CAPITULO 32 - Boyfriend

CAPITULO 32 – Boyfriend


GUSTO KONG SUMIGAW!


Hindi ako makasigaw dahil may nakapasak na kung ano sa bibig ko. Malaki, mapait, nakakasuka. Hindi ako makahinga!


Nagpupumiglas ako pero ang isang kamay ng malaking babae na nakaitim ay mariing nakapigil sa aking mga pulso. Sa lakas ng pagkakahawak niya ay hindi ako makakilos at tila mababali ang mga buto ko sa kamay.


Nagpumilit pa rin ako. Gusto kong kumawala. Gusto kong makawala hanggang sa tumama ang aking likod sa kung saan. Sa aking pagdilat ay gulat akong napalingap sa paligid. Natagpuan ko ang sarili sa sahig. Dito sa tabi ng kama ko. Sa sakit ng aking balakang ay natiyak ko na nahulog ako. Nahulog ba ako sa sahig kaya ako nagising? 


Humihingal akong umahon. Nahulog ako mula sa kama? Sa tabi ng kama ay naroon na naman ang nabubulok na lugaw sa mangkok. Pinalilibutan iyon ng bangaw. Nilalanggam. Kung ganoon ay ang nangyari ay panaginip lang?!


Humihingal pa rin ako na naupo sa gilid ng aking kama. Panaginip na masahol pa sa isang bangungot. Gusto ko na iyong ibaon sa limot!




MAGANDA BA TALAGA NA PUMASOK NANG MAAGA?


Iyong tipong malamig pa ang dampi ng hangin sa balat mo. Iyong tipong halos wala ka pang kasabay sa kalsada. Pagdating naman sa school man o trabaho, ay kakaunti pa lang ang tao. Kumbaga ay tahimik pa ang mundo.


Tahimik nga ba talaga ang mundo? Wala ba talagang ibang nilalang na hindi mo masabi kung ano? Nilalang na nakakasalubong mo at nakakatitigan sa daan, nakakasabay mo sa banyo, nakakatabi sa cubicle, o maging ang nakakabanggaan mo ng balikat sa pag-akyat, at pagbaba sa hagdan.


Papasok na ako sa school ng Sto. Cristo. Maaga-aga pa. Ang mga bagay na iyon ay mga bagay na lang ng nakaraan. Ganoon ako noon, pero hindi na ngayon. I refused to believe in paranormal things anymore. They were just products of my imagination, my craziness, my hallucinations.


Nang tanggapin ko na hindi talaga totoo ang mga iyon, doon na nagsimulang maging normal ulit ang buhay ko.


Nang nasa pedicab na ay hinanap ko ang aking purse para kumuha ng pambayad sa pedicab driver. Habang nagkakalkal sa bag ay may napansin ako sa aking mga kamay.


Itinaas ko ang aking mga pulso. May mga bakas. Mga galos at nangingitim na mga pasa. Saan ko nakuha ang mga ito?


Still, I refused to entertain strange thoughts. Nakarating na ako sa tapat ng gate ng school ay panay pa rin ang punas ko ng panyo sa aking pulso. Hindi nabubura ang mga galos at pasa, kaya alam ko na hindi lang iyon basta mga dumi sa aking balat.


Siguro sa pagkakatulog ko ay tumama ang mga ito sa kanto ng mesa. Para lang hindi ko na iyon makita ay aking tinalian na lang ng panyo ang magkabilang pulso ko. Mabuti pala at dalawang panyo ngayon ang aking nadala.


Pumasok na ako sa loob ng gate. Makulimlim na naman. Kailan ba talaga aaraw kahit saglit lang? Kailan ba matatapos itong buwan ng tag-ulan?


Dahil sa makulimlim na kalangitan ay wala na naman tuloy flag ceremony. May sobrang minuto pa bago tumunog ang bell. Naglalakad ako habang sa paligid ko ay may nadadaanan akong iilang estudyante. May mga bumabati sa akin, meron din namang hindi.


Aware ako na hindi lahat ng estudyante ay gusto ako. Hindi lahat ay iginagalang ako. Sa katunayan, alam ko na karamihan sa mga ito, ay pinag-uusapan ako kapag nakatalikod ako.


"Iyong dalagang teacher na si Ms. Kena Ruiz? Oo, maganda. Pero may tililing daw iyon."


