Kabanata 1
[Kabanata 1]
"SEÑORITA Estella, narito na ho ang inyong mga kaibigan," wika ni Isidora. Si Isidora ay aming kasambahay. Siya at ang kaniyang ina ay matagal na naming kasama sa bahay. Halos sabay na rin kaming lumaki ni Isidora. Labing-siyam na taong gulang pa lamang siya, mas matanda ako ng dalawang taon sa kaniya.
Para sa akin, ang kaniyang bilugang mukha, katamtamang pagkasingkit ng mata at kayumangging kulay ang nangingibabaw sa kaniyang ganda. Papalubog na ang araw, natatanaw ko na iyon mula sa bintana. "Mag-iilang oras na kayo riyan, binibini," hirit muli ni Isidora habang nakasandal sa tapat ng aking pintuan at nakahalukipkip ang kaniyang mga kamay.
Ngumiti lang ako sa kaniya saka umikot muli ng tatlong beses sa harap ng salamin. "Ano ang iyong masasabi?" ngiti ko sa kaniya sabay ikot muli. Inayos ko nang mabuti ang aking buhok, aking sinigurado na ni isang hibla ng buhok ay walang tatayo sa aking ulo. Pinili ko rin ang pinakamagandang payneta na binili sa akin ni ama, ito ay kulay ginto na pinalamutian ng pulang diyamante.
Isinuot ko rin ang pinamagandang baro't saya na isinusuot ko lang tuwing may mahalagang okasyon. Kulay ginto ito na napapalamutian ng kumikinang na burda ng mga bulaklak sa manggas at saya. Naglagay din ako ng kaunting kolerete sa mukha, at pampapula ng labi gamit ang kaunting patak ng asuete.
Aking natutunan ang lahat ng ito kay Celeste. Iyon nga lang ay hindi nila ako natulungan sa paghahanda ngayon dahil pumasok sila sa klase ni Maestra Silvacion kanina. Samantala, ako'y nagdahilan na masama ang aking pakiramdam upang buong araw kong paghahandaan ang araw na ito. Ito na ang aking pinakahihintay, wala nang makapipigil sa akin.
"Señorita, ako ang nahihilo sa iyong ginagawa," wika ni Isidora, nakaupo na siya sa aking kama. Umikot pa ako ng isang ulit saka lumapit sa salamin upang hugutin doon ang lahat ng lakas ng loob. Ang lahat ng katapangan na aking kailangan upang matagumpay na maisakatuparan ang aking plano.
"Kinakailangan na matibay ang pagkakaayos ng aking buhok," saad ko saka umikot muli nang umikot. Napaiiling na lamang si Isidora sa aking ginagawa ngunit para ito kay Enrique. "Señorita, malapit na hong magsimula ang misa, kayo ay mahuhuli roon," paalala ni Isidora. Napatigil ako sa pag-ikot at mabilis kong dinampot ang abaniko at panyo na aking dadalhin.
"Tayo'y humayo na," tawag ko sa kaniya saka mabilis na bumaba ng hagdan. Naroon na sina Celeste at Bonita. "Esteng, aabutin tayo rito ng siyam-siyam. Ano ba't inabot ka ng halos buong araw sa paghahanda," kunot-noong saad ni Celeste habang mabilis kaming naglalakad papalabas ng bahay. Naroon na rin sa labas ang kalesang aming sasakyan papuntang bayan.
"Aking tiniyak lamang na maayos ang aking kasuotan," ngiti ko sa kaniya sabay hawak sa kaniyang braso. Natawa na lamang si Bonita dahil batid niyang pinaghandaan ko talaga ang araw na ito.
"Nagtagumpay ba si Andeng? Magagawa niyang dalhin sa teatro si Enrique?" tanong ko; magkatabi kami ni Celeste habang nakaupo naman sa tapat namin si Bonita. Kulay asul at dilaw ang suot nilang baro't saya. Tila pinaghandaan nila ang araw na ito dahil maraming mga mahahalagang tao at pamilya ang dadalo sa misang inihanda ni Don Matias bilang pasasalamat sa ligtas na pagdating ng kaniyang anak sa aming bayan.
