Kabanata 2
[Kabanata 2]
"IKAW ang pinakamatapang na munting binibining aking nakilala," ngiti ko saka mabilis na hinila ang sinulid na hawak ko dahilan upang matanggal ang malambot na ngipin ng batang babae na narito ngayon sa aming pagamutan. Nanlaki ang kaniyang mga mata sa pagkamangha nang ipakita ko sa kanya ang nabunot niyang ngipin.
"At dahil sa iyong katapangan, ako'y may ibibigay sa iyo." Binuhat ko siya pababa sa higaan at inabot ko sa kaniya ang dalawang balot ng minatamis na santol. Napangiti siya sa tuwa. "Maraming salamat, Binibining Estella."
Bakas sa kaniyang mukha ang kasiyahan habang pinagmamasdan ang kaniyang nabunot na ngipin at minatamis na santol. "Iyo ring ipagbigay alam sa akin kapag malapit nang matanggal ang ngipin ni Guillermo," ngiti ko habang inaayos nang mabuti ang kaniyang buhok. Ang bunso niyang kapatid na si Guillermo ay apat na taong gulang pa lamang. Inaalagaan ko ang kanilang mga ngipin kung kaya't masaya ako na buong tapang na nagtungo sa aming pagamutan si Elisa.
"Opo," ngiti niya saka masayang nagpaalam pabalik sa kaniyang ina na isa sa mga tauhan ni ama sa bakahan. Inayos kong muli ang mga gamit; tuwing Lunes ay abala ang aming pagamutan dahil nagsasagawa kami ng serbisyo nang walang bayad.
Maraming kakilalang doktor si ama na buong pusong nagbibigay ng serbisyo sa pagamutan lalong-lalo na sa mga mahihirap at kapos sa salapi. Tatlong magkakatabing malalaking kubo ang aming pagamutan. Sa unang kubo ay doon isinasagawa ang mga operasyon. Ang pangalawang kubo naman ay ang lugar kung saan nagpapahinga ang mga pasyente. At ang pangatlong kubo naman ay ang tindahan namin ng mga gamot. Dito rin nakaimbak ang iba't ibang klase ng halamang gamot, kemikal at mga gamit sa medisina.
At ngayong Lunes ay abala rin ako sa pagsuri at pagbunot ng mga ngipin ng mga bata. Karamihan ay umiiyak at natatakot sa pagkawala ng kanilang ngipin ngunit nililibang ko lang sila ng kwento tungkol sa mga diwata na nagbibigay ng pabuya sa mga batang matatapang. Maraming bata ang nahuhumaling sa kwento kong iyon hanggang sa sila na mismo ang kusang lalapit sa akin upang ipatanggal ang kanilang malambot na ngipin.
"Aking naalala noong unang beses na matanggal ang iyong ngipin. Ikaw mismo ang humila niyon," tawa ni ama, nasa tabi ko lang siya. Abala siya sa pagbibigay ng unang lunas sa mga magsasaka na nasugat ang mga paa at kamay sa sakahan.
May apat pang doktor na kasama sa serbisyong ito, malalapit sila kay ama dahil naging kamag-aral nila si ama noong nag-aaral pa ito ng medisina. Hindi natapos ni ama ang kaniyang kursong medisina dahil maagang nagdalang-tao si ina nang hindi pa sila ikinakasal. Kung kaya't ang kapatid ni ama na aking tiyo ang siyang pinaaral na lang niya ng medisina. Nakatapos na si Tiyo Jaime Concepcion at isa na siyang ganap na doktor sa Maynila.
Sandali kong tinitigan si ama, may katandaan na rin siya. Maumbok ang kaniyang tiyan at bilugan ang kaniyang mukha na hindi masyadong halata dahil sa swabeng pagkakasuklay niya sa kaniyang bigote. Hindi katangkaran ang taas ni ama ngunit sa tuwing tumatawa siya ay para siyang isang malaking tao sa lalim ng kaniyang boses.
"Aking munting kerubin, aking nararamdaman na tila may ibig kang hilingin," wika ni ama habang abala sa pagtatapal ng sugat ni Mang Esping na isa sa pinagkakatiwalaan at paboritong manggagawa ni ama sa sakahan.
Napangiti na lang ako saka dahan-dahang lumapit kay ama. Tila natunugan niya na may ibig akong sabihin sa kaniya. "Ako'y kinakabahan sa kinikilos mong iyan. Sabihin mo na anak," patuloy ni ama. Hindi mawala ang ngiti sa aking mukha, nagdadalawang-isip ako kung dapat ko bang sabihin ngunit dahil para ito kay Enrique at sa aming magiging pamilya ay dapat akong gumawa ng paraan.
"Ama... Maaari ba nating anyayahan dito sa ating pagamutan si Señor Enrique?" ngiti ko saka humawak sa kaniyang bisig. Napatingin sa akin si ama, bakas sa mukha niya ang reaksyon na Heto na naman, ako'y bubulabugin mo na naman para sa iyong Prinsipe Enrique na iyan.
"Bagamat hindi pa man siya ganap na doktor, sa aking palagay ay magandang pagkakataon ito upang magamit niya ang kaniyang mga natutunan sa medisina," patuloy ko saka sumandal sa balikat ni ama. Animo'y isa akong pusa na naglalambing sa kaniya.
Ayon kay Amanda, may isang taon pa bago matapos ni Enrique ang kaniyang kurso at makuha ang kaniyang certifico. Si Ginoong Juancho Corpuz na nakatatandang kapatid ni Amanda ay ganap ng doktor dahil mas matanda siya ng halos limang taon sa aking irog.
"Ibig ko ring anyayahan ang binatang Alfonso na iyon ngunit batid mo naman anak na tila suntok iyon sa buwan. Ang kinahuhumalingan mong binatang iyan ay anak ni Don Matias," saad ni ama, napahinga ako nang malalim.
"Ama, tao lang din naman si Don Matias na may balbas. Wala tayong dapat ikatakot sa kanila dahil pare-pareho lang tayong tao sa mundong ito," wika ko. Agad naman akong sinaway ni ama sa takot na may ibang makarinig sa sinabi ko tungkol sa ginagalang ng lahat na gobernador ng San Alfonso.
