CAPITULO 4 - Alone

CAPITULO 4


NAGTATAWAG KA.


Ano iyong gulo na sinasabi ni El? Lapitin ako dahil nagtatawag ako? Wala naman akong ginagawa. Nanahimik ako. Nagsimula lang naman magsunod-sunod ang ganoong pangyayari nang maging katabi ko siya sa upuan—


Natigilan ako at napatingala kay El. Namimilog ang mga mata ko sa kanya. Tinaasan naman niya ako ng kilay.


Saka ko rin naalala na hawak niya pa pala ang aking kamay. Mabilis ko iyong binawi sa kanya. Ayoko na may makakita na magka-holding hands kami dahil baka ano pa ang maisip sa amin.


Nauna na akong maglakad. Iniwan ko na siya dahil nalilito ako. Ginugulo niya ang isip ko sa mga bagay na walang kabuluhan. Hindi naman ako dapat nag-iisip ng kung anu-ano.


Bago pumasok sa gate ng school ay natanaw ko si Julian na kabababa lang ng tricycle. Parang hindi kami magkakilala ni Julian. Hindi kami nagpapansinan. Si Bhing nga lang ang may alam dito sa school na step-brother ko ang lalaki.


Pagpasok sa room ay maingay ang mga kaklase ko. Pagkaupo ay nilapitan agad ako ni Bhing. Mukhang may kuwento siyang dala base sa excitement na nakapaskil sa kanyang mukha.


"Kena, may multo raw sa CR ng girls malapit sa canteen!"


Natigilan ako bagaman hindi nagpakita ng kahit ano'ng interes. Ang tinutukoy na CR ni Bhing ay iyong CR na pinagbanyuhan ko noong nakaraan.


"Kena, katakot kamo. Ang sabi pa ng matandang guard, may namatay raw pala dati roon. Isang babaeng estudyante na inatake ng asthma sa banyo. Siguro iyon iyong nagmumulto doon!"


Lihim kong nakusot ng palad ang aking suot na palda. "Bhing, nananakot lang iyong guard.'Wag kayong maniwala sa sabi-sabi."


Napasimangot si Bhing. "KJ mo talaga! Ah, basta, di na ako roon magwiwiwi sa susunod!"


Pagdating ng teacher namin ay pumasok na rin ang aming ibang kaklase sa room, including El. Hindi ko pinansin ang lalaki at hindi rin naman siya sa akin nakatingin. Pag-upo ay yumuko na siya agad sa armchair ng kanyang upuan. As usual, matutulog na naman.


Last subject nang mag-vibrate sa bulsa ko ang pinaglumaan ni Mama na Motorola T191. Iyon ang gamit kong cellphone dahil nakabili na si Mama ng Nokia.


Mama:

ISASAMA KO NG TITO RANDY M SA FOUNDATION PARTY NG KOMPANYA NLA. BKA MADALING ARAW N KMI MAKAUWI. PGUWI MO, WG K N LALABAS NG KWARTO. WG N WG KNG MAGBUBUKAS, KHT MAY KUMATOK P S PINTO.


Nakagat ko ang aking ibabang labi. Wala sila Mama mamayang gabi. Naalala ko ang bigay na three hundred pesos ni Joachim. May madadaanan pa kaya akong bukas na hardware mamayang uwian? O meron kayang bentang padlocks sa groceries o maliliit na tindahan?


Pasalampak ako na sumubsob sa aking armchair. Pagtagilid ng aking mukha ay muntik akong mapatili sa gulat dahil nakatingin pala sa akin si El. Hindi na pala siya nakayukyok sa armchair. Nakapangalumbaba na siya habang nakatingin sa akin ang inaantok niyang mga mata.


Nagbawi ako ng tingin at sinikap na huwag siyang pansinin. Ang mukha ko ay deretso lang kung hindi sa desk ko ay sa blackboard nakatingin. Sinikap kong ganoon hanggang sa matapos ang klase namin.



UWIAN. Isa ako sa cleaners. 6:30 p.m. na natapos ang paglilinis sa classroom. Nainip na rin si Bhing sa paghihintay sa akin. Paglabas ng room ay nauna ako sa mga kasamahan ko sa cleaners. Naiihi ako at hindi ko na kayang magpigil. 


Tinakbo ko ang papunta sa banyo na malapit sa gate, ang kaso ay sarado na. Ayaw ko sa banyo malapit sa canteen kaya pumunta pa ako sa kabilang building.