Maaga ako na pumunta sa builing kung saan ang unang klase ko. Sa hagdan ay may tatlong kababaihang estudyante ang nag-uusap-usap. Hindi ako napansin na dumating ng mga ito. Ako ang pinag-uusapan.


"Oo, nabaliw daw iyon dati."


"Totoo ba? Bakit daw kaya?"


"Iniwan daw ng boyfriend."


Boyfriend? May kung anong pumitik sa loob ng dibdib ko. 


"Nabuntis yata, 'tapos hindi pinanagutan. Siguro nakunan pa, kaya ayun, nabaliw. Matagal daw bago naka-recover."


Nahinto naman ang mga babaeng estudyante sa pag-uusap nang makita na ako. Sabay-sabay ito na yumukod. "Good morning po, Ma'am."


Tinanguan ko lang ang mga ito. Sanay na ako sa iba-ibang version ng kanilang espikulasyon. Hinahayaan ko na lang, kahit minsan ay may nararamdaman akong pitik sa loob ng aking dibdib— katulad ngayon.


Dahil maaga pa, imbes na sa third floor ang aking tuloy ay natagpuan ko ang sarili na umaakyat hanggang sa huling hagdan. Sa hagdan na dapat ay iniiwasan ko. Ang hagdan na sa fourth floor ang tungo.


Same building. Same floor. Iniiwasan ko maski isipin ang lugar na ito, subalit ngayon ay natagpuan ko ang mga paa na dito papunta. Mas makulimlim sa palapag na ito dahil may malaking puno sa dulo. Elevated ang lupa sa bandang gilid ng kinatitirikan ng building, kaya naabot ng malaking puno ang palapag na ito.


Wala pang tao rito. Walang maagang pumapasok sa floor na ito. O dahil dadalawa na lang kasi ang classroom na ginagamit dito. Dere-deretso ang mga hakbang ko hanggang sa makarating ako sa huling room. Sarado pa iyon. O mas tamang sabihin na talagang sarado lang. Sarado dahil bakanteng room na lang ito. Hindi na ginagamit at tambakan na lang.


Dahil siguro makulimlim sa lugar na ito ay napagkasunduan ng mga teacher na gawin na nga lang tambakan ang dating Grade 12 last section. Kahit ano kasing pagbabawas sa puno na malapit dito, ay tumutubo rin ulit. Kumukulimlim pa rin ulit. Wala na tuloy ang gusto na magklase pa rito sa room na ito.


Tumunog na ang bell. Pumihit na ako para umalis. Bago nga lang ako humakbang ay hindi sinasadya na napatingin ako salaming bintana ng abandonang classroom. Napakadilim sa loob. Napakalungkot.


Ang dating may mga upuan at mga estudyante ay ngayo'y abandonado na. Naging tambakan na lang ng kung anu-ano. Maliit akong ngumiti at humanda nang humakbang paalis. Nakakadalawang hakbang pa nga lang ako nang bigla akong may marinig.


Ano iyon?


May bumubulong sa akin, pero sa sobrang hina ay hindi ko maintindihan. Pero gusto kong marinig. Parang may gustong sabihin. Pero ano nga ba kasi iyon?


Ano ba iyon? Bakit kasi ang hina? Bakit hindi ko marinig?!


Ang mga mata ko ay napatitig lalo sa aking harapan, doon sa mga bintana na halos matabunan na ng alikabok, sa loob ng madilim na kuwarto na walang katao-tao. Dahil walang araw, makulimlim ang kalangitan, at wala pang ilaw sa loob ay wala akong gaanong maaninagan. Gayunpaman, nanatili roon ang paningin ko.


Nakatitig ako sa nasisinag kong madilim na kuwarto, doon sa loob, doon sa bandang likuran, doon sa mga patong-patong na nakatambak na sirang mesa at upuan... Parang doon galing iyong aking naririnig na hindi ko maintindihan.


Hindi ko maintindihan sa sobrang hina. Siguro ay kailangan kong lumapit para maayos kong mapakinggan. Hindi pa nagdedesisyon ang utak ko ay nagsisimula nang humakbang ang aking mga paa palapit doon.


Sa bawat paghakbang ko palapit ay hindi lang basta lumalakas ang aking pandinig, lumalakas din pati ang aking paningin. Parang may naaaninag na ako sa loob kahit pa madilim.