"Mirna, ikaw na muna ang bahala rito," tawag ni ama kay Aling Mirna na siyang tumutulong din sa pagamutan. Agad akong hinila ni ama papunta sa kabilang kubo na siyang tindahan at imbakan ng mga gamot. Tulad ng dalawang kubo ay malaki rin ito, may mahabang mesa sa harapan at mga silya para sa mga bumibisita at bibili ng gamot. Nakatayo rin ang matataas na aparador na kung saan nakaimbak ang mga gamot, kemikal at halamang gamot ayon sa uri ng mga ito. Tila isa itong silid-aklatan ngunit mga gamot ang matatagpuan.
"Estella, ikaw ay mag-iingat sa mga salitang iyong binibitawan. Tiyak na ikapapahamak mo iyan," paalala ni ama sabay himas sa kaniyang bilugang tiyan. Kung minsan ay pabiro kong sinasabi sa kaniya na malapit na niyang isilang ang aking kapatid.
"Ama, ilang beses ko na pong nakita si Don Matias. Hindi naman siya nakatatakot tulad ng sinasabi niyo at ng ibang tao. Sa tuwing may parada at sa misa, lagi ko siyang pinagmamasdan. Wala naman akong nakikitang nakatatakot sa kaniya bukod sa makapal niyang balbas at bigote," paliwanag ko, pinaupo ako ni ama saka inabutan ng isang basong tubig.
"Ano bang ibig mong ipaunawa sa akin?" saad ni ama saka naupo sa silyang nasa tapat ko. May iilang mga butil at halamang gamot ang nasa ibabaw ng mesa. Hindi pa natatapos nina Aling Mirna ang pagbabalot ng mga iyon. "Ama, darating din ang pagkakataon na makakasama niyo nang madalas si Don Matias dahil ako ang magiging asawa ni Señor Enrique," panimula ko. Ibig kong ipaliwanag sa kaniya ang buong senaryo at ang magiging buhay namin sa oras na maging ganap na akong Alfonso.
Bigla namang nagtaka ang hitsura ni ama, tila hindi siya kumbinsido na ako ang mapapangasawa ni Enrique. Ngunit kahit gayon ay nakinig pa rin siya sa sinasabi ko. "Tuwing may okasyon, pista, kaarawan, mahal na araw, araw ng kamatayan, pasko at bagong taon ay palagi nating makakasama ang kanilang pamilya. At sa oras na isilang ko na ang mga supling na bunga ng aming pagmamahalan ni Señor Enrique ay madalas mo ring makakasama sina Don Matias dahil tiyak na malilibang kayo sa mga bata."
Hinawakan ko ang kamay ni ama. "Kaya ama, huwag kang matakot kay Don Matias. Maaaring sadyang napakataas nga niya ngayon ngunit sa oras na maging isa na tayo sa kanilang pamilya ay maaari mo na siyang biruin, alukin ng alak at makipagsabong tulad ng iyong hilig," ngiti ko. Hindi ko mabasa kung natatawa ba o mas lalong namoblema si ama dahil sa mga sinabi ko.
"Anak nga kita, isang munting kerubin na ubod ng pilya," tawa ni ama saka hinawakan nang mahigpit ang kamay ko. Napangiti na lang din ako at pinaalala ko sa kaniya kung paano niya ako pinalaki. Ang mga pangaral ni ama ay tumatak talaga sa aking isipan. Tulad noong walong taong gulang ako, ibig kong kumain ng mangga. Sinabi sa akin ni ama na kung ibig kong makuha ang prutas na iyon ay dapat gumawa ako ng paraan, paghirapan ko iyon. Akyatin ko ang puno at huwag lang akong maghintay na bumagsak ang bunga dahil tiyak na puputi ang buhok ko kahihintay.
Kapag ibig kong kumain ng kanin ngunit wala akong bigas, kailangan kong matutong makisaka sa ibang palayan at makisama nang mabuti. Kung ibig kong uminom ng tubig sa gitna ng tuyot na lupa, matuto akong magbungkal ng lupa hanggang sa makakuha ng tubig. Ang turo ni ama, hindi dapat ako umasa sa iba, hindi ko dapat hintayin na dumating ang swerte. Dapat marunong akong gumawa ng paraan sa buhay.
"Ngunit anak, ibig ko ring maunawaan mo ito," saad ni ama, binitawan niya ang aking kamay saka kinuha ang mga butil ng palay at isang bato na nakapatong sa mesa. "Ang mga butil ng bigas na ito ay ako," saad ni ama saka nilapag sa gitna ang isang maliit na butil.
"Ito naman ang buong samahan namin sa organisasyon ng mga mangangalakal," patuloy ni ama saka ibinuhos sa gitna ang iba pang butil ng bigas. "Samantala, itong malaking batong ito naman ay si Don Matias Alfonso," dagdag ni ama saka nilagay sa tabi ng bigas ang malaking bato na sinlaki ng kamao.
"Pagmasdan mo nang mabuti," saad ni ama. Tinitigan kong mabuti ang mga bigas at batong iyon. "Ako ay isang hamak na tagapangasiwa lang ng salapi sa aming organisasyon. Ang pinuno ng samahan ng mga mangangalakal ay si Don Teodoro. Kulang ang aming lakas at kapangyarihan upang mapansin ng isang gobernador," paliwanag ni ama saka kinuha ang bato.
"At sa oras na magkamali kami, tiyak na ito ang aming sasapitin," saad ni ama saka ginamit ang batong iyon upang madurog ang mga bigas. Nanlaki ang mga mata ko at napatulala sa ginawa niya.
"Kaya ikaw, huwag kang gagawa ng ikapahahamak ng ating pamilya at ng buong samahan. Mabait man ang hitsura ni Don Matias ngunit hindi natin natitiyak kung ano ang tumatakbo sa kaniyang isipan. Nakasisiguro ka ba na ang butil ng bigas na ito ay magandang klase kapag naluto? Hindi. Kaya huwag kang basta magtitiwala sa kung ano ang hitsura at tindig ng isang tao," patuloy ni ama. Napahinga na lang ako nang malalim saka tumango sa kaniya.
"Hindi ko na ipipilit, ama, na pakisamahan niyo si Don Matias ngunit sana ay tanggapin niyo ng buong puso si Señor Enrique bilang aking asawa," hirit ko. Mabilis namang tinapik ni ama ang kamay ko. "Ni hindi ka pa nga nililigawan ng binatang iyan. Ikaw talagang bata ka," sermon ni ama ngunit tinawanan niya rin ako.
