Prologue
PROLOGUE
"GUYS! Si Samantha tatalon sa rooftop!" malakas na sigaw ni Charlotte ang pumutol sa tahimik na klase ng section Sampaguita sa araw na 'yon. Hingal na hingal ito sa katatakbo upang ipaalam sa mga kaklase ang nakita niya sa labas.
Walang pag-aatubiling nagsilabasan ang mga kaklase ni Charlotte at agad na tumakbo nang malaman ang sinabi niya na tatalon ang kanilang kaklase na si Samantha Roux.
Pagkababa nila mula sa ikatlong palapag ng gusali mula sa kanilang classroom, tanaw nila ang mga nagtatakbuhang mga estudyante palabas ng naturang lugar. Paglabas nila ng building, kitang-kita nila ang mga nagkukumpulang estudyante habang tinitingala ang babaeng nakatayo sa rooftop. At doon nila nakitang si Samantha nga 'yon na kanilang kaklase.
Kilala si Samantha Roux Hidalgo sa kanilang campus. Maliban sa pagiging estudyante sa star section, ang Sampaguita, kilala ang dalaga dahil sa pagiging mayaman ng pamilya. Dagdag pa ang pagiging maganda at matalino nito.
Pansin nila ang kaklase noong nakaraang araw na medyo tahimik at balisa. Sinubukan nila itong kausapin kung ano ang problema ngunit wala naman silang natanggap na sagot. Pinabayaan na lamang nila ang kaklase baka personal ang problema o hindi kaya ay tungkol ito sa pamilya. Hindi na sila nagpumilit pa na magtanong baka isipin rin nito na nakikialam sila nang may buhay.
Kitang-kita nila ang malungkot na mukha ni Samantha. Nasa dulo na ito ng railings ng rooftop. Kung may malakas na hangin na tatama sa dalaga ay tiyak na mahuhulog ito sa kinatatayuan.
Nagulat na lang sila at napasigaw nang biglang iniangat ni Samantha ang kaliwang paa. May pulis na ring kakarating lang matapos tawagan ng adviser nila na si Teacher Cindy. Hindi na magkamayaw ang kanilang guro dahil sa nerbyos na nararamdaman nang makita ang estudyante nitong magpapakamatay.
Sinubukang kumbensihin ng hepe ng pulis si Samantha na huwag gawin kung anuman ang nasa isip nito.
"Miss Hidalgo, may mas mainam pa na paraan upang masolusyunan natin ang 'yong problema. Hayaan mong tulungan ka namin," panawagan ng hepe habang hawak-hawak nito ang ginamit na mega phone. Ngunit wala ring naging epekto ang pakiusap ng hepe dahil hindi man lang nakitaan ng anumang reaksyon ang mukha ng dalaga. Ganoon pa rin ang reaksyon nito na tila binagsakan ng langit at lupa.
Napapikit na lang sila nang tuluyan na itong tumalon sa rooftop. Nagsisigaw ang ilang estudyante na nakasaksi sa pangyayari. Habang ang mga estudyante sa section Sampaguita, tulala at napatakip na lang sila sa kanilang mga bibig.
Basag ang ulo ni Samantha at nagsilabasan ang ilang parte ng utak. Tumalsik ang napakaraming dugo sa semento na pinagbagsakan nito. Dilat ang mata na saktong nakaharap ang kaniyang posisyon sa kaniyang mga kaklase.
Hindi na nakayanan ng ibang estudyante ang nasaksihan. Ang iba ay nagsialisan at karamihan ay nandidiri sa nakita. Nanatiling nakatayo ang mga kaklase ni Samantha. Minasdan nila nang maigi ang kanilang kaklaseng malungkot ang sinapit.
Nagsimulang magsibagsakan ang kanilang mga luha na kanina pa pinipigilan. Gustuhin man nilang puntahan ang kaklase ngunit hindi sila pinayagan ng mga pulis. Nagsimula nang maglagay ang mga pulis ng yellow tape at sinuri ang dalaga.
