CAPITULO 3 - Boys

CAPITULO 3


MAY THIRD EYE AKO.


Ang lawak ng ngiti ko habang nakikipagharutan kay Bhing. Uwian na. Kinukulit niya ako kung ano iyong binubulong ni El sa akin kanina sa upuan. Nakita niya kasi kami.


Syempre ay hindi ko sinabi ang mga napag-usapan namin ni El. Hindi rin naman siya maniniwala o kaya ay baka matakot lang siya. Ganoon ang mga normal na reaksyon tungkol sa kuwentong kababalaghan.


Puwede ring matawa si Bhing. Nakakatawa naman kasi talaga. Tinawanan ko nga lang din si El kanina. Iyong tawa ko ay tawang pang-tanga. Halatang pilit. 


Pagkatapos kong tumawa ay nagkanda ubo ako. Napailing na lang si El at natulog na lang sa armchair niya. Na-realized niya marahil na mas masarap managinip kaysa makipagkuwentuhan sa akin.


Nang tumunog ang bell. Nauna na akong umalis. Ngiting-ngiti ako. Nakipagharutan ako kay Bhing. Gusto kong makita iyon ni El na nagkakamali siya ng akala sa akin.


Na hindi ako wirdo.


Hindi ako kakaiba sa lahat.


Hindi ako outcast.


Kahit bilang sa daliri ang mga kaibigan ko, at least ay may kaibigan ako. Best friend ko pa ang napakadaldal at energetic na si Bhing. Marami din akong crushes sa school namin. Actually, isa na siya roon. Pero noon iyon. Hindi na ngayon.


Nagustuhan ko lang naman si El noon dahil sa masayang aura niya. Naaaliw ako sa personality niya na buhay na buhay. Siya ang sunshine ko. Ngayon ay nag-iba na siya, kaya para saan pa at gagawin ko siyang crush? Wala na siyang silbi sa akin.


Speaking of El. Papasok siya backseat ng kotseng sedan ay tumingin pa siya sa gawi ko. Blangko ang ekspresyon niya. Blangko rin ang sagot kong tingin sa kanya.


Ang sedan na kotse ay iyong naghatid din sa kanya sa umaga. Hatid-sundo siya dahil siguro ay nag-aalala pa rin sa kanya ang mga magulang niya.


Pagkaalis ng kotse ay naglakad na ako pauwi. Sumabay ako sa ibang mga estudyante na naglalakad din. Nakaramdam ako ng uhaw. Gusto ko sanang bumili ng salamalamig, ang kaso baka kapusin ako. Pinagkakasya ko lang ang aking allowance para sa buong linggo.


Nag-isip pa ako kung bibili ba ako ng samalamig. Limang piso lang naman. Nakatitig ako roon na hindi napapansin na nakatingin sa akin iyong nakatayo sa gilid ng tindahan.


Umiling ako para labanan ang pagki-crave sa malamig na inumin. Sa pag-iling ay saka nabaling ang aking paningin sa matangkad na lalaking nakatayo sa gilid habang umiinom ng samalamig, si Kristian Vergara.


Nang mag-alis na sa akin ng paningin si Kristian ay nagkibit-balikat ako. Hindi naman yata talaga ako ang tinitingnan niya kanina. Siya ang klase na walang pakiaalam sa mga katulad kong simpleng estudyante lang.


Si Kristian Vergara o mas kilala sa tawag na 'Kit' ay iyong klase na ang kinakaibigan lang ay iyong mga katulad niya ring cool kids. Sikat ang lalaki hindi lang dito sa school namin kundi pati sa ibang school. Guwapo kasi at matropa. Kabaliktaran nga lang ng maamo niyang mukha ang kanyang ugali. Suplado siya, basagulero at suki sa guidance office.


Ang dalawang lalaking sikat sa school namin sa Sto. Cristo dahil sa mukha at pag-uugali. Si Kit na guwapo, suplado at basagulero at si El na guwapo, palangiti at matalino.


Binansagan silang Yin at Yang ng Sto Cristo. Magkasalungat. Parang liwanag at dilim.


Same year sila. Pareho pang tumigil at nag-repeat ng year level. Si El ay dahil nga sa na-coma, si Kit ay walang may alam ng dahilan. Posibleng tinamad lang.


Hindi na sila masasabing Yin at Yang ngayon. Si El ay nagbago na, guwapo at matalino na lang. Wala na iyong palangiti. Si Kit naman ay ewan ko. Hindi ko pa naman siya nakakausap kahit kailan. Kilala ko lang sa mukha at pangalan.