"Ano na bang hitsura ng Alfonsong iyan dahilan upang hanggang ngayon ay kinahuhumalingan mo pa rin siya?" tawa ni ama. Tatayo na sana siya nang biglang may nagsalita sa tapat ng pintuan. "Magandang umaga po, Don Gustavo," bati ni Ginoong Juancho. Hinubad niya ang kaniyang sombrero at itinapat iyon sa kaniyang dibdib. Nanlaki ang mga mata ko sa gulat nang mapatingin ako sa lalaking kasama niya.
"Magandang umaga po," bati ng lalaki sabay hubad ng sombrero at itinapat niya rin iyon sa kaniyang dibdib. "Buenas dias, pasok kayo mga ginoo," ngiti ni ama saka inanyayahan silang maupo. Agad akong napatayo at mabilis na tumabi kay ama.
"Siya nga po pala, isinama ko po ang aking kaibigan na kakagaling lamang mula sa Europa. Siya po si Lucas Alfonso, anak ni Don Samuel Alfonso," patuloy ni Ginoong Juancho. Agad namang nagbigay-galang ulit ang lalaking iyon saka tinanggap ang pakikipag-kamay ni ama.
"Ikaw ay anak ni Don Samuel? Ang tanyag na propesor at doktor sa Maynila? Ikinagagalak kong makilala ka hijo," ngiti ni ama na animo'y sumalubong sa hari. Malaki rin ang ngiti ng lalaking iyon na animo'y nakatanggap ng gantimpala sa hari.
"Siya nga pala, ang aking anak..." saad ni ama sabay hila sa 'kin. "Nagkakilala na po sila kagabi, Don Gustavo," singit ni Ginoong Juancho. Bakas naman sa mukha ni ama ang pagkamangha at tuwa na parang gusto niya akong ialay sa hari.
"Saan?" usisa ni ama, animo'y isa siyang takapagkalat ng mga impormasyon. "Sa teatro po," magalang na sagot ni Lucas. Tinaasan ko lang siya ng kilay; dapat tinanggi na lang niya upang hindi mag-isip si ama ng kung ano-ano.
"Sa teatro ni Maestro Domingo? Sabagay, madalas doon ang aking anak. Mahilig siyang manood ng mga dula," ngiti pa ni ama saka naupo sa tapat nila. "Anak, ipaghanda mo kami ng mainit na kape at merienda," utos ni ama, at naglakad na ako papalabas. Ngunit bago ako tuluyang makalabas ng pinto ay lumingon pa ako sa kanila.
Ang lalaking iyon, sinira niya ang aking plano kagabi. Nagulat ako nang mapatingin din siya sa akin dahilan para mapatakbo agad ako papalabas.
"SEÑORITA..." Natauhan na lang ako nang marinig ko ang boses ni Isidora. Nagtitimpla ako ng kape sa kabilang kubo na siyang lutuan at kung saan inihahanda ang pagkain ng mga pasyente. "Ako na ho ang bahala rito," patuloy niya saka inagaw sa akin ang pagtimpla ng kape. Napasandal na lang ako sa bintana, hindi pa rin mawala sa isipan ko ang nangyari sa teatro kagabi.
"Ang ginoong ito ay anak ni Don Samuel na kakambal ni Don Matias. Siya si Ginoong Lucas Alfonso," patuloy ni Ginoong Juancho. Kasabay ng pagsaboy ng mga apoy at malakas na musika sa entablado bilang panimulang pagtatanghal ay naroon din ang pagsabog ng puso ko sa harap ng binatang ito na isa ring Alfonso!
At dahil sa gulat ay agad akong napatayo sa upuan. Nagulat sila, maging ang mga tao sa likuran. Narinig kaya ng lalaking ito ang sinabi ko kanina? Kung anak siya ni Don Samuel na kakambal ni Don Matias. Magpinsan sila ni Enrique!
Narinig kaya niya ang pagbanggit ko sa pangalan ni Enrique?!
"Binibining Estella," tawag ni Ginoong Juancho, nakatingin silang lahat sa akin ngayon. Ngumiti lang ako ng kaunti saka muling humarap sa entablado at bumalik sa pagkakaupo. Halos isang oras din ang itinagal ng dula; hindi ko maintindihan ang buong pagtatanghal dahil halos sumabog ang utak ko sa kahihiyan. Higit sa lahat, hindi ko mawari kung nasaan si Enrique. Bakit hindi siya ang kasama ngayon ni Ginoong Juancho?
Hindi rin ako mapakali dahil panay ang bulong ng lalaking katabi ko kay Ginoong Juancho tungkol sa mga hula niya sa magiging takbo ng dula. Hindi naman sa nakiknig ako sa bulungan nila ngunit halos lahat ng hula niya sa daloy ng kwento hanggang sa wakas nito ay tama. Hindi ko tuloy maramdaman ang ganda ng dula dahil batid ko na agad ang mga mangyayari mula sa hula niya.
Nang matapos ang dula, napalingon ako sa kinauupuan nina Celeste at Bonita. Kumakaway sila sa akin at minamadali akong lumabas ng teatro. Tumayo na ako ngunit napatigil ako nang magsalita si Ginoong Juancho, "Binibining Estella, ibig mo bang sumama sa amin?" tanong nito. Nakangiti naman ang babaeng nasa tabi niya na sa aking palagay ay nasa edad labing-walong taong gulang. Samantala, ang isang Alfonso namang nasa tabi niya ay nakatingin lang sa entablado habang sinusuri ito nang mabuti.
Si Enrique dapat ang kasama ko ngayon, ang sunod pa namang plano ay maglalakad kami papalabas sa teatro at mag-uusap sa plaza. Ngunit tila hindi na mangyayari iyon dahil hindi siya ang dumating ngayon. "Maraming salamat, Ginoong Juancho ngunit kailangan ko nang umuwi," tugon ko saka nagbigay-galang sa tapat nila.
"O'siya, mag-iingat ka, binibini," saad ni Ginoong Juancho. Tumango ako saka tumalikod at nagsimula nang maglakad papalabas ng teatro. Ngunit nakatatatlong hakbang pa lamang ako ay narinig kong nagsalita ang babaeng kasama ni Ginoong Juancho.