Ikinumpas ni Bonita ang kaniyang abaniko; ang disenyo nito ay balahibo ng pabo. "Oo, ayon kay Andeng, natuwa pa raw ang kaniyang kuya at tiyak na maisasama nito mamaya si Enrique sa teatro," ngiti ni Bonita. Napangiti naman ako at ibig kong maglulundag sa tuwa at magpagulong-gulong sa dinaraanan ng aming kalesa.
"Ikaw ba ay nakasisiguro na magtatagumpay ang iyong plano?" tanong ni Celeste sa akin, ikinumpas na rin niya ang kaniyang abaniko; kulay pula at itim ito na tila isang masamang pangitain. "Celeste, ano ba iyang disenyo ng iyong abaniko? Tila kulay ng impyerno," puna ni Bonita. Napatango na lang din ako bilang pagsang-ayon.
"Ito ang tinatawag na mga bagong disenyo mula sa Europa. Nahihilig na rin ang mga maharlika roon sa ganitong uri ng disenyo," pagmamalaki ni Celeste. Kung sabagay, maganda rin naman ang disenyong iyon. Tila babagay din sa akin at mag-aapoy sa init si Enrique sa oras na ikumpas ko ang abanikong iyon.
"Siya nga pala, paano kung hindi ka maalala ni Señor Enrique?" tanong sa akin ni Celeste. Napatigil ako at napatingin sa bintana ng kalesa. Paano nga kaya kung hindi niya ako makilala?
"Kung iisipin, halos labinlimang taon na ang lumipas. Tiyak na marami na ring binibining nakilala si Ginoong Enrique," dagdag ni Bonita. Bakit hindi ko naisip iyon? Paano nga kaya kung tuluyan na akong nabura sa kaniyang alaala?
Napahinga na lang ako nang malalim habang tinatanaw ang malawak na palayan na aming dinaraanan at inalala ang aming unang tagpo, labinlimang taon na ang nakararaan...
Las Islas Filipinas, 1798
Anim na taong gulang pa lang ako nang mamatay ang aking ina dahil sa matinding sakit sa baga. Sa Maynila pa kami nakatira noon. At nang mamatay si ina, napag-desisyunan ni ama na kailangan naming lisanin ang Maynila dahil ang lahat ng bagay sa lugar na iyon ay nakapagpapaalala lang sa amin kay ina.
Si ama ay kasapi sa samahan ng mga mangangalakal. Hindi ako pinanganak na mayaman. Nagsimula lang kami sa isang maliit na kabuhayan, pakikipagkalakalan sa daungan ang gawain noon ni ama hanggang sa nakapagtayo siya ng palitan ng salapi.
Iba't ibang lahi sa larangan ng pakikipagkalakalan ang humahanga kay ama. Nakarating na rin siya sa mga kalapit bansa sa dami ng mga taong naniniwala sa kaniyang kakayahan lalo na pagdating sa palitan ng salapi at pagpapalago nito.
Nagkaroon kami ng sapat na yaman ngunit hindi nito nailigtas si ina sa kamatayan. Isang kaibigan ang nagsabi kay ama na maganda ang kalakalan at masigla ang yaman sa bayan ng San Alfonso kung kaya't nahikayat siya na manirahan kami roon.
Anim na taong gulang pa lamang ako, ngunit hindi ko ibig na lisanin ang lugar na aking kinalakihan. Naroon ang aking mga kaibigan, naroon ang aming tahanan at higit sa lahat, naroon ang lahat ng alaala namin kay ina.
Nang araw na iyon, hindi ko mapigilang lumuha nang lumuha habang lulan kami ng barko patungong San Alfono. Pinatatahan ako ni ama ngunit walang salita ang kayang magpatigil sa puso kong ang tanging hangad lamang ay manatili kami sa Maynila.
Buhat-buhat ako ni ama habang nililibang niya ako at itinuturo ang mga ibong lumilipad sa ibabaw ng karagatan. Ipinatawag siya ng isang bantay sa barko dahil ibig siyang makilala ng kapitan ng barko na nagnanais maging bahagi ng kaniyang negosyo.