Nakaihi naman ako nang walang problema. Papadilim na pero may mga nakakasalubong pa naman akong estudyante. Mga cleaners din yata, gumawa ng project, o mga tumambay lang.


Pabalik na ako sa gate nang may mahagip ako ng tingin. Isang matangkad na lalaki na naglalakad. Ang una kong napansin ay ang kalmadong ekspresyon ng kanyang maamo mukha. Nangunot ang noo ko nang makilala siya. Si El.


Nakapamulsa ang lalaki sa suot na unifom pants habang deretso ang tingin sa kung saan mang pupuntahan. Ano'ng oras na pero bakit hindi pa siya umuuwi?


Wala sa loob na napasunod ako sa kanya. Ayaw ko pa rin namang umuwi. Hangga't puwedeng magpa-late, gusto ko na magpa-late. Para pag-uwi ko ay deretso na agad ako sa kuwarto ko.


Kinain ako kuryosidad. Namalayan ko ang sarili na nakasunod sa kanya hanggang sa magpunta siya parte ng mga junior high. Dahil nahahati ang school sa junior high at senior high. Ang nagsisilbing dibisyon ay mga sanga-sangang barbed wire.


Nang may dumaang guard ay nagtago ako habang siya ay hindi. Nakipag-usap siya sa guard at itinuro ang papunta sa likod ng dating T.L.E. room. "Kuya, may kukunin lang po ako."


"Ah, sige bilisan mo lang," sagot ng guard kay El. "Totoy, lumabas ka na agad pagkatapos kasi magsasara na ng gate iyong kapalitan ko."


Nagpaalam si El nang maayos. Pero ano ba iyong gagawin niya sa likod ng dating T.L.E. room? Hindi ko kasi narinig ang ibang sinabi niya sa guard dahil mahina ang boses niya.


Nang maglakad na siya ay sumunod ulit ako. Nang lumingon siya ay nagtago ako sa may poste ng Grade 8 building. Lalong nangunot ang aking noo nang makitang sa bodega siya papunta.


May inilabas si El na susi mula sa bag niya. Paano'ng may susi siya ng bodega? Pinanood ko kung paano niya kalasin ang padlock sa kadena saka sinusian ang doorknob. Bukod kasi sa kandado ay naka-lock din sa loob.


Pagpasok ni El ay saka ako lumabas sa aking pinagtataguan. Dahil iniwan niyang nakaawang ang pinto ay nagawa kong sumilip doon. Nakita ko siya na may kinakalkal sa mga tambak na kahon.


Lumingap ako sa paligid at nang matanaw ang papaalis na teacher ay mula sa tapat na building ay napapasok tuloy ako sa loob ng bodega. Sa pagmamadali ay hindi ko napansin na naisara ko ang pinto.


Nakatago ako sa lumang shelf na may lamang mga lumang notebook nang silipin ko siya ulit. Hawak niya na ngayon ang dalawang libro na mukhang pakay niya kaya siya nagpunta rito. Pinagpagan niya iyon saka siya naglakad pabalik sa pinto.


Kinabahan naman ako dahil baka maiwan niya ako rito sa loob. Nag-iisa pa naman ang bintana nitong bodega at bukod sa puro grills ay pagkataas-taas pa. Papalabas na ako sa aking pinagtataguan nang marinig ko siyang mahinang nagmura.


Napabalik ako sa likod ng lumang shelf sabay silip sa kanya. Pinipihit niya ngayon ang doorknob ng pinto. Nakailang pihit na siya pero ayaw magbukas. Pinuwersa niya na ang pagbubukas, pero walang nangyari.


Nakagat ko ang aking ibabang labi. Sa aking puwesto ay nakita ko ang pagtulo ng butil ng pawis mula sa gilid ng kanyang sentido, patungo sa makinis na leeg niya. Salubong na rin ang makakapal at itim na itim niyang kilay.


Napasabunot ako sa aking buhok. Kasalanan ko kung bakit sumara ang pinto. Hindi ko naman kasi alam na palyado pala ang doorknob dito sa loob.


Natatakot na rin ako dahil ayaw ko na magpalipas ng gabi rito sa bodega. Nilabas ko ang aking phone, bukod sa wala akong load ay wala rin ditong signal. Shit, paano na?!


Binalikan ko ng tingin si El. Sinusubukan niya nang kalabugin ang pinto sa pagbabakasakaling may makarinig. Nakailang kalabog na siya at tadyak sa kahoy na pinto pero wala na yatang nagdadaan sa labas.