"Kuya, ano bang ibig na palamuti ni Constanza?" tanong ng babae. Napatigil ako sa paglalakad at tila lumaki ang aking tainga nang marinig kong banggitin niya ang pangalan ng nakababatang kapatid ni Enrique na si Constanza Alfonso.
"Sapat na ang binili mo kanina para sa kaniya, tiyak na hinihintay na nila tayo sa kanilang tahanan," sagot ni Ginoong Juancho, nauna na silang makalabas sa teatro. Sa pagkakataong iyon, dali-dali akong sumunod sa kanila papalabas.
Kung pupuntahan nila ngayon si Constanza, ibig sabihin pupunta sila sa Hacienda Alfonso!
"Sandali, Ginoong—" Tatawagin ko sana si Ginoong Juancho at sasabihing sasama na pala ako sa kanila ngunit biglang dumating sina Celeste at Bonita. Mabilis nilang hinawakan ang magkabilang bisig ko saka hinila ako papalayo sa teatro. Kasabay niyon ay nakasakay na ng kalesa sina Ginoong Juancho at ang mga kasama niya at mabilis din itong nakalayo.
"Kailangan natin silang habulin! Magtutungo sila ngayon sa Hacienda Alfonso!" bulong ko, nakatayo kami sa gilid ng teatro. "Hindi iyan ang mas mahalaga ngayon, Estella may dapat kang malaman!" wika ni Celeste, bakas sa kaniyang hitsura ang kaba. Napatingin din ako kay Bonita, maging siya ay pinagpapawisan din sa kaba.
"Ngunit inimbitahan ako ni Ginoong Juancho na sumama sa kanila, bakit pa ako tumanggi?!" Gusto kong magwala at magsisisigaw sa gitna ng plaza. "Kung magtutungo man sila sa Hacienda Alfonso ngayon, tiyak na wala roon si Señor Enrique!" saad ni Bonita.
"Makinig ka Estella, kanina matagumpay na naisama ni Amanda ang kaniyang Kuya Juancho, ang pinsan nila na si Rosa, ang makisig na ginoo na hindi namin batid kung sino at si Señor Enrique patungo sa teatro," panimula ni Celeste, maging ako ay pinagpapawisan na rin. Ibig kong humabol sa kalesang sinasakyan nina Ginoong Juancho kahit pa tumakbo ako nang napakalayo.
"Nasaan si Amanda?" tanong ko. Bago pa man sila tumugon ay dumating na rin si Amanda na kalalabas lamang sa loob ng teatro. "Kanina pa kita hinahanap, Esteng!" sigaw ni Amanda at mabilis siyang tumakbo papalapit sa amin.
"Inaabangan kita sa likod ng entablado, ngunit nagsimula na ang palabas at hindi na ako makalabas doon," patuloy ni Amanda, maging siya ay hinihingal at hapong-hapo na rin. "Inyo na bang nasabi sa kaniya?" tanong ni Amanda kina Celeste at Bonita, sabay na napailing ang dalawa. Kinakabahan ako kahit hindi ko batid kung ano ba ang natuklasan nila.
Tumingin nang deretso sa akin si Amanda. "Bago kami makapasok sa teatro kanina, may dumating na kutsero at may inabot itong liham kay Señor Enrique. Nang mabasa niya iyon, nagpaalam siya sa amin at sinabing may kailangan lang siyang puntahan. Ibig siyang samahan nina Kuya Juancho at Señor Lucas ngunit sinabi niya na may katatagpuin siya." Napatigil ako nang marinig ang sinabi ni Amanda.
"Sino ang kaniyang katatagpuin?" tanong ni Celeste, wala na akong lakas ng loob magsalita. Tila may malaking batong nakaharang sa aking lalamunan at nakapatong sa aking dibdib dahilan upang hindi ako makahinga nang maayos sa aking mga nalaman.
"Hindi namin batid ngunit pamilyar ang kutsero at ang kalesang iyon. Hindi ko lang matukoy kung kaninong pamilya ngunit nakatitiyak ako na naninirahan din ito sa ating bayan," tugon ni Amanda. Sa pagkakataong iyon, napasandal na lang ako sa malaking puno na nasa tabi ng teatro. Kaya pala hindi nakarating ngayon sa teatro si Enrique, kaya pala wala siya ngayon dahil may mas mahalaga siyang katatagpuin.
Bumalik na ako sa kinaroroonan nina Ginoong Juancho at ng isang Alfonsong iyon na tila naghahatid sa akin ng kamalasan. Pagpasok ko sa loob, naabutan kong nagbabasa ng libro si Ginoong Juancho habang ang lalaking iyon ay naglilibot sa loob ng imbakan ng mga gamot at isa-isang pinagmamasdan at sinusuri ang mga iyon.
"Nasaan si Ama?"
"Tinawag siya ni Doktor Victorino sandali," sagot ni Ginoong Juancho.
Inilapag ko na sa mesa ang tatlong tasa ng mainit na kape at kakanin na merienda. "Salamat, Estella," saad ni Ginoong Juancho saka muling bumalik sa pagbabasa ng libro. Umupo ako sa tabi niya habang sinusundan ng tingin ang lalaking kasama niya na tila inspektor mula sa kaharian.
Hinahawakan at tinitingnan niyang mabuti ang mga gamit sa aming pagamutan. Maging ang mga halamang gamot ay hindi niya pinalagpas at inaamoy ang mga iyon. "Ginoong Juancho, ano bang ginagawa ng lalaking iyan dito?" bulong ko sa kaniya. Napatigil naman siya sa pagbabasa saka sinundan din ng tingin ang Lucas na iyon.
"Isa ba siyang inspektor? Sugo mula sa pamahalaan? Sa kaharian? Espiya? O di kaya ay magtatayo rin siya ng sariling pagamutan at pababagsakin ang aming nasimulan?" sunod-sunod kong tanong, bigla namang natawa si Ginoong Juancho. "Iyan ang naidudulot ng iyong panonood ng dula at pagbabasa ng mga nobela. Binibini, si Lucas ay isang doktor," tawa ni Ginoong Juancho. Napalingon naman sa amin ang lalaking iyon dahil sa lakas ng tawa ni Ginoong Juancho.
"Ah, ibig din niyang tumulong dito sa pagamutan," wika ko saka tumango na lang sa aking sarili. Nagbasa na ulit ng libro si Ginoong Juancho, pinagmasdan ko ulit ang lalaking iyon. Sa unang tingin, masasabi kong isa naman siyang makisig at magandang lalaki ngunit wala pa ring makatatalo sa aking Enrique.
