay nanatili lang ako sa opisina ni ama. Nagbabasa ako ng mga aklat tungkol sa pagpapaunlad ng kalakalan na karamihan ay mula sa Tsina.

Tinutulungan ko rin si ama sa kaniyang mga gawain lalo na sa paggawa ng mga plano at tingnan kung kakasya ba ito sa pondo. Ang tungkulin ni ama ay paikutin ang salapi ng bayan at palaguin ito. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit mayaman ang bayan ng San Alfonso.

"Ibig mo bang papuntahin ko na lang ang iyong maestra dito sa ating tahanan?" tanong ni ama. Malalim na ang gabi ngunit nandito pa rin ako sa opisina niya. Hindi ko pa tapos basahin at pag-aralan ang iilang mga aklat habang siya naman ay tila inaantok nang nakaupo sa kaniyang silya.

"Papasok din po ako ama," tugon ko nang hindi tumitingin sa kaniya dahil abala pa rin ako sa pagbabasa. Inililipat ko sa aking kuwaderno ang mahahalagang impormasyon na nababasa ko sa mga aklat. Napatikhim naman si ama. "Kailan?"

"Marahil ay sa susunod na linggo po."

"Hindi mo na ba ibig pumasok dahil kasama mo sa klase ang mapapangasawa ni Enrique?" tanong ni ama na nagpatigil sa akin. Napatitig lang ako sa lampara na nasa harapan ko at nagpatuloy na muli sa pagbabasa.

"Kalimutan mo na ang Enrique na iyon. Ihahanap na lang kita ng mapapangawa," wika ni ama, hindi na lang ako umimik. Malaki pa ang sugat sa aking puso upang isipin ngayon ang bagong lalaking papasok sa aking buhay.

"Matagal-tagal ko na ring pinag-iisipan ito ngunit sa totoo lang ay mas ibig kong makatuluyan mo si Lucas," patuloy ni ama na ikinagulat ko. Nabitiwan ko pa ang hawak kong pluma at gulat na napatingin sa kaniya.

Ngumisi si ama animo'y tinutukso niya ako kay Lucas. "Bakit? Isa rin naman siyang Alfonso. Hindi nga lang makapangyarihan ngunit sa tindig at talino ay wala naman siyang pinagkaiba kay Enrique. Mas higit pa nga e," dagdag ni ama, napahinga na lang ako nang malalim.

Parang bigla akong nawalan ng gana. Hindi pa rin mabura sa isip ko ang lahat ng sinabi niyang masasakit na salita sa akin. Nakaganti rin naman ako at binato ko rin siya ng masasakit na salita kung kaya't patas lang kami.

"Ang batang iyon... Marahil ay dala-dala niya pa rin ang masalimuot na nakaraan hanggang ngayon," patuloy ni ama. Napatigil ako at dahan-dahang napatingin sa kaniya. Tanging ang liwanag lang mula sa isang lampara sa aming harapan ang nagbibigay liwanag sa buong silid.

"Ano pong masalimuot na nakaraan, Ama?" tanong ko. Hindi ko alam kung bakit biglang natuyo ang aking lalamunan. Marahil ay natuyo rin ang aking laway dahil ilang araw na akong nagmumukmok sa bahay.

Napahinga nang malalim si ama saka sumandal sa kaniyang silya. "Matagal ko nang narinig ang usap-usapan na ito noong nasa Maynila pa tayo. Inakala kong hindi ito totoo ngunit nang manirahan tayo rito sa San Alfonso ay napag-alaman kong totoo nga ang nagkalat na balita noon sa Maynila," panimula ni ama. Tumingin siya sa bintana, sa kaniyang kanan na ngayon ay nakabukas.

"Batid kong hindi lingid sa iyong kaalaman na kambal sina Don Matias at Don Samuel. Ang sabi ng mga tao noon, si Don Samuel daw ang naunang lumabas sa sinapupunan ng kanilang ina at sumunod si Don Matias. Sabay silang lumaki sa piling ng kanilang mga magulang ngunit sadyang pinapaboran ng kanilang ama si Don Samuel dahil sa ito ang panganay."

"Kumuha ng kursong abogasya si Don Matias habang si Don Samuel naman ay namamayagpag sa larangan ng medisina. Bago mamatay ang kanilang ama, ibig nitong si Don Samuel ang sunod na mamuno sa San Alfonso sa tulong ng mga opisyal at principales na siyang boboto at magtatalaga sa kaniya bilang gobernadorcillo ng bayang ito. Ngunit..."

"Hindi iyon nangyari dahil sa hindi malamang dahilan. Bago matalaga si Don Samuel bilang bagong gobernadorcillo ay ito na mismo ang kusang bumaba at umalis." Natataka akong napatingin kay ama. Kampante itong nakasandal sa kaniyang silya at nakaharap sa bintana.

"Ano pong dahilan? Bakit siya umalis at sinayang ang pagkakataong iyon?" tanong ko, napakibit-balikat naman si ama.

"Hanggang ngayon ay walang nakaaalam kung bakit umalis si Don Samuel at pinili nitong maging propesor ng medisina ng mga unibersidad sa Maynila," tugon ni ama. Ibig sabihin, kung hindi umalis si Don Samuel, kung hindi niya tinanggihan ang pagkakataong iyon, siya dapat ang namumuno sa bayang ito.

"Ama, paano po naging masalimuot na pangyayari iyon kay Lucas?" tanong ko. Marahil ay hindi pa siguro sila pinapanganak ni Enrique noong panahong iyon. O kaya naman ay sanggol pa lamang sila.

