CAPITULO 29 - Seized
CAPITULO 29
BAKIT KA NANDITO?
Mama, paano ka nakapunta rito? Bakit mo alam na nandito ako? Nandito ka ba dahil sinusundo mo ako? Saka, ikaw pala iyan, Mama?
Ikaw pala iyan. Sabi ko na ikaw iyan.
Ang ngiti ko ay mas lumawak dahil malawak din na nakangiti sa akin si Mama. Ang suot niyang itim na abito ay nililipad ng hangin, kahit tirik ang araw at napakainit dito.
Kaya lang bakit parang iba ang taas ni Mama? Mas matangkad si Mama kaysa sa aking alaala. Ang maaliwalas na mukha niya ay hindi rin pala ganoon kaaliwalas. Parang ang tapang.
Ang bibig ni Mama. Nakangiti, nakanganga, pero parang walang laman. Walang ipin, walang gilagid, wala kahit ano. Purong itim lang ang nakikita ko.
Pilit ko pang sinisipat nang may tumakip sa aking paningin na malaki at mabangong palad.
Sumunod kong naramdaman ay ang paghila sa aking pulso, hanggang sa nasa loob na ako ng mainit na mga braso. Si El, magaang niyakap niya pala ako...
Nang alisin niya ang kaliwang palad sa aking mga mata ay marahang tumingala ako sa kanya. Seryoso siyang nakatingin sa akin. "We're going home, but you're not going to take anything from here. 'You hear me?"
Hindi pa gaanong nagsi-sink sa isip ko ang kanyang sinabi ay hinila niya na ako paalis.
Pagbalik namin sa may nitso ni Ekoy ay hindi kami halos napansin ng mga naroon. Nagsisiksikan sila sa makipot na daan ng sementeryo. Abala ang lahat sa pamamaalam sa patay, sa pag-iwas sa init ng araw, at pagpupunas ng kanya-kanyang pawis.
Kung meron mang nakapansin sa amin ay si Kit lang yata. Nakatingin sa amin ni El palapit pa lang kami. Nagbawi rin naman agad ito ng paningin at nagpatuloy na walang kibo sa mga sumunod na sandali.
Pagbalik sa bahay ni Sister Gelai ay hindi na sumama ang mga nakilamay. Galing ako sa banyo upang maghilamos. Pagdaan sa kusina ay meron akong naalala. Nasaan nga pala ang asong si Puti? Hindi ko ito napagkikikita.
Nasa likod-bahay ba ang aso? Hindi naman lumalabas doon si Sister Gelai kaya sino ang nagpapakain dito?
Baka gutom na gutom na ito. Baka hinahanap ang amo. Baka hindi nito alam ang nangyari kay Ekoy. Kapag bumalik sa simbahan si Sister Gelai ay magiging mag-isa na lang palagi ito. Kawawa naman ito.
Kawawa. Mag-isa. Parang ako. Pareho kami. Kapareho ko ang aso. Paano kami? Kawawa kami. Paano kami? Kawawa. Kawawa—
"Kena, nakapag-ayos ka na ba ng mga gamit mo?" Biglang sumulpot si Bhing sa likod ko.
Matalim ang mga mata ko rito at paangil itong sinagot. "Hindi pa!"
Nagulat naman si Bhing sa inakto ko subalit matipid pa rin na ngumiti. Alam na nito ang nangyari kay Mama. At ang nakikita ko sa mga mata ni Bhing ay pag-unawa at pag-aalala para sa akin. Pero bakit naiinis ako?
Dahil dito ay hindi ko na tuloy nahanap si Puti. Padabog ko itong tinalikuran. Malungkot na lang ang mga mata nito na nakahabol sa akin.
Sina Joachim at Julian ay kapwa mga tahimik lang sa sala. Alam na rin ng magkapatid. Tinawagan din sila ni Tito Randy kanina.
"Nakikiramay ako, Kena." Magaan na niyakap ako ni Sister Gelai. "Magkasunod pa ang nangyari. Panalangin ko na sana ay hindi maging dahilan ito upang lalo kang mawalan ng paniniwala—"
Hindi ko na pinatapos ang madre. "Okay lang po ako, Sister Gelai." Magaan ko itong nginitian. "Kukunin ko lang po sa kuwarto ang bag ko."
Ako ang huling kumuha ng bag ko sa kuwarto. Nangangamoy nalukob at may kabigatan dahil sa aking mga basang damit. Hindi ko na kasi napatulo ang mga damit na kinusot ko kanina bago pumunta sa sementeryo.
Hindi na kami naihatid ni Sister Gelai dahil hinahanap ng madre ang asong si Puti. Nawawala pala ito mula pa kagabi.