Tila maganda ang lahi ng mga Alfonso, mapapaganda rin ang kalagayan at lahi ng aming magiging anak ni Enrique. Hindi ko namalayan na napangiti ako habang iniisip ang bagay na iyon, nagulat na lang ako nang magsalita si Ginoong Juancho. "Tila ikaw ay nahuhumaling kay Lucas," wika niya sabay tawa. Hindi siya nakatingin sa akin, sa halip ay nakatingin pa rin siya sa kaniyang librong binabasa.
Napakunot ang aking kilay. "Uminom ka na lang ng kape, ginoo nang mabilaukan ka sa iyong mga sinasabi," saad ko sabay abot sa kaniya ng kape. Tumayo na ako saka sinundan ang lalaking iyon na abalang-abala sa pagsusuri sa lahat ng mga gamit at gamot.
Tila hindi niya pa nararamdaman ang aking presensiya sa kaniyang likuran habang isa-isang inaamoy ang mga halamang gamot. Ano kaya ang pakay niya rito sa San Alfonso? Ibig ba niyang makipagpaligsahan kay Enrique sa pagiging pinakamagandang lalaki rito sa bayan?
Kung sabagay, mabuti na rin at narito siya upang malihis ang atensyon ng ibang mga babae kay Enrique. Pinagmasadan ko siya mula ulo hanggang paa habang nakatalikod pa rin siya sa akin. Mabuti na lang din magaganda talaga ang lahi ng mga Alfonso, sinuwerte rin ang lalaking 'to.
"Mabisa ang halaman na ito sa pagpapahilom ng sugat," saad niya na ikinagulat ko. Nakatalikod siya sa akin ngunit tila batid niyang nasa likod ako at ngayon ay kinakausap na niya ako. Bago pa siya makaharap sa akin ay dali-dali akong tumalikod at naglakad pabalik sa tabi ni Ginoong Juancho.
Aking nararamdaman na balak niya akong tanungin tungkol sa mga halamang gamot na naroroon at kung para saan ito ginagamit. Hindi ko batid ang lahat at tiyak na ipagmamalaki niya ang mga natutunan niya sa Europa.
Tumingin siya sa amin, mabilis akong umiwas ng tingin at tumitig sa kape. Habang si Ginoong Juancho naman ay nagbabasa pa rin ng libro. Nang tumalikod na siya mabilis akong bumulong kay Ginoong Juancho. "Ginoo, bakit hindi mo nga pala isinama si Señor Enrique?"
Napatigil naman si Ginoong Juancho sa pagbabasa at uminom ng kape. Limang taon ang tanda ni Ginoong Juancho sa kapatid niyang si Amanda na kaedad ko. Ngunit kahit gayon ay magaling pa rin siyang makisama sa aming mga mas nakababata sa kaniya.
"Ibig mo bang isama ko si Enrique?" tawa niya, napalunok na lang ako. Batid niya bang may pagtingin ako kay Señor Enrique? Kung gayon, bakit itong lalaking hilaw na ito ang isinama niya rito?
"H-hindi ba't doktor din si Señor Enrique? Ako'y nagbabaka-sakali lamang kung ibig niyang tumulong dito sa pagamutan," sagot ko, ngumiti lang si Ginoong Juancho saka tumingin kay Lucas na ngayon ay naglalakad na papalapit sa amin.
May dala siyang makapal na libro saka umupo sa tapat ko. "Abala ngayon si Enrique sa paghahanda sa kaniyang nalalapit na kasal," sabat ng lalaking iyon, tinaasan ko na lang siya ng kilay. Hindi naman siya ang aking kinakausap.
Napatigil ako nang mapagtanto ko na naririnig niya pala ang mga sinasabi ko kay Ginoong Juancho mula kanina! Ibig sabihin, narinig niya rin ang tanong ko kanina kay Ginoong Juancho kung bakit siya naririto?!
Hindi ko napigilan ang aking sarili, naibagsak ko ang aking kamay sa mesa saka deretsong tumingin kay Lucas. "May pakakasalan nang binibini si Enrique?!" Nagulat silang dalawa sa sinabi ko. Agad akong umupo ng tuwid saka napahagod sa aking lalamunan. Aking nakaligtaan na hindi kaibig-ibig na asal ng isang binibini ang aking ginawa.
"Ah, a-ang aking ibig na iparating ay... napakaswerte naman ng binibining pakakasalan ni Señor Enrique," ngiti ko sabay kuha ng tasa ng kape at mahinhin na ininom iyon. Nagkatinginan sina Ginoong Juancho at Lucas sabay tingin muli sa akin nang may pagtataka.
Bigla namang tumawa si Ginoong Juancho. "Wala pang sinasabi sa amin si Doña Emilia, marahil ay abala pa lang sila sa paghahanda sa kasal ngunit wala pa silang napipiling dalaga," saad ni Ginoong Juancho, at sa pagkakataong iyon ay hindi ko mapigilang mapangiti sa aking sarili. Mayroon man o wala, may napupusuan man si Enrique o wala, ako pa rin ang dapat na makabingwit sa puso niya.
"Interesado... Tila ikaw ay interesado, binibini," ngisi ni Lucas sabay taas ng tasa. Napalunok na lang ako sa kaba, maging si Ginoong Juancho ay nakangisi rin. Pinagpapawisan ang aking noo at palad, at dahil sa matinding kaba ay agad akong napatayo. "I-ibig niyo ba ng tubig na maiinom?"
"Sapat na ito," tugon ni Ginoong Juancho.
Dumating na si ama. "Paumanhin kung pinaghintay ko kayo. May sinuri lang kami ni Victorino," wika nito saka naupo sa kabisera ng mesa. Lumipat ako ng upuan at tumabi kay ama.
"Gaano na po katagal ang inyong pagamutan, Don Gustavo?" tanong ni Lucas kay ama.
"Sa aking palagay ay..." Agad kong hinawakan ang bisig ni ama at bumulong sa kaniya. "Ama, tila magiging katunggali natin sa pagamutan ang lalaking iyan. Kanina pa siya nagmamasid at nagsusuri dito," bulong ko kay ama. Nagkatinginan naman sina Lucas at Ginoong Juancho dahil sa mga ibinubulong ko kay ama.
