CAPITULO 30 - Taken Over

CAPITULO 30


WHERE DID YOU LEAVE YOUR SOUL?


Ang maamong mukha ay bagaman kalmado ay seryoso. Seryoso na nakatingin sa mga mata ko. "Kena, didn't I tell you not to lost it?"


Ano iyong naiwala ko? Importante ba iyon? 


"I told you that many are waiting for your destruction. And I reminded you not to give in." Mahinahon ang boses niya subalit may diin.


So kaya niya pala ang ganito? Ano pa kaya kapag galit na galit na siya?


Sinalubong ko ang kanyang mga mata at nginitian siya. "Alam mo ba, El? Para kang bagong silang na sanggol. Iyong walang muwang. Hindi malaman kung paano ie-express ang sarili. At iyong mga gusto mong sabihin, hindi mo masabi. Paano ko maiintindihan kung ganyan, ' di ba?"


Napabuga siya ng hangin, pagkuwa'y ang mahahaba niyang daliri ay naihaplos niya sa kanyang buhok. "Okay, then. I'll try to tell you, and hopefully you can still understand a thing."


Dapat pumintig ang sentido ko sa inis, pero katulad noong inililibing na sa lupa ang kabaong ni Mama, wala akong kahit anong nadama. Gusto kong marinig ang sasabihin niya. Dahil naaaliw ako sa tensyon na nakikita ngayon sa madalas na kalmado niyang mga mata.


"Kena, you have an unusual ability that is both a blessing and a curse. There are some strange things in this world that you shouldn't see or feel, yet you do."


Iyong tinutukoy niya ay iyong mga nilalang na hindi ko pa rin maintindihan kung bakit alam niyang nakikita ko at nararamdaman.


"You are the type who is easily approached by such things since you can see and feel them. In short, you are an easy target."


"Ipinasara na noong bata pa ako. Nakakaramdam pa rin pero hindi na gaano. Ang kaso nitong nakaraan ay bigla na lang..."


"It suddenly opened again," dugtong niya sa aking dapat sasabihin.


Kumiling sa kanya ang ulo ko. "Ganoon nga. Sa tingin mo, El? Bakit kaya?"


"What about the possibility of touching something you shouldn't have touched? At ang bagay na iyon pala ang naka-trigger sa pagbukas ulit ng ipinasara na. Dapat iniwasan mo simula pa lang. Pero ikaw mismo ang lumalapit, Kena."


Pinakatitigan ko na naman siya. "At ano ang bagay na iyan na nadikitan ko kahit dapat ay iwasan pala? May ideya ka ba kung ano iyan?"


Ang mga mata ni El ay dumilim nang kung may anong makita sa mga mata ko. 


Umusod naman ako lalo palapit sa kanya. "Ano nga iyon, El? Ano... o baka ang dapat kong tanong ay sino?"


Muli siyang napahagod ng mga daliri sa kanyang buhok. "Ah, damn it. You are not the one I want to talk to." Tumayo na siya at lumakad paalis. Madilim ang ekspresyon na dati'y palaging kalmado.


Ngayon lang siya nagkaganito. Ngayon ko lang siya nakitaan ng emosyong ganito. Napangiti naman ako. Iyong ngiti ko ay palapad nang palapad. Na kahit ang mga nakikilamay ay nagtataka kapag napapatingin sa mukha ko.


Bumalik na ako sa loob ng bahay. Walang katao-tao sa loob. Madilim ang sala, lalo sa hallway papunta sa mga kuwarto.


Nakangiti pa rin ako nang bumukas ang pinto sa dulo. Kuwarto ni Joachim. Iniluwa ang lalaki mula roon. Shirt na puti at pajama na puti. Magulo pa nang bahagya ang buhok na halatang kababangon lang sa kama.


Ah, puyat nga pala siya. Nang mapatingin sa akin ay lalo akong ngumiti. Ngiting-ngiti na dahilan upang magtaka siya.


Humakbang ako patungo sa kanya, tumingkayad, at tiningala siya. Nakangiti pa rin ako pero wala akong masabi na kahit ano.


