Decapitated Lane

AKI

"HINDI nga maikakaila na sa panahon ngayon ay napakaraming mga kaskaserong magmaneho sa daan lalo na pagsapit ng gabi." sabi ng tagapagpahayag sa radyo habang kasalukuyan akong naglilinis ng aming bahay.

"Oo nga partner, ang daming napaperwisyo lalo na kapag nakakainom.. mga walang hiya, walang sinasanto. Sa amin nga nito lang sabado ay may namatay dahil 'di umano nawalan daw ng preno 'yong gagong driver."

Malapit na akong matapos sa ginagawa ko nang makarinig ako ng katok mula sa pinto.

"Pareng Aki magandang gabi.. nabalitaan mo na ba ang nangyari kay Ter?" hinihingal na sabi ni Pedro.

"Hindi pa, bakit.. ano ba ang nangyari?" tanong ko at balisa itong nagkwento.

"Naglason daw pagkatapos iwanan no'ng kasintahan niya, ngayon ko nga lang din nabalitaan sa burol niya. Akala ko pa naman ay ikaw ang unang makakaalam."

Bahagya akong natigilan sa sinabi niya, alam kong nasa matinong pag-iisip si Ter at hindi siya ang tipong ng tao na bigla-bigla na lang gagawa ng ganoong desisyon nang hindi man lang nagsasabi.

"Sige mauna na muna kayo, marami lang akong inaayos sa bahay pero sunod ako pagkatapos." wika ko.

"Sure ka pare? Gabing-gabi magbibisikleta ka lang, sumabay ka na kaya sa akin?" tanong nito na tinanggihan ko.

"Sige na pare, kaya ko na ang sarili ko malakas kaya 'to hahaha." tugon ko at tumango na lamang siya bago tuluyang umalis.

Matapos noon ay ipinagpatuloy ko na ang paglilinis sa bahay, nagplantsa na ako ng damit at nakapag-hugas na rin ng pinagkainan.

Naligo na rin pala ako bago tuluyang umalis sa bahay ko at nagtungo muna sa malapit na panaderya, kahit man lamang doon sa paborito niyang tinapay ay makabawi ako sa mga mabubuting ginawa niya para sa akin.

"Sabi ko nga pare kung mamatay lang din tayo, mas gugustuhin ko na sa piling ng mga magagandang babae na nagpapakasasa sa katawan ko." wika ni Mang Berto at kapwa silang nagtawanan kasama ng kanyang mga kainuman.

"Oy Aki napasyal ka, gabi na yata 'yang pagba-bike mo?" tanong nito.

"Ah pasensya na po sa abala Mang Berto, pupuntahan ko lamang ang kaibigan ko na namatay. Burol niya kasi ngayon kaya balak ko sana man lang na magdala ng tinapay."

"Nako edi mag-iingat ka na lamang, mahirap na sa panahon ngayon ang daming takaw aksidente.. O siya Sonya, pagbilhan mo nga si Aki para mapaaga ang uwi ng binata!" sabi pa nito at napakamot na lamang ako sa ulo.

"Salamat po Aling Sonya, magandang gabi na rin ho." wika ko pagkaabot ng tinapay at isang mabilis na kamay ay pinakawalan ni Aling Sonya na tila papunta sa akin, na siyang agad ko namang nasangga.

"A-aling Sonya ano po ba ang problema, ba't ninyo ako papaluin?" tanong ko.

"Jusmiyo marimar Aki, kung ako sa iyo ay hindi na ako paparoon sa pupuntahan mo."

"At bakit naman ho?"

"Mahirap ipaliwanag, basta ano't ano pa man ay umuwi ka nang maaga." sabi niya at naguguluhang umalis ako sa tindahan nila at pinaharurot ang bisikleta ko sa kalsada.

Patungo na ako sa crossing habang kasalukuyang iniisip ang hindi ko naman makalimutan na winika ng ginang bago ako tuluyang umalis kanina.

"W-wala kang ulo, Aki. Nakikita ko na may hindi magandang mangyayari sa iyo." pag-alala ko sa sinabi niya.

"Hindi ko na dapat intindihin pa iyon, malapit naman na ako sa dulo ng daan." bulong ko sa sarili ko at biglang isang malakas na ilaw ang lumitaw mula sa intersection.

Booogssshhhh!!!!!

Agad akong napatayo mula sa pagkakatumba.

"Bwisit na nagmamaneho iyon, hindi tumitingin sa dinadaanan." wika ko at isang pamilyar na mukha ang nakita kong nakatayo malapit sa sasakyan.

"Aki."

"Pareng Ter? P-paanong.. papunta pa lamang ako sa burol mo hindi ba?"

--

PEDRO

"Gago, pinabayaan mo pa rin na magbisikleta si Aki kahit nagkaroon ka ng masamang pangitain?" wika ni Casper.

"Sinabi ko naman na sa inyo, guni-guni ko lamang na nakitang walang ulo si Aki kanina. Hindi ako sigurado sa nakita ko, saka sinabi naman ni Aki na makakarating siya. Hintayin na lamang natin at malapit na iyon." tugon ko habang hindi mapakaling nakatingin sa kalsada.

"Kapapasok lamang na balita, patay mula sa isang aksidente ang isang binatilyo na nakasakay sa isang bisikleta nang biglang nahagip ng sasakyan na hindi umano ay nawalan daw ng preno.." sabi sa cellphone ng isa sa mga bisita at isang mabilis na kabog ng dibdib ko ang namutawi sa kaloob-looban ko.

"H-hindi n-naman siguro.."

"Napag-alaman na ang pangalan 'di umano ng lalaking nakasakay sa bisikleta ay si Aki Perez, bente-kwatro taong gulang at kapwa rin nakatira sa lugar na iyon."

"A-aki.. hindi ito maaari.."

"Ayon pa nga sa mga saksi ay may mga tama ito na hindi bababa sa katawan ng biktima na siyang dahilan ng pagkamatay nito."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top