CAPITULO 6 - Awakening
CAPITULO 6
WAG MONG PAPANSININ. WAG MO KAHIT TINGNAN. MAS LALONH WAG NA WAG KAKAUSAPIN.
Bata pa lang ako, iyon na ang paulit-ulit na sinabi noon sa akin. Ang dali-dali lang sabihin, pero mahirap gawin! Hindi ako bulag, bingi, o manhid. Mas lalong hindi ko kayang ipagwalang bahala kung alam ko na may mapapahamak sa paligid.
Ipinilig ko ang aking ulo at patakbo ako na sumunod kay El. Tinatawag kami ng teacher namin pero ni lumingon ay wala itong napala sa amin. Pagkalabas ko sa room ay natanaw ko si El na nasa dulo na ng corridor. Nanakbo ako para habulin siya. Basta bahala na.
Gusto kong malaman kung sino iyong bata. Kung ano ito. Ano ang dahilan nito. Pero nang makarating kami sa hagdan ay wala roong katao-tao. Hindi ko na rin matanaw iyong bata kahit saan. Nawala na at hindi niya na naabutan. Huminto si El at nagtatagis ang mga ngipin na napasandal sa pader habang kuyom ang mga kamao.
Humihingal man dahil sa pagtakbo ay sinikap ko na magtanong, "El, sino iyon? Ano ba iyon? Ano ba siya?! May kinalaman ba siya kung bakit nagkaganoon si Laarni?!"
Tiningnan lang ako ni El. Nang maglakad na siya palampas sa akin, pabalik sa room namin, ay nakasunod ako sa likod niya.
"Nabangga rin siya ng estudyante na nasa kabilang room," tukoy ko kay Joshua Martinez. Nakabangga rin iyon ng bata kanina.
Nagpatuloy lang siya sa paglalakad pabalik sa dulo ng corridor kung saan naroon ang room namin. Naiinis na ako. Bakit ba kahit kailan ay hindi niya sinasagot ang mga tanong ko?!
Bago siya makarating sa unang room sa corridor ay pinigilan ko siya sa manggas ng shirt niya. Tumigil siya at kalmadong tumingin sa akin.
"Bakit ayaw mo akong sagutin? May alam ka, di ba? Nakikita mo iyong bata! Alam mo kung ano siya! Bakit niya iyon ginagawa?! Baka naman puwede mong sabihin sa akin!"
"Kena, 'wag mong abalahin ang sarili mo sa mga bagay na hindi mo dapat iniintindi." Pagkasabi'y marahang inalis niya ang pagkakahawak ko sa manggas niya saka siya nagpatuloy sa paglalakad.
Gigil sa asar na nakahabol na lang ako ng tanaw sa kanya. Nice? So this was 'nice' for him? Bakit ba ang tanga ko na isiping kahit paano ay close na kami dahil lang nakasama ko siya magdamag sa bodega?!
Pagbalik sa room ay pinagalitan kami ng adviser namin. Natapos din agad dahil may pumuntang mga teachers sa room. Pinag-usapan ang pagpunta sa lamay ni Laarni. Nag-solicit din para sa abuloy.
Sa uwian ay hindi ko na rin pinansin si El. Wala na akong balak kausapin siya at tanungin. Hindi naman kami close. Ang kaibigan ko lang naman talaga sa school na ito ay si Bhing. Nauna akong tumayo at padabog na umalis nang tumunog na ang bell.
Nagmamadali ako na kahit si Bhing ay nalampasan ko. Tinatawag ako nito pero hindi ko na pinansin. "Hoy, Kena! Pahingi naman ng number ni Julian!"
Nagmamadali ako na lumabas ng school gate. Hindi ako naglakad, nag-sidecar ako para mas mapabilis makarating sa bahay. Pagpasok sa sala ay nadaanan ko si Julian na nag-aalis ng suot ng sapatos habang nakaupo sa sofa. Kararating lang din niya at parang hindi niya ako nakita. Wala namang bago, kahit dati pa ay ganito na siya.
