CAPITULO 28 - Confidant
CAPITULO 28
"MOTHERFUCKER!"
Naitulak ko si El nang marinig ang boses ni Kit. Gising na ito mula sa pagkakatulog at ngayo'y galit na nakatingin kay El ang mga mata nito.
Nagtumbahan ang mga upua nang basta sugurin ni Kit si El. Kinuwelyuhan ni Kit ang kalmado lang na si El. Nakatingala lang ang lalaki nang hiklasin patayo. Napatayo na rin naman ako at agad silang inawat. "Ano ba, igalang niyo naman ang patay!"
Marahas na napabuga ng hangin si Kit. "Why, Kena? Iginalang ba ng gagong ito iyong patay nang laplapin ka niya?!"
Natampal ko sa bibig si Kit. "Kit, ano ba?!"
"Why, isn't it true? Putanginang ito, sinasamantala ka porke't nagluluksa ka! Nasa loob talaga ang kulo mo, Salgado, kaya kahit kailan hindi talaga lumamig ang dugo ko sa 'yo! Hindi ka man lang nakapaghintay, dinadaan mo sa bilis! You don't play fair, man! Fucking shit, you don't play fair!"
Wala lang naman kay El. Kalmadong nakatingin lang siya kay Kit, kaya lalong nanggagalaiti tuloy ito.
"Kit, tara na muna sa loob." Hinila ko na lang si Kit para mapaglayo sila. "Ituloy mo sa loob ang tulog mo."
Si El naman ay bumalik na sa pagkakaupo. Nakatingin siya sa malayo. Wala na namang may alam kung ano ang nasa isip.
Sa loob ng sala ay tinakpan ko agad ng aking palad ang bibig ni Kit, dahil baka magising sa ingay niya si Bhing.
"Kit, please," pakiusap ko sa mahinang boses. "Palipasin muna natin itong libing bago kayo mag-away. Pero hindi niyo rin naman kailangang magkainitan, dahil wala namang dahilan."
Pinalis niya ang kamay ko. Humihingal pa rin siya sa asar pero hininaan naman ang boses. "Anong walang dahilan?" gigil na tanong niya na pabulong. "Kena, hinalikan ka niya! Hindi ba dahilan iyon?!"
Uminit naman ang aking pisngi sa hiya. "'W-wag na natin pag-usapan..."
"Wala bang ibig sabihin iyon?!"
Nakagat ko ang aking ibabang labi. Ano nga ba ang ibig sabihin?
"Answer me, Kena. Wala lang ba sa iyon? Kasi kung sasabihin mong wala lang, puwede ko iyong kalimutan."
"Sandali. Bakit ganyan ka magsalita?" Nangunot ang noo ko sa kanya. "Hindi naman tayong dalawa, di ba?" Oo, madalas siyang dumiga pero alam ko na wala lang iyon. Iniinis niya lang si El, pinipikon.
Natigilan din naman si Kit sa tanong ko. Sandaling napaawang ang mga labi niya at hindi siya makapagsalita. Ngayon niya siguro napagtanto ang kanyang pinagagagawa.
"Hindi naman ako tanga para di maisip kung bakit ka ganyan. Nagsimula ka lang naman dumikit sa akin nang akala mo ay kami ni El, di ba? Hindi ko alam ang problema niyong dalawa, pero bigla mo akong idinawit sa kung ano man iyon."
Hindi pa rin makakibo si Kit. Totoo naman kasi. Siguro kung ibang babae ako, nahulog na ako sa kaligaligan niya. Ang kaso, hindi ako ganoong klase. At malinaw sa akin na ang layo ko kumpara sa mga tunay na tipo niyang babae.
"Hindi ko lang mainitndihan, Kit," malamig na patuloy ko. "Sobrang tindi ba ng inis mo kay El, na sumama ka pa hanggang dito sa Bataan. Pero kung ano man ang problema mo sa kanya, sana lang 'wag niyo na akong isali pa. Ang dami ko ng problema para dagdagan niyo pa."