"Ha? Ano iyon, Estella?" ulit ni ama, malakas ang boses niya kung kaya't napapikit na lang ako sa hiya. Kung minsan ay mahina rin ang pandinig ni ama at dahil sa bilis kong magsalita ay hindi niya yata nasundan ang aking mga ibinulong.
"A-ang sabi ko po ama ay inumin niyo na ang inyong kape bago pa ito lumamig," saad ko, tumango naman sina Ginoong Juancho at Lucas. "Bakit kailangan mo pang ibulong sa akin iyon?" tanong ni ama. Napapikit na lang muli ako; kung minsan talaga, batid ko na kung kanino ako nagmana.
"Bueno, ikaw ba hijo ang Lucas na tinutukoy sa akin ni Jaime na siyang tinulungan niyang mag-aral sa Europa?" tanong ni ama kay Lucas, tila interesado siya kay Lucas dahil sa ganda ng tindig nito at isang Alfonso na mula sa Europa.
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi ni ama, at mas lalo nang tumango si Lucas. Hindi ako makapaniwala na may ugnayan din ang lalaking ito sa aking Tiyo Jaime. "Opo, ako nga po iyon. Matalik na kaibigan at estudyante ni ama si Doktor Jaime. Siya po ang nagsulat ng liham sa aking pinasukang paaralan sa Alemanya. May isang taon pa po ako sa medisina, sa Maynila ko na ipagpapatuloy ang aking pag-aaral," tugon niya. Kung gayon, halos kaedad niya lang ang aking Enrique.
"Kay liit ng mundo. Nagagalak akong makilala ka, Lucas," ngiti ni ama, ngumiti naman pabalik si Lucas. Ngayon ko lang napansin ang isang biloy sa kaniyang kanang pisngi.
"Tila ngayon lang din kita nakita, hijo. Gaano na ba katagal magmula nang magtungo ka sa Europa?" patuloy ni ama na sinasabayan din niya ng tawa. "Siyam na taong gulang pa lamang po ako nang isama ako sa Europa ng aking tiya. Ikalawang beses pa lang po ako nakarating dito sa San Alfonso," sagot ni Lucas. Tumawa ulit si ama kahit wala namang nakatatawa.
"Kung gayon, bakit naisipan mong ipagpatuloy rito ang iyong pag-aaral? Kailan ba kayo babalik sa klase?" tanong muli ni ama. Uminom ng tubig si Lucas, tila natuyo na ang kaniyang lalamunan sa dami ng tanong ni ama.
"Sa Hunyo po ang simula ng aming klase. Pansamantala muna akong mananatili rito sa inyong bayan upang tulungan din ang aking pinsan sa paghahanda sa kaniyang nalalapit na kasal," tugon ni Lucas. Napatingin naman sa akin si ama, ako naman ang ngumiti ngayon. Basta kasal ni Enrique ang usapan, batid niyang ako na iyon.
"Ako'y nagtataka lamang dahil ibig nang ipakasal nina Don Matias at Doña Emilia ang kanilang anak kahit pa hindi pa ito nakakatapos sa kolehiyo," saad ni ama, napasandal naman sa upuan si Ginoong Juancho.
"Batid niyo naman po Don Gustavo na ibig ni Doña Emilia na sanayin na ang magiging asawa ni Enrique hanggang sa makatapos si Enrique. Bukod doon, hindi ba't ang pagkakaroon po ng apo ay tiyak na makapagbibigay-aliw sa mga nakatatanda?" ngiti ni Ginoong Juancho na sinabayan din ng tawa ni ama.
"Iba talaga ang kamandag nating mga kalalakihan. Tayo ay puno ng tapang at bagsik," habol pa ni ama sabay tawa nang malakas.
Tumawa silang tatlo. Ilang sandali pa, napatigil at napatayo silang tatlo nang may mahulog na ipis sa gitna ng aming mesa. Sumigaw si ama, maging sina Ginoong Juancho at Lucas ay napatakbo sa tapat ng pintuan. Muntikan nang sumabog ang aking tainga sa lakas ng sigaw nila.
Dumating din sina Aling Mirna, Isidora at ang ilang tauhan ni ama sa pagamutan nang marinig nila ang malakas na sigaw nilang tatlo. Tumayo na ako saka kinuha ko ang pinakamalapit na libro sa mesa at inihampas iyon sa ipis na kinatatakutan nila.
Tiningnan ko silang tatlo. Iba pala talaga ang tapang at bagsik na kanilang tinataglay.
"IYONG alalahanin, Andeng!" pagpupumilit nina Celeste at Bonita kay Amanda habang naglalakad kaming apat sa mahabang pasilyo ng simbahan ng San Alfonso. Katatapos lang ng aming klase at ngayon ay pauwi na kami. "Ako'y nakasisiguro na ang kutserong iyon ay nagsisilbi sa isa sa mga principales at makapangyarihang pamilya rito sa ating bayan," saad ni Amanda. Maaliwalas ang kapaligiran at may mga paru-parong lumilipad sa hardin sa gilid ng simbahan.
Magsasalita pa sana ako nang mapatigil silang tatlo. Maging ako ay napatigil din dahil makakasalubong namin sa mahabang pasilyo ang punong madre at ang buong samahan ng mga madre sa simbahan ng San Alfonso. Agad kaming nagbigay-galang sa kanila hanggang sa malagpasan nila kami.
Nang makalayo na ang mga madre, hinila ko silang tatlo papasok sa isang bakanteng silid ng simbahan. May maliit na mesa sa gitna at isang gamit na lampara. Sinarado ko ang pinto at sinindihan iyon. "Anong gagawin natin dito?" tanong ni Celeste. Agad ko silang sinenyasan na hinaan lang nila ang kanilang boses.
"Makinig kayong lahat, may inihanda akong plano," saad ko sabay kuha ng isang malaking papel na nakaipit sa aking libro. Inilapag ko iyon sa mesa, at tanging ilaw lang mula sa gasera ang nagbibigay liwanag sa amin sa loob ng madilim na silid. Tila mayroon kaming lihim na pagtitipon.
"Nabigo ang ating unang plano... Kung kaya, may inihanda akong pangalawa," panimula ko sabay turo sa iginuhit kong bilog sa papel na iyon. "Kapalaran ang muling magbabalik sa aming landas ni Enrique. Ang unang plano ay hindi naging matagumpay ngunit ang pangalawang planong ito ay kapalaran din, mas mataas at madugo," patuloy ko, nagulat silang tatlo.