Magpapasalamat sana ako sa kanya sa paghatid niya sa baon ko kanina, pero mukhang hindi naman na kailangan. Mas awkward lang din kung kakausapin ko siya, dahil hindi naman talaga kami nag-uusap na dalawa.
Lalampasan ko na siya para dumeretso sa aking kuwarto nang bigla siyang tumingin sa akin. Nakaawang ang mga labi niya at para bang may gusto siyang sabihin. May kung ano sa mga titig niya.
"Bakit?" tanong ko.
Napalunok si Julian at biglang napayuko. Hindi siya sumagot sa tanong ko kaya bigla akong nainis. Naalala ko ang hindi pagsagot kanina ni El sa akin. Okay, hindi naman ako mamimilit. Hindi ko naman ikamamatay ang hindi nila pagsagot sa akin.
Tumalikod na ulit ako para pumunta sa kuwarto ko. Pagtulak ko sa pinto ay sumalubong sa akin ang kadiliman dahil sarado ang mga kurtina sa bintana. Hindi ako rito natulog kagabi kaya hindi ko nabuksan kaninang umaga.
Pagsara sa pinto ay saka ko binuksan ang ilaw. Muntik akong mapasigaw dahil sa pagbaha ng liwanag ay nakita ko na may lalaking prenteng nakahiga sa aking kama.
Naka-uniform pa ang matangkad na lalaki ng pang private college dito sa amin. Slacks at polo. Nakasuot pa ng lanyard ID at sa kaliwang pulso ay may suot pa siyang relo. Sa paahan niya ay walang nang sapatos pero naka-medyas. Ang isang bisig niya ay nakapatong sa kanyang noo.
"Anong ginagawa mo sa kuwarto ko?!" may nginig sa boses bagaman mahinang sita ko sa kanya.
Saka niya inalis ang bisig na nakapatong sa kanyang noo. Hindi siya tulog. Tumingin sa akin ang bagaman magagandang mga mata niya ay nakakailang. Parang wala lang kahit naabutan ko siya. Ni hindi siya nagtangka man lang na bumangon at umalis sa kama ko. Kalmado lang siya.
"Joachim," mahina man ay mariing sambit ko sa pangalan niya. Matanda siya sa akin ng three years, seventeen ako habang twenty siya, pero kahit kailan ay hindi ko siya tinawag na 'kuya'. Hindi ko rin siya kinakausap katulad ni Julian.
Saka siya bumangon. Nang tumayo siya ay napaatras ako dahil maliit lang ang espasyo ng aking kuwarto. Nakapamulsa siya nang humakbang papunta sa pinto, pero bago siya makarating doon ay huminto siya sa tabi ko.
Nang tumingala ako sa kanya ay namumungay sa akin ang mga mata niya. "Hindi ka rito natulog kagabi, Kena."
Napanganga ako. Paano niya nalaman?!
Umangat ang kamay niya at marahan niyang ipinatong sa aking ulo. "Chill. Hindi naman kita isusumbong."
Nakaalis na si Joachim sa aking kuwarto ay tulala pa rin ako. Nang mahimasmasan ay sumubsob ako sa aking kama at doon gigil na umungol.
SEVEN P.M. na ay wala pa rin sina Mama at Tito Randy. Nasa birthday raw ng isang kamaganak. Nang mag-charge ako ay may text si Mama. Kumain na lang daw ako pagkatapos nina Joachim at Julian. May bilin din siya na pumasok na ako sa kuwarto, matulog nang maaga, at magkandado ng pinto.
Lumabas ako around 10:00 p.m. na. Hindi lang para kumain, kundi pati na rin para maligo. Hindi ko matiis na hindi maligo. Init na init ako dahil hindi ako naligo kaninang umaga. Deretso pasok kasi ako mula nang makalabas kami ni El sa bodega.
Sumilip ako sa labas ng pinto. Madilim na. Tiniyak ko na wala na talaga iyong magkapatid sa kusina man o sa sala. Kanina pa kumain ang mga ito bandang 7:00 p.m. Si Julian ay maaga na pumapasok sa kuwarto dahil nag-aaral pa ito bago matulog.
