2016 Draft: Kuwentong Bokya #1

Kuwento sa Likod ng Piso

"Pabili!" sigaw ng isang matandang lalaki sa labas ng isang cute na tindahan. Kinakalampag nito ang plywood na harang gamit ang kaniyang kamao.

Isang babae naman ang agad na kumilos para pagbentahan ang customer. Na-sense na naman niya kasi ang "siga aura" nito. Ilang pirasong beef noodles ang binili ng customer. Susuklian na lang niya ang naghihintay na lalaki pagkatapos ay mawawala na ang aura nitong nagdudulot sa kaniya ng kaunting inis.

Matapos ang ilang sandali ng paghahanap ng maisusukli sa iritadong lalaki ay binilang niya ulit ang perang ibibigay niya rito, sixty-four pesos. Isang limampung piso na perang papel at mga kumikintab na one-peso coins ang ibinigay niya sa nakalahad na kamay ng lalaki na agad naman nitong tinanggap. Naubos na kasi ang populasyon ng lima at sampung pisong barya sa kanilang tindahan kaya no choice silang dalawa nang umagang iyon.

Wala pang isang minuto ay bumalik ang lalaki at nagsalita na naman sa iritadong tono. "Kulang pa ng piso," wika nito.

Nagtataka man ay kumuha na lang ng piso ang babae, itinaas ang harang at nagdadalawang-isip kung ibibigay niya ba ang baryang magpapasobra sa isinukli niya kanina. Sa nakabukas na harang ay nakita niya ang nakalahad na palad ng lalaki kaya wala na naman siyang nagawa. Dito na ba papasok ang linyang: "The customer is always right?" Napasimangot siya sa naisip.

"Kulang pa po ba?" tanong niya matapos niyang iabot ang hinihingi ng lalaki. Hindi naman ito umimik at dali-daling umalis . . .

Sino? Sino ang dapat magmay-ari ng nasabing pisong iyon?

Bokyang sistema. Bokyang tanong. Bokyang sitwasyon.

Posible bang nagkamali ang babae sa pagbibilang ng sukli bago ito ibigay sa customer gayong binilang naman niya ulit ito? Posible rin bang nagsisinungaling lang ang lalaki sa pagsasabing kulang ng piso ang isinukli sa kaniya kasi ayaw na niyang mapahiya dahil sa pagbalik na ginawa niya? At posible bang mali silang dalawa? Pwedeng oo at pwedeng hindi ang sagot.

Piso, isang munting barya na nalalaman lang ang halaga kapag nagkulang ang pamasahe sa jeep o tricycle. Piso, isang cute na baryang may mukha ng ating pambansang bayani. Piso, isang baryang paboritong gamitin sa kara-krus. Piso, isang baryang ginagamit sa pag-scratch ng isang card. Piso, isang baryang kapalit ng candy o chichirya sa isang suking tindahan. Piso, isang baryang katumbas noon ng isang matamis na ngiti ng isang bata. Piso, isang barya na ginagamit sa pag-drawing ng bilog. Piso, isang baryang madalas utangin pero hindi na kailanman naibabalik. Piso, isang baryang laging hinahanap kapag may librong kailangang ipa-photocopy. Piso, isang baryang napapansin lang kapag nagkulang ang ibinigay na sukli.

Piso, isang barya na bumubuo sa lima at sampung pisong barya. Piso, isang barya na bumubuo rin sa dalawampu, limampu, isang daan, dalawang daan, limang daan at isang libong pisong perang papel sa Pilipinas. Piso, isang barya na kapag nakita sa daan ay pag-iisipan muna kung pupulutin ba o hahayaan na lang na mapulot ng iba. Piso, isang barya na kung minsan, ipinaglalaban. Piso, isang barya na madalas, hinahayaan. Piso, isang bagay na ginamit upang may paghugutan.

Hindi pa rin tapos ang kuwento tungkol sa babae at sa matandang lalaking customer. At hindi pa rin alam kung may hustisya na sa isinukling piso. Isang pangyayari na naganap lang sa loob ng limang minuto. Isang pangyayari na sa pagdaan ng panahon ay magiging isa na lang misteryo . . .

Sa madaling sabi, isa lang talaga ang malinaw sa kuwentong bokya na ito, ang pisong iyon ay nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon sa sirkulasyon.

Walang duda. Walang daya. Walang magic. Walang love story. At higit sa lahat, walang bed scene.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top