Chapter 1
PRECIOUS
"Oh, ate... ang aga mo yata ngayon, ah? Sunday ngayon, wala ka namang pasok pag-sunday 'di ba?" tanong ko kay ate nang pumasok siya rito sa kusina. Mukhang may lakad! Saan kaya ang punta nito? Ang aga-aga pa, eh.
"Insan, 'di ba sinabi ko na sa 'yo? Ngayon ko titingnan 'yung bahay na lilipatan natin. Isang linggo na lang tayo rito, ah, nakalimutan mo na ba?" taas kilay na tanong ni Ate.
"Nakalimutan ko nga!" Bigla akong napakamot sa aking ulo. "Ate naman kasi... bakit pa tayo lilipat? Maganda naman itong apartment natin,ah. Saka tingnan mo naman, ilang hakbang mo lang mall na agad! Oh, 'di ba? Ang saya-saya kaya rito."
Biglang pumalatak si Ate at hindi rin nakaligtas sa aking paningin ang mga kilay niyang halos magdikit na.
"Ewan ko sa 'yo, insan, basta ayoko na rito sa Balibago. Tingnan mo nga, ikaw puro ka bili, gala rito gala roon, kaya kunti na lang ang natitira sa sahod mo, eh!"
"Hay naku! Nasermonan pa tuloy ako." Sabay simangot ko kay ate. Ano naman ngayon kung magastos ako? Beside, sarili ko namang sahod ang ginagastos ko. Ayaw ko lang talagang umalis dito.
"Basta, insan, nag-usap na tayo tungkol dito 'di ba? Kung nasaan ako, doon ka rin! Ayaw kong malagot kila tita at lola kapag pinabayaan kita rito sa Laguna."
"Oo na po, ate. Alam ko naman 'yon, naiintindihan naman kita. Saan nga pala' 'yung bahay na pupuntahan mo?"
"Sa Carmona raw 'yon, insan. Sabi naman ng kaibigan ko maganda iyong bahay dahil nadadaanan lang iyon papasok ng company. Isang buong bahay raw 'yon, insan... hindi ka ba sasama sa akin para makita mo rin iyong bahay?"
Bigla akong napailing, gustuhin ko man na sumama sa kanyang ay talagang wala akong magagawa. "May pasok ako mamaya, ate, alam mo na, restday o.t na naman kami kaya hindi kita masasamahan ngayon."
"Sige na. Okay lang, insan. Sasamahan naman ako ng kaibigan ko, eh. Aalis na ako ha, 'wag mong kalimutang I-lock itong bahay pag-alis mo mamaya. Baka gabi na ako makauwi."
" Sige, ate, ingat na lang."
Malungkot akong napaupo sa sofa nang makaalis si Ate Tina. Labag talaga sa loob ko ang plano niyang paglipat ng bahay. Okay na kasi ako rito, e. Bakit ba kasi ayaw na niyang tumira dito? Ang mga ka-work ko nga mas gusto nilang nandito sa Balibago kasi narito na lahat. Kaya lang, wala naman akong magagawa kundi ang sumunod na lang sa kanya. Kung hindi naman dahil kay Ate Tina, hindi rin ako mapupunta rito sa Laguna. Siya kasi ang tumulong sa akin para makapasok ng trabaho, at isa pa'y siya lang ang malapit na kamag-anak ko sa lugar na ito. Malaki ang utang na loob ko sa kanya, kaya hindi ko talaga kayang suwayin ang kagustuhan niya.
Kung hindi dahil sa kanya baka nasa probinsya pa ako hanggang ngayon, nakikitanim ng palay sa bukid, nagpapakain ng mga alagang baboy at manok ng lolo ko.
****
Grabe ang sakit na nang braso ko kakabuhat ng mga kahon na pinaglagyan ng mga gamit namin ni Ate Tina, tagaktak na rin ang pawis ko sa katawan. Sobra!
Akmang bubuhatin ko iyong isang kahon na hindi ko alam kung ano ang laman ay bigla namang pinalo ni Ate ang aking puwitan. Napalakas ang hampas nito kaya muntik na akong masubsob sa ibabaw ng kahon.