Si Joachim naman ay kung hindi busy sa paglalaro ng Game Boy console ay busy naman sa bago nitong Nokia 6600 phone. Tuwing gabi ay maraming tumatawag na babae rito.
Lumabas na ako nang masiguradong wala na talagang tao. Sa kusina ako dumeretso bitbit ang tuwalya at bihisan ko. Mamaya na ako kakain pagkaligo. Pumasok ako sa banyo at agad na nag-lock. Hinarang ko rin ang isang punong balde sa likod ng pinto.
Pagkahubad ng damit ay pumunta na ako sa shower area. Napapikit ako nang maramdaman ang malamig na tubig sa aking balat. Ang sarap. Napadilat lang ako dahil kumurap ang ilaw. Napatingala ako. Kumukurap nga ang ilaw.
Nagmadali na akong maligo. Nag-shampoo na agad ako para makatapos na. Hindi ko pa nabababad nang matagal ang shampoo ay nagbanlaw na agad ako at pagkuwan ay nagsabon ng katawan.
Panay kurap ng ilaw. Mukhang pundido na. Nang biglang tumigil ay meron naman akong narinig na parang may tao sa labas. Nagmadali ako sa pagsasabon dahil baka may gagamit ng banyo. Baka si Julian o si Joachim. Sino man sa magkapatid.
Pinihit ko na ang shower para magbanlaw nang maamoy ko na mabaho ang tubig. Amoy kalawang. Natitiis ko pa sa umpisa hanggang sa tumatapang na ang amoy. Para bang tubig na naimbak nang matagal. May problema ba sa mga tubo o sa tubig mismo?
Pinihit ko para patayin ang shower pagkuwa'y napatingin ako sa tubig na aking pinuno sa balde. Malinis naman iyon. Ang kaso, kung kukunin ko iyon at hihilahin papunta rito sa shower area ay mawawalan na ng harang ang pinto.
Nalilito ako kung ano ang uunahin. Sa huli ay nanaig ang kagustuhan ko na makatapos na sa pagligo. Hinila ko na ang balde. Bibilisan ko na lang para makatapos na agad ako. Panay ang aking sulyap sa pinto kada salok ko sa tabo. Nakakadalawang buhos pa lang ako nang makarinig ng katok mula sa labas. Isang katok lang nang una, hanggang naging dalawa, hanggang naging tatlo.
Bago nahanap ang sariling boses ay nakailang lunok ako. "S-sino iyan?"
Walang sagot pero patuloy sa pagkatok. Iyong sunod-sunod na katok pero mararahan lang. Mararahan at mahihina pero na tuloy-tuloy at walang pahinga.
"Sino nga iyan? Sandali lang, naliligo pa ako, pero matatapos na!" Wala na akong pakialam kahit may sabon pa ako sa katawan. Isang buhos lang ay hinagilap ko na agad ang tuwalya.
Patuloy pa rin ang pagkatok. Tuloy-tuloy pa rin na parang walang balak tumigil. Hindi iyon si Julian. Hindi ako gaganituhin ni Julian. Nagtagis ang aking mga ngipin. Ang naisip ko ay si Joachim.
Nagsuot ako ng underwear kahit hindi pa nagpupunas ng katawan. Basta ko na lang din sinuot ang malaki kong pamalit na t-shirt. Basta ko hinila pabukas ang pinto para lang mapatanga dahil wala namang katao-tao.
Kahit pa meron at bigla lang nagtago, hindi pa rin maaari. Sandali lang ang pagitan ng huling katok at ng aking paghila pabukas sa pinto. Makikita ko agad o maririnig kung may biglang tumakbo para magtago.
Iginala ko ang aking paningin sa kusina. Malamlam ang liwanag ng ilaw dahil siguro ay malapit na ring mapundi. Gayunpaman, malinaw na nakikita ko na wala ngang katao-tao. Natatanaw ko rin sa mula sa kinatatayuan ang madilim na sala muna rito, wala rin doong tao. Pero sino iyong kumakatok sa akin sa banyo?
