CAPITULO 35 - Mad

CAPITULO 35 - Mad


"BAKIT TITIG NA TITIG KA?"


"BAKIT HINDI KA KUMUKURAP?"


"TINGNAN MO, BAHAGYA PANG BUMUBUKAS ANG BIBIG MO."


"SIGURADO KA BA RIYAN SA TINITINGNAN MO? SA TINGIN MO BA, TOTOO IYAN? SA TINGIN MO BA, HINDI KA IPAPAHAMAN NIYAN?"


"PAANO KUNG SABIHIN KO SA 'YO NA... HINDI KA NAG-IISA?


KASI... MERON KANG KASAMA.


NASA BANDANG KALIWA MO. MAY NAKATAYO. 


MAKIRAMDAM KA, BASTA MAKIRAMDAM KA LANG, MAY MARIRINIG KA. MARIRINIG MO NA BINUBULUNGAN KA NIYA. 


MAPAPANSIN MO, UMIIBA ANG HANGIN SA PALIGID, IBIG SABIHIN, MALAPIT NA SIYA. LUMAPIT NA SIYA...


MAY IBINUBULONG SA 'YO. KUNG GUSTO MONG MARINIG, SABIHIN MO LANG ANG AD ME VENI, EXCIPIO TE. HIC EGO SUM, DESUPER SUM PRAESIDIO. SALVUS SUM. SALVUS SUM SALVVVVVVV- - ---



"Tigilan mo iyan."


Napadilat ako. Sino iyong nagsalita? Sino ang nagpapatigil sa akin? Bakit pamilyar siya?


Pagkuwa'y nakarinig ako ng katok. 


Palagi na lang akong nakakarinig ng katok. Ano ba iyon? Saan galing? Sa bintana? Hindi. Sa pinto? Hindi rin naman.


Nandoon. Nandoon na naman sa cabinet. Sino ang kakatok mula sa loob ng cabinet?


Cabinet? Cabinet iyon na lalagyanan ng mga walis dito sa room. Iginala ko ang aking paningin sa paligid. Nasa school pa nga pala ako. Anong oras na ba? Kanina pa uwian, ah?


Dinampot ko ang aking bag at lesson plan sa ibabaw ng mesa. Hindi ko na hinintay na maubos ang mga estudyante sa hallway, lumabas na ako ng room at nakisabay sa mga ito. Nakasabay ko pa sa daan iyong dalawang estudyante na may pinapanood sa hawak na kulay grey na gadget. Digicam na isa ring MP4 player.


[ Baby, I'll treat you well. Lets take off your clothes and after, I'll take off mine... ]


Narinig ko pa iyong boses sa gadget. Mukhang isang romance foreign movie ang pinapanood. At mukha ring lampas R16. Nang makita nga ako ng dalawang estudyante ay napalayo agad ang mga ito sa akin.


Napailing na lang ako at nagpatuloy sa paglalakad. Sa may hagdan ay may dalawang estudyanteng lalaki. Busy ang mga ito sa kanya-kanyang cell phone. Iyong bagong model ngayon na malaki ang screen, may kulay na, at makakapag-Internet ka na gamit ang data.


May pinagtatawanan na kung ano ang isa. May nababasa yata ito roon na nakakatawa. Sinaway ko ang mga ito. "Ano pang itinatambay niyo rito? Magsiuwi na kayo."


Napasabay naman na ang dalawang lalaking estudyante sa amin pababa. Mas mabuti na iyong umuwi na ang mga ito kaysa tumambay sa hagdan. Nagmadali na akong maglakad na tila merong iniiwasan.


Wala lang. Ayoko lang may makita pang iba. Tumuloy na ako sa faculty dahil ang sabi ay suweldo na raw ngayon. Sa wakas, makakahawak na ako ulit ng pera.


Nang ibigay sa akin ang sobre ng sahod ko ay hindi pa halos ako makapaniwala. Parang nakakapanibago pa rin kahit hindi naman ito ang unang beses na sumahod ako. Inilagay ko agad sa aking bag ang sobre.


Palabas na ako ng gate, nag-iisip kung ano ba ang magandang bilhin na pasalubong para sa magkapatid. Ano nga ba ang gusto nina Joachim at Julian?


Habang iniisip ang dalawa ay bigla akong natigilan. Hindi ko kasi maalala iyong huli naming pagkikita. Siguro dahil sobrang sakit ng ulo ko kanina kaya wala akong maalala.


Nagpatuloy ako sa paglalakad nang muli na namang mapahinto. Sa labas kasi ng gate ay may nakaparadang isang pamilyar na sasakyan. Isang sedan. Marami namang ganoong sasakyan na ganoon ang kulay, pero may kakaiba sa sasakyang ito na kinukuha ang atensyon ko.


