Kabanata 3
[Kabanata 3]
"LUCAS," tawag ng lalaki mula sa pintuan ng hardin. Nakatalikod ako sa kaniya ngunit kahit ganoon ay malinaw pa rin sa akin ang kaniyang boses. Ang boses na iyon, ang boses na ibig kong marinig magmula sa aking paggising hanggang sa aking pagtulog. Napapikit na lang ako sa kaba, ni hindi ko na nagawang lumingon sa lalaking paparating.
"Inanyayahan tayo ni Doktor Victorino sa makalawa para sa organisasyon na kaniyang gagawin," patuloy nito, nagkatinginan naman kami ni Lucas. Ipinikit ko na lang aking mga mata. Ito na iyon. Sa wakas, matutuldukan na ang ilang taon kong paghihintay sa kaniya. Dumating na ang araw upang magtagpo muli kaming dalawa.
Llilingon sana ako nang biglang dumating ang ilan sa mga kalalakihang miyembro ng eskrima. "Enrique, Lucas, tayo raw ay magsasalo-salo ayon kay maestro," saad ng isang lalaki na sinundan ng mga tawa at biruan nila sa kung saang magandang kainan sila magtutungo.
Sa pagkakataong iyon, agad kong isinuot ang pantakip sa mukha na aking hawak at deretsong naglakad papalabas sa maliit na hardin na iyon. Napatigil sila sa pagtatawanan at pagkukwentuhan habang naglalakad patungo sa bukal nang mapadaan ako. Ramdam ko ang dosenang mata na sinusundan ako ng tingin hanggang sa makalabas ako ng pintuan.
Ibig ko nang makausap at makita muli ang mukha ni Enrique ngunit hindi maaaring malaman ng iba na may isang babaeng nakapasok sa kanilang pagsasanay ng eskrima.
"SA iyong palagay, mas nakabubuti ang aking ginawang paglisan kanina nang hindi man lang nakikita ni Enrique ang aking hitsura?" Hinihimas ko nang dahan-dahan ang mukha ng kabayo na si Tikas habang kumakain ito. Kasalukuyan akong nasa kuwadra ng aming mga kabayo na nasa sampu rin ang bilang.
Kulay itim at siyang pinakamalaki naming kabayo si Tikas. Tila tumugon ito sa akin sa pamamagitan ng pagtango. "Ngunit paano kung ako ay maunahan ng iba? Masama na ang aking kutob kung sino ang katatagpuin niya noong isang gabi. Ano sa palagay mo ang aking dapat gawin?" patuloy ko saka tinitigang mabuti si Tikas, abala lang ito sa pagkain. Dinagdagan ko pa ang mga pagkain niya upang ganahan siyang makinig sa akin.
Tumayo ako saka itinulak ang sisidlan ng mga damo at isinalin naman iyon sa kapatid ni Tikas na si Kisig. Kulay tsokolate si Kisig at mas matingkad ang kaniyang buhok at buntot. "Tila abala ang iyong kapatid sa pagkain, ikaw na lang ang tumugon sa aking mga katanungan," saad ko habang hinahawakan nang marahan ang kaniyang mukha.
"Sa lalong madaling panahon, kailangan kong mapalapit kay Enrique. Dalawang buwan lamang siyang mananatili rito sa San Alfonso. Babalik siyang muli sa Maynila upang mag-aral. Kailangan ako na ang nakatakdang babae para sa kaniya upang masanay ako ni Doña... Mas maganda kung ina na rin ang aking itawag sa kaniya dahil doon din naman hahantong ito," ngiti ko. Hindi ko mapigilang mamilipit sa tuwa dahil sa mga bagay na tumatakbo sa aking isipan tungkol kay Enrique.
Sumagot si Kisig na tila tumawa rin sa aking ideya. Ilang sandali pa, nagulat ako nang bumukas ang malaking pinto ng kuwadra at pumasok ang dalawang matangkad na binata.
"Magandang umaga, binibini," bati ni Ginoong Juancho, nakasunod naman sa kaniya si Lucas na ngayon ay isa-isang tinitingnan ang aming mga kabayo. Oras na ng siyesta, tila tapos na ang kanilang pagsasalo-salo sa tanghalian kasama ang kanilang maestro.
"Aking sinamahan si Lucas patungo rito, ibig niyang manghiram ng kabayo," patuloy ni Ginoong Juancho. Inilapag ko na ang sisidlan ng mga damo saka tumayo at humarap sa kanila. "Hindi ba't mas maraming kabayo ang Hacienda Alfonso?" tanong ko. Hindi mapalagay ang aking mga mata sa paglilibot ni Lucas sa aming kuwadra. Tila sinusuri na naman niya ang lahat ng aming kabayo maging ang kanilang mga kulungan.
