Chapter 5
It's friday night, excited na ang mga kaibigan kong makarating sa bahay. Mula kasi nang lumipat kami roon ay wala pa akong naisasama isa man sa kanila. Kahit doon sa dati naming apartment, hindi talaga ako nagdadala ng mga kaibigan. Nakakahiya naman kasi kay ate.
Bago tumuloy sa bahay ay dumaan muna kami sa supermarket para bumili ng mga kailangan namin. Kasama ko ngayon si Best at si Florence na abala na sa pamimili, habang ako'y tagatulak ng cart.
"Best magluto ka kaya ng sisig o tukwa't baboy. Masarap 'yon, e," sabi ni Best, habang inilalagay sa loob ng cart ang mga dinampot niyang chips.
"Okay, best." Kahit mahirap gawin iyon ay pumayag na lang ako. Napangiti naman si Best, malakas talaga sa akin ang babaeng ito.
Mayamaya pa'y lumapit naman si Florence na may bitbit na tatlong Maria Clara. May pa-wine si Mayora.
"Ano mga beshy, okay na ba lahat 'yan?" tanong ni Florence, ngiting-ngiti ang birthday girl.
Tumango na lang kaming dalawa ni Best. Ang iba naming mga kaibigan ay susunod na lang daw sa bahay mamaya. Madali lang namang hanapin ang boarding house namin kaya walang problema.
Matapos naming bayaran ang mga pinamili ay nagpaalam ako sa dalawa na pupunta muna ako sa c.r.
"Mauna na lang kayo sa parking lot, wait n'yo na lang ako roon," paalam ko. Tumango naman ang dalawa at pinagtulungan nang bitbitin ang aming pinamili.
Ilang minuto rin ang inilagi ko sa c.r dahil mahaba ang pila sa loob. Dalawang cubicle lang kasi ang bukas at ang isa naman ay out of order. Nang lumabas ako mula roon ay nagtuloy na ako sa parking area kung saan nakagarahe ang sasakyan ni Florence.
Malamig na hangin ang agad na sumalubong sa akin nang makalabas ako sa supermarket. Dagli akong napayakap sa aking sarili habang naglalakad palapit sa sasakyan. Ngunit, bago pa man ako makarating doon ay bigla akong natigilan nang may humawak sa aking balikat mula sa aking likuran. Off-shoulder ang suot kong damit kaya naman ramdam ko ang malamig na kamay na dumikit sa aking balat. Agad akong lumingon sa aking likuran upang lalong matigilan. Wala akong nakitang tao roon kaya naman naikunot ko ang aking noo.
Nang pumihit ako paharap ay bigla akong bumangga sa isang katawan. Mula sa liwanag ng ilaw na nasa poste ng parking area ay naaninag ko ang mukha ng aking kaharap.
"M-manang..." Kung hindi ako nagkakamali ay ang matandang babae sa aking harapan ay ang aming kapit-bahay na siya ring kumausap sa akin noong naglilipat kami. Siya kaya ang humawak sa aking balikat? Paanong napunta siya sa aking harapan nang hindi ko namamalayan?
"Precious ang pangalan mo, 'di ba?" tanong niya na nagpakunot lalo sa aking noo. Simula noong naglipat kami hindi ko na ulit nakausap ang kapit-bahay naming ito.
"O-opo, manang. Bakit po?"
"Mag-iingat ka, Precious. Kung maaari ay umalis na kayo sa bahay na iyon!" mariing sabi niya. Magtatanong pa sana ako kaya ay bigla na lang itong naglakad paalis.
Naiwan tuloy akong tulala at pinuproseso pa sa aking utak ang sinabi niya. Bakit? Ano'ng mayroon sa bahay na iyon at mukhang ayaw niyang tumira kami roon?
"Oi, Precious. Bakit nakatayo ka pa riyan? On the way na raw sila, baka maunahan pa tayo nang mga iyon na makarating sa bahay n'yo!" sigaw ni Florence na nagpabalik sa akin sa realidad.
Mabilis akong naglakad palapit sa sasakyan na limang dipa lang ang layo mula sa akin. Nakatayo si Florence sa likod ng nakabukas na pinto malapit sa driver seat.
"Sino 'yong kausap mo, friend?" tanong ni Florence.
"Si Manang 'yon, kapit-bahay ko."
"Ah... Bakit biglang umalis?" muling tanong ni Florence at tinanaw pa ang dinaanan ni Manang.
"W-wala iyon, may nakalimutan daw siya kaya babalik sa loob ng supermarket."
"Ano, hindi pa ba tayo aalis?" sabat ni Best Jen, sumilip pa ito sa nakabukas na bintana sa passenger seat.
"Oo, na... Tara na. Usog ka nga riyan!"
Narinig kong tumawa si Florence nang siksikin ko si Best sa likod.
"Doon ka na lang sa tabi ng driver umupo, best. Hindi tayo kasya rito, e," natatawang protista ni Jen. Inirapan ko lang siya bago muling lumabas at lumipat sa harap.
"Grabe! Magdiet ka na kasi, best. Triple na ang sukat mo, e."
"Nah! Food is life!" aniya ni Jen na ikinangiti naman namin ni Florence.