Iniwan ako ni ama sa isang mahabang upuan kahit pa ibig kong sumama sa kaniya. Ibinilin niya ako sa isang ale na nakaupo sa aming tabi. Ilang sandali pa, may isang batang lalaki na nasa tabi pala ng aleng iyon. Nakatingin lang ang batang lalaki sa akin na para bang pinanonood niya ang aking pagdadalamhati.
Napatigil ako nang tumayo ang batang lalaki saka umupo sa bakanteng upuan sa aking tabi. Inabot niya sa akin ang isang laruan na gawa sa kahoy at ang hugis nito ay isang isda. "Ang sabi sa akin noon ng aking ina, huwag daw akong tatangis habang lulan ng barko dahil malulungkot ang mga isdang nasa ilalim ng dagat," wika ng batang lalaki. Tumingin ako sa kaniya, ngumiti siya.
"Luluha rin ang isdang ito mamaya kung patuloy ka pa ring tatangis," saad niya saka kinuha ang kamay ko at pinahawak sa akin ang kaniyang laruan. Napatitig ako sa laruang iyon—detalyado at napakaganda ng pagkakaukit sa kahoy.
Bago pa man ako makapagsalita, tinawag na siya ng kaniyang ina at dinala sa kanilang silid. Lumingon lang siya sa akin saka ngumiti ulit. Hindi niya kinuha sa akin ang laruang iyon, hindi ko na rin nagawang maibalik sa kaniya at hindi ko rin nagawang maitanong ang kaniyang pangalan.
Makalipas ang isang taon, naging maganda ang takbo ng kapalaran namin ni ama sa San Alfonso. Madali siyang nakapagpatayo ng mga negosyo at naging kasapi rin siya ng mga samahan ng mga negosyante sa bayan.
Nakabili kami ng ilang lupain. Ang aming tahanan ay malapit lang sa bayan. Ilang buwan din ang nakalipas, nakabili muli si ama ng lupain at doon ay nagtayo kami ng negosyo ng manukan at bakahan. Sa parehong taon na iyon, nakapagpatayo rin si ama ng pagamutan. Magaling din siya sa larangan ng paggagamot; hindi man siya nakatapos sa kaniyang kursong medisina ngunit pinili na lang din niya na tutukan ang negosyo sa pagbebenta ng mga gamot.
Araw ng piyesta sa San Alfonso, naimbitahan ang organisasyon ng mga negosyante sa mansion ng gobernador.
Kabilang doon si ama; siya ang kalihim ng salapi sa kanilang organisasyon. Isinama ako ni ama sa pagdiriwang na iyon na gaganapin sa Hacienda Alfonso. Pitong taong gulang na ako noon. Doon ko rin nakilala sina Celeste Montecarlos, Bonita Flores at Amanda Corpuz na naglalaro sa hardin ng mga Alfonso.
Habang nilalaro namin at pinipitas ang mga bulaklak sa hardin, nakita ko ang pamilyar na batang lalaki. Naglalakad ito sa hagdan pababa sa kanilang hardin. Agad kong iniwan ang aming nilalarong bulaklak at dali-daling tumakbo papalapit sa kaniya ngunit napatigil ako nang mapagtanto kong umiiyak siya.
Nagmamadali siyang makababa sa hagdan at bago pa man ako makalapit sa kaniya, dumating na ang kaniyang ina at agad siyang hinila pabalik sa loob ng mansion. Pinagagalitan siya nito sa wikang Kastila. Nalaman ko nang araw na iyon na ang ngalan pala niya ay Enrique Alfonso. Siya ang panganay na anak ni Don Matias Alfonso. Si Don Matias ang gobernador ng bayan ng San Alfonso.
Magmula nang araw na iyon, pinipilit ko si ama na magtungo sa Hacienda Alfonso at isama ako. Ngunit hindi ganoon kadali makapasok doon hangga't hindi pinatatawag ng gobernador. Makadadalaw lang din doon ang sinumang malapit kay Don Matias.
Ngunit si ama, ang pamilya namin ay hindi bahagi ng mga elitistang kinabibilangan ng mga Alfonso. Ang mga principales na matagal nang naninirahan sa San Alfonso at siyang nagtatag ng bayan. Binubuo iyon ng iilang makapangyarihang pamilya tulad ng mga Montecarlos, Flores, Corpuz, Bienvenido at Alvarado.
