2016 Draft: Kuwentong Bokya #2

Kuwento ng isang tulala

Tulala. Nag-iisip ng wala. Nagta-type ng wala para may mapag-usapang wala.

Paulit-ulit na pag-scroll sa mouse ang ginagawa ng babaeng nakakumot pa sa kabila ng nagngangalit na sikat ng araw sa labas. Tanghaling-tapat pero parang lamig na lamig pa siya. Nakaupo sa isang carpet na nakalatag sa sahig habang nakaharap sa laptop ang nasabing babae. Walastik talaga. Mukhang una pang kokombulsyonin ang makakikita sa kaniya sa mga oras na iyon.

Malamok kaya mas pinili na lang ng babae na magtiis sa init kaysa makagat ng mga peste. Gustuhin niya mang pumuwesto malapit sa electric fan ay hindi niya magawa. Medyo malayo kasi iyon sa favorite spot niya sa bahay kung saan gusto niyang mag-type.

Nag-umpisa na naman siya ng bagong kuwento. Hindi pa siya nakuntento sa isa, ginawa niya pang dalawa. Hindi niya alam kung saan papunta ang ginagawa niya pero ang malinaw lang sa kaniya sa mga oras na iyon ay kailangan niya lang tumipa. Hangga't maaari ay ayaw niyang makita ang cursor ng WPS Writer na kumikindat-kindat na naman sa kaniya. Lalo lang kasi siyang napapatulala.

Writer's block.

Ang walang kamatayang writer's block na naman ang sinisisi niya. Iba ang writer's block sa katamaran. At inaamin niyang guilty rin siya sa pagsisi rito noong mga panahong tinatamad lang naman talaga siyang mag-type ng kuwento. Pero, dati iyon. Gusto niya talagang magsulat ngayon pero walang tamang salita na kumakawala mula sa isip niya papunta sa kaniyang mga daliri.

'Normal ang maubusan ng creativity. Normal maging lutang. Normal tumulala.' Ito ang paulit-ulit niyang sinasabi sa sarili.

Tumayo siya para kunin ang kaniyang headphone at dictionary. Pagkarating sa kaniyang kuwarto, nabaling ang atensyon niya sa mga lumang notebooks na nasa ibabaw ng table. Nag-umpisa siyang alalahanin ang mga bagay-bagay habang nakatitig pa rin sa mga iyon.

Napangiti siya. Dahil alam niyang naka-drawing sa mga iyon ang mga karakter mula pagkabata na pinapangarap niyang mabigyan isa-isa ng sarili nilang mga kuwento.

Makalipas ang mahigit sampung minuto ng pagre-reminisce, bumalik siya sa puwesto niya kaharap ang laptop. Kapansin-pansin ang matamis na ngiti sa kaniyang labi na animo'y nakakuha na muli ng inspirasyon.

Pagkaupo ay napatigil siya saglit, saka naalala ang dahilan kung bakit nga ba siya pumunta sa kaniyang kuwarto. Nakalimutan niyang kunin ang headphone at dictionary! Napakagaling.

Facepalm.

Note to self . . .

Mas masarap magsulat kung inspired. Pero kung palagi na lang inspirasyon ang hanap ng isang tao, walang mangyayari sa kaniya kundi ang maghintay sa isang bagay na matagal kung dumating. Walang tatalo sa mga akdang nalikha na bunga ng inspirasyon pero bibihira lang mangyari ang mga iyon.

Umutot ang ginagawa ng taong ututin. Tumula ang ginagawa ng isang manunula. Tamarin ang ginagawa ng taong tamad. Gumuhit ang ginagawa ng taong biniyayaan ng malikhaing kamay. Manlait ang ginagawa ng taong pangit. Kumanta ang ginagawa ng taong may magandang boses. Manira ng kapwa naman ang specialty ng taong plastic. Sumayaw ang ginagawa ng taong may kakayahang kumembot. Mag-plagiarize ang ginagawa ng taong hindi kayang gumamit ng sariling utak. Umarte ang ginagawa ng taong may kakayahang magtanghal. Mag-inarte naman ang ginagawa ng mga taong feeling. Magyabang ang ginagawa ng taong pinaglihi sa hangin. At magsulat ang ginagawa ng isang manunulat. Lahat, nakadepende sa kagustuhan at taglay na kakayahan ng isang indibidwal . . .