Nagtuloy na ako sa paglalakad hanggang sa makauwi na. Isang up and down na bahay na ang pintura ay dark red, iyon ang bahay ng kinakasama ni Mama na si Tito Randy. Bahay na rin namin dahil dito kami nakatira ilang taon na.


Pagpasok ko sa sala ay nakaupo si mama sa sofa. Nagpapa-pedicure siya sa nasa mid fifties naming kapitbahay na si Aling Tetay.


May inaalok si Ate Tetay kay Mama. "Karen, dumating iyong pinsan ko galing ng abroad. May binibentang mga gold na kwintas, iyong may palawit na evil eye. Bumili ka, bibigyan kitang discount."


Sumimangot si Mama. "Hindi ako naniniwala sa ganyan. Wala naman bible 'yan."


Sumimangot din si Ate Tetay. "Wala namang mawawala kung maniniwala, eh. Pang iwas lang iyon sa masasamang loob. Pangtaboy sa mga taong may inggit."


Hindi kumibo si Mama. Nilalagyan na ng nail polish na kulay pula ang mga kuko niya sa paa.


"Subukan mo lang, Karen. Uso na kasi ang ganoon ngayon. Baka kailangan mo, lalo na at ang daming naiinggit sa pamilya niyo."


Tumikhim ako at doon na pumasok sa pinto. Napatingin sa akin si Ate Tetay. Napangisi nang mapatingin sa bandang dibdib ko.


"Nandito na pala ang anak mo, Karen. Dalaga na pala itong si Kena. Malaking bulas. Parang noong nakaraang taon lang, walang pang dede 'yan."


Sinulyapan lang naman ako ni Mama. "Kena, may tinapay sa kusina. Magmerienda ka na lang."


"Dalaga na talaga si Kena." Nakaabot pa sa pandinig ko ang boses nito kahit hininaan na. "Ayos lang naman ba siya rito? Mga lalaki na 'di niya kaano-ano ang mga kasama niya."


Walang sagot mula kay Mama.


Pagpasok sa kusina ay hinanap ko ang sinasabi ni Mama na tinapay. Nagmamadali ang mga kilos ko. May sampung Spanish bread sa supot, kinuha ko agad ang lima at inilagay sa ekstrang supot. Wala naman nang kakain niyon kaya kukunin ko na.


Pumunta ako sa ref at naglabas ng pitsel. Hinanap ko ang aking tumbler para salinan ng tubig, kaya lang ay hindi ko iyon makita.


Nagkalkal ako sa lalagyanan namin sa kusina. Wala talaga ang kulay pink kong tumbler na regalo pa ni Bhing sa akin. Ang tumbler na iyon ay pinupuno ko palagi ng tubig para inumin ko buong gabi at magdamag.


Katulad iyon ng tinapay na bitbit ko ngayon. Ibabaon ko sa aking kuwarto para magutom at mauhaw man ako mamaya ay kahit hindi na ako lumabas.


Pero bakit wala ang tumbler ko? Saan iyon napunta? Wala naman akong pinaglalagyan niyon kundi rito sa kusina. Pati sa cabinet ng mga kaldero ay nagkalkal na ako, wala pa rin ang tumbler.


"Wala riyan," boses mula sa likod ko.


Sa paghahanap sa tumbler ay hindi ko napansin na nakauwi na ito. Nakasuot ito ng uniform sa pinapasukan ko ring school ng Sto. Cristo. May salamin ito sa mata, hindi nakangiti at nakasuot pa ng ID, kung saan makikita ang nakasulat, Julian Calansag, Grade 11.


Si Julian ay bunso sa dalawang anak ni Tito Randy. Matanda ako rito ng isang taon. Nasa iisang school kami at iisang bahay pero mabibilang sa daliri kung iilang beses lang kami nagkausap.


Ang mga mata ni Julian ay umiwas sa akin. "'Wag mo nang hanapin ang tumbler mo. Wala rito."


Tatango na ako nang marinig ang malakas na boses ni Ate Tetay mula sa sala. "Aba, ito ba ang panganay ni Randy? Aba, binata na rin, ah!"


Kumuyom ang mga palad ko sa narinig. Ang aga pa, ah? Wala pang 7:00 PM!


Ang tensiyon ko ay hindi nakaligtas sa mga mata ni Julian. Mahina siyang nagsalita, "Pumasok ka na sa kuwarto mo."


Nagmamadali na binalikan ko ang aking binalot na tinapay sa mesa. Dadamputin ko na sana iyon nang may mauna nang dumampot sa akin.