Habang nasa daan ay muling bumalik sa aking alaala ang sinabi ni Manang. Kailangan makausap ko siya dahil marami akong gustong itanong, imbis na kabahan mas nabuhay tuloy ang curiosity ko.
"Ang lalim naman ata ng iniisip mo best, kanina pa kami salita nang salita rito, ah! Tapos ikaw wala ka man lang reaksyon d'yan. Nasa Mars na ata utak mo, e!" sigaw ni Best Jen, sabay bato sa akin nang kinakain niyang potato chips.
"Oi, 'wag kang magkalat sa kotse ko!" sita ni Florence kay Jen.
"Miss Driver, magmaneho ka lang d'yan!" Biglang tumawa si Jen. Grabe talaga ang isang ito, engineer namin ang kausap niya pero ganyan siyang magsalita. Sabagay, natural na rin naman sa kanilang dalawa ang ganyang asaran kapag wala sa trabaho.
Samantalang ako ay nanahimik na lang at paminsan-minsa'y nakikitawa sa kanilang dalawa. Nang makarating kami sa bahay ay agad kong inihanda ang lulutuin kong tukwa't baboy na siyang request ni Best. Silang dalawa naman ay iniwan ko sa salas at hinihintay ang iba pa naming kaibigan.
Mayamaya'y narinig ko na ang boses nang mga bagong dating. Napangiti na lang ako habang nagpiprito ng tukwa. Ngayon lang ulit nabuo ang barkadahan dahil sa iba-iba ang schedule namin sa trabaho. Mabuti na lang at biglang bumaba ang demand at nataon pa sa birthday ni Florence.
Pumasok sa kusina sina Sheena, Mylene, Grace at Loraine. Nasa byahe pa raw sina Levy, Rosie at Mae ayon sa kanila. Inayos na lang namin ang mga dala nilang pagkain sa lamesa. May dala silang cake, pansit bihon, at spaghetti na inorder daw nila.
ROSIE POV.
"Langya, lagpas na yata tayo sa bahay nila Precious?" tanong ko kay Mae, kami kasi ang magkatabi sa loob nitong tricycle. Sumilip siya sa labas at tinanaw ang dinaraanan namin.
"Hindi pa naman, wala pa tayong nadaanang tulay. Hindi ba ang sabi pangalawang bahay raw pagkalagpas ng tulay," aniya.
Iyon nga ang sinabi ni Precious sa text niya. Ilang sandali pa'y natanaw ko na ang tulay, mabilis ang patakbo ng driver kaya agad din kaming lumpas doon.
"Manong, sa tabi na lang po kami!" sabi ko kay mamang driver na agad din niyang narinig dahil inihinto ang tricycle sa tabi ng kalsada. Bumaba kami at iniabot ko ang bayad.
"Dito pala ang sinasabi n'yong bahay... may nakatira na pala ulit d'yan. Kayo ba ang bagong nakatira diyan?" tanong ng driver.
Sabay kaming umiling ni Mae. "Hindi po, manong, barkada namin ang bagong nakatira d'yan," sagot ni Mae.
"Bakit po, manong?" tanong ko naman kay manong driver, hindi pa kasi siya umaalis at nakatanaw lang sa hindi naman kalakihang bahay.
"Ang ganda ng bahay na 'yan, pero usap-usapan kasing wala raw nagtatagal tumira diyan dahil may hatid daw na kamalasan ang bahay na 'yan sa bawat taong tumitira d'yan," pahayag ni Manong Driver. Dahil sa sinabi niya ay bigla akong kinilabutan. Langya! Pati si Mae ay napatingin sa akin.
"Ganun po ba? Sige po, manong, pasok na po kami sa loob." Kami na lang pala ni Mae ang naiwan dito sa labas, nauna nang pumasok sa loob si Levy.
Naglalakad na kami patungo sa gate pero nilingon ko pa rin si Manong. Nanatili pa rin siyang nakatanaw sa boarding house nila Precious.
Kung titingnan, maganda naman talaga itong bahay, may gate at garahe sa harap. Hindi naman siya mukhang haunted house. Pagpasok namin sa loob ng bahay ay napansin ko agad na maaliwalas at maganda ang pagkakaayos ng mga gamit. Halatang alaga sa linis.
"Happy birthday, beshy!" bati ko kay Florence na nakaupo sa sofa at nagsisimula nang maghanap ng kanta sa song book. Iniabot ko sa kanya ang hawak kong paper bag.
"Thank you, Rosie, talagang may regalo ka pa, ha! Pwede namang wala na, pero thank you so much para dito!" sabay taas ng paper bag at niyakap ako. Napangiti na lang ako. Langya! Sarap talaga sa pakiramdam kapag nakita mong masaya ang mga kaibigan mo.
Hinanap ko si Precious pero busy pa raw sa kusina, sa aming magkakaibigan siya lang talaga ang magaling magluto. Naisip ko tuloy kung dapat ko bang sabihin sa kanya ang iyong sinabi ni Manong Driver.
Siguro, sa ibang araw ko na lang ikukwento sa kanya. Hindi kasi ako matatahimik, paano kung totoo nga 'yon? Kawawa naman ang kaibigan namin.
ITUTULOY..
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top