"Dinala ni Don Matias ang kanilang mga kabayo patungo sa kabilang bayan upang salubungin ang ilang mga opisyal," tugon ni Ginoong Juancho saka muling isinuot ang kaniyang sombrero. Magsasalita pa sana ako ngunit naunahan ako ni Ginoong Juancho.
"O'siya, ikaw na ang bahala sa aking kaibigan. Ako'y may dadaluhan pang pagpupulong sa bayan," saad ni Ginoong Juancho saka tinapik ang balikat ni Lucas. Tatawagin ko pa sana si Ginoong Juancho ngunit mabilis itong tumalikod at naglakad papalabas.
Naiwan kaming dalawa ng lalaking ito na tila walang pakialam sa aking presensiya. Abala siya sa paghawak sa aming mga kabayo. Ibig niya yatang pasahan ng kaniyang nakaiinis na ugali kahit pa wala naman siyang ginagawa o sinasabi.
"Ginoo, ipagpaumanhin niyo ngunit wala sa sapat na kondisyon ang aming mga kabayo. Hindi ko sila maipahihiram sa inyo," panimula ko. Kahit papaano ay palagi pa ring lumilitaw sa aking isipan ang mga paalala ni ama tungkol sa paggalang at pagiging mahinahon ngunit sadyang maraming pagkakataon na nakalilimutan ko iyon.
Naglakad siya papalapit kay Kisig at hinawakan ito. Tila natuwa si Kisig sa kaniya at tinugon nito ang paghawak ng lalaking iyon. "Ibig kong hiramin ang kabayong ito at ang dalawa pa," saad niya sabay turo kay Tikas at sa isa pa naming kabayo na si Tipuno.
"Aking uulitin, ginoo... Hindi ko mapahihintulutan ang—"
"Ibig ni Constanza mamasyal sa lawa. Sasamahan namin siya ni Enrique," saad ni Lucas nang hindi nakatingin sa 'kin dahil abala siya sa paghawak kay Kisig. "Ibig din ni Enrique na turuan ang kaniyang kapatid sa pagsakay sa kabayo. Ngunit kung hindi mo kami mapagbibigyan... aking lubos na nauunawaan iyon."
Napakagat ako sa aking ibabang labi. Marinig ko lang ang pangalan ni Enrique ay tila nakipaghahabulan ang aking puso sa malawak na lupain. Hinubad niya ang kaniyang sombrero saka itinapat iyon sa kaniyang dibdib saka akmang lalabas na sa aming kwadra.
Ipinikit ko na lang ang aking mga mata sabay tawag sa kaniya, "G-ginoo, aking naalala na maaari na palang maglakbay ang aming mga kabayo," mabilis kong saad dahilan para mapatigil siya sa paglalakad at nakangising lumingon sa akin.
"Ilan ba ang kailangan ni Señor Enrique?" patuloy ko saka mabilis na binuksan ang kulungan ni Kisig, Tikas at Tipuno. "Napakain ko na rin sila nang sapat. Aking iminumungkahi na si Tikas ang kabayong para kay Señor Enrique dahil ito ang pinakamalaki at pinakamalakas," dagdag ko, saka inabot sa kaniya ang lubid ni Tikas.
Nagulat ako dahil bigla siyang tumawa. "Tila ang bilis magbago ng iyong isip, binibini," tawa niya saka pinagmasdan at hinawakan si Tikas. Ibig ko sanang bulungan si Tikas at utusan itong sipain si Lucas dahil sa pagtawa nito.
"Siya nga pala, sino ang iyong tinutukoy na Tikas?" tanong niya, hinawakan ko ang kabayong hawak niya sabay taas ng kilay na para bang sinasabi ko na nasa harap na niya ang hinahanap niya.
Tumawa ulit siya. Hindi ko batid ngunit nanririndi ang aking tainga sa kaniyang pagtawa. "Sandali, ako'y hindi panatag na iyong dalhin ang aming mga alaga," saad ko saka kinuha ko na rin sina Kisig, Tipuno at ang isa pa naming kabayo na si Rikit.
"Tatlong kabayo lamang ang aming kailangan, binibini," ulit ni Lucas saka kinuha ang lubid ni Kisig. "Sasama ako," saad ko dahilan para mapatigil siya sa paglalakad at nagtatakang napalingon sa akin.
"A-ako'y nangangamba sa kalagayan ng aking mga kabayo. Pahihintulutan ko lamang na ipahiram sila sa inyo basta kasama ako," patuloy ko saka mabilis na sumakay kay Rikit. Hawak ko rin sa aking kamay ang lubid ni Tipuno upang sumunod ito sa amin.