Ang pagtataka sa mga mata ni Joachim ay nabura. Ang isang kamay niya ay marahang umangat at ang mahahababang mga daliri niya ay maingat na dumampi sa aking pisngi.


Napatitig naman ako sa mga daliri niya na nabasa. Saan galing ang tubig? Sa pagkakatitig doon ay saka ko napagtanto na sa luha ko pala nagmula. Na umiiyak pala ako pero ngayon ko lang nalaman.


"Go to your room, Kena. Magpahinga ka na muna. Kami na ni Julian ang tutulong kay Papa sa labas. Nakaidlip naman na ako."


Lalampas na siya sa akin nang pigilan ko ang kanyang pulso. Napatigil naman siya at napatingin sa akin. Naghihintay siya na meron akong sabihin. Iyon nga lang ay wala talagang lumalabas na boses mula sa akin. Nakatingin lang din ako sa kanya.


"You should rest, Kena." Hinawakan niya ako sa pisngi. Nang yumuko siya upang gawaran ako ng magaang halik sa noo ay gusto kong kumurap.


Gusto kong kumurap pero hindi ko makuhang gawin. Kahit pa noong bumaba nang marahan ang magaang paghalik ni Joachim hanggang sa dulo ng aking ilong ay ni hindi ko magawang pumikit. 


Magkadikit na ang dulo ng ilong ko sa dulo ng matangos na ilong niya. Magkahinang ang aming mga mata dahil nakayuko siya.


"Kena, mag-usap tayo pagkatapos ng libing." At bago niya ako iwan, dumampi nang mabilis at marahan sa mismong mga labi ko ang mainit at malambong na mga labi ni Joachim.


Nakaalis na siya pero hindi pa rin ako makapagsalita.


Wala rin akong reaksyon.


Tuwid ang katawan na pumihit ako papasok sa aking kuwarto. Pagharap sa aking maliit na salamin sa pader ay ngumanganga ako. Gusto kong malaman kung bakit hindi ako makapagsalita.


Ngangang-nganga na ako sa salamin pero bakit wala akong makita? Madilim lang. Madilim na hindi ko matanaw kahit ang aking mga ngipin!


Wala rin ang dila ko, ang gilagid, ang bukana ng lalamunan. Wala. Wala rin ako roong kahit anong maramdaman. Naiinis na ako kaya nang madampot ko ang suklay na nasa sahig ay ipinasak ko agad iyon sa aking bibig.


Lumubog lang sa loob ng bibig ko ang suklay, subalit wala ring nangyari! Nangalahati na pero wala rin akong maramdaman! Sa buwiset ay ibinato ko ulit ang suklay sa sahig at pinagtatadyakan.


Dinukot ko na lang ng aking daliri ang bibig ko. Hindi kinaya ng isa o dalawang daliri, buong kamay ko na ang aking ipinasok. Hanggang pulso na ang nasa loob. Dapat may makapa ako. Dapat meron akong makapa na kahit ano!


Iginagalugad ko ang aking kamay sa loob nang sa wakas ay meron na akong mahawakan. Sa dulo ng aking panggitnang daliri ay may naramdaman ako. Merong mahaba na tila daliri rin sa loob ng bibig ko.


Iginalaw-galaw ko ang aking mga daliri at gumagalaw-galaw rin iyong mga daliri sa loob ng aking bibig, hanggang sa hinawakan na ako nito nang tuluyan. Sinubukan kong bawiin ang mga daliri ko pero ayaw na akong bitiwan. Napahawak ang isang kamay ko sa pader dahil biglang nanikip ang aking dibdib. Hindi na ako makahinga at iyong nasa loob ng bibig ko ay hinihila na ako!


Naglaglagan ang mga gamit ko sa mesa dahil kung saan-saan na ako sunod-sunod na napahawak. Doon ako sa haligi ng kama napunta. Kapit na kapit ako roon at doon kumuha ng puwersa. Nakipaghilahan ako.