Bagama't mayaman at bahagi rin ng makapangyarihang organisasyon si ama, hindi pa rin iyon sapat upang makita kami mula sa ibaba ng pamilya Alfonso. Masyado silang mataas; ang kanilang pamilya ay ilang siglo nang namamayagpag at namumuno sa bayan ng San Alfonso.
Samantala, ang aming pamilya, ako at si ama, ay mga bagong salta sa San Alfonso na pinalad din at naging matagumpay na negosyante. Ngunit si ama at ang pamilya namin ay tinitingala ng mga mamamayan at ibang negosyante sa bayan. May ilang nagsasabi na lumago ang kalakaran sa San Alfonso nang dumating ang aming pamilya.
Lumipas ang ilang linggo, nabalitaan ko na lamang na nagtungo na muli si Enrique Alfonso sa Maynila. Ni hindi ko man lang siya nakita muli o nakausap. Gabi-gabi kong pinagmamasdan ang laruang pinahiram niya sa akin. Alam kong darating ang araw na magagawa kog ibalik iyon sa kaniya. Iyon ang dahilan kung bakit niya iniwan sa akin ang bagay na iyon, dahil upang mag-iwan ng dahilan para sa aming muling pagkikita.
Bago sumapit ang aking ika-labing-dalawang taong kaarawan, napagpasiyahan ko na magtungo sa Maynila. Hindi na ibig ni ama na bumalik sa Maynila o bumisita lamang doon. Kung kaya, isang gabi, isinama ko si Isidora at tumakas kami sa mansion.
Nakarating kami sa daungan ng San Alfonso ngunit ilang oras pa bago lumayag ang barko papuntang Maynila. Kinakabahan man ako noong gabing iyon ngunit desidido akong magtungo ng Maynila upang makita si Enrique. Ako'y naniniwala na ang pagmamasid nang matagal sa bulaklak na iyong iniibig ay tiyak na magdudulot sa iyo ng sakit. Huwag mong sayangin ang iyong oras; iyong pagsikaping makuha ang mga bagay na iyong sinisinta.
Ang isang Estella Concepcion ay hindi marunong umatras o tumigil. Ang mga Concepcion ay tuloy-tuloy lang sa pag-abante. Walang makapipigil. Walang dahilan upang sumuko.
Ngunit noong gabing iyon, nadakip kami ng mga guardia. Maagang nalaman ni ama na tumakas kami ni Isidora at agad niya kaming pinahanap. Nang makabalik kami sa mansion, umiiyak siya nang yakapin ako. Muntik na rin siyang atakihin sa puso. Naroon ang doktor sa aming tahanan dahil nahihirapan na siyang huminga.
At magmula noong gabing iyon, ipinangako ko kay ama na hindi na ako tatakas mula sa kaniya. Na hihintayin ko na lang ang pagbabalik ni Enrique. Nang dumating ako sa wastong edad na maaari nang mag-asawa, hindi ako pinilit ni ama na magpakasal sa iba dahil batid niyang may hinihintay ako.
Nakarating na kami sa simbahan ng San Alfonso. Ngunit nakasarado na ang malaking pinto ng simabahan. Kanina pa nag-umpisa ang misa at puno na ang loob. "Ibig ko pa man din siyang pagmasdan kahit ilang hilera ng silya ang layo ko sa kaniya," wika ko; naupo na lang kami sa plaza. Gabi na ngunit maraming mga sulo ng apoy ang nasa paligid ng simbahan at plaza.
Ilang hakbang lang din mula sa plaza, matatagpuan ang teatro. "Iyan ang nadudulot ng iyong buong araw na paghahanda," paalala ni Celeste. Anong magagawa ko? Hindi ko batid kung bakit hindi ako mapanatag sa lahat ng kasuotang aking sinubukan kanina. Dalawang beses din akong naligo at nagpakalunod sa pabango.
"Sa iyong palagay, Esteng. Bakit ikaw ang karapat-dapat na makatuluyan ni Señor Enrique?" tanong ni Bonita. Napangiti naman ako saka tumayo sa tapat nila at naglakad-lakad habang ikinukumpas ang aking abaniko.