Sa huli ay pinuwersa niya na ang doorknob. Hinampas niya ng nakuha niyang sirang arm chair. Ang masaklap, natanggal lang iyong doorknob sa loob, pero hindi lahat. At intact pa rin iyong mismong lock.


Napabuga siya ng hangin. Nagpalakad-lakad siya sa tapat ng pinto habang hinahagod niya ng mamahabang daliri ang kanyang buhok. Makikita na sa maamong mukha niya ang pagkapikon.


Napatulala naman ako sa kanya. Puwede rin pala siya ng ganoong ekspresyon?


Kaunting minuto pa ay hindi ko na siya halos makita. Madilim na rito sa loob ng bodega. Ang takot na nararamdaman ko ay dumoble dahil parang wala nang balak siyang balak na sumubok upang mabuksan ang pinto.


Narinig ko ang mga yabag niya. Nagbukas siya ng phone at pagkuwa'y mahina ulit na napamura. Alam ko ang dahilan, wala nga kasing signal dito sa loob ng bodega.


Binuksan niya ang flashlight ng kanyang phone kaya nagkaroon ako ng pagkakataon na makita ulit siya. Inalis niya ang mga nakapatong na kahon sa ibabaw ng lumang papag na dating gamit sa T.L.E. room, pagkatapos ay naupo siya roon.


Magpapakita ba ako sa kanya? Paano kung magalit siya dahil sa pagsunod ko rito nang walang paalam? At paano kung mas lalo siyang magalit kapag namalam niyang ako ang dahilan kaya nag-lock ang—


Biglang may dumaang ipis sa aking paahan. Natutop ko ang aking bibig para hindi mapasigaw, pero ang pagpapasag ay hindi ko nagawang pigilan. Hindi ako duwag pero ibang usapan pagdating sa ipis!


Sa pagpapasag ko para maalis ang ipis sa ibabaw ng aking sapatos. Sa aking pagsipa ay nawalan ako ng balanse dahilan para ako mapasubsob sa sahig. Napaungol ako sa sakit.


"SINO 'YAN?"


Napapikit na lang ako pagkarinig sa boses ni El. Bagaman mahina at malumanay lang, madadama roon ang diin. Shit talaga. Alam niya na tuloy na may ibang tao rito. Ano'ng sasabihin ko kapag nakita niya ako?!


Naulinigan ko ang mga yabag niya papunta rito. "May tao riyan? I already heard you." Kasabay ng mga yabag ang papalapit na ilaw sa flashlight ng phone niya.


Gagapang sana ko para makapagtago nang may makapa na kung ano ang kamay ko. Parang hugis binti ng tao. Pero basa, magaspang, at malamig. Napabitiw agad ako roon at nanlaki sa dilim ang mga mata ko.


"Kena?"


Biglang tumapat sa akin ang ilaw ng flashlight. Kahit hindi ako lumingon ay batid ko ang pagkagulat sa kanyang reaksyon.


"Kena, ikaw iyan, di ba? Kilala ko ang backpack mo. Heartstring na pink, sira ang zipper sa harapan, at may mantsa ng parang toyo sa gilid."


Napangiwi ako. Huli na talaga ako kahit subukan ko pang magkaila. Pati yata split ends ko ay kabisado ng lalaking ito.


Napalingon ako sa aking likod. Nakatayo roon si El at nakatingin sa akin. Salubong ang mga kilay niya sa akin habang nakatapat sa akin ang kanyang phone.


"Kena, so what are you doing here? At kailan ka pa rito?" Natigilan siya sa pagtatanong nang may maisip. Pagkuwan ay napailing siya. Lumapit at inalok ang kamay niya sa akin para tulungan ako na tumayo.


Tinanggap ko naman ang kamay niya. Ang lambot pa rin kahit maalikabok. Pagkaahon ko ay pasimple kong nilingon ang kinasubsuban ko kanina. Gusto kong malaman kung ano iyong nakapa ko kanina.


Habang may ilaw pa sa flashlight ni El ay hinanap ng aking mga mata ang bagay na iyon. Pero nakapagtataka na wala namang kahit ano'ng gamit na malapit maliban sa mga kahon. Kung ganoon ay ano iyong nakapa ko na parang kahulma ng binti ng tao?


Iika-ika ako na sumunod na kay El sa kanilang gilid ng bodega. Doon sa may papag. Nang maupo siya roon ay atubili pa akong tumabi sa kanya, hindi niya kasi ako niyayaya na maupo.


