CAPITULO 21 - Rosary

CAPITULO 21


MAY KUMALABOG SA PINTO.


Palapit doon si Joachim nang abutin ko siya sa braso. "W-wag..."


Nagtataka naman siya. Hindi na naulit ang kalabog. Nakatulog na kami ni Joachim habang may unan sa pagitan namin. Sa aking pagkakapikit ay isang senaryo ang unti-unting nabuo sa balintataw ko.


Panaginip lang ito, alam ko. Gayunpaman, parang totoong-totoo ang pakiramdam. Nakalutang daw ako sa kawalan. Madilim, wala akong makita na kahit ano. Hindi mainit, hindi rin malamig. Parang nanlalaki ang ulo ko.


May naririnig akong mga bulong. Ah, hindi pala basta bulong, kundi mga iyak at pagmamakaawa ng mga pamilyar na boses. Nagmimistulan lang na bulong ang mga iyon dahil sa sobrang hina ng dating sa akin.


Ang isa ay nakilala ko... parang boses ni Bhing? "Kena, miss na miss na kita. Sorry kung ngayon lang ulit ako, ah? Marami kasi akong trabaho sa Manila. Hirap din akong makauwi rito sa atin. Pero hindi naman kita nakakalimutan kahit kailan."


Ha? Anong pinagsasasabi nito?


May isa pang boses. Bagama't parang tumanda ang boses ay pamilyar din sa akin. "You'll get through this, Kena. Hindi nga ba't sinabi ko sa iyo, matatag ka at mabuti kang tao. Subalit Kena, hindi sapat iyon. Kailangan mo ring maniwala sa Kanya."


Sister Gelai?


May iba pang mga boses sa background. Mga boses ng lalaki. Nag-uusap. Seryoso. Hindi ko maintindihan ang topic, gayunman ay alam kong tungkol iyon sa akin. Nagulat ako nang mabosesan ang dalawa. Sina Joachim at Kit?!


Ano iyon? Bakit ganoon? At saka parang nag-matured ang boses nila? Tapos narinig ko rin si Julian. Pinagsasabihan niya ang dalawa na wag magtalo sa harapan ko. Na kung magtatalo lang din ay doon dapat sa labas.


Sinikap kong gumalaw, sinikap kong magsalita, kaya lang ay para akong nakagapos ng gapos na hindi nakikita. Para ding may takip ang aking bibig na takip na hindi rin nakikita.


Ah, panaginip lang ito. Hindi ko ito dapat sineseryoso. Ang kailangan kong gawin ay magising. Tama, gigising na ako!


Nagising ako na hindi makahinga. Napanganga ako para kumuha ng hangin mula sa bibig. Nakarinig ako ng mahinang tawa. Doon ako napadilat. Ang nabungaran ko ay ang nakangising si Joachim! Nakatunghay siya sa akin!


At kaya pala ako hindi makahinga, pisil-pisil niya pala ang ilong ko!


Inis na hinampas ko siya sa braso, saka biglang napabangon sa kama. "Ano ba? Papatayin mo ba ako?!" singhal ko sa kanya habang kandahingal ako.


"Sorry. Ayaw mo kasing magising," sabi niya na natatawa pa rin.


Mukhang limot niya na ang kagabi. Hindi na siya galit o anupaman. Maaliwalas na ang kanyang guwapong mukha at may ningning sa mga mata niya.


Itinulak ko siya at tiningnan ang oras sa phone. "Maaga pa naman, eh!" maktol ko. "Dahil ginising mo ako, ako ang unang maliligo!"


"Hoy!" Napasigaw siya nang manakbo na ako papunta sa pinto.


Hindi ko na siya pinakinggan. Nanakbo na ako palabas ng kuwarto niya. Bahala siyang ma-stressed. 


Sa banyo ay naisip ko ang aking kakaibang panaginip. Ano kaya ang ibig sabihin niyon?


Pagkaligo ay nasa labas ng ng banyo naghihintay ang magkapatid na Joachim at Julian. Si Joachim ay masama ang tingin sa akin. Patay-malisya lang naman ako.