"HUY, GAGI! ANG GUWAPO, BEH!"


Napatingin ako sa mga babaeng estudyante na papalabas ng gate. May nililingon ang mga ito sa aking likuran.


"Dati raw estudyante ditey!"


"Oo nga raw, beh! Alumni rito! Taga higher section daw iyan noon! Shuta, antalino tapos ang guwapo at ang bango!"


"Huy, beh! Matanda na iyan! Baka thirty na! Pero okay lang din, ano? May jowa ka na, may sugar daddy pa!"


Lumampas sa akin ang mga babaeng estudyante na naghahagikhikan. Hindi ko alam ang uunahin, kung magugulat ba ako sa mga kakaibang makabagong lengguahe ng mga kabataan ngayon, o malulungkot sa masyadong kalayaan ng mga ito sa pagkilos at pagsasalita, o ma-curious sa kung sino bang pinag-uusapan ng mga ito.


Wala na ang mga ito nang may tumawag sa akin. Nakalimutan ko na ang pangalan, pero isang babaeng co-teacher na may edad na at malapit nang magretiro. "Kena, nariyan ka pala. Halika rine! Me bisita tayo!"


Lumapit naman ako. May kausap itong matangkad na lalaking nakatalikod. Ang suot ng lalaki ay polo na puti at pantalon din na puti. Kahit malayo pa ako ay alam kong wala ni isang dumi ang suot nito. Sandali akong napatitig sa likod nito. Hindi ko maipaliwanag pero may kakaiba rito na hinahatak ako.


Sino ba ito?


"Kena, sakto ka. Di ba alumni ka rin dito? Ka-batch mo ito. Napadalaw lang dito sa atin, pero isa na siyang Certified Public Accountant sa Singapore. Nakaisip lang magbakasyon ngayon sa Pilipinas. Successful na pero hindi pa rin nakakalimot sa kanyang alma mater."


Ka-batch ko? Tiningala ko ang lalaki na nakatalikod pa rin. Matangkad ito kaya kailangang tingalain. Ang batok nito ay makinis at maputi. Maputing lalaki. Kahit pa hindi humarap ay masasabi ko nang guwapo ito. Ito nga yata ang pinag-uusapan ng mga babaeng estudyante kanina.


"Si Kena," anang muli ng co-teacher ko. "Teacher siya ngayon dito. Magka-batch kayo kaya baka naman kilala niyo ang isa't isa."


Marahang lumingon ang lalaki sa akin. Ang mga mata kong sabik sa kanyang itsura ay nagkaroon ng lambong nang sa wakas ay masilayan na siya.


The same face. Ang makinis na pangahang mukha, ang makakapal na itim na itim na kilay, malalantik na pilikmata, ang mataas na manipis na ilong, at mga labing kulay cherry. Walang nagbago maliban sa pagma-mature nang kaunti.


Kilala ko siya. Kilala ko ang taong ito. Dati kong naging crush bago ko naging kaklase noon, nakatabi pa sa upuan, ilang beses nakausap kahit maiiksing salita lang, at may pagkakataon din na akala ko ay naging close kami. Pero lahat iyon ay noon pa nangyari.


Maliit ako sa kanya na ngumiti. "Kumusta... Gabriel Juan Salgado?"


Ang mga labi niya ay ngumiti rin sa akin. "Good, Kena Ruiz."


Masaya ako na makita siya ulit. Masaya ako na hindi ko pa pala siya nakakalimutan. Masaya rin ako kahit pa may kaunting pagtatampo, dahil hindi niya man lang ako nadalaw noong may sakit ako. Pero iyong saya ko ay may halong lungkot.


Lungkot dahil hindi ko akalaing ganito ang aking mararamdaman. Para kasing ang plain? Parang may kulang?


Ano ba iyong kulang?


Ah, siguro kasi nasanay ako noon na tawagin siyang 'El', kaya parang hindi ko masyadong ramdam ang presensiya niya ngayon.


Pero masaya talaga ako na makita siya. Kaya naman pala pamilyar sa akin iyong sedan sa labas, nakita ko na pala iyon noon. Kotse ng parents niya kapag minsang inihahatid siya sa school sa umaga. Gamit niya pala iyon ngayon.


"Babe!" Isang sigaw mula sa may gate. Paglingon ko ay bumukas ang pinto ng aking tinititigan kaninang sedan. Mula roon ay bumaba ang isang babae.


Naglakad ito papunta sa amin habang nakangiti. Maganda ito, medyo curly ang buhok, maliit ang mukha—at pamilyar. Ka-batch din ba namin ito?