Tinalikuran ko na si Kit at iniwang tulala sa sala. Hindi ko na rin siya nilingon pa. Tumuloy ako sa pasilyo na patungo sa kuwarto. Lalong madilim na ngayon doon dahil patay na nga ang ilaw sa kusina, walang ilaw ang maliit na altar sa dulo, at nakasarado pa sa gilid ang pinto ng kuwarto.
Isinara yata ni Joachim ang pinto bago siya nahiga para matulog. Tumuloy na ako roon para tingnan silang magkapatid. Pagpihit ko ng seradura ay naka-lock sa loob. Bakit ini-lock?
Mahinay ako na kumatok. Dalawang katok lang nang makarinig ako ng kaluskos. May tumayo at lumapit sa pinto.
Ilang segundo na ang nagdaan ay hindi naman nawawala sa seradura ang pagka-lock. Kumatok muli ako. Napakatahimik sa loob. E ano pala iyong naulinigan ko kaninang kaluskos?
Baka tulog na tulog ang magkapatid dahil sa pagod. Hindi ko na lang sila iistorbohin. Tatabihan ko na lang si Bhing sa sala hanggang sa mag-umaga. Nakatalikod na ako para umalis nang saka naman lumangitngit sa likod ko ang pinto.
"Joachim?" Napalingon ako. Bukas na nang kapiraso ang dahon ng pinto. Nasisilim ko na mula sa aking kinatatayuan ang loob. Madilim.
Hindi ba sila nag-ilaw?
Sumilip ako. Madilim na madilim dahil sarado maging ang bintana. Marahan kong itinulak ang pinto. Nang masanay ang aking mga mata sa dilim ay naaninagan kong una si Julian na nakahiga patagilid. Ang pangalawa ay ang nakatihayang si Joachim na isang dipa ang layo sa kapatid. At iyong pangatlo ay nasa dulo.
Sandali, bakit may pangatlo?
Si El, Kit, at Bhing ay nasa labas ng kuwarto, kaya sino itong natatanaw ko sa dilim na pangatlo? Nakahiga rin patihaya sa tabi ni Joachim mismo.
Ang paghinga nila sa paligid ay naririnig ko. Ang payapang paghinga ni Julian, ang tila hirap sa pagtulog na paghinga ni Joachim... at iyong pangatlo, wala akong naririnig na kahit ano mula rito!
Gusto kong lumabas dahil pakiramdam ko'y pinanlalakihan ako ng ulo. Ang kilabot sa katawan ko ay sanhi ng pagtaas ng aking mga balahibo. Gusto kong umalis dito sa kuwarto, kung di lang tila itinulos sa sahig ang mga paa ko.
Ang pinto sa aking likuran ay naulinigan ko na lang ang paglapat sa pagsara. Wala namang hangin, wala ring hihila o tutulak na kahit sino, pero ngayo'y kusang sumara.
Madilim na madilim ang paligid habang unti-unti pang nasasanay ang aking mga mata. Ang bulto na katabi ni Joachim ay tila kahoy na tuwid na tuwid na bumangon upang umupo. Sa pagkakatagilid ay naaaninag ko ang uluhan nito, meron itong mahabang buhok, o kung di man ay tila isang belo.
"J-Joachim..." nanginginig na tawag ko sa lalaki. Kailangan niyang magising.
Kailangang gumising ni Joachim!
"J-Julian!" tinawag ko rin ang lalaki na mas malapit sa akin. Sana kahit ito ay magising. Sana may magising kahit sino sa kanila.
Sinubukan ko na magtawag ulit kaya lang ay parang biglang napuno ng tubig ang aking bibig. Kahit ngumanga ako ay walang lumalabas na kahit anong tunog. Para akong nalulunod.
Naisip ko ang switch ng ilaw. Malapit iyon dito sa kinatatayuan ko.
Kailangan kong buksan ang ilaw. Tatapikin ko lang iyon, liliwanag na. Dapat lumiwanag na. Sinikap kong igalaw ang mga daliri sa kamay. Isang daliri... pangalawang daliri... pangatlong daliri... pang-apat na daliri...