"Maraming salamat sa napakaganda at makabuluhang katanungan na iyan. Una, ako ang karapat-dapat na maging Alfonso dahil magkababata kaming dalawa," tugon ko sabay halakhak. Sinusundan lang nila ako ng tingin habang naglalakad ako pabalik-balik sa tapat nila.
"Ikaw ba ay nakasisiguro na makikilala niya?" tanong ni Celeste. Kahit kalian, ang mga kaibigan kong ito. Palagi nilang hinahadlangan ang pag-iibigan namin ni Enrique.
"Oo, sa aking taglay na kagandahan ay tiyak na ako'y maaalala niya," ngiti ko sabay tawa muli. Walang puwang ang negatibong ideya sa utak kong puno ng pag-asa.
"Minsan, sumasagi sa aking isipan na ika'y sinasapian o nawawala sa katinuan," hirit ni Celeste. Umikot-ikot lang ako saka naupo sa pagitan nilang dalawa. "Inyong dapat tandaan na kung may ibig kayong makamtam sa buhay, kailangan niyong gumawa ng paraan. Tayo ang gumagawa ng ating kapalaran. Nariyan ang Diyos upang gabayan tayo ngunit tayo pa rin ang dapat kumilos," pangaral ko habang tinatapik ang kanilang magkabilang balikat.
Makalipas ang isang oras, patapos na ang misa. Nauna na kami sa teatro gaya ng plano. Dadalhin ni Amanda ang kaniyang Kuya Juancho at si Enrique sa teatro. Matalik na magkaibigan si Ginoong Juancho at ang aking Enrique kung kaya't tiyak na hindi makahihindi ang aking irog.
Sa teatro, binayaran ko na ang unang hilera ng silya sa harapan para sa amin. Sa likod naman uupo sina Celeste at Bonita bilang tagamasid sa ibang babaeng magbabalak na tumabi kay Enrique at haharangin nila ang mga mapangahas na babaeng iyon.
Sampung minuto bago magsimula ang palabas sa teatro, nakatayo lang ako sa likod ng entablado. Maliit lang ang teatro, halos dalawampung katao lang ang maaaring makapasok na manonood. May entablado at malaking pulang kurtina sa harapan. Napalilibutan din ang teatro ng mga gasera na siyang papatayin ang sindi sa oras na magsimula na ang palabas.
"Maaari ka nang maupo sa iyong upuan, Señorita Estella," saad ni Maestro Domingo na siyang direktor at punong aktor sa teatro. Kilala na niya kaming magkakaibigan dahil halos gabi-gabi kaming suki sa kanilang mga palabas. Nasa edad limampu pataas na siya, matangkad, may kabilugan ang tiyan, at malalim ang kaniyang mga mata.
"Ano po pala ang inyong itatanghal ngayong gabi?" Nakasuot ako ng balabal, marahil ay nagtataka siya ngayon kung bakit ako nakasuot ng balabal sa loob ng teatro o dahil sa tanong ko. Ngumiti si Maestro Domingo bago sumagot, "Ang paghahari ng dalawang araw."
"Dalawang araw? Hindi ba't isa lamang ho ang araw sa kalangitan?" tanong kong muli. Sa pagkakataong iyon, itinaas niya ang kaniyang kamay saka tumingala sa kisame ng teatro; napatingala lang din ako sa kisame dahil sa ginawa niya.
"Ang aming itatanghal ay tungkol sa dalawang haring araw na ibig pamunuan ang mundo. Ngunit iisa lang ang dapat na maghari. Sa dalawang haring araw na iyon, sino kaya ang magwawagi?" paliwanag niya. Tila mas lalong gumulo ang sinabi ni Maestro Domingo sa isipan ko.
"Manonood na lang po ako nang mabuti, maestro, at kung hindi ko pa rin maunawaan ang inyong dula mamaya, maaari ba kaming makapanood dito nang walang bayad bukas?" hirit ko sa kaniya dahilan upang tumawa siya nang malakas. Inakala tuloy ng mga tao sa labas ng tanghalan na magsisimula na ang palabas at uumpisahan iyon ng mala-demonyong tawa ni Maestro Domingo.