Tumutulo ang tubig mula sa aking buhok, nababasa ang suot kong damit, maging ang tinatapakan kong sahig, subalit wala roon ang aking isip, kundi sa pakiramdam na hindi ako nag-iisa rito sa kusina.
Iyong pakiramdam na kung saan ako hindi nakatingin ay doon may nakatayo. May nakatingin sa akin. May nakangiti na hindi ko nakikita.
Mabigat sa dibdib. Ayaw ko nang lumingon kahit saan. Nagugutom ako pero ayaw ko nang kumain. Gusto ko na lang bumalik sa aking kuwarto. Magkandado. Sumuot sa loob ng kumot hanggang makatulog. Nagmamadali na akong humakbang nang matigilan. Parang may tao sa likod ko.
Tao nga ba? Hindi ako lumilingon dahil nga ayaw ko. Pero may pakiramdam tayo kung ano man iyong nasa likod natin na hindi maabot ng ating mga mata, di ba? At ang pakiramdam ko ay mababa ang kung ano man na nasa likod ko. Mababa na parang nakaupo yata ito o nakadapa.
Sa bawat paghakbang ko, sinusundan ako. Isang hakbang, dalawang hakbang, tatlo...
Yumuko ako sa tiles na sahig, naroon ang anino ko at meron pang isa. Gusto ko mang isiping baka gamit lang iyon dito sa bahay, pero may gamit ba kami na ganito ang hulma?
May gamit din ba na umuuga?
Humihinga?
Ang paghinga ay malalim ang pagitan, tapos bibilis na parang may hinahabol, at pagkuwa'y biglang mawawala.
Hindi ko talaga alam kung ano ito. Gustong manlaki ng aking ulo dahil ang nasisinag ko ay parang hindi tao.
Gusto mong malaman ang itsura nito? Dahil ayaw ko. Kapag pumikit ka, ako, makikita natin pareho.
Hindi na ako makahinga. Binilisan ko ang aking mga lakad kahit pa parang mas humahaba ang daan pabalik sa kuwarto ko.
Nang sa wakas ay malapit na ako sa pinto, ay naramdaman ko naman na basa ang sahig. Alam ko na hindi sa akin galing ang tubig. Marami iyon, malabnaw, parang tagas sa isang maruming lababo. Iyong amoy niya ay iyong amoy ng tubig kanina sa shower sa banyo!
Kahit hindi ako lumingon, alam ko na wala na rin iyong nasa likod ko. Wala na kasi nasa itaas ko na ngayon ito. Lumipat na.
Pero nasaan na?
Nasaan na, Kena? Pasigaw sa isip na kausap ko sa sarili.
Nasaan na, alam mo ba? Wala na sa likod ko. Saan ito lumipat?
Nasaan?
Nasa...
Nasa...
.
.
.
Sandali lang!!
Nakarinig ako ng sitsit.
Mahinang sitsit. Narinig mo ba ang sumitsit?
Hindi mo narinig?
Sandali. Bilangin mo pagkatapos ng isang minuto. Bilangin mo. Sisitsit ulit ito. Pakiramdaman mo. Maririnig mo. Tapos wag na wag kang kukurap.
Biglang may tumulo sa aking noo. Tubig. Mukhang alam ko na kung nasaan. Kung saan lumipat ang kaninang nasa likuran ko. Naroon na ito... sa kisame sa uluhan ko!
Ang kilabot ay sumigid sa aking sistema. Bakit? Bakit? Bakit napapadalas? Sanay ako mula pa noon, pero bakit parang mas dumadalas ngayon? Bakit lumalakas? Bakit? Bakit?!
Pinakaisip ko kung saan ba nagsimula. Ang utak ko ay itinuro ako nang unang araw ko sa pagpasok. Doon nagsimula nang magpasukan sa school. Doon lumakas, doon lumala!
Para akong pinto na binuksan at ngayon ay lahat ay malayang nakakapasok ang kahit hindi ko iniimbitahan.