Panglima!
Naigalaw ko na ang limang aking mga daliri sa kamay ko sa kaliwa! Kailangan na lang na maiangat ko ang aking bisig at kasunod ay braso! Iaangat ko ito, kaya ko ito!
Nagkabutil-butil muna ang aking pawis bago ko maitaas sa waka ang buong kamay ko. Pagtaas na pagtaas niyon ay hinampas ko agad ang pader na nasa aking tagiliran. Hindi pa ako sigurado kung dito nga banda, kaya nang bumaha ang liwanag sa paligid ay ganoon na lang ang aking tuwa.
Maliwanag na ang buong kuwarto! At nawala na rin ang tila kung anong nakaharang kanina sa bibig ko!
Nilingon ko agad si Joachim. Nakahiga pa rin siya patihaya, pero wala na iyong bulto na kanina'y katabi niya. Nag-iisa na siya habang pawisan sa gilid ng kuwartong ito.
Nagmamadali ko siyang nilapitan. Hindi ko na inalala kahit nahakbangan ko si Julian. Pagkarating sa kanya ay lumuhod agad ako. Humihingal siya at pawisan. Pawis na pawis kahit nakatutok halos sa kanya ang electricfan. Maski ang dulo ng matangos na ilong niya ay may pawis. Ang leeg ay ganoon din. Panay ang taas-baba ng nakaumbok sa kanyang lalamunan.
Binabangungot ba si Joachim? Hanggang dito ay binabangungot siya? Tinapik ko siya sa pisngi, malamig ang basang balat niya.
Tinapik ko muli. "Joachim?" Hindi siya nagigising. Gumagalaw lang ang dulo ng mahahaba niyang pilikmata. May mahinang ungol na kumakawala mula sa mga labi niya.
Hirap siyang matulog kahit maghapon siyang napagod. Ni hindi man lang siya makapagpahinga nang maayos.
Kailan pa siya huling natulog nang matiwasay? Hindi na kami nagtatabi, kaya ilang gabi na siyang ganito? Kapansin-pansin na naman ang pangingitim ng ilalim ng kanyang mga mata.
Nahiga ako sa tabi niya at yumakap sa kanya. Ngayon lang ulit, ngayon lang hanggang sa maging payapa ang tulog niya.
Pumikit na ako hanggang sa hindi ko napansin na nakatulog na rin ako. Pagod pa pala ako. O nakapagpahinga ba talaga ako kanina? Bakit pagod na pagod pa rin ako. Pareho kami ni Joachim, walang paglagyan ang mga pagod namin.
Hindi ko na namalayan nang muling namatay ang ilaw sa kuwarto. Gumanti ng yakap si Joachim sa akin. Parang nagdedeliryo na lang ako kung talaga bang bumulong siya. "Kena, na-miss kita..."
Nang magising nang lumiwanag na ay mag-isa na lang ako sa kuwarto. Sumilip si Bhing. "Kena, tara na. Maaga raw darating iyong makikilibing."
Tumayo na ako. Wala na sa tabi ko ang magkapatid. Paglabas ay nakasalubong ko si Julian, malamig ang tingin sa akin. Naabutan niya ba kami ng kuya niya kanina?
"Julian—" Ni hindi ito huminto. Napakamot na lang ako ng ulo.
Madalian akong naligo. Nagkakape sa kusina si Kit paglabas ko. Hindi rin ako pinansin. Nakayuko lang sa tasa at halatang may ikinasasama ng loob. Kung iyong nakita niya kami ni El o iyong sinabi ko sa kanya, hindi ako sigurado. O baka pareho.
Saka ko na kakausapin ulit si Kit, sa ngayon ay kailangan na naming ihatid sa huling hantungan si Ekoy. Sa labas ay naroon na sina El at Joachim. Tumutulong sila sa pagliligpit ng mga mesa at upuan.
"Hindi ba natulog si Kit?" tanong sa akin ni Bhing. "Paggising ko, nagpupulot na siya ng basura sa labas. Pagkatapos ay naglinis naman ng sala. Ayaw magpahinga. Kung di pa nga siya sinabihan ni Sister Gelai na mag-almusal muna, ay hindi pa siya magkakape sa kusina."
