Pagsapit ng Talim

KAY raming mga kwentong bayan ang laganap pa rin sa panahon na ito kung saan ay kinikilala parin bilang isang kantiyawan at panakot sa mga paslit.

At gaya rin namin, walang sinabi ang mga aswang, kapre, dwende at iba pang mga elemento sa isang mabangis na masasabi mo na rin na halimaw kung mamarapatin.

"Umuwi na kayo, andiyan na ang Berdugo!"

"Mga bata, magsipasok na kayo sa bahay at kung hindi ay ipapakuha ko kayo!"

"Magtago na kayo, paparating na siya!" sigawan ng mga magkakapitbahay pagsapit ng dapit-hapon.

"Pumasok ka na sa loob Mayrina, at magluto ka na ng hapunan para makatulog nang maaga." malamig na bigkas ng ama ko mula sa likuran ko.

"Opo." mabilis kong tugon at naiwan itong nakatulala sa labas ng bahay sa hindi ko alam na kadahilanan.

"Nasa loob ka na ba?" basa ko sa text sa akin mula sa boyfriend ko. Ilang buwan na rin kaming magkarelasyon at hanggang ngayon ay wala pa akong lakas ng loob na magsabi sa ama ko ang tungkol sa amin.

"Nagsasaing lamang ako, inutusan ako ng itay at marahil ay hindi na ako nito papayagan lumabas."

"Pero alam mo naman na ngayon natin napag-usapan 'yong plano natin, hindi ba?"

Mahigit isang taon na rin pala halos nang ipangako ko ang sarili ko na papatunayan ang pagmamahal ko sa kaniya.

"Aantayin kita sa gubat ngayong gabi, hindi na rin ako makapaghintay na ipalasap sa iyo ang pagmamahal ko." pagpapatuloy nito na nagmarka na ngiti sa pisngi ko.

"Susubukan ko." maikli kong tugon hanggang sa lumipas ang oras at natapos na ang mga kailangan ko na gawin.

"Saan ka pupunta?" tanong ng aking ama habang nakaupo sa kaniyang upuang kahoy.

"A ano kasi itay, si Josepina po kaklase ko, nagpasabi lang na may mga gagawin kaming mga proyekto sa kanila. Doon lamang po iyon sa kabilang baranggay, hindi naman gaanong kalayuan." palusot at ni wala man lang itong reaksiyon na pinakita sa akin.

"Mag-iingat ka."

"Sige ho, mauna na po ako." pamamaalam ko at agad na lumabas ng bahay namin.

Lingid sa kaalaman ni itay ay ang prinsesa niya ay tuluyan nang isang magiging malayang reyna ng sarili niyang kaharian.

"Nasaan ka na?" tanong ng aking nobyo sa kabilang linya habang kasalukuyan kong binabaybay ang masukal na parte ng gubat sa aming bayan.

"Malapit na ako, ikaw nasaan ka na rin ba? Kinakabahan ako." tugon ko.

"Huwag kang matakot nasa kinaroroonan mo na ako basta diretsohin mo lang iyan." sabi niya na agad ko namang sinunod dahilan upang mas lalo ko pang binilisan ang paglalakad patungo sa dilim.

Sa kabila ng pagmamahal ko sa aking nobyo at sa pagiging magiliw niya upang pilitin ako sa pinapangarap namin na gawin pareho ay hindi ko pa rin maiwasan na mag-isip isip ng kung ano-ano.

Pero mahal ko siya ngunit natatakot din ako minsan na sumuway sa aking ama na palaging nakamasid sa mga kung ano-anong ginagawa ko.

At sa gitna ng malalim na pag-iisip ay hindi ko napigilan pa ang kaba sa aking dibdib nang makarinig ako ng kaluskos mula sa damuhan.

"Sino iyan?!" tanong ko sabay kuha ng sanga mula sa malapit.

"Nag-iisa ka yata, magandang binibini." usal ng isang matandang bigotilyo na may kalakihan ang pangangatawan.

"M-may hinahanap lang." pagpapalusot ko ngunit dahan-dahan itong lumalapit sa akin. Nanlilisik ang kaniyang mga mata at may nakakatakot na ngiti ito kasabay nang paglabas ng dalawang kalalakihan na may hawak na patalim.

Doon pa man ay masama na ang kutob ko sa susunod na pangyayari kaya't bago pa sila tuluyang nakalapit ay tumakbo na ako palayo.

"Miss! Sandali lang, gusto lang naman namin na makipaglaro."

"Nyahahaha!" sigaw nila hanggang mula sa malayo.

Batid ko na mabilis lang nila akong masusundan, wala nang mahalaga sa akin kung hindi ay ang makaalis.

Hanggang sa napunta ako sa masukal na parte ng kagubatan kung saan hindi na sa akin pamilyar ang daan. Agad naman pumasok sa isip ko ang mga usap-usapang tungkol sa berdugo ng kadiliman.

"Dati may kasabihan ang mga matatanda ng bayan na ang berdugo raw ay pinaniniwalaan na naninirahan sa kagubatan kung saan ito malayo sa mga maaaring makakilala sa kaniya."

"Isa raw sa mga senyales na malapit na ito ay ang kalansing ng kadena mula sa palakol nito habang dahan-dahan na palapit sa kaniyang piniling biktima."

"Sinasabi pang kapag daw nahuli ka niya ay hindi mo na magagawang gumalaw pa at pipiliin mo na lang na magdasal sa kung anong maaari niyang gawin sa iyo."

Hanggang sa..

"Mayrina."

"Ay palaka! Ano ba naman Ace, huwag ka namang nanggugulat ng gano'n." gulat na sabi ko at pinalo ito sa braso, tuluyan na nga ring ikinapalagay ng loob ko.

"Hahaha, bakit ba? Parang hinihingal ka, ano bang nangyari?" tanong nito at bigla ko itong hinila sa likuran ng puno at ikwinento ang pangyayari.

"Natatakot ako Ace, umalis na tayo."

"Pero ngayon pa nga lang nagsisimula ang saya." sabi nito at niyakap ako nang mahigpit.

"Ace, parekoy, hindi mo ba kami ipapakilala sa magandang kasama mo?" sabi ng pamilyar na boses ng isang lalaki. Umalis ako sa pagkakayakap at tiningnan ang mukha ng nagsalita.

"A-Ace? S-sila iyon, sila iyong sinasabi ko sayo! Kilala mo sila? Anong ibig sabihin nito?" pang-uutal ko kasabay ng pamumuong luha mula sa mga mata ko.

Nakangisi lang ito sa akin at bumunot ng patalim sa kaniyang bulsa bago tuluyang nagsalita.

"Hindi ito isang kwentong pag-ibig gaya ng inaasahan mo, hindi sana aabot sa ganito ang lahat kung mabilis ka lang sumunod sa gusto ko." huling sinabi nito at isang malakas na paghampas ang aking natamo bago tuluyang dumilim ang lahat.

Nagising na lang ako sa pagtapik sa aking balikat at nang namalayan ko ay si itay ito at nagwika. "Bumangon ka na at uuwi na tayo."

Luminga ako sa paligid at wala akong nakita ni isa sa mga lalaki kanina bukod sa palakol na puno ng bahid ng dugo mula sa aking ama.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top