Chapter 2
Mabuti na lang talaga at madali akong makahanap ng kaibigan. Kaya halos lahat ng katrabaho ko ay malapit sa akin. Noong una medyo nahihirapan ako lalo't ibat-iba ang mga ugali nila. Pero dahil sa pagiging madaldal ko ay lahat sila naging ka-close ko na.
"Yanna, pinapagawa ni sir." Inabot sa akin ni Charlene ang isang makapal na folder.
"Thanks, Cha." Nakangiting sabi ko dito sabay kuha at tiningnan kung ano ito. Mukhang matatagalan na naman ako sa pagtulog. Ang kapal pa naman nang-folder na ito.
"Babu na ako..." Nakangiting sabi nito at nagpunta na ito sa kanyang table.
Sinimulan ko na gawin ito para hindi naman ako umabot ng madaling araw dito. Natigil lang ako ng tumunog ang aking cellphone. Inabot ko ito at nakita ang text ni Leign.
From: Leign
Kumusta? Alam mo nahihiya pa rin ako dito. Wala akong gaanong kaibigan. Jusmeyo!
May sad at crying emoji pa nakalagay sa huli nito. Napailing na lang ako. Si Leign kasi ang pinakamahiyain sa amin. Hindi ito gaanong nagsasalita kapag hindi niya kakilala at mapili ito sa kaibigan. Kaya hindi na ako magtataka kung nahihirapan ito lalo't wala naman siyang kakilala doon.
To: Leign
Chill ka lang. Huwag kasi laging nakataas ang kilay. Baka sabihan kang mataray..
Nilagyan ko ito ng tumatawa na emoji. Sigurado ako nakakunot ang noo nito. Kaya napangiti nalang ako.
"Ka-text mo iyong jowa mo, ma'am?" Napatingin naman ako sa pinanggalingan ng boses at nakita doon ang katrabaho ko na si Arjie.
"Jowa?" Nagtatakang tanong ko dito. Napakunot pa noo ko sa sinabi nito.
"Abot tenga kasi ang ngiti mo nakaharap sa cellphone," saad nito.
"Uyy hindi no.. kaibigan ko sa ibang branch. Natawa lang kasi ako. Jusmeyo wala pa naman akong jowa. Na-traffic pa sa EDSA." Biro ko dito.
"So may pag-asa pa pala ako?" Nakangising sabi nito sabay kamot sa batok na mukhang nahihiya pa.
"Uyy anong joke yan?"
Napakamot ito sa kanyang ulo. "Work muna ako, baka bugahan na naman ako ni dragon." Paalam nito na parang iniiwasan sagutin ako, kaya napailing na lang ako at binalikan ko ang aking trabaho.
Tumayo ako at tinaas ang aking mga kamay, sumasakit ang kamay ko sa kaka-type at sulat. Napatingin ako sa oras at nagulat ako ng makitang malapit na pala mag-alas onse ng gabi. Hindi ko man lang namalayan ang oras, mabuti na lang at nasa kalahati na ako. Umupo ako ulit dahil kailangan ko na itong matapos upang maka-alis na ako.
Hindi ko man lang namalayan ang oras, hindi ko rin napansin nag-uwian na iyong iba kung katrabaho. Masyado naman akong loyal sa kompanya na ito, mukhang ako iyong tagapagmana.
"Coffee, Ma'am Yanna.." Napatingin ako at nakita nakangiti na si Arjie na may hawak na kape.
"Uyy salamat at nag-abala ka pa." Tinanggap ko ito, nagpaalam naman ito agad. Mukha itong kabute talaga, bigla na lang sumusulpot.
Habang ginagawa ko ang aking trabaho ay iniinom ko ang kape na binigay ni Arjie. Nang matapos ako ay niligpit ko ang aking gamit upang maka-uwi na. Sana may jeep pa, mahal kung taxi.