Si Joachim din ang nagbigay sa amin ng baon ni Julian nang papasok na kami. Tag fifty pesos. Binigyan niya rin kami ng barya na five pesos para sa pamasahe sa pedikab. "Umuwi kayo nang maaga, uuwi na mamaya sina Papa."


Tango lang ang sagot namin. Walang salita na nauna na si Julian na lumabas ng bahay. Nang ako na ang papalabas ay may pumigil sa bag ko. Si Joachim.


Hindi mabasa ang emosyon niya nang sabay kaming lumabas ng bahay. Nang nasa gate na kami ay nagulat ako nang abutan niya ako ng bente.


"Pandagdag sa baon mo," sabi niya na hindi sa akin nakatingin.


Bago pa ako makapagsalita ay nakapaglakad na siya paalis. Napalabi na lang ako. Okay ito, may extra money ako.


Magaan ang pakiramdam na pumasok na ako sa school. Masaya ako dahil mamaya ay uuwi na sina Mama. Magaling na talaga si Mama. Epektibo iyong pagdadasal ng hilot dito. Doon ito nagsimulang maging okay. Nagpadasal din daw sa simbahan kahapon ng hapon.



"BAKIT KA ABSENT?!"


Sa room ay parang dudugo ang aking tainga sa tinis ng boses ni Bhing. Talagang hinarang pa ako nito sa pinto pagpasok ko.


"May sakit kasi ang mama ko." Naalala ko na naman ulit iyong aking panaginip. Doon ay matured din pala ang boses ni Bhing. Nakakatuwa lang alalahanin, kaya niya palang maging ganoon kaseryoso.


"Ah, may sakit pala ang mama mo..." Napatango-tango si Bhing. "Akala ko naman kasama mo na si El."


"Ha?"


"Absent din kasi siya ng mga araw na absent ka. Akala ko, nagtanan na kayo."


"Baliw!" Pero namula ako sa sinabi niya. Ang totoo kasi, magkasama naman talaga kami ni El ng mga araw na absent kami. Pero hindi kami nagtanan!


Dahil miss na miss daw ako ni Bhing ay doon niya ako pinaupo sa tabi niya. Sakto raw kasi majorette iyong katabi niya, naka-excuse daw ngayong araw. Tutugtog ang banda nito sa patay.


Alumpihit naman ako sa pag-upo sa tabi ni Bhing. Panay ang sulyap ko sa likuran, kung saan naroon ang magkatabing upuan namin ni El. Speaking of El, kumusta na kaya siya? Late ba siya? Maaga naman siya palaging pumapasok, ah? Pero bakit wala pa siya?


"Okay na ba ang mama mo?" tanong ni Bhing na nagpalingon sa akin.


"Oo, okay na. Lalabas na siya ng ospital mamaya."


Palingon-lingon ako sa pinto, sa bintana, walang kakaiba. Pero hindi naman ang mga iyon ang inaabangan ko, kundi ang pagdating ni El. Bakit ang tagal niya?


Nagsisimula nang mapuno ng estudyante ang classroom namin. Parating na rin ang first subject teacher namin. Malumbay na ako sa isiping absent si El, nang bigla ay isang matangkad na lalaki na may puting-puti at malinis na polo at plantsadong slacks pants ang pumasok sa pinto. Dumating na siya!


Napaangat ang aking pwet sa kinauupuan nang makita siya. Hindi siya absent! Pumasok siya!


Pinakatitigan ko siya. Normal lang ang kompleksyon niya, hindi maputla, at hindi rin siya mukhang may nararamdaman. Kung ganoon ay magaling na nga siguro siya.


Naglakad na siya patungo sa likuran. Ni hindi siya sumulyap sa gawi ko, kahit pa ramdam naman niya siguro na titig na titig ako. Naupo na siya sa upuan niya at saka tumalungko na naman sa armchair. Ang aga-aga, tamad na tamad na agad siya. Wala namang bago, ganoon talaga siya simula pa umpisa.


Hindi ako mapakali. Kating-kati na ako na bumalik sa tunay kong upuan. Gusto kong maupo sa tabi ni El, ang kaso ay ayaw talaga akong pakawalan ni Bhing.


