Si Amorsolo at Ang Amomongo

ILANG taon na rin ang lumipas nang ako ay umalis sa aming bayan, at ngayon sa aking pagbabalik ay tila hindi pa rin nawawala ang takot sa mukha ng mga tao sa tuwing nababanggit ang pangalan ng isang elemento na nagtatago sa dilim.

"Amomongo? Nako Pedro, ang tanda na natin pero nagpapapaniwala ka pa rin sa mga iyan." usal ko.

"Tila yata nakalimutan mo na ang mga sabi-sabi ng mga matatanda, hindi ba dati pa nga ay ikaw pa ang unang umuuwi sa bahay sa takot na baka makuha ka rin," tugon nito habang nakatingin sa malayo. "'Di yata ay kinalimutan mo na talaga ang bayan matapos kang makapag-aral sa Maynila."

Batid kong may pagtatampo ang kaniyang tono kaya mabilis ko itong niyakap.

"Ang madrama kong katoto, hayaan mo at isasama naman kita sa susunod upang hindi lamang puro pamahiin ang nilalaman ng iyong dila."

"Siguro'y nangungulila lamang ako sa iyong pagbabalik, Amorsolo. Lalo na ang mga ala-ala natin noong mga bata pa tayo," magiliw niyang saad at tumayo.

"Tandang-tanda ko pa noon ang mga kalokohan at pati na rin ang mga pinag-awayan natin dahil lamang sa mga maliliit na bagay," pagpapatuloy nito at humawak sa braso ko. "Naaalala ko pa ang balbon mong balahibo na bumabalot sa buo mong katawan.."

Sa pagsasadula nito ay hindi naman maiwasan ng aking sarili na mapangiti, sa kabila ng pagiging salat upang makita ang itsura ng mundo ay napakalinaw naman nitong naaalala ang mga pangyayari at mga pinagsamahan namin mula nang kami ay mga bata pa lamang.

Lumipas pa ang ilang araw ng aking pagbabakasyon sa probinsya ay siya rin namang napapabalita ang sunod-sunod 'di umano ng halimaw na bukambibig ng mga tao. Mula sa manok at kambing, marami pa ang mga alagang hayop ang nauuwi lamang sa pagkamatay dala na rin sa lala ng mga pinsala.

At sa pakikisalamuha sa taong nakasaksi ay hindi rin pinalagpas ng aking pandinig ang bulong-bulungan ng ilan sa kung sino ang sinisisi nila sa pangyayari.

"Sobra na talaga siya, sumpain ka Pedro," sabi ng isang lalaki na lubos kong ikinagulat. "Kailangan mo na mawala sa bayan na ito."

"Kumalma ka lang. Paano mo nasabi, kahit na may pagkakaiba sa kaniyang wangis ay alam naman natin na wala siyang magagawang masama sa atin." tugon ng kasamahan nito.

"Usap-usapang may lahi silang aswang kaya nga siya pinarusahan, matagal ko nang ramdam na may kakaiba sa kaniya. Itutuloy ko ang balak ko, para sa bayan natin ay palaging kailangang may magsakripisyo."

Sumapit ang gabi at sa masukal na daanan ko sinundan ang lalaking may hawak na itak sa kaniyang kamay.

"Kailangan kong ilayo si Pedro rito."

Walang pagdadalawang-isip ay mabilis akong tumakbo at nakarating sa bahay nito, binuhat siya at dinala sa ligtas na lugar.

Agad kong binalikan ang lalaki at walang habas na pinagkalasog-lasog ang katawan gamit ang aking sariling mga kuko.

"I-ikaw, Amo- paanong?" utal na sabi nito.

"Walang sinuman ang pwedeng manakit sa kaibigan ko!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top