Nang makalapit ay yumakap agad ito sa bewang ni Gabriel Juan Salgado. "Babe, ang tagal mo. Nakausap mo ba ang principal natin? Sinabi mo na bang payag ka ng maging isa sa speaker sa program ng STVE?"


"Yes," maiksing sagot naman niya sa babae, saka muling tumingin sa akin na tila may gustong makita sa mukha ko.


Napatingin naman sa akin ang babae. Nakakunot ang noo noong una pero sandali lang ay biglang napabulalas. "Kena?!"


"Yes, she's Kena," sabi ni El—I meant, Gabriel Juan Salgado. Iba na pala ngayon. We weren't as close as we once were—or did we ever truly get close?


Napangiti ang babae. "Ah, si Kena nga. Kaklase natin before."


Nagpaalam na ang mga ito dahil magdi-date pa raw. Gusto ko na rin naman nang umuwi dahil mukhang uulan na naman. Makulimlim na naman kasi kahit hapon pa lang.


Ano pa ba ang bago? Palagi namang makulimlim kapag nasa labas ako. Puro polusyon na nga yata talaga ang mundo kaya wala nang katapusan ang pagganti ng kalikasan sa mga tao.


Tinanaw ko pa ang magkasintahan na lumabas ng gate. Nakaakbay na si Gabriel doon sa babae. Paalis na pero hindi ko pa rin pala alam kung sino nga ba iyong babae. Hindi ko pa rin maalala ang pangalan nito kahit pamilyar sa akin ang mukha.


Nang pumasok na sa kotse ang babae ay naiwan si Gabriel na nakatingin sa akin. "Aalis na kami. Ihahatid ko na siya."


Bakit kailangan niya pa sa aking sabihin?


But since he was still standing in front of me, I might as well ask him. "Gabriel, ano nga pala ang pangalan ng girlfriend mo? Medyo nakalimot na kasi ako sa mga pangalan ng mga kaklase natin." Hindi rin naman kasi ako friendly noon.


Matagal siyang nakatitig lang, at bigla nang tumalikod. Nagtataka naman ako dahil bakit hindi niya sinagot? Papasok na siya sa pinto ng driver's seat nang muli siya sa aking tumingin.


"Ang dami mo nang nakalimutan."


"Ha?"


"We had never been close for you to casually speak to me like that. Ni hindi pa nga tayo nagkaroon pa ng panahong makapag-usap kahit kailan."


"A-ano?"


"Oh by the way, my girlfriend's name..." Maliit siyang ngumiti. "It's Laarni."



LAARNI? SINO NGA ULIT SI LAARNI?!


"Kena, nakauwi ka na palang bata ka!" Humahangos na sumalubong sa akin sa gate si Manang Evelyn, iyong mid sixties naming kapitbahay na kinuha nina Joachim para maging katu-katulong sa bahay.


Nakauwi na pala ako nang hindi ko namamayalan. "Manang, pasensiya na po. Naglakad lang kasi ako pauwi kaya natagalan ako—"


"Mamamatay ako nang maaga sa 'yo!" litanya nito na hindi man lang ako pinatapos sa pagsasalita. "Naligo lang ako sandali dahil narumihan ako sa paglilinis ng kuwarto mo, pagbalik ko ay nakapuslit ka na naman pala!"


Ha? Anong sinasabi niya? Ano ngayon kung umalis ako? Galing ako sa trabaho. Galing sa school na pinagtuturuan ko! 


"Kung hindi ko lang kailangan ang pera na ibinabayad sa akin ng magkapatid ay nunca na magtiis ako rito!" Patuloy pa rin ito sa paglilitanya.


May mga dumaang kabataan sa tapat ng bahay namin. Mga estudyante. Tinanguan ko ang mga ito dahil isa akong teacher, pero kataka-taka na naghagikhikan ang mga ito. What was funny?


"Hoy, gagi nagalit!" sabi pa ng isa sa kasama.


"Hala, ikaw nga riyan iyong unang tumawa, e!"


Binulyawan ang mga ito ni Manang Evelyn, "Mga batang ito! Kayo kaya ang magkaganito, matutuwa ba kayo na may magtatawa sa inyo? Mga wala kayong modo! Hala, magsiuwi kayo!"


Nagmamadali naman na sa paglalakad ang mga estudyante.


Hinarap ako ni Manang Evelyn. "At ikaw naman, pumasok ka na! Malilintikan na naman ako pag umuwi iyong magkapatid na marungis ka!"


Napapiksi ako sa pagkakahawak ng matanda. "Marungis? Ako, marungis?!" Napipikon na ako dahil bakit ba ganito ako nito pagsalitaan?!


Natigilan naman ito. "Kena, utang na loob! Makisama ka naman—"


"Kung nahihirapan kayo, puwes lumayas na lang kayo!"