"Anong ibig mong sabihin sa madugo? Ikaw ba ay papaslang?" gulat na saad ni Bonita, napasingkit naman ang aking mga mata sabay tingin sa kaniya. "Boneng, paano kami ikakasal ni Enrique kung makukulong ako at maparurusahan ng kamatayan dahil sa pagpaslang. Hindi iyon ang plano, at hindi ko iyon magagawa. Ipis lang ang aking magagawang paslangin," tugon ko saka muling itinuro ang mga nakaguhit sa malaking papel.
"Madugo ito dahil kinakailangan kong ialay ang aking buhay," saad ko. Si Amanda naman ang napatakip ng bibig sa gulat. "Iyong iaalay ang iyong puso sa mga engkanto upang maisakatuparan ang iyong pangarap na ikasal kay Enrique?!"
"Andeng, paano kami magkakatuluyan ni Enrique kung wala na akong puso? Hindi siya maaaring mabyudo nang maaga!" sagot ko saka muling gumuhit sa papel.
"Anong ibig mong iparating sa madugo? Esteng! Huwag mo sabihing ibig mong sunggaban si Señor Enrique sa kalagitnaan ng gabi at—" Hindi na natapos ni Celeste ang kaniyang sasabihin dahil maging siya ay tiningnan ko nang deretso. Napahalakhak naman sina Bonita at Amanda dahil sa mapusok na utak ni Celeste.
"Mga amiga, ano bang tumatakbo sa inyong isipan? Hindi ko magagawang pumaslang, makipagkaisa sa engkanto o sunggaban si Enrique sa hatinggabi. Ang ibig kong iparating sa sunod na plano ay sasali ako sa hilig nilang laro..."
"Anong laro?"
"Ang iyo bang tinutukoy ay..."
"Eskrima," (Fencing) sagot ko.
ARAW ng Huwebes, tuwing hapon ay naglalaro ng eskrima sina Ginoong Juancho. Batid kong naglalaro rin nito si Enrique ayon kay Amanda na naririnig din naming binabanggit ng kaniyang kuya. Bukod doon, marunong din akong maglaro niyon.
Madalas namin itong libangan ni ama sa bahay. Bata pa lamang ako ay tinuruan na niya ako sa larong ito. Mahalaga para kay ama na kahit papaano ay alam ko kung paano ko ipagtanggol ang aking sarili. Tuwing Linggo, pagkatapos naming magsimba sa umaga ay nag-eensayo kami.
At ngayon, wala nang makapipigil sa akin. Sa tulong ng larong ito ay mapalalapit ako kay Enrique. Nakaupo ako ngayon nang deretso sa isang silya malapit sa pintuan ng malaking silid kung saan nag-eensayo ng eskrima ang mga kalalakihan.
May mga bata, binata at matanda. Madali akong nakapasok sa loob sa tulong ng bunsong kapatid ni Celeste na si Maximilliano Montecarlos. Walong taong gulang pa lamang ito at ako ang sumama sa kaniya sa loob. Pagdating sa loob ay agad akong nagpalit ng damit, at isinuot ko rin ang ang pantakip sa mukha.
Kasalukuyang nag-eensayo si Maximillano habang tinututukan ng mga nakatatanda. Nakaupo lang ako roon, pinagpapawisan na ako sa init ng kasuotang aking suot. Hindi ko rin maaaring tanggalin ang suot kong pantakip sa mukha dahil tiyak na mawiwidang silang lahat sa oras na malaman nilang naririto ako. Bukod doon ay hindi ko batid ang aking gagawin sa oras na makaharap ko na si Enrique.
Ayon sa plano, kalalabanin ko siya ngayon sa isang duelo. Ngunit bago mangyari iyon, kailangan kong matalo ang ilang kalahok hanggang sa maging katapat ko si Enrique.
Ilang sandali pa, pinatayo na kaming lahat ng maestro. Ibig ko nang umatras ngunit naririto na ako. Bukod doon, tiyak na dadalo rito si Enrique kung kaya't hindi ko dapat ito palagpasin.
Nagulat ako nang bigla akong ituro ng maestro sabay turo sa kabilang lalaki na nakatayo sa dulo. Laking-gulat ko nang makita si Lucas!
Agad siyang naglakad patungo sa gitna. Naupo naman ang lahat sa sahig maliban sa akin kung kaya't kaming dalawa ngayon ang nakatayo sa gitna. Napahinga na lang ako nang malalim; wala pa si Enrique ngayon kung kaya't hindi magugulo ang aking atensyon.
Hinawakan ko na nang mabuti ang sabre o espada. Ilang taon na akong nagsasanay sa larong ito. Madalas ko ring matalo si ama sa duelo. Hindi na dapat ako kinakabahan ngunit kailangan ko pa ring subukan hanggang sa makarating ako kay Enrique.
Ngumiti at tumango sa 'kin si Lucas bago niya isuot ang pantakip sa mukha. Tila ibig niyang iparating na lalampasuhin niya ako mula sa mga ngiting iyon. Hindi ko batid kung anong tumatakbo sa kaniyang isipan at kung gaano siya kagaling sa larong ito ngunit mas malakas ang hangarin kong matalo siya upang makalapit kay Enrique.
Nagsimula na ang laban, ako ang unang umatake, bagay na ikinagulat niya ngunit mabilis din siyang bumawi at inatake ako nang sunod-sunod. Iisipin ko na lamang na isa siya sa mga babaeng hahadlang sa pag-iibigan namin ni Enrique kung kaya't kailangan ko siyang tapusin!
"Excelente!" sigaw ng maestro at sabay-sabay na pumalakpak ang lahat. Ako ang nagwagi; nabitawan niya ang kaniyang espada nang mabilis kong hinawi ito bago itutok sa tapat ng puso niya ang aking sabre.
Hinubad na ni Lucas ang kaniyang pantakip sa mukha at sabay kaming nagbigay-galang sa isa't isa. Nakatawa siya, may iilang nagsasabi na magpakilala na raw ako ngunit hindi pa maaari, kailangan kong makalaban si Enrique bago magpakilala sa lahat. Sa gayong paraan, ayon kay Bonita, tiyak na mamamangha at mahuhumaling si Enrique sa aking kakayahan.