Napakurap lang ng dalawang beses si Lucas na tila hindi siya makapaniwala sa aking sinabi ngunit wala rin siyang magagawa dahil lahat ng bagay tungkol kay Enrique ay gagawin ko.
ILANG minuto na ang lumipas, kasalakuyan naming tinatahak ngayon ang daan patungo sa Lawa ng Luha. Nakasakay ako kay Rikit habang si Lucas naman ay nakasakay kay Kisig dahil ilang ulit kong sinasabi sa kaniya na si Señor Enrique ang sasakay kay Tikas.
"Ano nga palang mga pangalan nila?" narinig kong tanong ni Lucas. Nauuna siya sa akin kung kaya't lumingon pa siya. "Tikas, Kisig, Tipuno at Rikit," tugon ko saka isa-isang tinuro ang mga kabayo. Nahuli kong ngumiti siya saka tumango na tila ba iniisip niyang nawawala na ako sa katinuan.
"Tapat sa akin ang aking mga alaga, at kung tatawa ka nang ganiyan, tiyak na ihuhulog ka ni Kisig sa lawa," saad ko. Napatigil naman siya sa pagtawa sabay lingon sa akin ngunit nang makita niya ang aking seryosong mukha ay pilit niyang pinigilan ang kaniyang pagtawa.
Napapikit na lang ako sa inis. Kailangan ko munang pagtiisan ang lalaking ito hanggang sa makarating kami sa lawa. Pagdating doon, kailangan ko siyang mapaalis upang kami lang nina Enrique at Constanza ang magsasama-sama.
Nang marating namin ang lawa, agad naming itinali ang mga kabayo sa mga punong nakapaligid. Palihim kong sinundan ng tingin si Lucas habang abala ito sa pagkuha ng mga kahoy. Gagawa siya ng apoy.
Paano ko kaya mapaaalis ang lalaking ito ngayon? Napatingin ako sa lawa na ngayon ay kalmado lang at kumikinang dahil sa liwanag ng araw. Kung itulak ko kaya siya sa lawa upang mabasa siya ng tubig at maisipan niyang umuwi na lang?
Napailing ako sa ideyang iyon. Paano kung malunod siya? Tiyak na mahahatulan ako ng kamatayan dahil isa siyang Alfonso.
Nang matapos na niyang ipunin ang mga kahoy, inilagay niya iyon sa gitna ngunit hindi pa niya ito sinindihan. Umupo siya sa isang tabi saka humiga sa damuhan. Samantala, nanatili lang akong nakatayo habang nakaharap sa lawa.
Tumingin siya sa akin. "Maaari ka namang umupo rito kung iyong iibigin," saad niya, naglakad ako patungo sa lawa saka tinitigan ang aking hitsura sa malinaw na tubig. Tila isang tadhana mula sa mga nababasa kong nobela ang aming magiging tagpo ni Enrique rito mamaya.
Darating siya at makikita niya akong nakatalikod at nakaharap sa luwa. Dahan-dahang akong lilingon at magtatama ang aming mga mata saka niya sasabihin sa akin na matagal na rin niya ako hinahanap at inaalala.
Napangiti ako sa ideyang iyon, ibig ko tuloy magtampisaw sa lawa sa oras na mangyari iyon. Napatigil ako nang marinig kong magsalita muli si Lucas. "Ang sabi nila, may sumpa raw ang lawa na iyan. Sinumang tumingin sa tubig ay kukunin ng halimaw ng lawa," saad niya habang nakahiga sa damuhan. Ipinatong niya ang kaniyang sombrero sa tapat ng kaniyang mukha.
Napakunot ang aking kilay sabay lingon sa kaniya. Hindi niya ako nakikita ngayon dahil nakahiga lang siya at nakatakip ang kaniyang sombrero sa mukha. Kung siya kaya ang ihagis ko rito sa lawa upang tumahimik na siya riyan sa kahahadlang sa aking magagandang ideya.
Sandali ko siyang pinagmasdan habang iniisip kung paano ko siya mapaaalis dito sa lawa. Ilang sandali pa, may magandang ideyang pumasok sa aking isipan. "Siya nga pala, mas makabubuti siguro kung may pagkain tayong ihahain ngayon dito? Hindi ba't mas masaya iyon?" saad ko habang nakalingon sa kaniya sa pag-asang siya mismo ang magsasabi na magtutungo siya sa bayan upang bumili ng mga pagkain.