Ang buong section Sampaguita na lang at iilang mga pulis ang naiwan doon. Nakatayo lamang sila sa kanilang puwesto at hindi gumalaw dahil sa hindi nila inakalang pangyayari. Labis silang nalungkot sa sinapit ng kanilang kaklase.
Nag-imbestiga na rin ang kapulisan sa kanilang guro ukol sa mga bagay na ginawa ni Samantha bago ito magpakamatay. Nagtanong din ang mga pulis sa mga kaklase nito at kung sino ang huling nakasama at kung may na-o-obserbahan ba silang mga kilos na kakaiba. Tanging ang pagiging tahimik at balisa lamang ng dalaga ang naisagot nila. Ito kasi ang na-o-obserbahan nila noong nakaraang araw.
"S-si S-samantha. . ." putol-putol na saad ni Elisa habang nanlaki ang kaniyang mga mata sa nakita.
Sabay-sabay na nagsitinginan ang lahat matapos marinig ang sinabi ni Elisa.
Nagulat na lamang sila nang biglang gumalaw ang katawan ni Samantha. Pupuntahan na sana nila ito ngunit bigla itong bumangon papunta sa kanilang kinatatayuan. Pasuray-suray ang lakad nito na tila isang lasing habang bumubulwak ang sariwang dugo sa bibig nito.
Diretso ang tingin habang nanlilisik ang mata. Kitang-kita ang galit sa kaniyang mukha at maya maya ay may binubulong ito na hindi nila maintindihan. Hindi 'yon marinig nang maayos dahil sa tuwing magsasalita ito ay bumubulwak ang dugo mula sa kaniyang bibig.
Kinakabahan sila at ang iba ay nilulukob na ng takot dahil sa mukha nitong puno ng sugat at dugo. Nayupi ang ulo nito mula sa pagkabagsak at doon umagos ang sariwang dugo. Gusto nilang tumakbo ngunit hindi nila maigalaw ang kanilang mga paa. Sinubukan din nilang sumigaw ngunit tila umurong ang kanilang mga dila at hindi sila makapagsalita. Papalapit na palapit na ito sa kanila nang bigla itong sumigaw.
"Magbabayad kayong lahat!" galit na galit na sigaw ni Samantha sa harap ng mga kaklase.
Ilang sandali pa ay sumuka ito ng maraming dugo at tumawa nang pagkalakas-lakas. Humagikhik pa ito na tila nasisiraan ng bait.
"Magbabalik ako at sisiguraduhin kong isasama ko kayong lahat sa impyerno." Yumuko si Samantha at unti-unting humahagulgol. Hagulgol na tila isang batang paslit.
Sinubukang igalaw ni Elisa ang kamay niya upang hawakan ang kaklase. Ngunit laking gulat niyang nang umangat ang ulo ni Samantha at nagsilabasan ang mga nakakadiri at naglalakihang uod sa bibig nito. Naroon din sa ilong habang ang mata nito ay lumuluha ng dugo. Ngumisi ito nang pagkalawak-lawak at maya maya ay sumabog ang katawan.
Tumalsik ang napakaraming dugo sa mapuputing uniporme ng kaniyang mga kaklase at naamoy ang nakakasulasok at malansang amoy. Hindi natigil ang kaba at takot na lumukob sa kanila. Matapos ang nakakatakot na nangyari kay Samantha, bigla na lang dumilim ang paligid. Bawat isa ay nababahala at natatakot. Rinig na rinig ang paghinga ng bawat isa at hindi alintana ang darating na kapahamakan. Isang malakas na dagundong ang kanilang narinig na tila magpapasabog sa kanilang pandinig. Hindi nila mawari kung saan 'yon nanggaling. Tanging pag-iyak na lamang ang kanilang nagawa at taimtim na nagdasal sa Diyos.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top