Tumayo muli ang maestro sabay turo sa 'kin at kay Ginoong Juancho. Naupo na si Lucas, tumayo na si Ginoong Juancho na ngayon ay tumatawa na lang din. Nagbigay-galang kami sa isa't isa bago magsimula ang laban.
Kumpara kay Lucas ay naging mas madali ang laban namin ni Ginoong Juancho. Masasabi kong hindi siya ganoon kasanay sa paglalaro ng eskrima. Mabilis niyang nabitawan ang espada at nang sinubukan niyang damputin ito sa sahig ay naitutok ko na ang aking espada sa kaniyang leeg.
"Usted es increible" (You are amazing!) papuri ng maestro na sinabayan ng palakpakan ng lahat. Bago pa man ako yumuko at magpasalamat ay nagulat ako nang ituro akong muli ng maestro sabay turo sa isang lalaki na ngayon ay kapapasok pa lang sa pinto.
"Bienvenido de nuevo, Enrique!" (Welcome back, Enrique!) nakangiting sigaw ng maestro na ikinatuwa rin ng lahat na naroroon. Agad din siyang sinalubong ng mga kaibigan niya at binati. Nagulat ako nang maglakad si Enrique sa gitna dahil tinutukso na siya ng lahat ngayon. Ibig nilang mapanood ulit siya sa isang duelo.
Sa pagkakataong iyon, tila natutuyo ang aking lalamunan. Halos walang kurap akong nakatitig sa kaniya habang nakatago ang aking mukha sa likod ng maskara. Higit isang dekada mula noong huli ko siyang nakita, at ngayon ay ang laki na ng pinagbago ng kaniyang hitsura.
Ang kaniyang mga mata na nagungusap, at ang kaniyang mga ngiti na naghahatid ng ngiti sa aking labi. Matangkad, matangos ang ilong, at higit sa lahat, ang napakaganda niyang tindig. Enrique, sa wakas ay nagkita na muli tayo. Ilang hakbang na lamang ang layo ko sa iyo, nawa'y makilala mo ako.
Tumingin siya nang deretso sa akin bago nagbigay-galang; tila nanigas ako sa aking kinatatayuan. Hindi ko akalaing magagawa ko siyang tingnan nang deretso kahit pa nakatago ang aking mukha sa likod ng maskara. Isinuot na rin niya ang kaniyang pantakip sa mukha saka pumwesto para sa aming duelo.
Nagsimula na ang laban ngunit hindi ko na nakuhang gumalaw. Batid ko sa mga oras na iyon na nakuha na niya ang aking puso nang mabilis niya itinutok ang kaniyang espada deretso sa tapat ng puso ko. Napatahimik ang lahat, marahil ay naririnig nila ngayon ang puso kong sumasabog sa tuwa.
Agad hinubad ni Enrique ang suot niyang pantakip sa mukha. "Masama na ba ang iyong pakiramdam? Ikaw ba ay nakakahinga pa sa iyong kasuotan?" tanong niya dahilan upang mas lalong dumagundong ang aking puso. Nagsimula siyang humakbang papalapit sa akin, tila ibig niya atang tanggalin ang suot kong pantakip sa mukha sa pag-aalala na kaya hindi ako nakalaban sa kaniya dahil hindi na ako makahinga sa suot kong pantakip sa mukha.
Bago pa man siya tuluyang makalapit ay tila may malaking pagsabog na bumagsak sa ulo ko dahilan upang mabilis akong nagtatatakbo papalabas sa malaking silid na iyon. Tumakbo ako nang tumakbo sa maliliit na pasikot-sikot na pasilyo ng malaking mansion na iyon hanggang sa makarating ako sa isang maluwag na hardin.
May maliit na bukal na dinadaluyan ng malinis na tubig sa gilid ng hardin na iyon at may malaking estatwa ng kerubin. Dali-dali kong hinubad ang maskara na aking suot saka ko inilublob ang aking mukha. Magkahalong pawis at laway ang namumutawi sa aking mukha. Tila umakyat ako ng bundok at tumakbo ng ilang milya sa sobrang pagkahingal.
Hindi pa rin maawat ang bilis ng tibok ng aking puso. Tuluyan na akong mawawala sa katinuan habang paulit-ulit na naglalaro sa aking isipan ang dahan-dahang paglapit ni Enrique kanina.
"Naghihinala na talaga ako kanina pa. Isa ka palang babae!" Nagulat ako nang may biglang nagsalita. Agad akong napatayo nang deretso at halos mahulog ang aking panga sa gulat nang makita kong nakasandal sa estatwa ng kerubin si Lucas! Hindi ko napansin na may tao pala roon kanina.
"Anong ginagawa mo rito? Bakit mo ako sinusundan?!" sigaw ko. Kumunot naman ang kaniyang noo saka humarap sa akin. "Ako ang nauna rito, kanina pa ako umiinom dito," pabalang niyang sagot dahilan upang mas lalong uminit ang ulo ko.
"Kailanman ay hindi pa ako natalo sa duelo, ikaw pala ang makatatalo sa akin," tawa niya ngunit tila paraan niya lang iyon upang mas lalong painitin ang aking ulo. Hindi ko na lang siya pinansin, uminom ako muli sa bukal.
"Hindi na ako iinom diyan, nakita ko kung paano mo nilublob ang iyong mukha sa tubig na iyan," habol pa niya, tiningnan ko siya nang masama. Nakangisi siya ngayon at parang nandidiri. Kung hawak ko lang ngayon ang espada ko, sisiguraduhin kong aabutin ng talim niyon ang nakaiinis niyang mukha.
"Huwag kang uminom, wala akong pakialam," buwelta ko sa kaniya ngunit tumawa lang siya. "Kung sabagay, sarili mong laway at pawis naman ang humalo riyan na maaari mo namang inumin," tawa pa niya. Magsasalita pa sana ako nang biglang may nagsalita mula sa pintuan ng hardin.
"Lucas," tawag ng lalaki. Nakatalikod ako sa kaniya ngunit kahit ganoon ay malinaw pa rin sa akin ang kaniyang boses. Ang boses na iyon, ang boses na ibig kong marinig magmula sa aking paggising hanggang sa aking pagtulog.
Napapikit na lang ako sa kaba, ni hindi ko na nagawang lumingon sa lalaking paparating. Habang si Lucas naman ay nakangisi dahilan upang makaramdam ako ng inis.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top