Parang may taong nakatayo. O nakatayo ba talaga ito? Para kasing nakatungtong ito sa sirang upuan. Nakatungtong, o nakaluhod. Kailangan ko pang pakatitigan para makasigurado ako. Lumapit pa ako. 


Lapit pa. 


Kaunting lapit pa.


Ilang hakbang na lang ang layo ko sa bintana nang matiyak ang pigura. Nakatungtong nga ito. Pero bakit ang liit nito? Kung ang mga paa nito ay nakatapak sa upuan, ay ang taas nito kung susumahin kapag bumaba sa sahig, ay hanggang bewang ko lang!


May ganoon bang kaliit na esdtudyante o teacher dito sa eskwelahan ng Sto. Cristo?! O tao nga ba talaga ito? 


Dahil ano ang ginagawa ng isang tao sa loob ng nakakandadong abandonadong classroom?!


Kumilos ang natatanaw kong pigura. Parang kasinghaba ng katawan nito ang mga braso. Yumuko ito. Pinanood ko. Bakit ito yuyuko? May gusto ba itong abutin? Gusto kong malaman. Yukong-yuko na halos bumagsak na sa sahig ang ulo sa pagkakayuko. 


Sa pagtitig ko roon ay meron akong napansin. Ikinurap ko ang aking mga mata. Pagkuwan ay napahawak ako sa aking bibig. Nagkamali ako. Hindi ito yumuko. Hindi pala ito yumuko dahil pabaliktad ang ginawa nito! 


Binali ng kung ano mang nilalang na ito ang sarili nitong katawan!


Naluluha ang aking mga mata nang biglang may nagsalita sa gilid ko. "Ms. Ruiz, ano pong ginagawa niyo rito?" 


Isang estudyante ang nagpaalis ng mga mata ko mula sa abandonadong classroom. Napakurap ako. Kailan ito nakalapit? Hindi ko kasi napansin. Nakatayo ang babaeng estudyante sa harapan ko. Nakangiti. Maaliwalas ang mukha.


Tiningnan nito ang kanina kong tinitingnan. "Ano pong tinitingnan niyo riyan sa tambakan?"


Bumalik doon ang tingin ko. Wala na roon sa upuan iyong nakita ko kanina! Nasaan na ito?


"Ma'am?" untag sa akin ng estudyante. "May kailangan po ba kayo sa loob? May kukunin kayo? Wala pong susi riyan, e. Saka po madilim masyado dahil walang ilaw, kaya baka hindi niyo rin makita kung ano man ang hinahanap niyo."


Tama ito. Madilim nga. Kaya paanong may nakita ako kanina? Namamalikmata lang siguro ako. Dahil ba madilim sa loob kaya kung anu-ano lang ang naiimahe ko. 


"Wala," sagot ko sa estudyante at nilampasan na ito.


Bumaba na ako at pumunta sa third floor. Nandito ang klase na hawak ko. Inayos ko na ang sarili at ginampanan na ang aking trabaho. Ang normal na buhay na gusto ko.


Nagturo na ako. Nakayuko ang mga estudyante ko sa kani-kanilang notebook. Matapos kong mag-discuss ay tahimik na ang buong room dahil may ipinapakopya ako mula sa textbook. Habang hinihintay sila sa pagsusulat ay nakaupo lang naman ako sa teacher's desk sa harapan; nagsusulat sa aking lesson plan.


Nakayuko ako sa desk at abala sa ginagawa nang maramdamang tila may nakatingin sa akin. Nag-angat ako ng mukha at tiningnan ang aking klase, busy pa rin naman ang mga ito sa pagkakayuko. 


Lumingon ako sa may bintana, wala rin naman tao na nagdaraan. Pero ano iyong pakiramdam na may nakatingin sa akin? Guni-guni ko lang ba?


Pabalik na ako sa pagsusulat sa lesson plan nang maramdaman ko ulit iyong mga titig. Hindi ko alam kung saan nagmumula, pero kahit saan ako tumingin ay wala naman akong nakikita. Hanggang sa mapagtanto ko ang isang bagay. Hindi pa ako tumitingin sa lahat, dahil meron pa akong hindi tinitingnan— ang aking likuran!


Nanuyo ang aking lalamunan kasabay ng paglakas ng kabog ng aking dibdib. Meron sa likod ko. Pero paano ito kakasya roon? Blackboard na ang nasa likuran ko! 