Buong lakas ko. Hinila ko ang kamay ko. Isa. Dalawa. Tatlo!


Paupo akong bumagsak sa sahig. Kandaubo ako at masuka-suka noong sa wakas mahila ko na ang aking kamay. Pagtingin ko sa aking kamay ay nanghilakbot ako dahil ang aking mga daliri ay nangingitim!


Iyong dalawang kuko ko, napudpod at tila nangamatay ang mga ito! Ano ang nangyari? Ano ba iyong nasa loob kanina ng bibig ko?!


Bigla akong nakaramdam ng pananakit ng tiyan. Pawisan akong napalupagi sa sahig. Ang sakit. Ang sakit-sakit. Pagbukas ng aking bibig ay sumuka ako ng maraming tubig. Malalapot na tubig. Mabahong tubig!


Ubo ako nang ubo habang pilit sumusuka. Ilang segundo pa, hindi na tubig na malapot at mabaho ang lumalabas sa bibig ko. Mga insekto na! Mga patay na insekto! Mga malalaking patay na bangaw, mga maliliit na ipis na walang buhay, mga itim na langgam, at maliliit na daga na gula-gulanit ang tiyan!


"Blerghhh!! Ugwaarrhhh!!!" Walang tigil ang pagsusuka ko. Diring-diri ako pero natatabunan ang pandidiri ng sakit. Ang sakit-sakit ng tiyan ko!


Sa sobrang sakit, bumagsak na ako sa sahig nang tuluyan. Iyon na rin ang aking huli natatandaan.



KENA, ANG LUNGKOT MULA NOONG WALA KA NA.


Ayun na naman ang boses ni Bhing. Nag-e-echo sa aking pandinig.


NOONG WALA NA KAYO.


Kayo? Iyon na naman iyong hindi ko maintindihan.


BAKIT KAILANGANG SABAY PA KAYO? AT BAKIT KAILANGAN PANG MANGYARI ITO?


Bhing, ano bang sinasabi mo?! Gusto ko sa kanyang itanong pero wala akong boses. Hindi ko rin alam kung nasaang parte siya, dahil ang paligid ay sobrang dilim.


HAY, ANG DAMI MONG UTANG NA KUWENTO. KAYA SANA, GUMISING KA NA, KENA. MAGKUWENTUHAN NA TAYO. IKUWENTO MO LAHAT SA AKIN. PLEASE GUMISING KA NA. I MISS YOU SO MUCH, MY BEST FRIEND......


Napadilat ako. Madilim na ang paligid dahil sa gabi na. Mukhang ilang oras din akong nakatulog dito sa lapag.


Bumangon ako. Bakit nga ba ako nasa lapag? Nang maalala ko ang huling nangyari ay napalingap agad ako ng tingin sa sahig. Hinanap ko ang mga patay na insekto na isinuka ko kanina, pero wala ang mga ito.


Tumayo ako at binuksan ang ilaw. Malinis ang sahig. Walang insekto kahit saan. Kung ganoon, nanaginip lang ba ako?



IKA-APAT NA ARAW.


Tapos na ang burol. Palaging mainit ang ulo ni Tito Randy. Wala na itong panahon pa na magluksa, dahil kaliwa't kanan ang utang mula noong maospital si Mama.


Ang allowance nina nina Joachim at Julian ay nahiram din at hindi pa naibabalik ng step-father ko. Kapag nalaman iyon ng dating hipag na siyang nagpapadalang ng allowance sa magkapatid, ay tiyak na malilintikan ito.


Isa ako sa mga problemang naiwan sa pagkamatay ni Mama. Hindi ako anak ni Tita Randy, hindi tunay na kadugo, kaya hindi na ako magugulat kung paaalisin na ako dito ngayon na wala na si Mama.


Katatapos ko lang paliguan ng pabango ang aking kuwarto. 


Nakaupo ako sa gilid ng aking kama nang makarinig ng tatlong mahihinang katok. Nakatingin lang ako roon at hindi nag-abalang sumagot. Pumihit ang bukas na seradura at noong marahang bumukas ay ang nakayukong si Julian ang aking nakita.