Napasabunot ako sa aking buhok sanhi para magbagsakan ang aking hawak na tuwalya at pinaghubarang damit. Maski ang shorts na hindi ko pa naisusuot ay nalaglag din sa sahig.
'Mama, pinasara mo na, di ba? Mama, bakit ganito ulit?!' Pinagsasabunutan ko ang aking buhok kahit masakit.
Bakit sila nandito? Darating lang naman sila kapag pinansin mo. Kapag hinayaan mo. Kapag tinawag mo. Kapag ipinakita mo na interesado ka.
Duwag ako. Kahit kailan ay hindi ako para mamansin, para hayaan sila, at lalo para tawagin sila. Iniignora ko sila sa abot ng aking makakaya. Hinding-hindi ako magiging interesado sa kanila!
Halusinasyon. Baka talaga baliw pala ako katulad ng sinabi ng doktor na kumausap sa akin noong bata ako. Baka nga halusinasyon lang, kasi wala talaga sa tama ang pag-iisip ko.
"Kena!" Isang gulat na boses ang nagpakurap sa mga mata ko at nagpabalik sa akin.
Hindi ko napansin na bumukas pala ang pinto sa aking harapan at doon ay nakatayo ngayon si Joachim. Naka-shirt siya na white at gray pajamas. Magulo ang kanyang buhok na mukhang kababangon lang sa kama. Nasa mapupungay niyang mga mata niya ang pagtataka kung ano ang aking ginagawa.
Napahikbi ako nang makita siya. Sa kauna-unahang pagkakataon, ikinatuwa ko na makita siya. Nasa guwapong mukha naman niya ang pagtataka, pero agad din iyong nabura nang makita niya ang aking mga luha.
Inilang hakbang niya ang pagitan namin. Akma niya akong hahawakan nang bigla akong umatras palayo sa kanya.
Napangisi naman siya sa kabila ng para bang may gumuhit na pagkadismaya sa kanyang mga mata. "Pumasok ka na sa kuwarto mo, Kena. Gabi na."
Tinalikuran niya na ako at akmang babalik na sa kanyang kuwarto nang may mapansin ako. Wala na ang tubig sa paahan ko, wala na rin ang kung ano man na nasa aking uluhan. Wala na. Nasaan na?
Saan na naman nagpunta?!
Saan lumipat?!
Nang mapatingin ako sa nakabukas na kuwarto ni Joachim ay nanlaki ang aking mga mata. Dahil bukas ang lampshade sa loob ay natatanaw ko mula sa aking kinatatayuan ang nakatayong bulto na nasa tabi ng kama. Para bang hinihintay siya.
Hindi matiyak ang kasarian. Malaki ang ulo nito, walang buhok, at maliit ang katawan. Ang taas ay parang hanggang bewang lang. Nakayuko ito kaya hindi ko mabistahan ang buong mukha, pero ang bibig nito ay bahagya kong nakikita. Malawak itong nakangiti. Ang mga ngipin ay malalaki at kulay itim.
Malayo ito pero naaamoy ko. Amoy ng isang patay na hayop. Ang maliit na katawan ay parang hirap na hirap dalahin ang malaki nitong ulo. Umuuga. Parang matutumba. Hindi ko na kailangang pakaisipin kung ano ito. Natitiyak ko na. Hindi ito multo.
Isa itong... demonyo!
Nakayuko pa rin pero ang ngiti ay palaki nang palaki. Banat na banat ang malaki nitong mukha at ulo. Ang mga malalaki at nangingitim na ngipin ay nagkikiskis. Tumutunog at masakit sa pandinig. Tila merong kinasasabikan.
Papasok na si Joachim sa pinto ng kanyang kuwarto nang tila may sariling isip ang mga paa ko na humakbang. Umabot ang aking kamay sa laylayan ng shirt niya sanhi para siya matigilan.
Salubong ang makakapal at itim na itim niyang kilay nang lingunin ako. "Anong problema mo?"
Nanginginig man ay sinikap ko siyang bigyan ng tipid na ngiti. "Joachim, gusto mo bang matulog ngayong gabi... sa kuwarto ko?"
JF
#BOTCPbyJFstories
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top