Napupuno man ng takot ay gusto ko nang matapos ito. Patayo ako para tingnan iyon— Pero hindi natuloy. Biglang nagsalita ang mga estudyante ko. "Ma'am, tapos na po!"


Itinataas ng mga estudyante ang notebook upang ipakita sa akin na natapos na ang mga ito sa ipinapagawa ko. Nagsitayuan na rin ang iba. Nagsimula nang umingay ulit ang paligid. Ngumiti ako at tumango. "Sige, pakipasa na sa akin para ma-check ko."


Hindi ko na inintindi pa ang pakiramdam. Sumagap ako ng hangin at ibinuga ito. Pumikit din ako upang tuluyang pakalmahin ang sarili. At sa aking pagdilat ay sumalubong sa akin ang makulimlim na kalangitan. Nakaharap ako ngayon sa terrace habang nakatayo. 


Napahawak ako sa terrace dahil sa pagtataka. Sandali, bakit mas tumaas yata ang palapag? Pagkatapos ay nakita ko ang mayayabong na sanga ng puno sa gilid ng room. Kaya pala makulimlim ay dahil doon.


Makulimlim sa palapag na ito ng building dahil sa punong ito. Dahil elevated ang lupa na kinatitirikan ng puno ay nakaabot tuloy ito rito. Noon pa man ay ganito na ito. Kahit palaging bawasan ang mga dahon ay patuloy at mabilis pa ring yumayabong.


Tumunog na ang bell. Pumihit na ako para umalis. Bago nga lang ako humakbang ay hindi sinasadya na napatingin ako salaming bintana ng abandonang classroom. Nasa gilid ko iyon. Napakadilim sa loob. Napakalungkot.


Ang dating may mga upuan at mga estudyante ay ngayo'y abandonado na. Naging tambakan na lang ng kung anu-ano. Maliit akong ngumiti at humanda nang humakbang paalis. Nakakadalawang hakbang pa nga lang ako nang bigla akong may marinig.


Ano iyon? May bumubulong sa akin, pero sa sobrang hina ay hindi ko maintindihan. Pero gusto kong marinig. Parang may gustong sabihin. Para akong tinatawag. 


Ang mga mata ko ay napatitig lalo sa aking harapan, doon sa mga bintana na halos matabunan na ng alikabok, sa loob ng madilim na kuwarto na walang katao-tao. Dahil walang araw, makulimlim ang kalangitan, at wala pang ilaw sa loob ay wala akong gaanong maaninagan sa loob. 


Bakit... Bakit ang pakiramdam ay parang nangyari na ang sitwasyon na ito?


Nakatitig ako sa nasisinag kong madilim na kuwarto, doon sa loob, doon sa bandang likuran, doon sa mga patong-patong na nakatambak na sirang mesa at upuan... Parang doon galing iyong aking naririnig na hindi ko maintindihan.


Lumapit ako. Malapit na malapit hanggang nasa harapan na ako mismo ng bintana. Doon sa may magkakapatong na upuan ay may nakatayo. Nakatayo ito at hidni nakaluhod o nakaupo. Kung aalis ito roon at tatapak sa sahig, ay ang magiging taas nito ay aabot lang sa aking bewang.


Walang ganoong kaliit na esdtudyante o teacher dito sa eskwelahan ng Sto. Cristo. Kaya paanong nagkaroon ng bata rito sa nakakandadong abandonadong classroom?!


Isa kayang bata ito na naglalaro at napadpad dito, at hindi sinasadya na nakulong? Bumaha ang pag-aalala sa dibdib ko. Dapat tulungan ko ito na makalabas. Baka kailan pa ito roon, baka gutom na, baka natatakot na ito!


Sa naiisip ay inisang hakbang ko na ang bintanang salamin. Akma ko iyong bubuksan nang may magsalita sa gilid ko.


"Ms. Ruiz, ano pong ginagawa niyo rito?" Isang esdtudyante ang nagpaalis ng mga mata ko mula sa abandonadong classroom.


Napakurap ako. Kailan ito nakalapit? Hindi ko kasi napansin. Nakatayo ang babaeng estudyante sa harapan ko. Nakangiti. Maaliwalas ang mukha.


Tiningnan nito ang kanina kong tinitingnan. "Ano pong tinitingnan niyo riyan sa tambakan?"