"O'siya, wala talagang makatatalo sa galing mong makipagtawaran, Señorita Estella." Tawa niya saka binuksan nang marahan ang kurtina sa gilid upang makalabas na ako roon. Nagpaalam na ako sa kaniya; nang tumingin ako kina Celeste at Bonita, kumakaway sila sa likuran.
Kumaway din ako pabalik at hindi ko mapigilang mapangiti nang makitang nakaupo na sa harapan sina Amanda, Señor Juancho at ang aking pag-ibig na si Enrique. Bakante ang upuan sa tabi ni Enrique, at kahit madilim sa loob ng teatro ay sinikap kong makalapit sa bakanteng upuan na iyon.
Tila hindi ako makahinga, pareho kami ng hanging hinihingahan. Kaunting paggalaw lang ng aking braso ay tiyak na mararamdaman ko na ang bisig niya. Napalingon muli ako kina Celeste at Bonita sa likod, tila anino na lang sila sa paningin ko na patuloy pa rin ang pagkaway.
Marahil ay hindi rin nila mapigilan ang kanilang pagkasabik ngayon dahil malapit nang ikasal ang kanilang kaibigan. Kumaway muli ako pabalik sa pag-asang isa rin akong anino sa paningin nila na kumaway at nagbigay ng senyales na sisimulan ko na gawin ang sunod na plano.
Ihuhulog ko ang aking panyo at sa oras na kunin niya iyon at ibalik sa akin saka ko sasabihin na kilala ko siya at ipaaalala ang aming pag-iibigan noong kami ay mga bata pa. Ikinumpas ko na ang aking abaniko, nanginginig ang aking kamay ngunit mas matindi ang aking hangarin na maisakatuparan ang planong ito.
Hindi ko dapat ito palagpasin. Ang tagal kong hinintay ang pagkakataong ito.
Kinuha ko na ang aking puting panyo saka kunwaring inihulog iyon sa tapat ng kaniyang silya. Nagpatuloy ako sa pagkumpas ng abaniko. Ilang segundo ang lumipas. Lima. Sampu. Labinlima. Dalawampu.
Tumingin ako sa kaniya ngunit nakatingin lang siya nang deretso sa entablado. Tila hindi niya yata nakita ang nahulog kong panyo. Sabagay, walang ingay na nalilikha ang panyo kapag nahulog ito sa sahig.
Napatingin ako sa aking abaniko. Bagama't mahal ito at inaalagaan ko, kailangan ko itong isakripisyo upang mapansin ni Enrique. Kunwari ko ring hinulog ang aking abaniko sa tapat niya. Lima. Sampu. Labinlima. Dalawampu segundo. Ngunit hindi pa rin siya kumibo.
Napatingin ako sa aking panyo at abaniko na nagdurusa sa sahig at laking gulat ko nang makitang natapakan pa niya ang mga ito!
"Sandali!" Hindi ko napigilan ang aking sarili, mabilis kong kinuha sa sahig ang aking panyo at abaniko na ngayon ay puno na ng dumi mula sa sapatos niya. Natigilan din ako nang mapagtanto kong nakatingin na siya sa akin ngayon, maging si Señor Juancho ay nakatingin sa akin.
Agad kong ikinumpas ang abaniko saka iniharang iyon sa aking ilong at labi. Sa wakas, nakuha ko na ang kaniyang atensiyon!
Ngumiti ako sa likod ng abaniko saka tumingin kay Enrique. "Oh, Ginoong Enrique, ikaw pala iyan. Ipagpatawad mo sapagkat aking hindi inaasahan na ika'y makatatabi ngayon," saad ko gamit ang pinakamahinhin at matamis kong boses na bihira ko lang gamitin sa tuwing humihingi ako ng pabor kay ama dahil ang totoong boses ko ay tila isang dragon na handang bumuga ng apoy.
"Siya nga pala, marahil ay hindi mo na ako naaalala ngunit akin pa ring ipapaalala sa iyo. Ako si—" Hindi ko na natapos ang aking sasabihin dahil nagsalita na siya. "Binibini, ikaw ba ay bahagi ng dula? Nagsisimula na ba?" tanong niya dahilan upang mapanganga ako sa kadiliman.