"Hatid na kita, Ma'am Yanna," sabi ni Arjie sa akin ng makita ako. Palabas na rin ito ng office at bitbit nito ang helmet
"Naku nakakahiya naman, malayo pa naman iyong apartment ko." Nahihiyang sabi.
"Huwag ka na mahiya, maam. Delikado na rin kasi gabi na." Pangungulit nito.
Wala akong nagawa dahil mapilit ito kaya pumayag na din ako. May advantage din kasi dahil makakatipid ako. Nagpunta na kami sa parking area. Inabot nito sa akin ang helmet kaya kinuha ko ito sabay suot at sumakay na sa kanyang motor.
Napahawak naman ako dito sa takot na mahulog ako. Sayang naman itong ganda ko kung mahulog lang sa motor.
"Salamat ,Arjie," sabi ko dito sabay baba sa motor ng nasa harapan na kami ng aking apartment.
"Walang anuman, maam." Nakangiting sabi nito.
"Pasok na ako. Hindi na kita yayain pumasok kasi inantok na ako." Kumaway muna ako bago ako tumalikod at nagtungo sa aking apartment.
Kinuha ko muna ang susi sa bag at binuksan ito. Pagpasok ko ay binuksan ko ang ilaw. Nagbihis ako agad saka nahiga sa aking kama hanggang sa makatulog ako dahil sa labis na pagod.
Kinabukasan ay sobrang busy lahat ng tao sa opisina dahil reporting day namin. Kaya hindi man lang nagpapansinan ang lahat at abala ito sa mga ginawa upang matapos kaagad. Kung hindi kasi namin ito matapos ay hindi kami pwede umuwi.
Iyong kulang ka pa sa tulog tapos nakatambak na naman ang dapat gawin. Parang gusto ko nalang maging butterfly para palipad-lipad na lang. Iyong hindi stress sa trabaho o kaya naman ay mag-aasawa na lang ako ng may apat na M( matandang mayaman madaling mamatay).
Gusto ko tuloy batukan ang aking sarili dahil sa aking iniisip. Pero minsan napapa-isip ako, what if mayaman ako? Siguro hindi ko na kailangan magtrabaho 24/7 tapos iyong sahod ay kulang lang para sa aking sarili. Siguro hindi ko na kailangan mag-ipon ng sandamakmak na eyebags.
"Lalim ng iniisip natin huh?" Napatingin naman ako kung saan nanggaling ang boses. Nakita ko si Arjie na may hawak na paperbag. "Para sa iyo pala." Inabot nito sa akin.
"Sa akin? Ano ito?" Nagtatakang tanong ko, tinuro ko pa sarili ko kung talaga sa akin ba. Kinuha ko ito sabay tingin at nakita ko isang Jollibee meal. "Sure ka talaga? Baka naman singilin mo ako nito. Wala kang maasahan sa akin. Hindi pa dumating sahod ko." Natatawang sabi ko. Natakam din ako ng makita ang pagkain.
"Pamasko ko na lang iyan." Ani nito sabay kindat at umalis na ito.
Pamasko? Halaka! Malayo pa pasko kaya. Hindi pa nga dumaan iyong araw ng mga patay. Minsan nagtataka talaga ako sa kinikilos ni Arjie. Sobrang bait kasi nito at minsan hinatid ako sa apartment kapag gabi na. Kapag may inutos naman manager ko at wala siyang ibang ginagawa ay sinasamahan ako nito. Minsan tinutukso na din ako ng mga katrabaho ko at sinasabing may gusto raw ito sa akin.
"Good morning, maam. Meron po bang Angel Santos dito." Bigla nawala iyong iniisip ko ng makarinig ng salita. Nakita ko isang delivery man yata ito at may hawak na bulaklak. Wow! naman may pa-flowers. Eh di tanggal stress sa reporting day.
"Ano po?" Tanong ko dito ulit, hindi ko kasi masyado narinig iyong sinasabi niya.
