Book Writing Talk 05: "D's Monthly Bwisitors"

Book Writing Talk 05: "D's Monthly Bwisitors"

By D. Lavigne

Sa mga panahon na gusto ko lang mapag-isa para mag-isip ng wala at ubusin na lang ang oras sa mundo, doon naman ang saktong entrance ng bwisitors sa buhay ko.

Meron sila laging aura na parang nagsasabi sa akin na hindi pa tapos ang lahat. Wala pang natatapos kasi wala pa akong sinisimulan. At alam kong hindi sila titigil hangga't hindi ko nagagawa ang bagay na 'yon.

Isang malaking sampal sa mukha ni D. Buwan-buwan nangyayari pero hindi pa rin matuto.

Lagi kasing nangyayari ang pagbwisita na 'yon. Walang palya. Parang pinagplanuhan ang pambubwisit na gagawin kaya swak na swak ang timing.

Parang... Parang ngayon?

Tatlong katok sa pinto ang bumasag sa ritwal ko ngayong araw. Sayang. Nakikita ko na sana ang liwanag. Tatlong katok ulit. Tumayo na ako para pagbuksan sila.

Bumungad sa akin ang masayahing mukha ng isang babae. Kapansin-pansin ang kulot niyang buhok na natural ang pagkabrown. Kakulay rin ng mga mata niyang kakikitaan ng saya. Siya si Lian May Cortez.

Inangat niya yung hawak niyang pink notebook para magmukhang mask kuno. "D, pwede po bang mang-istorbo?"

Magalang na bata. Dalawang araw lang naman ang tanda ko sa kanya.

Tumango na lang ako at nagbigay-daan sa kanila para makapasok sa bahay. Bored akong tiningnan ng kasama ni Lian. As usual. Siya naman si Jun Alcantara. Ang lalaking laging bored ang mga mata.

Magulo pa rin ang buhok niya na sa tingin ko, nadaanan naman kahit paano ng suklay. O baka tinamad kasi magugulo rin naman. Alin man sa dalawa, sure akong konti lang ang inilaan niyang energy para ro'n.

Masyadong balance ang energy ng dalawang 'to. May high and low. Nice. Napailing na lang ako at napangiti.

Sumunod ako sa kanila para maupo sa salas. Nandito na naman 'tong dalawang estudyante na 'to. Hindi ko na sila kailangang sabihan na maupo dahil sabay pa silang kumuha ng unan sa sofa.

Feel at home ang mga bwisitors.

"Bakit kayo nandito?" tanong ko. Bored akong sumandal sa sofa na katapat nila. Nahahawa na ako sa energy ni Jun.

"Para i-check kung namomroblema ka ulit sa mga bagay na hindi naman dapat pinoproblema." Tiningnan ako nang mabuti ni Jun. "Tama nga kami. Mukha ka na namang zombie."

"Jun!" Hinampas ni Lian yung braso ni Jun gamit yung pink notebook. "Umayos ka nga."

Nagkibit-balikat lang si Jun.

"Mali ka. Busy ako sa pag-iisip ng wala. Okay lang ako," sagot ko sa sinabi ng kaparehas ng mga mata ni Garfield. Hay. Ang sarap titigan ng wooden table sa gitna namin.

"Sige lang. Lokohin mo pa sarili mo." Pabalik-balik ang tingin ni Jun sa table at sa akin. "Mas gusto mo bang kausap 'yan? Bahala ka. Alis na tayo, Lian."

Mabilis mairita sa walang kwentang usapan. Baka maging Super Saiyan 'to mamaya.

"Teka lang, Jun! Ipapabasa ko muna sa kanya yung story ko!" Nginitian ako ni Lian sabay abot ng notebook. "Enjoy reading, D. Sana mawala po kahit paano yung bigat sa dibdib mo pagkatapos mo magbasa. At 'wag mo po kalimutan yung comment."

Isang malapad na ngiti na naman mula kay Lian ang natanggap ko. Nasisilaw ako sa sobrang light ng aura niya ngayon.

"Wala nang pag-asa sa buhay yung tao tapos pagbabasahin mo pa ng sinulat mo? Hindi ka ba marunong maawa?" Humalukipkip si Jun habang seryosong nakatingin sa katabi niya.