"Tiyak na may dala si Constanza. Mahilig magluto ang pinsan kong iyon," tugon ni Lucas nang hindi man lang gumagalaw sa kaniyang pagkakahiga. Napapikit na lang ako saka muling humarap sa lawa. Kung maaari ko lang tawagin ang halimaw dito ay gagawin ko na upang gawin nitong merienda si Lucas.
"Tubig? Tiyak na wala silang dalang tubig," saad ko sa pag-asang babangon siya at maghahanap ng tubig sa malinis na bukal. "May dala akong tubig," tugon ni Lucas sabay turo sa mga gamit na nakasabit kay Kisig.
"Siya nga pala, aking nakaligtaan ang ilan sa mga gamot para sa aking mga alaga. Maaari mo bang kunin iyon sa aming tahanan?" tanong ko, inalis niya ang sombrero sa kaniyang mukha saka tumingin sa akin. "Hindi ko batid kung saan mo inilagay ang mga gamot, binibini," tugon niya. Napapikit na lang muli ako. Bakit hindi ako nananalo sa lalaking 'to?
Muli niyang inilagay sa kaniyang mukha ang sombrero at ilang minuto kaming natahimik. Ilang sandali pa, may naisip akong ideya. "Lucas... Ano kaya kung—" Hindi ko natapos ang aking sasabihin dahil bigla niyang inalis ang sombrero sa tapat ng kaniyang mukha saka umupo at nagtatakang tumingin sa akin. "Ano ang iyong itinawag sa akin, binibini?"
Napatingala ako sa langit. Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong itawag sa kaniya. Ginoo? Masyado akong magalang kapag iyon ang ginawa ko. Tulad kanina, kinikilabutan ako habang tinatawag siyang ginoo. Señor? Tumataas ang aking balahibo.
"Sino bang mas matanda sa atin?" tanong ko. Kung ako ang mas matanda sa kaniya, ako ang masusunod. "Magkasing-edad lang kami ni Enrique," sagot ni Lucas sabay tawa. Napakagat ako sa aking labi, ibig sabihin mas matanda siya sa akin ng dalawang taon.
Hindi na lang ako nagsalita. Bakit ba lagi akong napapahiya sa harap ng lalaking ito. "Kung iyan ang ibig mo, maaari mo naman akong tawaging Lucas," saad niya, a humiga ulit siya sa damuhan. Napalingon ako sa kaniya, nakatitig siya ngayon sa maaliwalas na kalangitan.
Tila tumindig muli ang aking mga balahibo, hindi kami ganoon kalapit sa isa't isa upang tawagin ko siya sa kaniyang pangalan. "At tatawagin din kitang Estella," ngiti niya pa. Aalma pa sana ako ngunit ipinikit na niya ang kaniyang mga mata habang nakangiti. Tila umaakyat ang aking dugo at ilang saglit na lang ay sasabog na ako.
Makalipas ang ilang minuto, wala nang nagsalita sa pagitan naming dalawa. Sa aking palagay ay alas-kuwatro na ng hapon. Ngunit wala pa rin sina Enrique at Constanza. Muli akong lumingon kay Lucas, batid kong hindi pa siya nakatutulog dahil gumagalaw siya kada isang minuto.
Napatikhim ako bago magsalita "Siya nga pala, anong oras ba dapat kayo magkikita rito?" Itinaas niya ang kaniyang kamay saka pinakita ang kaniyang tatlong daliri. "Alas-tres?" tanong ko. Hindi siya sumagot ngunit batid kong tama nga ang sinabi ko.
Magsasalita pa sana ako ngunit humilik na siya. Tila ibig niya lang akong tumahimik kung kaya't naghihilik-hilikan siya. Makalipas ang ilang oras, nanatili lang akong nakaupo habang pinipitas ang bulaklak ng gumamela sa paligid.
"Darating siya." Pinitas ko ang isa. "Hindi siya darating." Pinitas ko muli ang isa hanggang sa maubos ang pang-limang bulaklak. Napatingin ako sa lawa, kumikinang pa rin ito at payapa lang. Naalala ko ang ikinuwento noon ng aming maestra tungkol sa alamat ng lawa na ito at kung bakit ito tinawag na Lawa ng Luha. Nakalulungkot malaman na may pagmamahalang nagwakas sa lugar na ito.
Papalubog na ang araw. Magkahalong kulay kahel at asul ang kalangitan. Ilang sandali pa, bumangon na si Lucas. Tila nakatulog nga siya, bakas sa kaniyang mga mata at namumulang mukha. Napalingon siya sa paligid saka tumigil nang mapatingin sa akin.