Kung hindi pa naihi si Bhing noong recess ay hindi pa ako makakatakas. Nagdahilan ako na tatawag sa akin ang step-father ko kaya hindi na ako pinilit ni Bhing na isama sa CR. Pag-alis ng babae ay tumayo agad ako at pumunta sa likuran.


Nakayuko pa rin si El sa armchair nang maupo ako sa tabi niya. Tumikhim ako para kunin ang atensyon niya, pero wala siyang reaksyon. Alam ko naman na hindi siya natutulog.


"El, okay ka na ba? Nakauwi ka ba nang maayos kagabi sa inyo? Pasensiya ka na kay... sa k-kuya ko."


Nag-angat siya ng mukha pero hindi para pansinin o kausapin ako, kundi para lang kunin ang kanyang bag at ipatong iyon sa armchair para gawing unan. Pagkatapos ay parang walang nakikita at narininig na yumuko na siya roon ulit.


Napabuga na lang ako ng hangin. Okay, back to zero na namansiguro kami.



BUONG ARAW.


Buong araw na wala akong nakita na alin man sa mga ito. Wala rin akong naramdaman na kahit ano. Hindi sa ayaw ko, kundi naninibago lang ako.


Bakit kaya? Ano ang dahilan?


Uwian na nang ibalik ko ang libro sa aking bag. Napatigil ako sa pagsasara ng zipper nang may sumabit doon na kung ano mula sa loob. Nang i-check ko ay ang aking nakita ay iyong rosary ni Sister Gelai.


Dinampot ko ang rosary at pinakatitigan. Pagod ako sa maghapong klase, pero parang biglang nawala ang aking pagod habang nakatitig sa rosary.


Bumalik sa akin ang pagsasabit ko ng aking bag sa doorknob ng pinto kagabi. Iyong mga oras na may kumakalabog sa labas. Biglang nawala ang kalabog at sa buong magdamag ay mahimbing kami ni Joachim na nakatulog.


Habang nakatitig sa rosary na nakuha ko sa aking bag ay para ako roong nababato-balani. Kulay puti iyon, maliliit ang beads, napakasimple. Hapon na, malilim ang lugar na kinaroroonan ng classroom namin, dagdag pa na mahihina rito ang ilaw, pero iyong rosary ay parang kumikinang.


Matagal na akong nawalan ng paniniwala. Siguro ay bata pa lang, wala na talaga. Nauna pa yata ako kay Mama. Pero sa mga oras na ito, may kung anong init ang parang biglang nabuhay sa puso ko.


Imbes ibalik sa bag ay ibinulsa ko sa suot na palda ang rosary. Excited ako na makauwi dahil ngayong hapon na rin uuwi si Mama. Magaling na siya.


Hindi ako nagdasal. Sa halip ay kumilos ako para tulungan si Mama, pero wala ang tulong ko na gumaling siya. Isang milagro ang nangyari.


Masayang-masaya ako. Ngayon ko naramdaman ang kahalagahan ni Mama sa aking buhay. Hindi ko ito kayang mawala. At ang milagrong pagaling niya ay sobrang ipinagpapasalamat ko.


Habang naglalakad sa hallway ay magaan ang pakiramdam ko. Kahit saan ako lumingon, wala na talaga akong nakikita. Parang lahat ng mga iyon ay biglang nawala. Nakakapanibago talaga pero mas gusto ko ang ganito.


Ang sabi nila, basta raw maniwala lang ay walang imposible. Kung maniniwala rin ba ako na kaya kong mamuhay nang normal ay posible rin bang mangyari? Wala sa loob na ipinasok ko ang aking kamay sa loob ng bulsa ng palda ko. Isang ngiti ang gumuhit sa aking mga labi nang makapa ko ang rosary.


Siguro dahil sa excitement na makita ulit si Mama ay magaan ang aking pakiramdam. Nang matanaw ko si El na nakatayo sa ilalim ng malaking puno na katapat ng quadrangle ay nilapitan ko siya.