"Alam mo ikaw... Kanina ka pa!" Humalukipkip din si Lian.

Mariin akong pumikit saka minasahe ang magkabilang sentido. Sumasakit na naman ang ulo ko pero hindi ko mapigilang matawa sa nangyayari.

Ah jusko. Heto na naman sila.

"Makikita ni D ang pag-asa kapag binasa niya yung story ko," hirit ni Lian. Tumango-tango pa siya bilang tanda ng pagsupport sa sarili.

Nice. Pasimpleng promotion ng story. Ang tindi talaga ng kapit niya sa pangarap na maging author. Nakakatuwang makita.

Isa 'to sa hinahangaan ko sa kanya, yung confidence na meron siya. Napangiti ulit ako.

Ganito rin ba ako dati nung newbie ako? Hindi ko na alam.

"Wala akong maaninag na pag-asa diyan, Mayo. Hindi mo rin mauuto 'yang si D."

"Nasaan na yung sinabi mong awa kanina, Hunyo? Wala ka na namang preno sa pagsasalita." Yumuko si Lian at nilaro-laro na lang ang mga daliri sa kamay. Ngumuso saka bumulong-bulong pero hindi ko na maintindihan.

Para siyang naagawan ng candy. Tsk. Tsk. Cute ng batang 'to.

"Hindi ko na pala alam ang salitang awa." Lalong sumimangot si Jun.

Napailing na lang ako habang natatawa sa pagtatalo nila. Ilang beses ko na 'tong nakita pero hindi ako naiinis.

Ang sarap nila i-bag. Jk.

"Wait! Hindi tayo pumunta dito para sermunan mo ako sa harap ni D." Tiningnan ako ni Lian. "Nandito kami para kumustahin ka."

"Hindi ako okay ngayon. Mamaya pa siguro. Kung wala na kayong kailangan, pwede na kayong umalis. Matutulog pa ako."

Uulitin ko pa yung ritwal.

"Ang daming words nun, D! Mag-usap pa tayo dali." Ngumiti si Lian sabay lingon kay Jun. "Ilan kaya word count nun?"

Napahilamos ng mukha si Jun. "Bahala kayong magkaintindihan. Gisingin niyo na lang ako kapag uuwi na," sabi niya sabay tago sa yakap na unan.

Kunwari matutulog pero makikichismis din naman. Aysows.

"Salamat sa concern, Mr. Alcantara. Naappreciate ko pa rin kahit ganyan ka." Napahikab ako ng dalawang magkasunod. Sarap matulog nang matulog.

"D, usap po tayo." Tinitigan ako ni Lian nang matagal habang nakangiti.

Napabuntong-hininga ako. Wala na akong choice kundi pagbigyan 'tong dalawang makulit na 'to.

"Sige. Mag-uusap tayo pero ako lang dapat ang magtatanong." Kumunot ang noo ni Lian kaya natawa ako. "Sabihin na lang natin na kapag sinagot niyo yung mga tanong ko, matutulungan niyo na ako sa problema ko. Game?"

"Ang daya!" reklamo ni Lian.

"Game," bored na sagot ni Jun.

"Ikaw, Lian May?"

"Sige na nga." Kitang-kita sa mukha ni Lian ang pagkadismaya.

Sorry~ Harhar.

"First question, saan kayo takot? Ikaw muna, Jun."

"Wala."

"Hindi pwedeng wala."

"Wala nga."

"Hindi ako naniniwala. Lian, saan ba takot 'tong isang 'to?"

"Takot si Jun sa pusa!" Nagtakip si Lian ng bibig habang tumatawa. "Hanggang doon lang masasabi ko, D. Baka mawalan ako ng kasabay pauwi."

Natawa ako sa reaction ni Lian. Gustuhin ko mang tanungin yung iba pa o kung bakit takot sa pusa si Jun, mukhang hindi ko siya mapipilit ngayon.

Napailing na lang si Jun sa pagtawa namin. "D, may papel ka ba dito?"

"Papel? Hmm." Inabot ko sa kanya yung yellow pad na nakuha ko sa ilalim ng table. "Yellow paper lang meron ako."

"Salamat." Kumuha si Jun ng isang pirasong papel saka nag-umpisang tupiin 'yon.