Masamang tingin ang ipinukol ko kay Ate Tina, nakakainis kasi ang pagmumukha niya. Mauutas na kakatawa habang nakatingin sa akin. Ako ba ang pinagtatawanan nito? Anong nakakatawa?
"Nakakatawa naman 'yang itsura mo, insan," aniya habang maluha-luha pa.
Ano bang nakakatawa sa itsura ko? Baliw na yata ang pinsan kong ito. Kung batukan ko kaya siya para tumigil na sa pagtawa, nakakainis na kasi, eh.
"Bakit ba, ate? Clown na ba ako sa paningin mo? Tawa ka nang tawa riyan, masama 'yan... baka kabagin ka!" Inirapan ko siya.
Ang O. A. kasi, may paghawak pa talaga sa tiyan, eh. Minsan talaga natatakot na rin ako rito kay ate. Minsan tahimik, minsan naman bigla na lang iinit ang ulo, tapos ngayon tawa nang tawa. Dapat siguro ipa-check up ko na ito, baka may sira na sa ulo.
"Iyang mga braso mo kasi, kaunti na lang mukhang bibigay na. Payatot mo, insan, matakaw ka naman..."
Jusko! Akala ko kung ano na ang ikinatatawa niya. Kahit kailan talaga ay hindi marunong mag-appreciate si Ate ng katawan na sexy. Palibhasa kasi malusog siya kaya hindi maka-relate.
"Hmpt! slim lang ako, teh. Sexy ko kaya! Inggit ka lang yata sa katawan ko kasi ikaw puro ka fats." Ako naman ang tumawa nang malakas. Akala siguro niya siya lang ang marunong mang-asar.
Biglang nalukot ang mukha ni Ate Tina, akmang babatukan niya ako, pero dahil sexy ako ay mabilis akong nakaiwas. Alam na alam ko kasi ang pang-asar sa kanya, ayaw na ayaw niyang sasabihan ng mataba. Totoo nga ang kasabihang masakit ang katotohanan. Ngiting tagumpay tuloy ako habang nakatitig sa busangot niyang mukha. Asar talo lang, eh.
"Walang galang! Ipasok mo na nga 'yan sa loob. Bilisan mo at marami ka pang hahakutin!" aniya.
"Yes, Ma'am!"
Agad kong binuhat ang kahon na hindi naman kabigatan ang laman. Bahagya akong kinurot ni Ate Tina sa bandang tagiliran nang dumaan ako sa tapat niya. Napahagikhik na lang ako habang pumapasok sa gate ng bago naming boarding house.
Saktong pagpasok ko sa gate nang makarinig ako na parang may sumitsit. Kaya naman inilibot ko ang aking paningin sa buong paligid, ngunit wala naman akong nakitang ibang tao.
Akmang ihahakbang ko na ang aking mga paa nang muli na namang may sumitsit. Mabilis kong ibinaling ang aking paningin sa pinanggagalingan ng boses. Muntik ko nang mabitiwan ang kahon na aking buhat-buhat nang biglang sumilip ang ulo ng matandang babae sa ibabaw ng bakod.
Simentado kasi ang bakod at medyo may kataasan ito kaya iyong ulo lang ng matanda ang lumitaw.
"Kayo ba ang bagong titira sa bahay na 'yan?" tanong ng matanda. Seryoso ang mukha niya habang nakatingin sa akin kaya medyo kumabog ang dibdib ko. Para kasing may kakaiba sa paraan nang pagtitig niya sa akin na hindi ko kayang ipaliwanag.
"Opo. Kami nga po ang bagong titira diyan sa bahay," nakangiting sagot ko.
"Sigurado ba kayo na d'yan talaga kayo titira?"
"O-opo. Ang ganda nga po ng bahay, mukhang bago lang po. Bakit po pala naitanong n'yo kung sigurado kaming titira dyan sa bahay?"
Hindi ba niya nakita na naglilipat na nga kami, ba't kailangan pa niyang magtanong nang ganyan?
"Ah, wala naman, ineng... Sige, may gagawin pa pala ako," aniya at bigla na lang nawala ang ulo niya sa ibabaw ng bakod.
Napailing na lamang ako, ano naman kaya iyon? Magtatanong tapos pagsiya naman pala ang tatanungin mo wala lang ang isasagot.
ITUTULOY...
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top