"El!" Hindi ko gaanong inintindi kahit pa maghapon niya akong hindi pinansin. Masyado akong good mood ngayon para magtampo o mabuwiset na naman sa pabago-bagong ugali niya.


Para na naman siyang walang naririnig. Nakatingin lang ang blangkong mga mata niya sa malawak na damuhan sa quadrangle.


Natutop ko ang bibig nang may maalala. "El, iyong brief mo pala, naiwan natin sa Bataan!"


Wala pa rin siyang imik. Ang aliwalas lang ng mukha niya habang hinahayaan ang malamig na hanging panghapon na dumapo sa kanyang balat.


Tinabihan ko siya at naki-senti na rin sa kanya. Mayamaya ay nagtanong ako. "El, nang ihatid mo pala ako sa amin kagabi, may nakita ka ba o naramdaman?"


Tyambahan lang siyang sumagot, kaya nang magsalita siya ay napatingala ako sa kanya. Hindi siya sa akin nakatingin. "Kung sa bahay niyo ang tinutukoy mo, wala."


"Wala?" Kung ganoon ba ay wala na ang mga iyon? Ibig sabihin ba ay malaya na talaga ako sa mga—


"Walang natira," dugtong niya.


"Natira?" ulit ko. Hindi ko maintindihan.



"Nang umalis ka, umalis din sila. Dahil isinama mo lahat sila, Kena."


Bumuka ang bibig ko pero wala akong nasabing salita. Ang aking katiting na paniniwala ay biglang naglaho na parang hinanging abo.


Mula sa malinis at walang katao-tao na malawak na damuhan sa quadrangle, may iba't ibang hugis na bigla akong natanaw. Mga naka-uniform na katulad namin, meron ding naka-uniform ng ibang eskwelahan— Uniform sa nadaanan naming high school sa Bataan!


Bakit napunta ang mga iyon dito?! Nanlamig ang buong katawan ko habang nakatingin sa mga iyon. Kakulay ng papel ang kompleksyon, ang mga mata ay blangko, at ang mga mukha ay wala kahit katiting na emosyon.


Tama nga ako, hindi ang bahay o anumang bagay ang dahilan... Kundi ako mismo!


Pero bakit ako? Iyon na naman ang tanong na sumusubok sa paniniwala ko. Bakit ako? Bakit sa dinami-rami ay ako?!


Nangangatal ang mga labi na hinarap ko si El. "Bakit mo ito alam? At bakit ako? Bakit ako sa dinami-dami ng mga tao sa mundo?!"


Hindi na niya sinagot. Akma na siyang aalis nang hablutin ko siya sa braso. Wala siyang reaksyon nang lingunin ako.


Pero ano nga ba ngayon kung nakakakita pa rin ako? Kung sinusundan ako? Kung anong klaseng nilalang pa ang mga iyon. Wala akong pakialam!


Kung saan man gusto ng mga iyon magpunta ay wala akong pakialam. Ang importante lang naman sa akin ay okay na ang mama ko. Basta okay si Mama, okay na ako!


Kahit pa hindi nagtagumpay ang sadya ko sa Bataan, basta okay ang mama ko. At kahit hindi na mawala pa ang third eye ko, basta ang importante ay si Mama! Si Mama lang ang importante!


Isang malamig na ngiti ang pumaskil sa mga labi ni El. "Kena, maraming nakaabang sa na mawasak ka."


Hindi ko gaanong narinig ang sinabi niya dahil parang may malamig na tumakip sa aking magkabilang tainga. Nang magbalik ako ng paningin sa quadrangle ay lahat ng naroon ay sa akin nakatingin.


At may dumagdag sa kanila. Sa pinakamalayo. Kahit malabo, natatanaw ko ito. Isang babaeng nakaitim!


Ring ng phone ko mula sa bag ang nagpapitlag sa akin. Kinuha ko ang phone sa aking bag. Si Tito Randy ang caller. Nanginginig ang kamay ko nang pindutin ang accept call.


[ Kena, hindi pa pala kami makakauwi ng mama mo. Na-comatose siya. ]


At sa isang iglap, gumuho ang lahat. Ramdam ko ang sarili kong pagkawasak.


#JFBOTCP

jfstories

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top