Bumalik doon ang tingin ko. Wala na roon sa upuan iyong nakita ko kanina. Kumurap ako. Kumurap-kurap. Hanggang sa napapikit ako nang mariin.


"Ma'am, okay lang po kayo?"


Mas ipinikit ko pa ang aking mga mata. Namamalik-mata lang ako kanina. Naghahalusinasyon.


"Ma'am, okay lang po kayo?" tanong ng estudyanteng babae. "Ma'am? Ma'am? Ma'am? Ma'am?"


Lumalalim ang boses nito. Dumarami. Iba-iba.


"Ma'am?"


"Ma'am?"


"Ma'am?"


Napasigaw ako, "Tama na!" Sabay dilat ng aking mga mata para lang matulala. Nakatingin sa akin ang mga estudyante ko sa room.


"Ma'am, okay lang po kayo?" tanong ng estudyante sa harapan. Hawak nito ang notebook na ipinapasa sa akin. "Tapos na po kaming magsulat, sabi niyo ay ipasa namin sa inyo para mai-check niyo."


Napalingap ako sa paligid ng room. Sa room ito sa third floor na hawak ko. Ang mga estudyante ko ay nagtataka na nakatingin sa akin. Hawak ng mga ito ang kanya-kanyang notebook.


"S-sorry," namutawi sa mga labi ko. "'Wag niyo akong pansinin. Akin na ang mga notebook niyo para mai-check ko..."


Pumila na ang mga estudyante ko sa harapan ng aking desk. Wala ako sa sarili habang nag-ch-check. Basta lang akong pirma sa mga notebook nila. Gusto ko na lang makatapos. Bawat abot sa akin ay check at pirma lang ako agad, na hindi tinitingnan kung tapos ba ang isinulat ng mga ito.


"Next," sabi ko. Paano ay iyong huling esdtudyante na nagpapa-check sa akin ay hindi pa inaabot ang notebook nito.


"Next, sabi," ulit ko. Pero wala pa rin. Hindi ito tumitinag sa harapan ko.


Nagsisimula nang uminit ang aking ulo nang saka lang nito ilapag ang notebook sa harapan ko. At saka, bakit ganito? Ni hindi man lang binuksan ang notebook. Ako pa ang paghahanapin ng isinulat niya.


Kunot pa ang noo ko nang buklatin ang notebook. Lalo lang nangunot ang noo ko dahil nakakailang pahina na ako ay wala namang nakasulat kahit isa.


Namali ba ng pasa sa akin ang estudyanteng ito? Nagbuklat-buklat pa rin ako. Nangangalahati na ng notebook, pero wala pa rin talaga. Pumintig na ang sentido ko. Isinara ko na ang notebook nang biglang mahawi ang mga pahinga hanggang sa mapunta ako sa likod.


Sa likod kung saan may nakita ako. Isang bagay na dahilan kung bakit bigla ako ngayong pinanlamigan ng katawan. Sa dulo ng notebook. Sa isang pahina nito. Sa huling pahina ay may naka-drawing dito!


Gamit ang ballpen na itim, naka-drawing ang dalawang estudyante, isang babae at isang lalaki, na nakaupo sa upuang malapit sa bintana. Walang mga mukha, basta lang iginuhit, pero pamilyar. Pamilyar na pamilya!


Pamilyar hindi lang ang itsura kundi pati ang pakiramdam. Pero hindi lang iyon ang dahilan ng panlalamig ng aking katawan. Dahil hindi lang ang dalawang estudyanteng ito ang naka-drawing dito. May isa pa. Marami pa. Sa likod ng lalaking estudyante na ito, ay merong mga itim na anino!


Mga anino na tila pinipigilan ng estudyanteng lalaki na makalapit sa katabi niyang kaklaseng babae. Hindi nga lamang iyon basta-basta anino. Dahil ang mga anino ay iba-iba ang wangis, laki, at tindig. Pero may iisang pagkakatulad. Ang mga aninong ito, meron silang matutulis na kung ano sa ulo bilang kanilang pagkakapareho. Iba-ibang laki at haba, pero malinaw kung ano—Mga sungay! 


Ang mga aninong ito ay mga demonyo! 


Bago ko mabitiwan ang notebook ay may boses na nagsalita sa likod ko. "Ma'am, sino ang naka-drawing na lalaking iyan? Siya ba ang boyfriend mo?"


#JFBOTCP

jfstories

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top