Natigagal ako sa matangkad na lalaking nasa aking harapan. Ang puti na polo ang una kong nakita kasunod ay ang makinis na leeg. Ang suot nito ay uniform mula sa malapit na private university.


Umatras ako at nilingon si Julian sa gilid ng kusina. Patay-malisya na ito na akala mo'y hindi ako kinausap kanina.


Umatras ako at sinukuan na ang supot ng tinapay nang biglang abutin ng kaharap kong lalaki ang aking kamay. Napatingala ako rito.


Ang una kong nasalo ay ang hindi maunawaang klase ng titig nito. Blangko nang una at pagkatapos ay naging mainit at pagkatapos ang emosyon ay naging blangko ulit.


Guwapo ito, oo. Hindi ko naman sinasabing hindi. Ang itsura ay mukha ring mabait, matino. Marami ang humahanga at nagkakagusto. Ang mga matatandang kapitbahay naman namin ay naaaliw rito dahil palabati ito at magalang.


Sinubukan kong hilahin para bawiin ang aking kamay mula sa pagkakahawak niya. Hindi niya binitiwan.


"K-kamay ko," mariin bagama't mahinang sabi ko.


Ngumiti si Joachim. Iyong ngiti niya na mabait, umaliwalas lalo ang maamong mukha. "Sorry." Binitiwan niya ang kamay ko.


Ipinatong niya sa mesa ang kulay black niyang backpack. Binuksan ang zipper at mula sa loob ay inilabas ang isang tumbler. Napasinghap ako nang makilala iyon. Iyon ang pink tumbler ko!


Balewala niyang inilagay sa ibabaw ng lababo ang tumbler at pagkuwa'y lumingon sa akin ang inosenteng mga mata. "'Wag kang iinom sa gabi, maiihi ka. Maiistorbo ang tulog mo."


Tiim ang mga labi na nilampasan ko na siya. Nang makarating sa aking kuwarto ay nagmamadaling isinarado ko ang pinto. Kinandado ko lahat ng limang kandado at hindi pa ako nakuntento, nagharang pa ako ng bangko.


Nagbihis ako at kahit maaga pa, pinilit ko na ang sarili na makatulog.


May kumatok sa kuwarto ko noong gabi. Hindi ko masabi kung ano'ng oras, nawala rin pagkatapos. Hindi ko na inintindi dahil kinain na ako ang antok.


Pagpasok kinabukasan ay hinintay ko na magkaroon ng ingay sa labas. Nang matiyak na gising na ang lahat ay saka ako lumabas. Bitbit ko ang tuwalya na nagpunta ako sa banyo para maligo.


Nag-lock ako at nagpuno ng timba ng tubig para iharang sa likod ng pinto. Mabilisang ligo lang. Nagsuot na ako ng panloob bago nagtapis ng tuwalya.


Paglabas ko ay nasa tapat lang ng banyo si Mama. Hindi na ako nagulat dahil palagi naman siyang naroon. Parang routine niya na tuwing papasok ako sa banyo ay pupuwesto siya roon.


"Kasya pa ba ang baon mo?" tanong niya.


Tumango ako.


"Mabuti. Wala pang pera ang tito mo." Nilampasan na ako ni Mama.


Sinikil ko ang isang maliit na ngiti. Malamig man ang tono ni Mama ay balewala sa akin. Hindi ako sa aspetong iyon tumitingin.


"Magbihis ka na, mali-late ka na," boses ni Mama na malamig pa rin.


Nagmamadali na akong naglakad pabalik sa aking kuwarto. Hawak-hawak ko ang buhol ng tuwalya habang yakap sa bandang dibdib ang mga hinubad na damit.


Pagpasok sa kuwarto ay muntik akong mapatili. Nasa kama ko kasi nakahiga si Joachim. Prente siyang nakahiga, balewala kahit naka-uniform na siya ng college uniform, polo at slacks. Nakamedyas sa paa.


Bumangon siya nang makita ako. "Magbibihis ka na?"


Tumango habang naninigas ang mga binti. Humigpit ang aking pagkakayakap sa mga damit na nasa bandang dibdib ko. Nakatuwalya lang ako kahit pa sabihing meron akong suot na undergarments.


Tumayo na si Joachim. Hinintay ko siyang lumabas pero huminto siya sa mismong tapat ng pinto. Narinig ko ang mahina niyang pagtawa nang makita ang mga kandado sa may pinto.


"Saan mo nabili ito?" tanong niya na ang tinutukoy ay ang isa sa mga kandado ko. Manipis iyon at nangangalawang na. Iyon ang tipo ng kandado na kahit bata ang sumipa sa pinto ay agad iyong masisira.