Dahil nasa pinto ako ay nadaanan ako ni Joachim nang utusan siya ni Sister Gelai na kunin ang thermos sa kusina. Pagdaan sa harapan ko ay napapitlag ako nang pasimple niya akong hawakan sa ulo.
"Kumain ka na?" tanong niya sa magaan na boses.
Tumango na lang ako kahit hindi pa talaga.
Pagkaalis ni Joachim ay napatingin ako kay El na nakatingin sa akin. Wala namang mababasa sa mga mata niya na kahit ano. Nailang lang ako dahil biglang bumalik sa isip ko ang nangyari sa amin.
Nakayuko na umalis ako sa pinto. Tumulong na lang ako sa paglilinis ng mga talutot ng bulaklak na nahulog sa lupa. Habang nagpupulot ay isang pares ng puting sneakers ang huminto sa harapan ko. Bago ako tumingala, nauna na siyang yumukod paluhod. Pag-angat ng aking mukha ay muntik pang magdikit ang dulo ng mga ilong namin.
"El..." Napanganga ako dahil hindi ko inaasahan ang pagngiti ng mga labi niya sa akin.
"Let me do this." Dinampot niya ang huling talutot ng bulaklak sa lupa. "Go to the kitchen and have breakfast first, Kena."
Inalalayan niya ako na makatayo. Panay pa rin naman ang kurap ko. Talaga bang mabait siya? Kung ganoon, hindi niya nakalimutan ang sinabi niya sa huling pag-uusap naming dalawa? Na magiging mas 'nice' siya?
O hindi kaya dahil sa kiss?
Napabilis ang paglalakad ko dahil sa pagkaalala ng tungkol sa paghalik ni El sa akin. Hindi tuloy ako magkandaugaga sa pagkilos at pag-aayos dahil doon.
Nag-umpisa na ang parada patungo sa pinakamalapit na pampublikong sementeryo. Hindi na kinaya ng nalikom na budget ang sasakyan ng punerarya, at dahil malapit lang naman, buhatin na lang daw ang kabaong ng namatay. Walang nagpepresinta nang maunang lumapit si El. Sumunod sa kanya sina Joachim, Kit, at Julian. Silang apat na ang nagbuhat.
Sa likuran kami ni Sister Gelai. Walang tunog ang bawat pag-iyak ng madre. Kanina lang ay marami itong pagsisisi. Mula noong magmadre ay wala man lang daw kasi itong naitabi. Hindi tuloy nito mabigyan ng mas maayos na libing ang batang naging kasa-kasama nito, hanggang sa huling sandali.
Kahit pala ang isang madre ay sinisisi rin ang sarili. Hindi rin isang perpektong tao katulad ng iba. Nadudurog din pala. Hindi ito mabigyan ng kapayapaan ng pananampalataya nito. Bakit kasi naniniwala pa rin ito?
Habang naglalakad patungo sa sementeryo ay nakaririnig ako ng ingay ng bangaw. Umuugong sa tainga ko. Marumi siguro ang daan kaya maraming insekto rito.
Panay ang kuskos ko sa aking tainga dahil naiingayan ako sa ugong ng bangaw. Tila ba ako binubulungan. Palakas pa nang palakas habang papalapit kami sa sementeryo.
Nang ipapasok na sa nitso si Ekoy ay hindi na ako makapag-concentrate. Kahit ang pagdadasal ng pari ay hindi ko na marinig. Iyong ingay na lang ng bangaw ang malinaw sa aking pandinig.
Umatras ako dahil naiirita na ako. Ang kati-kati na ng tainga ko. Si El na nasa di kalayuan ay sa akin nakatingin. Salubong ang magkabilang makakapal niyang kilay sa akin.
"Kena, saan ka pupunta?" nagtatakang tanong naman ni Bhing sa akin. Nakayuko ito habang nakikidasal nang maramdaman ang paglayo ko.