"Angel Santos po, ma'am. May delivery kasi." Ani nito kaya tumayo ako at pinuntahan iyong table ni Angel. Naramdaman ko naman sumunod sa akin iyong delivery boy.
"Psst.. Angel, may naghahanap sa iyo," sabi ko kay Angel na katrabaho ko. Mukha naman itong nagulat sa sinabi ko at agad tumingin sa likuran ko.
"Huh? Sino?" Bumalik ang tingin nito sa akin na magkasalubong ang kilay. Mukhang stress ito sa reporting, tapos naabala ko.
"Ma'am Angel, may nagpapabigay po." Singit ni Manong sabay abot ng bulaklak, namula naman ang pisngi ni Angel ng tanggapin niya ito. "Permahan n'yo na lang po ito." Sabi nito kay Angel saka abot sa papel.
Umalis na ako doon at hinayaan ko na sila, baka sabihin pa nakiki-chismis ako. Minsan sabi ko sa sarili ko kapag may jowa na ako ay ayaw ko noong binibigyan ako ng bouquet ng bulaklak dahil naiisip ko nalalanta din iyon at sayang lang sa pera. Aanhin ko naman iyon. Pero deep inside sinasabi naman nito na ano kaya iyong feeling na mabigyan ng ganoon. Parang gusto ko rin makaranas. Oh di ba?! Nakakatawa .. ang gulo ng utak ko.
Bumalik na lang ako sa aking trabaho para naman matapos ko ito at makakapahinga na rin. Habang ginagawa ko ang aking trabaho ay kinain ko iyong bigay sa akin ni Arjie. Sayang naman kung hindi ko ito kakainin, paborito ko pa naman ito. Kanina pa ako natatakam kainin ito may sumingit lang.
Nang matapos ako sa trabaho ay agad ako umuwi. Pag-uwi ko sa apartment ay agad ako nagpalit ng damit pambahay saka kinuha iyong reviewer ko. Minsan naiisip ko talaga na makakapasa ba ako nito? Hindi ako gaano nakapag-aral dahil sobrang busy ko sa trabaho. Kapag umuuwi na ako ay sobrang pagod na katawan at utak ko.
Minsan napapa-isip ako kung mayaman siguro ako ay hindi ganito magiging buhay ko. Hindi ko hinahabol lagi ang oras at hindi ko lagi iniisip ang pera. Minsan kapag may gusto ako bilhin ay lagi ko iniisip kung kailangan ko ba ito talaga baka kasi masayang lang pera ko. Kapag pumupunta ako sa mall ay una kung tinitingnan iyong presyo dahil baka mahal at hindi sapat iyong pera ko.
Kaya pangarap ko talaga yumaman para naman ma-spoiled ko iyong sarili ko at pamilya ko. Gusto ko rin kasi bumawi kay mama dahil siya iyong tumayong ina at ama sa amin ng mga kapatid ko simula noong nawala iyong papa namin. Siguro hindi kami magkakahiwalay at kailangan namin tumira sa aming mga kamag-anak kung buhay pa si papa. Pero ito talaga ang buhay. Nakakapagod man, pero lalaban.
Napatigil ako ng tumunog ang cellphone ko at nakitang nakikipag-video call si Leign. Sinagot ko naman ito agad at bumungad sa aking ang nakabusangot na mukha ni Leign. Nakahiga na ito sa kama habang yakap ang malaking bear nito.
"Problema mo? Para namang biyernes santo iyang mukha mo? Natalo ka ba sa lotto?" Natatawa kung tanong dito. Nakita ko naman na mas napakunot ang noo nito dahil sa mga pinagsasabi ko.