Mga wala naman kaming kibuan hanggang sa terminal. Wala ring usap-usap pagsakay ng bus. Umulan kaya isinarado ko ang bintana na aking katabi sa upuan. Noong dumaan sa may ilaw ay naaninag ko ang aking repleksyon sa malabong salamin ng bintana. Ang kaliwang mata ko ay namumula.
Bakit namumula? Iyong mismong gilid ng aking mga mata ay parang may dugong namumuo. Napansin ko rin ang aking laway na parang natutuyo. Dehydrated ako.
Nilingon ko ang aking katabing si Bhing. Tulog na tulog ito. Pinagigitnaan namin ni El ang babae. Nang silipin ko si El ay tuwid siyang nakaupo habang nakahalukipkip. Ewan kung tulog o hindi, basta kalmadong nakapikit.
Sa katabi namang pangtatluhang upuan ay mga gising man sina El, Kit, at Julian, ay puro mga tahimik. Parang may kanya-kanyang iniisip.
Dumaan ang konduktor para mag-inspeksyon. Nagusot ang mukha nito na tila may naamoy na di kaaya-aya. "May nagdala ba rito ng bilasang isda?"
Wala namang pumansin dito dahil tulog ang ibang pasahero. Ang mga kasama ko naman ay walang balak mag-aksaya ng panahon na sagutin ito. Mga hindi rin kasi sapat ang naging pahinga roon sa Bataan.
Napakatahimik ng buong biyahe namin hanggang makauwi ng Pangasinan. Madilim pa dahil halos kalilipas pa lang ng hatinggabi pagbaba sa huling bus. Naghiwa-hiwalay na lang na walang kibuan.
Si Kit ay pormal ang ekpresyon nang lapitan ako. "My condolenses, Kena." Magaan na hinawakan ako nito sa ulo. Ganoon lang, pagkuwan ay nakapamulsa sa suot na pants na umalis na rin ito.
Si Bhing naman ay naluluha ang mga mata na walang masabi. Takot siguro ito na magkamali. Bago naman umalis ay niyakap ako nang mahigpit.
Si El naman ay tinanguan lang ako. Siya ang pinakahuli na umalis. Walang paalam na naglakad palayo.
"Kena." Tinawag na ako ni Joachim. Nagpa-special naman kaming tatlo nina Julian sa tricycle pauwi.
2:45 a.m. Napakatahimik ng bahay sa pagbaba namin. Patay lahat ang mga ilaw. Si Joachim ang nagbukas ng gate sa aming tatlo. Wala na raw sa ospital si Mama. Hindi na namin naabutan. Ang magagawa na lang namin ay maghintay na mag-umaga hanggang sa dumating na ang service ng punerarya.
"Magpahinga muna kayo," ani Joachim. "Tatawagin ko kayo mamaya pagdating ni Papa."
Naunang umalis si Julian bitbit ang mga gamit nito. Bitbit ang mabigat kong bag na naglakad na rin ako.
Sa gilid ng aking mga mata ay nakita ko na nakatingin sa akin si Joachim. Nag-ring ang phone niya kaya kinailangan niya iyong sagutin. Aking naulinigan na lang ang pagbukas niya ng pinto pagtalikod ko.
ANO NA ANG MANGYAYARI SA AKIN NGAYON?
Basta ko ibinagsak ang aking bag. Hindi ko pa inalis ang aking mga basang damit sa loob. Ni magbihis ay hindi ko pa ginawa. Naupo na agad ako sa gilid ng kama ko.
Nakaupo lang ako. Hindi umiiyak. Tulala sa pupugak-pugak na bombilya ng ilaw. Masakit sa mata. Mahapdi.
Pero bakit nga hindi ako umiiyak? Nasaan ba ang mga luha ko? May tumulo sa aking kandungan. Subalit sa pagyuko ko ay hindi luha, kundi dugo ang aking nakita.
Pulang-pula ang dugo, malapot. Nang hawakan ko ang aking mukha ay napag-alaman ko na sa aking ilong nagmula ang dugo.
Sa pagod ba? Sa puyat? Sa stress? At kailan ba titigil ito? Panay ang tulo ng dugo. Malalaking patak. Sa sobrang dami ay halos manlagkit na ang kandungan ko. Tumingala ako upang pigilan iyon pero ganoon pa rin.
Tumayo ako para lang madulas sa sarili kong dugo. Padapa akong bumagsak sa sahig. Sinubukan kong bumangon subalit dumulas din ang aking kamay sa duguang sahig.
Mas lalong dumami ang mga dugo mula sa aking ilong. Buo-buo na, parang sa menstrual blood clots ang itsura. Ganoon din ang amoy, malansa.