"Ganito rin ang paraan ng mga nagtatanghal sa mga teatro ng Europa. Ibig nilang maging bahagi ng dula ang mga manonood upang maging mabisa ang paghahatid ng damdamin. Magaling!" wika niya ngunit parang sinasabi niya iyon kay Ginoong Juancho.
"Sumasang-ayon ako sa iyong sinabi, magaling nga ang paraang ito ng teatro. Tila ibig mong bumalik sa Europa," sagot ni Ginoong Juancho sabay tawa dahilan upang mas lalong manlaki ang mga mata ko sa gulat. Hindi ko masyadong makita ang kanilang mg hitsura dahil madilim.
Hindi ba sa Maynila lang galing si Enrique? Wala naman akong nabalitaan na nagtungo siya sa Europa.
Ilang sandali pa, nagkaroon na nang liwanag habang dahan-dahang umaangat ang kurtina sa entablado. May dalawang malaking sulo ng apoy sa likod ng kurtina na hawak ng dalawang aktor. Sa pagkakataong iyon, unti-unting lumiwanag ang entablado, at dahil malapit kami sa harapan, nasasakop kami ng liwanag na iyon.
Napatulala na lang ako sa gulat nang makita ko ang hitsura ng lalaking katabi ko. Hindi siya si Enrique!
Nagsimulang pumalakpak ang mga tao. Maging siya ay pumalakpak din at tumingin sa akin nang may pagtataka dahil hindi ko na maialis ang aking mga mata sa kaniya. Isang binata na ngayon ko lang nakita. Matangkad, maputi, matangos ang ilong, makapal ang kilay at sadyang nakakahalina ang kaniyang mga mata.
Ilang sandali pa, nagulat ako nang mapalingon din sa amin si Ginoong Juancho, "Binibining Estella? Ikaw pala iyan. Hinahanap ka ni Amanda kanina," saad ni Ginoong Juancho, napatingin ako sa babaeng katabi niya na ngumiti sa akin ngunit hindi iyon si Amanda!
Napalingon ako kina Celeste at Bonita na ngayon ay kumakaway, maliwanag na ang paligid kaya nakita ko na ang reaksyon ng kanilang mga mukha. Ang pagkaway nila ay senyales na huwag ko dapat ituloy ang plano, na hindi ko dapat kinausap ang lalaking nasa tabi ko dahil hindi siya si Enrique.
"Siya nga pala, ngayon lang pala kayo nagkadaupang-palad. Siya si Binibining Estella Concepcion anak ni Don Gustavo Concepcion," patuloy ni Ginoong Juancho, agad namang nagbigay-galang sa akin ang estrangherong binata na iyon.
"Ang ginoong ito ay anak ni Don Samuel na kakambal ni Don Matias. Siya si Ginoong Lucas Alfonso," patuloy ni Ginoong Juancho. Kasabay ng pagsaboy ng mga apoy at malakas na musika sa entablado bilang panimulang pagtatanghal ay naroon din ang pagsabog ng puso ko sa harap ng binatang ito na isa ring Alfonso!
***********************
Note: Ang istoryang ito ay konektado sa ninuno, pamumuno at katagumpayan ng pamilya Alfonso ng I Love You Since 1892.
Ang Our Asymptotic Love Story ay naka-focus sa pamilya Montecarlos. Ang istoryang ito naman ay iikot sa pamilya Alfonso.
Ang istoryang ito ay pawang kathang-isip lamang. Ang mga pangalan, tauhan, lugar at pangyayari ay bahagi lamang ng imahinasyon ng may akda. Ang tagpuan at panahon sa istoryang ito ay panahon pa ng pananakop ng mga kastila sa Pilipinas. Ang ilan sa mga makasaysayang lugar ay nabanggit din sa istoryang ito upang magbalik tanaw sa mga pook na naging bahagi na ng ating kasaysayan. Muli, ang mga kaganapan, pangyayari at trahedya sa kwentong ito ay walang kinalaman at walang katotohanan, hindi ito nasusulat sa kasaysayan ng Pilipinas. Maraming Salamat!
Plagiarism is a crime punishable by law.
© All Rights Reserved 2019
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top