"Yanna naman eh.. Kasi naman nakakainis iyong mga kasama ko dito. Akala mo naman ina-ano ko, tapos dumagdag pa iyong trabaho ko. Kainis.." Ginulo nito ang kanyang buhok kaya mukha na itong aswang. "Ilang araw na akong wala gaanong tulog. Sabog na itong utak ko. Kainis naman kasi itong trabaho na ito. Akala mo sobrang laki ng sahod natin para sa ganoon kadaming gawin. Sila lang yata yumayaman dito eh, habang tayo nganga tapos pagod." Reklamo nito sa akin.
Tama naman kasi si Leign, iyong sahod namin kulang lang talaga sa pagod na binibigay namin. Iyong overtime namin minsan nagiging offer time na din. Pero wala kaming magawa dahil nangangailangan kami ng pera. Hindi din madali makahanap ng trabaho kahit nakapagtapos ka sa college. Sa mundong ginagalawan namin ngayon, kahit gaano kaganda credentials mo talo ka pa rin kung wala kang backer.
"Tiis-tiis na lang. Hindi naman tayo magtatagal sa trabaho natin. Pansamantala lang naman ito. Di ba?" Paalala ko sa kanya. Napag-usapan kasi namin kapag pumasa kami sa board ay magtuturo na kami. Tinanggap lang namin ito para naman may pera kami at hindi na maging pabigat sa pamilya namin.
"Oo alam ko. Hindi ko lang talaga mapigilan magreklamo. Nakakainis naman kasi." Napabuntong hininga ito na mukhang pasan ang buong mundo.
"Tiis muna bes, maganda ka lang hindi ka mayaman." Natatawang sabi ko at nakita ko itong umirap.
May ilan pa kaming pinag-usapan bago nito pinatay ang tawag. Hindi na tuloy ako nakapag-aral dahil hindi ko namalayan ang oras sa pag-uusap namin ni Leign. Itinabi ko na lang muna ang aking reviewer saka natulog na ako dahil maaga pa naman ang pasok ko bukas. Ang sarap mag-absent kaya lang sayang iyong sahod. No work, no pay din kasi, hindi pa kami regular.
Kinabukasan maaga akong gumising at nakipagsabayan sa traffic. Iyong ang ganda ko umalis sa apartment pero lantang gulay naman ang face ko pagpasok dahil sa traffic at usok. Sayang lang hirap ko nito at mukha akong iwan sa gulo ng buhok ko.
Pagdating ko sa office ay agad akong nag-retouch. Hindi naman pwede humarap ako ganito hitsura ko. Dapat maganda palagi kahit wala naman pera.
"Yanna, gawin mo raw ito. Kailangan ito ni boss mamaya." Tumango lang ako sabay kuha nito. Ginawa ko naman ito agad hanggang sa hindi ko mamalayan oras.
"Food para sa masipag." Sabay abot ng paperbag sa akin. Tinanggap ko na lang binigay ni Arjie sabay lagay sa may gilid. Abala kasi ako sa ginagawa ko, wala akong panahon makipagkwentuhan. "Kumain ka muna." Napatingin naman ako dito. Akala ko kasi umalis ito.
"Mamaya na.." Sabi ko dito sabay balik na naman sa ginagawa ko.
"Kumain ka na baka magkasakit ka n'yan." Nag-alalang sabi nito. Kailan pa ito naging concern sa health ko? Minsan nagtataka na talaga ako sa kinikilos nito.
"Mamaya na, after nitong ginagawa ko." Ani ko habang nakatuon ang atensyon ko sa monitor.
"Kumain ka muna, Yanna. Saka kana bumalik sa trabaho mo kapag tapos ka na kumain." Mapilit talaga ito. Ayaw akong tigilan, nakakainis na talaga.
"Busy ako.. mamaya na kasi. Bakit mo ba ito ginagawa, Arjie?" Hindi ko mapigilang tanong dito. Sa akin lang naman kasi niya ito ginagawa, hindi naman siya ganito sa iba. Hindi ko alam kung ako ba ang may mali at binibigyan ito nang-meaning.
"I like you, Yanna.." Diritso nitong sabi.
****
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top