Napatanga ito sa akin nang sumigaw ako. Nagulat yata dahil ngayon lang ako nagtaas ng boses. 


Hindi ko ugaling sumagot sa nakatatanda, pero nakakapuno na ito. "Nahihirapan kayo sa trabaho niyo rito, di ba? Umalis na lang kayo! Ako na ang bahalang magsabi kina Joachim at Julian! Hindi naman namin kayo kailangan talaga rito! Kaya ko naman ang mga gawaing bahay!"


Ang tagal ko na kasing napapansin na puro ito reklamo. Matagal ko na ring tinitiis lang ang pasimple nitong paninita sa akin na tingin ko ay hindi naman kailangan. Kung ituring ako nito ay para akong batang pasaway, at iyon ang talagang ikinapipikon ko.


Dumukot ako sa bag ko. Kinuha ko roon ang sobre na kinalalagyan ng aking suweldo. Kumuha ako ng tatlong libong papel at inabot sa matanda. "Iyan ho, kunin niyo. Sa inyo na. Pero maghanap na lang kayo ng ibang pamamasukang bahay dahil di na ho namin kayo kailangan."


Tinanggap naman nito, pagkuwa'y napangiti ito.


Akala ko ay okay na. Pero muli ako nitong hinawakan sa kamay. "Oo na, tatanggapin ko na, ha? Wag ka na magalit, Kena. O sige, pasok na tayo, ha? Maglinis na ng katawan para makakain at makapagpahinga ka na. Bait yan si Kena..."


Hinila ako nito papasok sa bahay. Ako naman ay nakatanga lang, dahil bakit ganon ito? Bakit parang hindi nito narinig ang mga sinabi ko?! At bakit ako ginaganito nito na para akong batang uto-uto?!


Bakit din panay banggit ito ng paglilinis ko ng katawan? Hindi naman ako marumi. Galing lang ako sa school at buong araw na makulimlim, maginaw, dahil uulan-ulan, kaya hindi rin ako pinagpawisan. Hindi ako marumi at lalong hindi marungis!


Pipiksi na sana ako at babawiin ang aking braso mula sa pagkakahawak ni Manang Evelyn nang mapatingin ako sa nadaanan namin sa sala na salamin. Ano ito? Ano itong nakikita ko?!


Isang babaeng magulo ang buhok, puro putik ang damit na suot, nakayapak ang maruruming paa. Nang mag-angat ng mukha ay nahugot ko ang aking paghinga. Pati ang pisngi ay may bahid ng dumi. Totoo ba ito? O nililinlang lang ako ng mga mata ko? Dahil bakit ganito? Dahil bakit ang dungis ko?!


Ako, ako nga iyong babae sa salamin! Pero hindi ako naka-teacher's uniform, at imbes na shoulder bag, ay ang dala ko ay isang maliit na maruming karton, at sa loob niyon ay may punit na sobre na ang laman ay imbes na pera, ay mga tuyong dahon!


Napatingin ako sa ibinigay kong tatlong libong papel kay Manang Evelyn, kung hawak pa rin ba nito. Hawak pa nga rin nito. At katulad ng nasa sobre ko, mga tuyong dahon nga lang din ang mga ito!


Mula sa pinto ay may pumasok na babaeng naka-long-sleeved at mahabang palda. Ang buhok na mahaba ay nakatali. Ang mukha ay maamo subalit malungkot. "Kena?!"


This woman. Bakit siya nandito?! Kaya ako nagmamadaling umuwi kanina galing sa school ay dahil iniiwasan ko siyang makita! Ayoko na magkrus ang landas namin! Pero bakit siya nandito?


At dapat di ba ay nasa Bataan siya?! Bakit siya pumunta rito sa Pangasinan?! Anong ginagawa niya rito? Bakit ganito siya sa akin makatingin na para ba akong isang nilalang na kaawa-awa?! Bakit nandito si Sister Gelai?!


Si Manang Evelyn ay napabitiw sa akin. "Ay, Sister. Kayo ho pala iyong bisita ni Joachim galing Bataan? Naku, pasensiya na po at ganito niyo kami nadatnan. Nakatakas na naman po kasi si Kena at ngayon lang bumalik. Pero lilinisan ko na po siya—"


Hindi na nito natuloy ang sinasabi dahil inilang hakbang ni Sister Gelai ang pagitan namin. Natulala ako nang bigla niya akong mahigpit na yakapin. Ang panlalaki ng mga mata ko ay nauwi sa pagluluha.


At ang hinala ko ay isinaboses niya. "Kena, pakiusap. Magpagaling ka na. Mahal na mahal ka namin kaya pakiusap, bumalik ka na...!" 


#JFBOTCP

jfstories

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top