"S-sandali lang," sabi ko. Tumingin ako sa babae. Kalahati na lang ng mukha nito ang nakikita ko dahil parang may sapot na naman sa gilid ng aking paningin.
"Kena!" tawag pa ni Bhing pero hindi ko na pinansin.
Lakad-takbo ako. Hindi ako napapansin ng mga nakikilibing dahil siksikan doon sa eskinita ng mga nitso. Ang kaso, itong si Bhing ay naririnig ko pa rin.
KENA, ALAM MO BANG PARA KANG TANGA? ILILIBING ANG KAIBIGAN MO TAPOS AALIS KA?
"Sandali nga lang ako!" pasigaw na halos na sabi ko habang tumatakbo.
SUS! AYAW MO LANG KAMO MAKIPAGLIBING! KASI DI BA PATAY NAMAN NA? ANO PANG SILBI NG KAIBIGAN KUNG PATAY NA?
"Tumahimik ka, 'wag kang sumunod sa akin!" Gigil na pinagkukukuskos ko ang aking tainga.
PATAY NA ANG KAIBIGAN MO, KENA! KAYA SIGE, TAMA LANG 'YAN NA UMALIS KA! WALA NAMAN NA TALAGANG SILBI KAPAG PATAY NA! KAYA LAHAT NG MAMAMATAY, WALA NG SILBI!
"Tumahimik ka sabi!" Binilisan ko ang pagtakbo.
Nakakainis na Bhing! Nakakainis! Nakakainis din dahil ang init-init kahit hindi pa tanghali! Nakakainis din kahit si Sister Gelai, nagdadasal pa siya kasama ng pari, pero hindi naman sila pinakikinggan ng pinagdadasalan nila!
Nakakainis silang lahat! Naiinis din ako kay Joachim, kay Julian, sa lahat! Pati sa mga kapitbahay na nakipaglibing, mga nagtsi-tsismisan lang naman at mga wala talagang pakialam!
Si El? Napakurap ako habang nagkukuskos ng tainga. Naiinis din ba ako kay El? Ipinilig ko ang aking ulo. Oo, naiinis din ako. Naiinis din ako sa kanya. Higit sa lahat, inis na inis ako sa kanya—
"Kena." Biglang may humablot sa braso ko.
Napahinto ako sa pagtakbo at paglingon ay si El ang nakita ko. Salubong pa rin ang mga kilay bagaman hindi galit, kundi pag-aalala ang makikita sa malamlam na mga mata. Bakit siya nandito? Bakit sinundan niya ako?!
Biglang nag-ring ang phone ko. Napakurap ako at muling umiling-iling. Nawala iyong ugong ng mga bangaw. Natatabunan iyon ng ring.
Nagmamadaling kinuha ko ang aking phone sa bulsa. Si Tito Randy ang tumatawag. Maiksi lang ang sinabi ng lalaki. Sobrang iksi pero malinaw.
Tumingala ako kay El habang naluluha. "El... 'Sabi mo hindi mo ako iiwan, di ba?"
Nagtataka man ay tumango siya. "Yeah..."
Doon na ako bumunghalit ng palahaw. "El, patay na si Mama. Tumawag ang step-father ko, patay na si Mama. Ulila na ako! Iniwan niya na akong nag-iisa!"
Matapos ang tila pagkabasag ng kung ano sa loob ng dibdib ko, isang magaan na yakap ang aking nadama. "Hush, Kena... I'm still here." Sa aking pandinig ay tila gamot ang masuyong boses na bumubulong. "As long as I'm here, you are not alone..."
Oo, hindi. Hindi ako mag-isa. Dahil bukod kay El, may iba pa akong kasama.
Habang yakap ako ni El ay isang babaeng nakatayo sa tabi ng kaharap kong nitso ang aking natatanaw. Ang babae ay nakasuot ng pangmadre na kulay itim. Ngayon ay maliwanag kaya nakikita ko na nang malinaw ang mukha nito. Ngumiti ito at ngumiti rin ako. Mama...
#JFBOTCP
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top