"Wala pa rin sila?" tanong niya. Gusto ko sana sabihin na may nakikita ba siyang Enrique at Constanza sa paligid. Bumangon siya at pinagpagan ang sarili. "Tila hindi na sila makararating," saad ni Lucas saka naglakad patungo kay Kisig. Kinamusta niya muna ito bago siya sumakay.
"Tayo'y humayo na," tawag niya. Hindi ako umalis sa aking kinauupuan. Tiyak na darating si Enrique. Nakapaghintay ako ng halos labinlimang taon kung kaya't kaya ko ring maghintay ng ilang oras pa.
"Dito lang ako. Mauna ka na," saad ko nang hindi lumilingon sa kaniya. Narinig ko ang mahaba niyang pagbuntonghininga. Wala akong pakialam kahit iwan niya ako rito o kaladkarin pasakay ng kabayo. Hindi pa rin ako aalis hangga't hindi ko nakikita si Enrique.
"O'siya, ikaw ang bahala. Mag-ingat ka na lamang sa mga aswang na nakatira dito. O kaya naman sa mga kawatan na nagtatago rito sa kagubatan," saad niya. Napatigil ako nang marinig iyon, agad akong lumingon sa kaniya. Pinalakad na niya ang kabayo papalayo sa lawa.
Dumidilim na rin ang paligid at narinig ko ang sunod-sunod na huni ng mga uwak at kuwago dahilan upang makaramdam ako ng takot. Dali-dali akong tumayo, tumakbo at sumakay kay Rikit. "Sandali!" tawag ko kay Lucas saka mabilis na sumunod sa kaniya.
KASALUKUYAN naming tinatahak ngayon ang makipot na daan sa kagubatan patungo sa bayan. Ibig kong patakbuhin ang mga kabayo ngunit dahil dadalawa lang kami at apat ang dala naming kabayo; tiyak na mahihirapan kami sa dalawa pa kung kaya't pinili na lang naming palakarin ang mga ito.
Nauuna si Lucas. Pinagmamasdan ko ngayon ang kaniyang likuran. Hindi tuloy mawala sa aking isipan ang ideya na baka hindi talaga pupunta ng lawa sina Enrique at Constanza. Baka ibig lang ni Lucas na linlangin ako.
Ngunit hindi naman niya ako pinilit na sumama. Ako ang kusang sumama. Baka totoo talaga na magtutungo sina Enrique at Constanza sa lawa, hindi lang natuloy dahil siguradong may mahalagang gagawin ang aking Enrique. At dahil isa akong maunawain na binibini at mapapangasawa niya, kailangan ay palagi ko siyang uunawain.
Ilang sandali pa, napatigil ako nang biglang tumigil si Lucas at sumenyas sa akin na pakinggan ang paligid. "Bakit?" tanong ko, agad niya akong sineyasan na tumahimik. "Ano ba kasi iyon?" tanong ko ulit, napapikit siya sa inis.
"Huwag kang maingay. Tila may mga nagmamasid sa atin," bulong niya. Tila nahulog ang puso ko sa pagkabigla nang sabihin niya iyon. May mga lobo ba rito sa kagubatan?
Sandali kaming natahimik, pinakikiramdaman ni Lucas ang paligid at makailang ulit niyang sinusundan ang mahihinang yapak at kaluskos ng mga puno at matataas na damo sa iba't ibang direksyon. Nanlaki ang mga mata ko nang ilabas ni Lucas ang maliit niyang balisong na nakatago sa kaniyang bulsa.
"B-bakit may patalim ka riyan?" gulat kong tanong. Ibig sabihin kanina niya pa dala iyan? Balak niya ba akong paslangin sa lawa?
"Huwag kang maingay," ulit niya, muli na namang tumindig ang mga balahibo ko. Bakit ako sumama sa lalaking ito gayong hindi ko pa siya lubos na kilala? Paano kung ibig niya nga akong paslangin sa lawa sa utos ng ibang mga babaeng ibig makasal kay Enrique dahil nararamdaman nila na ako ang pinakakarapat-dapat na mapangasawa ng anak ng gobernador.
Magsasalita pa sana ako nang biglang sumulpot sa dilim ang halos sampung kalalakihan. May mga hawak silang tabak, patalim at pana. "Swerte nga naman ang siyang lumalapit sa atin," ngisi ng lalaking pinakamaliit sa kanila. Ayon sa kaniyang tindig, siya ang pinuno nila.
Sumang-ayon ang kaniyang mga tauhan. Nakangisi sila at tila sanay na sanay sa kanilang mga gawain. Nababalot ng itim na uling ang kanilang mga damit at balat. Senyales na manggagawa sila sa mga minahan o pandayan.