"Sa hardware," mahinang sagot ko na halos pabulong na.


"How much?"


"Twenty pesos." Iyon ang pinakamura sa mga kandado ko. Ang iba ay forty, sixty at eighty pesos na ang presyo. Pinag-ipunan ko mula sa baon ko.


Tumango-tango siya. Kinuha niya ang wallet mula sa likod ng slacks. Kumuha siya roon ng tatlong papel na ang halaga ay three hundred pesos. Nagulat ako nang iabot niya iyon sa akin.


Hindi ko inabot dahil sa pagtataka. Kinuha naman niya ang kamay ko at siya mismo ang naglagay sa ibabaw ng aking palad. Nagtatanong ang mga mata ko sa kanya.


Ngumiti sa akin ang mapulang mga labi niya. "Bumili ka ng bagong padlock. Iyong matibay."


Nakalabas na si Joachim sa pinto ay tulala pa rin ako.


Pagpasok sa school ay hindi pa rin ako mapakali. Gusto kong ibalik ang pera ni Joachim, pero ayaw ko na siyang makausap ulit.


Wala ako sa sarili dahil sa pag-iisip. Ang dami kong kasabay na naglalakad sa daan. Iyong nasa bandang harapan ko ay grupo ng mga kababaihan. Nag-uusap ang mga ito at hindi ko sila masyadong maintindihan.


"Kilala mo si Gabriel Juan Salgado? Si El? Iyong dating Section 1 na nag-repeat kasi naospital?"


Napatingin ako sa grupo sa aking harapan nang marinig ang bagong topic ng usapan nila.


"Oo. Kaklase ng ate ko dati. Dapat graduate na nga iyon ngayon. Naospital nga lang."


"Wala lang. Crush ko kasi iyon. Nakita ko kahapon, ang guwapo pa rin. Pero hindi na siya katulad dati na friendly. Hindi na siya namamansin."


"Baka nga raw kasi naalog ang utak. Ikaw ba naman mahulog mula sa 3rd floor."


"Paano nabuhay iyon, ano? Ang taas ng 3rd floor, ha. Bakit ni hindi man lang na-deform ang mukha niya?"


"Nakahawak pa raw kasi sa terrace. Talk about luck, sa may basurahan pa siya bumagsak. Likod lang daw ang napuruhan."


Naghagikhikan ang mga ito na akala mo hindi buhay ng tao ang pinag-uusapan.


Kailan kaya matatapos ang kuwentuhan tungkol kay El? Kailan makaka-move on ang Sto. Cristo sa nangyari sa kanya? At alam niya kaya ang mga usap-usapan tungkol sa kanya? 


Mali. Ang dapat pala na tanong ay may pakialam ba siya?


Sa tingin ko kay El, wala siyang pakialam sa mundo. Parang gusto na lang niya ay maka-graduate kaya siya pumapasok.


May bumangga sa balikat ko. "Aray!"


Dere-deretso ang bumangga sa akin. Walang sorry o kahit paglingon. Buhok na lang ang nakita ko. Maiksi ang buhok kaya nakita ko rin ang itsura ng blouse na suot—naninilaw na.


Tiningnan ko ang aking balikat na nabangga. Nagkaroon ng alikabok, kitang-kita sa puti kong blouse. Pinagpag ko pero ayaw maalis ng alikabok.


Huminto na ako sa paglalakad para lang magpagpag. Ang problema, kahit anong pagpag ang gawin ko ay ayaw talagang maalis ng alikabok.


May nagsalita sa harapan ko, "Baliw ka ba?"


Napatingala ako rito. Nagulat ako nang makita ang lalaking nakayuko sa mukha ko. Si Kristian Vergara. Si Kit!


"Para kang tanga, ano'ng pinagpagpag mo?" sita niya sa akin. Amoy Mentos na candy ang mainit niyang hininga.


Ang suplado niyang mukha ay ngayon ko lang nakita nang ganito kalapit. Ngayon ko lang din nalaman na ang matangos niyang ilong ay may maliit na hikaw pala. Pati ang mapulang mga labi niya ay may hikaw rin sa pinakagilid.


Nang mag-sink in sa akin ang tanong niya ay napabalik ang paningin ko sa aking balikat na may alikabok. Namangha ako nang makita na malinis na ang balikat ko. Walang kabahid-bahid. Parang hindi narumihan kanina.


"N-nasaan na iyon?" naguguluhan kong sambit. Sigurado kasi ako na may alikabok kanina. Pinagpag ko pa nga pero ayaw maalis.