Nang mangalay ay saka lang ako naupo. Wala kaming imikan. Nakayuko lang siya habang hawak ang phone niya na walang signal. Ni hindi niya ako tinatanong kung bakit ko siya sinundan.


Tumikhim ako. "Sorry, El. Nakita kasi kita kanina. Hindi ko rin alam kung bakit bigla akong na-curious kung bakit hindi ka pa umuuwi at kung saan ka pupunta. Namalayan ko na lang na sinusundan na pala kita."


"Kinuha ko iyong attendance at roll book ng section namin last year," kaswal na sabi niya. "Dito raw kasi nakatambak dahil nandito ang warehouse ng Sto. Cristo."


"Ha?" Napatingin naman ako sa mga libro na nasa gilid niya. Mga Attendance at roll book nga section niya dati. Pero ano'ng gagawin niya sa mga iyon?


"I just wanna check something," sabi niya na tila nabasa ang nasa isip ko.


"Ah..."


"Alam mo na siguro, kailangan nating maghintay hanggang umaga para may tumulong sa atin. So, whether we like it or not, we'll be spending the night here together."


Napalunok ako sa sinabi niya. Bakit iba iyong dating sa akin? Bakit kasi 'spending the night' iyong term? Pasimple kong kinutusan ang sarili.


Ito ang unang beses na may kasama akong lalaki sa pagpapalipas ng magdamag. Okay lang kaya? Kakayanin ko ba?


Pasimple kong minasdan si El. Hindi naman siya mukhang gagawa ng kahit ano'ng kalokohan. At ang kapal din ng mukha ko kung mag-iisip ako na baka may gawin siya sa akin. 


Habang pinagmamasdan ko sya ay nahihiwagaan ako. Bakit parang chill lang siya? Hindi ba siya natatakot na magpalipas ng gabi rito? Bukod sa ang dilim ay wala pang katao-tao sa school.


Si El ay nahiga sa papag at hindi na ulit nagsalita. Paglingon ko sa kanya ay nakapikit na siya. Ang isang bisig niya ay nakapatong sa kanyang noo.


Teka, matutulog na ba siya? Kaya niyang matulog sa sitwasyon na ganito? At saka eight p.m. pa lang. Ang aga pa. At hindi niya ba man lang naisip na paano kung ako ang may gawin sa kanya?


Lumipas ang kalahating oras. Nakaupo pa rin ako sa gilid ng papag habang siya ay nakahiga. Ang dilim ng paligid at malabo na ang ilaw sa flashlight ng phone niya. Parang anytime ay mamamatay na.


Sobrang tahimik din kaya lalo akong hindi mapakali. Tinawag ko siya, "El..."


"Hmn?"


"Tulog ka na ba?"


"Oo."


Napalabi ako at nilingon siya. Nakapikit pa rin siya habang nakahiga sa papag. Ang isang bisig niya ay nakapatong pa rin sa kanyang noo. "El, hindi ka ba hahanapin sa inyo?" tanong ko.


"My parents are in Manila. Bukas pa ng hapon ang balik nila."


Ah, kaya pala nakapunta siya rito pagkatapos ng klase. Talagang itinaon niya na wala na gaanong estudyante at wala rin siyang sundo.


"Wala rin ang mama ko ngayon..." sabi ko kahit hindi naman niya itinatanong.


Sinulyapan ko ulit siya. Ganoon pa rin ang kanyang puwesto. Seryoso ba talaga siya na itutulog niya na lang ang sitwasyon? Samantalang ako ay hindi alam kung paano tatapusin ang magdamag.


Napabuga ako ng hangin. Kaysa magmukmok ay naisip ko na baka puwede kong gamitin ang pagkakataon para tanungin siya tungkol sa sinabi niya sa akin kaninang umaga. Naguguluhan kasi ako.


"El..." Tumikhim ako. "T-tungkol pala sa sinabi mo... Iyong nagtatawag ako. Ano ang ibig mong sabihin doon?"


Wala siyang kibo.


"At bakit parang nakikita mo rin iyong mga nakikita ko? Nakikita mo nga ba? Alam mo ba kung ano iyong mga iyon? Mga multo ba na hindi matahimik sa school na ito?!"


Natigil ako sa pagsasalita nang may bumagsak na kahon mula sa shelf na nasa likuran namin. Pagbalik ng tingin ko kay El ay nakapikit pa rin siya. Mukhang wala siyang balak magsalita.