"Sino kayo?" matapang na tanong ni Lucas. Itinutok niya sa mga kawatan ang kaniyang balisong. Nagtawanan ang mga ito. "Hindi na iyon mahalaga. Kung ibig niyong mabuhay, ibigay niyo sa amin ang inyong mga alahas at hahayaan namin kayong makaalis dito," tugon ng pinuno. Mahaba ang buhok nito na tila nanigas na.
Nagkatinginan kami ni Lucas. Batid namin na wala kaming laban sa dami nila. Tinanggal na ni Lucas ang kaniyang singsing, kuwintas na relo at mga salapi. Inihagis niya iyon sa mga kawatan. Tuwang-tuwa naman ang mga ito saka kinagat-kagat ang singsing at relo ni Lucas.
Hinubad ko na rin ang aking kuwintas, singsing, purselas, hikaw at payneta saka ibinato sa kanila. Naglulundag sila sa tuwa saka kinagat ang aking mga alahas upang malaman kung totoo ba ang mga iyon.
"Gaya ng napag-usapan, padaanin niyo na kami," saad ni Lucas, tumabi naman ang mga kawatan habang nagbubunyi at nag-aagawan sa mga alahas. Nagpatuloy na kami sa pag-alis, ngunit napatigil ako nang mahulog ang aking panyo na nabuburadahan ng kulay gintong sinulid.
Ibinurda ko sa panyong iyon ang pangalan ni Enrique. Ibig kong ibigay iyon sa kaniya kanina ngunit hindi naman siya dumating. Sa loob ng panyong iyon ay doon ko inilagay ang laruang isda na ibinigay ni Enrique sa akin noon. Ibibigay ko rin dapat iyon sa kaniya. Naniniwala ako na sa oras na makita iyon ni Enrique ay tiyak na maaalala niya ako.
Napatigil ang mga kawatan at napatingin sa nahulog kong panyo na mukhang mamahalin. Agad akong bumaba sa kabayo at akmang dadamputin iyon ngunit mabilis na nakalapit ang isang kawatan saka itinutok sa tapat ng leeg ko ang kaniyang matalim na itak.
"Estella," tawag ni Lucas saka mabilis na bumaba sa kaniyang kabayo at hinawakan ang braso ko. "Hayaan mo na iyan. Walang bagay na makatutumbas sa halaga ng buhay ng isang tao," saad niya. Sinubukan niya akong hilahin pero nanatili pa rin akong nakatingin nang deretso sa pinuno nila.
Dinampot ng pinuno ang panyo kong iyon saka pinagmasdan ito nang mabuti. "Yari sa seda ang panyong ito. Tiyak na mabebenta natin ito sa mataas na presyo. Ano ito?" ngiti ng pinuno ngunit nagtaka ito sa laruan na isda na gawa sa kahoy na nasa loob ng panyo.
Bago pa muling makapagsalita si Lucas ay mabilis kong tinadyakan at sinuntok sa mukha ang kawatan na may hawak ng itak na nakatapat sa leeg ko saka ko siya itinulak nang malakas papunta sa kanilang pinuno dahilan upang lumagpak sila sa lupa.
Nabitawan ng pinuno ang aking panyo at mabilis ko itong sinalo mula sa ere. "Kunin niyo na ang lahat, huwag lang iyan," saad ko, ibig ko silang patayin gamit ang aking mga matang nanlilisik. "Walang maaaring magsabi sa akin kung ano ang dapat kong kunin sa hindi," matapang na sagot ng pinuno. Inikot niya sandali ang kaniyang leeg at braso at sabay-sabay silang sumigaw at sumugod sa amin ni Lucas.
Wala nang nagawa si Lucas kundi ang kalabanin din sila. Mabilis kong sinipa ang isang kawatan saka hinila ang buhok nito at hinampas ko ang likod ni Rikit dahilan upang sumipa ito ng malakas at tinamaan ang kawatang iyon na tumilapon sa lupa.
Maging si Lucas ay hindi rin nagpatalo. Nasugatan niya ang braso at binti ng mga kawatan dahilan upang bumagsak ito sa lupa at pilit na lumaban. Kinuha ko ang mahabang lubid ni Rikit at isinakal iyon sa pinuno. Sumakay ako sa kaniyang likod saka kinagat ko nang madiin ang kaniyang tainga.
Napasigaw nang malakas ang pinuno hanggang sa bumagsak ito sa lupa. Hindi ko pa rin siya binitiwan. Agad tumakbo ang kaniyang mga tauhan upang hilahin ako ngunit hinila ni Lucas ang isa pang lubid sa lupa dahilan upang sumabit ang kanilang mga paa at sabay-sabay silang sumubsob sa maalikabok na daan.