"Balik na tayo sa topic. Ikaw, Lian, saan ka takot?"

"Marami, D. Ilan ba kailangan mong sagot?" seryosong sabi ni Lian habang nag-iisip.

Jusko, Lian May. Hindi ka talaga pumapalya na pasayahin ako.

"Ikaw bahala. Ilista mo pa sa yellow paper kung gusto mo," biro ko.

"Takot ako sa daga, ipis, palaka..."

"Multo," sabat ni Jun.

"Ayun, multo. Tapos..." Napatakip ng bibig si Lian. May naalala yata. "Okay na siguro yun, D. Wala na akong maalalang iba pang nakakatakot."

Hindi na ako sumagot pero natatawa ako habang tinatandaan ang sagot niya. Baka may dahilan siya kung bakit ayaw na niya dagdagan.

"Second question. Ten years from now, anong nakikita niyo sa future versions niyo? Lian?"

"May published book na ako! Tapos mapupuno ko na ng Hello Kitty stuff yung kwarto ko gamit yung pera galing sa dream job ko. At... proud sa akin ang family ko."

Masayang kumuha si Lian ng papel at pasimpleng ginagaya ang pagtupi ni Jun. Mukhang hindi pa rin siya marunong gumawa ng paper planes?

Tumango ako sa sagot niya. "Ikaw, Jun?"

"May sarili na akong manga. Kumpleto na yung tropa at banda namin nina Migs. Engineer na ako kaya okay na kami ng tatay ko."

Pansin kong may malalim pang dahilan ang mga sagot nila pero hinayaan ko na lang. Napaparami na yung nagagawa nilang paper planes pero wala yata silang balak tumigil.

"Last question. Anong nakakapagpasaya sa'yo at bakit?"

"Writing! Kasi masaya isulat yung kwento ng characters ko. Feeling ko, kasama rin nila ako sa buhay nila," nakangiting sagot ni Lian.

"Reading. Tinatamad ako magsulat at magdrawing minsan kaya mas gusto ko magbasa. Marami din akong nakukuhang idea kaya hindi sayang ang oras," seryosong sagot ni Jun.

"Okay. Noted lahat ng sinabi niyo. Salamat." Tumayo na ako bilang sign na ihahatid ko na sila sa pinto.

Hindi pa rin sila natitinag sa pagkakaupo. Naku. Naku.

"Wait lang, D! Kami naman magtatanong." Inilapag na ni Lian sa table yung ginawa niyang paper plane.

"Gusto ko sana 'yan, Lian, kaso tingnan mo yung oras." Tinuro ko yung wall clock sa likod nila.

6:09 PM

"Hala! Kailangan ko na umuwi. May curfew ako." Tumingin sa akin si Lian. "Next time na lang po tayo mag-usap, D."

"Sure." Tiningnan ko si Jun. "Hatid mo 'yan sa kanila."

Tumango lang siya sa akin.

"At ito..." Inabot ko kay Lian yung pink notebook niya na hindi ko na nabasa ang laman. "Sa susunod ko na lang babasahin para madagdagan pa yung nakasulat diyan. Okay lang ba?"

"Okay lang po."

Hindi na pahirapan na patayuin silang dalawa dahil sila na ang nagkusa sa paglabas ng bahay. Konting usap at pasalamat pa, umuwi na rin sila sa wakas.

Pagkasarado ko ng pinto, bumalik na ako sa pwesto ko kanina. Tumitig ulit ako sa kisame at paulit-ulit na napapapikit hanggang makatulog na nang tuluyan...

***

Nagising ako sa ingay ng electric fan na nakatutok sa akin. Nilipad na ang ilang papel na nakapatong lang kanina sa table. Naghihintay pa rin ang laptop sa akin para sa susunod kong isusulat. Tipikal na araw at hindi nababagong working space.

Napabuntong-hininga ako. Wala pa rin akong maisip na bagong idea sa blog. Ang sarap tumulala.

Hay.

Babalik na sana ulit ako sa pagtulog pero may nakapa akong bagay sa tabi ko; dalawang eroplanong papel.

Napangiti ako.

Alam ko na pala ang isusulat ko.


August 17, 2018


#GuiltyReads

#DiditWrites

#DRoadForImprovement

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top