"Agh!" Napuno na ako. Sa pagkaubos ng aking pasensiya ay inihampas ko ang aking ulo sa sahig na may mga buo-buong dugo.
Tumalamsik ang mga dugo sa paligid, pero hindi ako niyon pinatigil. Tinuloy-tuloy ko ang pag-untog ng aking ulo sa sahig.
"Ahg! Ahg!" Halos mamanhid na ang noo ko sa kakauntog. Ayaw pa rin tumigil ng ilong ko sa pagdudugo. Ayaw pa rin! Tuloy pa rin!
Paulit-ulit kong inuntog ang sarili hanggang sa mapuno na ang mukha ko ng aking sariling dugo. Napakalansa pero wala akong pakialam. Nalalasahan ko na nga ang mapaklang lasa.
Mapakla na mapait-pait. Madulas sa dila. Idinilat ko ang aking mga mata na hindi ko namalayang nakapikit pala. Ang aking mga kamay ay kumapa sa bibig ko. Bakit? Bakit puno ng dugo ang bibig ko?
Ipinasok ko ang kamay sa bibig, pati ang dila ko ay may dugo. Bakit mula sa sahig ay napunta sa loob ng bibig ko ang mga dugo na buo-buo?!
Napahawak ako sa aking tiyan. "Blerghhh! Ugrrhwaa!!!" Nagduduwal ako.
Sukang-suka ako. Ang aking kakaunting kinain kahapon nang umaga ay nailabas ko. Humalo iyon sa sahig kung saan naroon ang mga buo-buong dugo.
Nakakadiri, nakakasulasok ang amoy. Bumalikwas ako. Kumapit ako sa laylayan ng sapin ng kama. Pangatlong subok pa bago ako nakatayo.
Naghagilap ako ng mga maruruminig damit sa hamper. Pinagtatapon ko ang mga iyon sa sahig kung saan naghahalo ang aking suka at dugo. Matapos ko iyong matabunan ay aking pinunasan ang sarili.
Tumingala ako at pinisil ang ilong. Mga ilang minuto ay sa wakas unti-unti nang umaampat ang pagtulo ng dugo mula sa ilong ko. Kinuha ko ang aking naiwang tumbler sa gilid ng kama. May laman pa iyong kalahating tubig. Ginamit ko ang tubig upang basain ang dulo ng aking tuwalya, pagkuwan ay ipinunas ko sa aking mukha.
Nagpalit ako ng damit at ang may dugong damit ay isinama ko sa mga nasa sahig. Gumamit din ako ng cologne upang pabanguhan ang sarili at ang buong kuwarto. Malansa pa rin, masangsang ang amoy, pero hindi na kasing lala noong kanina. Ngayon ay lumalaban na ang amoy ng mumurahing pabango ko.
Naglagay ako ng band aid sa noo at tinakpan iyon ng bangs ko. Inaayos ko ang aking nanlalagkit na buhok nang may kumatok sa pinto. Nataranta ako kung ano ang gagawin. Baka si Joachim iyon. Baka pumasok siya rito—
"Kena." Boses ni Julian.
Si Julian lang pala. Napangiti ako. Hindi iyon magtatangka na pumasok dito sa kuwarto ko.
Binuksan ko nang kaunti ang pinto. Ang nasa labas nga ay ang kinse anyos na lalaki. "Bakit?"
"Pauwi na si Papa. Kasabay siya ng service ng punerarya, dala na ang kabaong ng mama mo."
Ah, kumatok siya para sabihin sa akin ito.
Subalit hindi pa rin umaalis si Julian. Ang mga mata niya ay nakatuon sa loob ng kuwarto ko. Sa aking pagtataka ay napakunot nang malalim ang noo niya. Tila meron siyang kung anong nakita.
"Bakit?" tanong ko.
Kumurap-kurap si Julian bago nagbalik sa akin ang mga mata. Namumutla na siya. "K-Kena, may kasama ka ba?"
Ikiniling ko ang aking ulo. "Kasama?"
"S-sa kuwarto mo. May kasama ka ba, Kena?"
Ngumiti ako at isinara pa nang kaunti ang pinto. Ikiniling ko pa lalo ang aking ulo kay Julian. "Sino naman ang makakasama ko?"
"Ah... S-sige." Kunot pa rin ang noo na tumalikod na siya.
Pagsara ko ng pinto ay napangiti ako nang maalala ang sinabi ni Julian. Hindi ako nag-iisa. Hindi naman ako nag-iisa. 'Di ba?
6:00 A.M. UMUWI NA SI MAMA.