Nabitawan ng pinuno ang laruang isda at mabilis kong naagaw iyon sa kaniya. Hinila na ako ni Lucas patayo. "M-magbabayad kayo!" sigaw ng pinuno saka mabilis siyang binuhat ng kaniyang mga tauhan at nagsitakbuhan na sila palayo.
Napaupo ako sa lupa, sa sobrang bilis ng tibok ng puso ko ay tila ang lamig ng pawis na dumadaloy sa aking buong katawan. "Nahihibang ka na ba? Para lang sa bagay na ito ay magagawa mong ialay ang iyong buhay?" sigaw ni Lucas na ikinagulat ko.
Batid kong may karapatan siyang magalit ngayon dahil muntik na rin siyang mamatay ngunit hindi ako makapapayag na mawala sa akin ang nag-iisang bagay na magpapaalala sa akin kay Enrique.
Kinuha niya sa kamay ko ang panyo at ang laruang gawa sa kahoy. "Tiyak na hindi hahayaan ng iyong ama na mapahamak ka nang dahil lang sa laruang ito," saad ni Lucas. Tumayo ako at akmang aagawin sa kaniya ang mga iyon ngunit nabasa na niya ang nakaburdang pangalan sa panyo.
"Bakit narito ang pangalan ng pinsan ko?" patuloy niya sabay tingin sa akin. Sa pagkakataong iyon ay huminahon na ang kaniyang boses. "Sinasabi ko na nga ba, ikaw ay may pagtingin kay Enrique," dagdag niya dahilan upang mapalunok na lang ako sa kaba.
"LEELO todo a la vez," (Read it all at once) saad ni maestra Silvacion habang nakatayo sa harap at nakaturo sa pisara.
"La belleza de las mujeres se encuentra su corazón. Reflexiona en su alma y revela en sus modales. Una mujer debe saber cómo actuar de la manera más respetuosa. Con dignidad, inteligencia, fe, amor y lealtad," (Women's beauty is in her heart. It reflects on her soul and manners. A woman should know how to act in most respectful way. With dignity, intelligence, faith, love, and loyalty) sabay-sabay na bigkas ng aking mga kamag-aral. Tinuturuan kaming magbasa at magsulat sa wikang Kastila. Maging ang mga aral at karapat-dapat na asal ng isang binibini.
Nakatulala lang ako sa bintana. Hawak ko ngayon ang ilang piraso ng bulaklak ng santan habang pinipitas iyon at iniisip kung dapat ko bang kausapin si Lucas o hindi para sa ideyang gumugulo sa isipan ko kagabi.
Ilang sandali pa, napatigil ako at napatingin sa nag-iisang piraso ng bulaklak. Oo ang sagot na nakuha ko.
KINAGABIHAN, hindi ako nahirapan makalabas sa aking silid. Abala ngayon si Isidora sa pagtatahi ng mga damit kung kaya't hindi niya namalayan ang aking pagtakas. Hindi rin ako nahirapan makalabas sa aming mansion dahil alam ko kung saan ang sikretong lagusan papalabas at ang daan patungo sa Hacienda Alfonso.
Alas-nuwebe na ng gabi, ayon kay Amanda nang mag-usap kami kanina pagkatapos ng klase. Naikwento niya sa amin na may dinaluhang pagpupulong sina Ginoong Juancho, Lucas at ang iba pang mga doktor sa tahanan ni Doktor Victorino. Ibig bumuo ni Doktor Victorino ng samahan ng mga doktor upang mapaunlad ang sistema ng medisina sa bayan ng San Alfonso at sa buong bansa.
Hindi raw makakasama si Enrique dahil isinama ito ng kaniyang ina sa kabilang bayan upang makilala ang ibang mga opisyal. Iyon marahil ang dahilan kung kaya't hindi nakarating sina Enrique at Constanza sa Lawa ng Luha.
Ang tahanan ni Doktor Victorino ay malapit lang sa Hacienda Alfonso. At ayon kay Lucas kanina, walang kabayo ngayon sa Hacienda Alfonso dahil dinala ito ni Don Matias sa kabilang bayan para sa mga opisyal na bagong dating. Ibinalik na rin niya sa amin ang mga kabayo namin kung kaya't ibig sabihin, wala siyang kabayo ngayon.
Siguradong maglalakad siya pauwi o kaya naman ay ihahatid siya ng kalesa na pagmamay-ari ni Ginoong Juancho. Ngunit ayon kay Amanda, dederetso ang kaniyang Kuya Juancho sa kabilang bayan para sa isang misyon sa pagamutan. Iisa lang ang ibig sabihin nito, walang ibang magagawa si Lucas kundi ang maglakad pauwi.