Susuko na ako nang marinig ko ang kalmadong boses niya. "Hebrews 9 verse 27."


Ano?


"It said that 'Just as people are destined to die once, and after that to face judgment.' Isang beses lang mamamatay ang isang tao, makakalimutan niya ang lahat, at mawawala siya sa mundo. Deretso siya sa kung saan siya dapat. Kung sa paraiso o impyerno."


Namamangha na napatitig ako sa kanya. "Are you religious, El?"


Hindi siya sumagot sa tanong ko, sa halip ang sinabi niya, "Nang magising ako matagal na pagka-coma, ang unang hinanap ko ay bibliya."


Nahihiwagaan naman ako at inabangan ang iba pang sasabihin niya. Kahit pa hindi ko tiyak kung konektado ang sinasabi niya sa tanong ko kanina.


"Kena, that's something I've wanted to do ever since. And finally, I did it. I read all the versions of the bible. Even the books of other religions."


"Pero bakit?" 


"I'm curious. Ano ba'ng klase ng buhay meron kayo? And now I understand everything. Kung gaano karupok ang mga tao. Kung paano kayo kadaling lokohin at paniwalain."


Napalunok ako. Bakit kung magsalita siya ay parang hindi siya kasali sa mga 'tao' na binabanggit niya?


"Ikaw, Kena. Do you really believe that what you are seeing are ghosts?"


Tinatanong niya ako kung tunay ang mga multo. Napalunok muna ako bago nagsalita, "A-ang totoo ay hindi ko alam. Pero maraming pagpapatunay. May mga medium na nakakausap ng—"


"There are proofs, yes. Some people believe that ghosts exist because of those proofs. But that's exactly the goal. The greatest goal of demonic spirits who mimic dead people in order to deceive the living."


Umawang ang bibig ko. "Sinasabi mo bang ang nakikita ko ay..."


"Are either figments of your overactive imaginations..." Dumilat siya at sinalubong ang aking mga mata. "Or demons, Kena."


May nanulay na malamig na kung ano sa aking balat. Napabawi ako ng tingin kay El.


"Nasa 'yo kung magpapaloko ka at tatalikuran mo ang turo ng bibliya. Walang namimilit sa mga tao kung ano ang paniniwalaan nila. Everyone has their own free will. And you have yours."


Nakayuko ako habang mariing nakakuyom ang mga palad sa suot na palda. Ang daming alaala na ngayon ay bumabalik sa isip ko. Nakakainis, sana hindi ko na siya tinanong. Sana hindi na lang!


Namayani ulit ang katahimikan na nabasag lang nang tumunog ang tiyan ko. Nahihiyang napalingon ako sa kanya. Malamang narinig niya!


Bumangon siya at may dinukot sa kanyang bulsa. Nang iabot niya sa akin kung ano iyon ay napanganga ako. Mentos candy!


"P-para saan iyan?"


"For world peace."


Napasimangot ako. "Pilosopo."


Nagulat ako nang tumaas ang sulok ng mapula niyang mga labi. "Sino sa atin?"


Tulala ako sa kanya nang buksan niya ang plastic ng mentos candy. Nang bukas na ay kinuha niya ang aking kamay at inilagay iyon sa ibabaw ng palad ko.


"Isipin mo na lang muna na lechon manok ito."


Nang mahimasmasan ay napakurap ako. "Pero paano ka?" 


"Me?" tanong niya. "You can think of me as desserts."


"Ang ibig kong sabihin ay paano ka kung kakainin ko itong Mentos mo?!"


Sa pagkakataong ito ay ngumiti na talaga si El. Para bang mas lumiwanag ang kanyang flashlight dahil sa pagngiti niya na iyon. "Bati na ba tayo?"


"Ha? H-hindi naman tayo nag-away, ah?"


"Di ba ganoon ang mga tao? Kapag nasasagi ang paniniwala nila ay nagagalit sila? I just thought I might have offended you."


Napangiti na rin ako. "Kung katulad mo lahat ng tao sa mundo na marunong humingi ng tawad at gumagalang sa paniniwala ng iba, siguro walang gera."


Muli ginuhitan ng ngiti ang mapula niyang mga labi. "Unfortunately they are not like me."


"El..." tawag ko sa kanya pagkuwan. "Mabait ka naman pala..."


"Nope."


"Ha?"


Sumandal siya sa shelf at mainit ang mga mata na tumitig sa akin. "Kena... I'm only nice to you."


JF

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top