Pumunta siya ng kusina para kumuha ng plato. Baka ito ang kailangan niya munang gawin . . .

Kumain na siya kahit na hindi pa siya gutom. Kumupit na naman siya ng juice sa tindahan na agad niya namang ininom. Pero wala. Wala pa rin siyang maisip na matinong mga chapters na kasunod ng dalawang Prologue. Ilang buwan na ang nakakalipas, nganga pa rin.

Naisama niya sa lamesa ang kaniyang cellphone, maliit na notebook at ballpen. Hindi maaaring mawala iyon sa mga oras na nasa mood siyang mag-type ng kuwento. "In case of emergency," wika niya.

Minsan, mabilis ang pagdating ng ideya kaya laptop ang gamit niya pero madalas, sayang lang ang charge noon at sa papel siya nauuwi kapag inabot na siya ng ilang dekada sa pag-iisip ng isang konsepto. Hindi naman kasi mag-isang masusulat ang isang kuwento kung wala ang pasimunong manunulat nito. Siya ang masusunod kung kailan at paano ito tatakbo at kung kailan naman ito matatapos o pansamantalang ihihinto dahil ang pagiging isang manunulat, katulad ng ibang propesyon ay isa ring responsibilidad . . .

Buntonghininga.

Nagbasa na siya ng isang e-book. Nakipaglaro na rin siya sa pusa niya para makapag-relax. Nag-soundtrip na siya ng isang instrumental na kanta na naka-repeat. Pinagbentahan na niya ang ilang customers sa tindahan. Tumingin na siya sa malayo at sa bubong ng mga kapitbahay. Pero katulad ng dati, wala pa rin.

Isang kapangahasan na naman ang gagawin niya sa harap ng laptop. Titipa na naman siya ng mga salita na awtomatikong kumakawala sa kaniyang isip papunta sa mga daliri niyang nakalapat sa keyboard. Desperado na talaga siyang tumipa. Isinasabuhay niya talaga ang quote na: "Write without fear. Edit without mercy."

Mag-uumpisa na sana siya pero naalala niyang naiwan nga pala ang kaniyang cellphone, maliit na notebook at ballpen sa lamesa. Bad trip. Nasira na naman ang moment niya.

Tulala . . . na naman. Nakatitig sa kawalan.

Pinagdiskitahan niya ulit ang mouse kaya nag-umpisa na naman siyang i-scroll ito. Tinanggal niya na rin ang manipis na kumot na pinangbalot niya sa sarili kanina. Sa wakas, naramdaman din niya ang init ng panahon. Hindi siya tumitingin sa screen ng laptop dahil nahihilo siya sa paulit-ulit na pag-scroll na ginagawa. Unti-unti niya nang na-e-enjoy ang pagtulala sa bintana.

"Ang sarap titigan ng bubong ng kapitbahay, nakaka-inspire," wika niya sa sarili.

Last attempt. Gusto niya talagang makapagsulat ng kahit na ano kaya hinarap niya na naman ang isang blank page ng WPS Writer.

Kung hindi siya mag-uumpisang tumipa ngayon, kailan pa? Bukas? Sa isang linggo? Sa isang buwan? Sa isang taon? Wala ng iba pang magandang oras para magsimula kundi ngayon.

Gumalaw na rin sa wakas ang mga daliri niya sa keyboard. Nakiisa na rin sa wakas ang isip niya. Unti-unti na naman siyang nabibingi sa totoong mundo. At nabubuhay na naman siya sa sarili niyang kuwento . . .

Masaya siya. Kalmado na ang puso niya dahil kahit papaano ay mayroon na rin siyang naisulat. Masaya siya dahil sa unang pagkakataon, sa kaniyang pagtulala, nakagawa siya ng isang kuwentong bokya.


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top