Kasalukuyan akong nakatayo sa likod ng isang puno ilang metro ang layo mula sa Hacienda Alfonso. May mga nakasabit na lampara sa ilang mga puno dahilan upang kahit papaano ay may liwanag ang mahabang kalsada patungo sa Hacienda Alfonso.
Nakasuot ako ng itim na talukbong. Walang ibang dapat na makakita sa akin. Tiyak na mag-aalala at magagalit si ama kung kaya't dapat kong makausap agad si Lucas at masabi sa kaniya ang dapat kong sabihin.
Ilang sandali pa, natanaw ko na sa malayo ang isang matangkad na lalaki na naglalakad mag-isa. Marahan lang siyang naglalakad. Tila hindi siya nagmamadali o natatakot sa madilim na daan at kagubatan.
Nasa likod ang kaniyang dalawang kamay. Tila dinadama niya rin ang malamig na hangin at ang tahimik na paligid. Naiinip na ako sa likod ng puno, ang bagal niyang maglakad. Umusog ako nang kaunti at lumipat ng puno upang makalapit agad sa kaniya dahil tiyak na aabutin ako ng umaga kung hihintayin ko siyang makalapit sa punong tinataguan ko.
Matalim ko siyang pinagmasdan. Tila isa akong agila na anumang segundo ay susunggab sa biktima. Tatlong hakbang na lang bago siya mapadaan sa punong tinataguan ko ay lumabas na ako roon at nagpakita sa kaniya.
Napatigil siya sa paglalakad at tila nagulat sa aking biglaang pagsulpot. Bakas sa mukha niya ang pagkagulat ngunit nawala rin agad iyon. "Kung ibig mong samsamin ang aking mga alahas, patawad ngunit nakuha na iyon sa akin," saad niya saka nagpatuloy sa paglalakad.
Nilagpasan niya lang ako na para bang wala siyang pakialam. "Sandali!" tawag ko, napatigil siya sa paglalakad saka lumingon sa akin. Pinagmasdan niya ako mula ulo hanggang paa, iniisip niya siguro kung sino ang taong nasa loob ngayon ng itim na talukbong.
Dahan-dahan kong inalis ang talukbong sa aking ulo at tumingin nang deretso sa kaniya. "Estella? A-anong ginagawa mo rito?" gulat niyang tanong na may halong pagtataka. Tila mas nagulat pa siya kung bakit ako naririto kumpara sa inakala niyang kawatan ako.
"Makinig ka nang mabuti, Luc— Ginoong Lucas. Sinadya kita rito kahit malalim na ang gabi dahil may mahalagang bagay akong hihilingin sa iyo," saad ko habang nakatingin nang deretso sa kaniyang mga mata. Ang sabi ni ama, batid niya kung gaano ako kapursigido na makuha ang isang bagay kapag ganito na ako tumingin at magsalita.
Walang halong pambobola, walang halong biro at walang halong ibang salita kundi deretso at hindi magpapaawat. Napalingon si Lucas sa paligid, inakala niya sigurong may iba akong kasamahan at kukunin namin siya ngayon. Ngunit hindi ko rin siya masisisi dahil nakasuot ako ng itim na talukbong at seryoso ko siyang kinakausap ngayon.
"A-ano ba iyon? Bakit kailangan mong magsuot ng ganiyan at magsalita ng ganiyan? Maaari mo namang sabihin iyan sa akin sa aming tahanan," patuloy niya sabay turo sa Hacienda Alfonso na ilang metro na lang ang layo mula sa aming kinatatayuan.
Hindi. Hindi maaaring marinig ng iba ang aking hihilingin. Nagsimula akong humakbang papalapit sa kaniya. Hindi naman siya umatras, sa halip ay nagtataka lang siyang nakatingin sa akin. Marahil ay iniisip niyang nasisiraan na ako ng ulo ngunit hindi na iyon mahalaga dahil ang importante ay masabi ko na agad ito sa kaniya.
Sandaling tumigil ang pag-ihip ng hangin. Maging ang mga huni ng uwak, kuwago at kuliglig sa kagubatan ay nawala rin. Sa huling pagkakataon ay tinitigan ko siya nang deretso sa kaniyang mga mata bago ko binitiwan ang mga salitang labag man sa aking kalooban na sabihin sa kaniya ngunit ito na lang ang natitirang paraan at siyang pinakamadaling daan patungo sa puso ni Enrique. "Tulungan mo akong mapalapit kay Enrique. Tulungan mo akong maging isang Alfonso."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top