Umuwi na nga si Mama pero nasa kabaong nga lang. Ang itsura sa loob ng kabaong ay halos hindi na makilala. Payat na payat. Tuyot. Nangingitim ang kulubot na balat. Mga epekto ng gamot na hindi maitago ng makapal na make up.
Dapat akong malungkot, magluksa, matakot. Dahil mag-isa na lang ako sa mundo. Wala na akong magulang. Walang naiwan sa akin na kahit ano. At posible ring mawalan na ng tirahan. Ang kaso, wala akong maramdaman.
Ang mga kapitbahay namin ay mga nakiramay. Parang katulad lang sa burol ni Ekoy sa Bataan, mas marami pa sa tunay na nakikisimpatya ang mga tsismisan.
Ilang beses ko ring naulinigan ang mga pasaring na tanong kung paano na raw ako. Paano na ako ngayong wala na ang mama ko? Dito pa rin daw ba ako titira? Oo, nga. Saan na nga ba ako ngayon mapupunta?
"ITINAPON NIYO BA ANG KANIN BABOY KAGABI?"
Madilim ang mukha ni Tito Randy paglabas ng pinto. Mabaho kasi sa loob ng bahay. Parang nalukob na amoy. Parang may panis na pagkaing hindi nailabas. Pero walang kanin baboy dahil kauuwi lang namin. Walang tira-tira dahil wala namang kumain.
"Baka sa basura po, Pa. Pero nailabas ko na kanina," sagot ni Julian.
"E mabaho pa rin sa loob," ani Tito Randy habang nagkukusot ng ilong. "Baka may namatay na daga. Hanapin niyo, nakakahiya sa mga nakikilamay kapag naamoy nila."
Napalunok ako. Hindi naman siguro sa kuwarto ko galing ang naaamoy ni Tito Randy na mabaho. Sinimplehan ko na ng tapon kanina sa labas ang mga damit na may dugo. Ibinuhos ko rin ang lahat ng laman ng bote ng cologne sa malansang sahig.
O di kaya iyong mga basang damit na nalukob sa loob ng bag ko?
"KENA!"
Sa gate ay pumasok ang kaklase kong si Bhing. Naka-uniform pa ito. "Kena, pasensiya ka na kasi ngayon lang ako." Niyakap niya ako. "'Wag mo na palang alalahanin ang pagpasok ngayong buong linggo, ipinagpaalam na kita sa mga subject teachers natin."
May mga sinasabi pa si Bhing pero wala na sa kanya ang atensyon ko. Nandoon sa may gate kung saan siya galing.
May mga tao sa labas, mga nakatambay, at mga padaan-daan na napapasulyap dito. Wala akong nakikitang kakaiba. Wala sa labas.
Tumulong si Bhing kay Julian sa pag-iistima ng mga nakikilamay. Pagtingin ko sa kanya ay may bitbit ng tray na may lamang mga biscuit ang babae.
Parami nang parami ang nakikiramay. Nandito na rin pati iyong mga kakilala at naging katrabaho ni Tito Randy dati.
6:00 P.M. habang nagpupunas ako ng mesa nang isang matangkad na lalaki ang pumasok sa gate. Itim na plain t-shirt, itim na cargo shorts, at itim na Islander slippers. Ang suot na sombrelo ay itim din. Sa kabila ng puro itim, napakalinis tingnan kahit saan.
Pinanood ko siyang lumapit sa lalagyanan ng abuloy. Naglabas siya ng purse at mula roon ay kumuha ng buong five hundred pesos. Pagkalagay niya sa lalagyanan ng abuloy ay pumuwesto siya sa upuang nasa dulo. Doon sa walang gaanong tao.
Matapos kong malinis ang mesa ay saka ako lumapit sa kanya. "Alam ba sa inyo na nandito ka?"
Imbes sumagot sa tanong ko ay tinapik niya ang bakanteng upuan sa kanyang tabi.
Naupo naman ako roon. Tumingin din ako sa tinitingnan niya. Doon sa kabaong ni Mama. "El, naibalik ko ba sila?"
Hindi na kailangang ipaliwanag ang tanong, naiintindihan niya na. Ang tinutukoy ko ay iyong mga nilalang.
Hindi lumilingon sa akin na sumagot si El. "You did."
Naibalik na sila. Pagguhit na ang ngiti sa mga labi ko kay El nang mapatigil ako sa sumunod na sasabihin niya.
"You did bring them back, but you left something else. Something more important."
"Ano?"
"You."
Dumagundong ang dibdib ko sa kaba. "Ha?"
Lumingon siya sa akin. Ang mga mata ay walang kasing seryoso. "Where did you leave your soul, Kena?"
#JFBOTCP
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top