"Nabilanggo ang asawa ni Don Samuel na siyang ina ni Lucas. Sa bilangguan ipinanganak si Lucas. Hindi ko rin batid kung anong naging kasalanan ng kaniyang ina ngunit ipinatapon ito sa malayong lugar bilang hatol ng hukuman. Lumaki si Lucas sa pangangalaga ng kaniyang ama at ng tagapagsilbi nito. Ang sabi nila, madalas daw dalhin si Lucas sa ina nito noon ng mga kababayan ng kaniyang ina. Mga taong sumusuporta sa pamilya nito at naniniwalang walang kasalanan ang asawa ni Don Samuel ngunit sa huli ay namatay rin ang ina ni Lucas. Ang sabi ng iba, dahil daw sa sakit, ayon naman sa iba ay nilason daw ang ginang. Iba't ibang kwento ang kumakalat sa buong bayan ngunit iisa lang ang katotohan... Si Don Samuel na isang Alfonso ay walang sapat na kapangyarihan at impluwensiya upang protektahan ang mga mahal niya sa buhay. Sa huli, ang anak niyang si Lucas ang patuloy na naghihirap mula sa masalimuot na nakaraang iyon."

Napatulala na lang ako sa liwanag ng lampara nang matapos ikwento ni ama ang lahat. Sinabi pa ni ama, na nag-asawa muli si Don Samuel ngunit hindi na nagkaroon ng anak sa bagong asawa. Ayon din kay ama, isa si Tiyo Jaime sa mga tumulong kay Lucas na makapag-aral ito sa Europa dahil walang sapat na salapi si Don Samuel at masama raw ang ugali ng bagong asawa nito.

Maagang naulila si Lucas sa kaniyang ina. Pinabayaan siya ng kaniyang ama, malupit sa kaniya ang bagong asawa ng kaniyang ama, iniwan siya ni Paulina. Kaya ganoon na lang siguro ang pananaw niya tungkol sa pag-ibig dahil halos lahat ng taong nakapaligid sa kaniya ay iniwan siya.

Kaya siguro hindi niya nagagawang ipaglaban ang mga bagay at taong nararapat sa kaniya dahil sa huli ay natatakot siyang iwan ng mga ito. Sa pagkakataong iyon ay napatingin ako sa repleksyon ng salamin na nakasabit sa dingding ng opisina ni ama. Nakita ko ang aking sarili, hindi pa man kami lubos na magkakilala, hindi man kami ganap na magkaibigan ngunit tila sinukuan ko rin siya.

KINABUKASAN, alas-diyes ng umaga. Nagpasama ako kina Mang Eslao, Berto at Vito patungo sa Hacienda Alfonso. Habang nasa biyahe, paulit-ulit silang nagtatanong sa akin kung anong gagawin ko roon. Kinakabahan sila sa takot na sumugod ako roon at sabihing ako dapat ang babaeng pakakasalan ni Enrique. Batid kong alam nila na hindi ko gagawin iyon. Nasa katinuan pa naman ako upang hindi ko ipahiya ang aking sarili lalo na ang aking pamilya.

Pagdating sa mansion ng mga Alfonso. Agad akong pinapasok ng kanilang kasambahay. "Maaari ko bang makausap si Señor Lucas?" Tumango ang kasambahay saka nagtungo sa taas. Hinandaan din ako ng tsaa at tinapay ng isa pa nilang kasambahay. Nang makaalis ito, naglakad ako sa palibot ng sala at nagtungo sa balkonahe kung saan matatanaw ang napakaganda nilang hardin.

Maaliwalas ang kalangitan. Ngayon na lang ulit ako lumabas ng bahay kung kaya't ramdam ko ang maginhawang hangin at ang mabangong paligid na amoy sampaguita at mga damo. Ilang sandali pa, narinig ko na ang sunod-sunod na yapak mula sa hagdan pababa.

Hanggang sa ang mga yapak na iyon ay naririnig kong papalapit sa kinaroroonan ko. Hindi ko alam kung dapat na ba akong lumingon sa kaniya ngunit baka umurong ang aking dila dahil sa kahihiyan. Hindi ko dapat siya inaway at sinabihan ng masasakit na salita gayong hindi ko pa siya lubos na kilala.

Napahinga na lang ako nang malalim, batid kong nakatayo lang siya sa aking likuran. Marahil ay hindi pa siya handang makita ako ngayon. "P-patawad, hindi ko na hihilingin na kalimutan mo ang lahat ng iyon ngunit sana ay hindi pa huli ang lahat upang makabawi ako," panimula ko, pinili ko pa ring hindi lumingon sa kaniya. Naaalala ko pa rin ang kaniyang mga mata. Kaya pala ganoon na lang kalungkot at kalalim ang mga matang iyon ay dahil sa lahat ng masalimuot na pangyayari sa kaniyang buhay.

Ilang segundong naghari ang katahimikan. Hindi siya tumugon sa sinabi ko. Napahinga na lang ulit ako nang malalim at magsasalita muli ngunit napatigil ako nang magsalita na siya. "Hindi pa naman huli ang lahat," wika niya.

Dahan-dahan akong lumingon sa likuran at laking-gulat ko nang tumambad sa aking harapan si Enrique!

Anong ginagawa niya rito? Bakit siya ang bumaba? Nagkamali ba ako ng sinabing pangalan sa kanilang kasambahay?

Nagulat ako nang magsimulang humakbang papalapit sa akin si Enrique, nakangiti siya sa hindi ko malamang dahilan. At ang mas lalong ikinagulat ko ay ang sunod na sinabi niya. "Nagagalak akong muling makita ka, Estella," saad niya at inilahad sa tapat ko ang kahoy na laruan na hugis isda na siyang binigay niya sa akin noon.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top