Napahinto siya dahil siguro sa kakaibang amoy ng aking kuwarto at sa malagkit na sahig, subalit sandali lang. 


Humakbang siya papasok habang nakayuko pa rin. Tiningnan ko ang pagkakakuyom ng kanyang mga palad. Nang mag-angat ng paningin ay hindi ko nakita ang aking kinasanayang walang paki at tamad niyang ekspresyon.


"Wala na ang..." Lumunok siya. "Wala na ang mama mo, aalis ka na ba? Kung aalis ka, saan ka pupunta?"


Saan ako pupunta? Ewan ko. May malalayong kamaganak ako pero sa hirap ng buhay, malabong kupkupin ako at pag-aralin ng mga ito.


"Kena, 'wag kang umalis!" biglang sabi ni Julian. Nagulat din siya sa nasabi. Napahawak siya sa kanyang bibig at muling yumuko.


Hindi naman ako makapaniwala na kay Julian ko unang maririnig ito. Kasi ang alam ko ay walang pakialam sa akin ang taong ito.


"Basta 'wag ka sabing umalis..." Pagtingin niya ulit sa akin ay desidido na ang kanyang mga mata. "At hindi rin naman papayag si Kuya Joachim na aalis ka."


Pagkasabi'y bigla na lang siyang tumalikod at lumabas ng pinto. Napakurap-kurap na lang ako noong wala na siya.


Puwede pa ba talaga akong manatili rito?


"Puwede pa ba talaga ako rito..." Tumingin ako sa likod ng pinto. Doon sa madilim na parte. "...Mama?"


Nagbagsakan ang mga nakasabit kong damit at tuwalya na naroon sa likod ng pinto. Ngumiti ako at nagbawi roon ng tingin.


Tulala na naman ako sa dingding. Lilipas na naman ang mga minuto na ganito ako. Walang inom ng tubig at wala ring kain. Hindi pa rin ako nagbubukas ng ilaw kahit pa palubog na ang araw sa labas at mawawalan na ang kuwarto ko ng liwanag.


Basta nandito lang ako. Walang laman ang isip. Blangko ang mga mata nang bigla akong may maalala. Si Joachim. Nasaan si Joachim?


Si Joachim nga pala, hindi pa kami nag-uusap na dalawa. Ang huling sabi niya, mag-uusap daw kami pagkatapos ng libing ni Mama.


Dahil sa naisip ay bigla akong napatayo. Nagkaroon muli ng buhay ang aking mga mata. Excited ako na lumabas ng pinto. Walang pakialam kahit wala sa ayos ang itsura ko.


Malaking t-shirt lang ang aking suot at walang panloob, magulo ang sala-salabit na buhok, namumula ang mga mata, tuyot ang mga labi, at nakayapak ang mga paa. Deretso ako sa kuwarto niya.


Tiyak sasabihin niya sa akin ang sinabi ni Julian, na hindi siya papayag na aalis ako. Hindi ko na kailangang problemahin pa kung saan ako pupunta. Lalong lumawak pa ang pagkakangiti ko. Hindi na ako kumatok. Basta ako pumasok. Naka-lock ang pinto pero nagawa kong buksan. Nasira ang seradura, at kung paano ay hindi ko rin alam. Basta masaya ako.


Si Joachim naman ay nagulat nang makita ako. Nakatayo siya sa tabi ng bintana niya nang biglang mapalingon sa lagabog na likha ng bumagsak na sirang doorknob.


Isinara ko agad ang pinto. Ngiting-ngiti ako at nandidilat ang mga mata nang patingkayad na lumapit sa kanya.


Nang makabawi sa pagkabigla ay lumamlam sa akin ang mga mata ni Joachim. Nakangiti pa rin naman na hinintay ko ang kanyang sasabihin.


Pero taliwas sa inaasahan ko ang lumabas sa mga labi niya. "Kena, ngayon na wala na ang mama mo, wala na ring dahilan para manatili ka pa rito."


jfstories

#JFBOTCP

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top