"Naglalakad ka 'tapos bigla kang umatras," sabi ni Kit. "Nakahithit ka ba?"


Napatingala ulit ako sa kanya. "Nakita mo ba ako kanina?"


Tumaas ang sulok ng kanyang bibig.


"Hoy, nakita mo ba ako?!" Napataas na ang boses ko. "May bumangga sa akin kanina kaya ako napaatras. Nakita mo rin ba iyon?!"


Nagsalubong ang makakapal niyang kilay. "'Pinagsasabi mo? Naka-chongke ka ba?"


Kumiling ang ulo ko. "Chongke?"


"MJ."


"Ha?"


"Mary Jane."


Napasinghap ako at mabilis na umiling. "Hindi!"


Ngumisi siya. "Gayan din sagutan ko pag ako ang tinatanong."


"Hindi nga ako nagaganon!" inis nang sabi ko. Nakalimutan ko nang si Kit siya na isang abnoy na estudyante.


"Sino ang babangga sa 'yo kanina? Iniiwasan ka nga ng mga kasabay mong maglakad sa kalsada dahil para kang naglalakad sa buwan."


Napapikit ako nang mariin. Bakit ba nagtatanong pa ako? Bakit umaasa pa ako ng ibang sagot? Alam ko naman na, eh. Ramdam ko naman na.


Pero bakit napapadalas naman yata?


Bakit sunod-sunod?


Bakit parang iyong dating minsanan ay naging paulit-ulit na pangyayari? Dati ay binabalewala ko lang hanggang sa wala na masyadong nangyayari, pero bakit ngayon ay ni hindi ko na magawang iwasan man lang?


May mahahabang daliri na pumitik sa harapan ng mukha ko para kunin ang aking pansin. "Hoy, pahimasmas ka muna. 'Wag kang pumasok na sabog."


Napatingala ulit ako kay Kit. Hindi pa siya umaalis sa harapan ko. Iyong mga nagdaraang estudyante ay napapatingin na sa amin.


"Magbi-bell na. 'Di ako papasok. Gusto mong sumama?"


Sumama? Hindi na siya sa akin nakatingin kundi sa screen ng kanyang Nokia 6600.


"Bored ako. Absent ngayon iyong tropa ko. Kaysa pumasok kang sabog, samahan mo na lang ako."


Hahawakan niya na ang aking bitbit na bag nang biglang may humawak sa kaliwang pulso ko.


Hindi pa ako nakakalingon para mapagsino ito nang aking marinig ang malamig at malagom na boses nito. "Tara na, Kena. Pasok na tayo."


Sa repleksyon na lang ng bahagyang tumalim na mga mata ni Kit ko nakita kung sino ang may hawak sa aking pulso. Si Gabriel Juan Salgado. Si El!


Napangiti si Kit hanggang sa mauwi ang ngiti niya sa sandaling pagtawa. Tawa na wala namang buhay. Pagkuwa'y tinitigan niya nang deretso si El. "Akalain mo iyon, buhay ka pa pala talaga."


Magkakilala sila?


Hindi pinansin ni El ang sinabi ni Kit. Nasa akin ang atensyon niya. Ang mga labi niya ay matamis na ngumiti sa akin. "Kena, ano pa ang hinihintay mo?"


Natulala ako kay El. Madalas ko na siyang nakitang ngumiti noon, pero kakaiba ang ngiti niya ngayon. Iba ang dating. Iba ang atake sa akin.


"S-sige," kusang lumabas sa bibig ko ang pag-sang ayon sa kanya.


Lalong tumamis ang ngiti ni El. Bumaba ang pagkakahawak niya mula sa aking pulso patungo sa kamay ko, hanggang sa maghugpong na ang aming mga palad. Hinila niya na ako paalis. Palayo.


Nang mahimasmasan ay napatingin ako sa kamay ko na hawak pa rin ni El. Tiningala ko siya. Hindi na siya nakangiti. Seryoso na. Malamig na. Parang hindi na siya iyong kanina.


Bumukas ang mapula niyang mga labi para magsalita. "Nagtatawag ka."


"Ha?"


"Kena, hindi lang pala ang mga iyon ang lumalapit sa 'yo."


"A-ano?" naguguluhang tanong ko. Bigla na lang nagtayuan ang aking mga balahibo.


Huminto siya sa paglalakad. "Nagtatawag ka."


"Ano'ng sinasabi mo?!"


"Ang sinasabi ko..." Sa pagkakatagilid ay nakita ko ang pataas ng sulok ng kanyang bibig. "Kena... Lapitin ka ng gulo."


JF

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top