CAPITULO 20 - Something/Someone

CAPITULO 20


"BAKIT AKO NANDITO?!"


Hawak ni El ang ulo nang nagpalinga-linga sa paligid. Nasa mga mata niya na para siyang gulong-gulo. Para ding hindi niya niya alam kung bakit siya nakasadlak sa kalsada. Sinubukan niyang tumayo pero muli lang din siyang bumagsak. Aakalain mong walang lakas ang kanyang mga binti, maging ang kanyang mga braso.


May gusto siya ulit sabihin pero napangiwi dahil nga sa putok ang gilid ng kanyang mga labi. Napahawak siya sa kanyang panga kung saan siya sinuntok ni Joachim. Muli ang pagbadha ng pagtataka sa kanyang mukha.


"El—" Akma ko siyang lalapitan nang hawakan ni Joachim ang backpack ko.


"Kena." Mababa bagaman mariin ang tono ni Joachim.


Galit na nilingon ko si Joachim. "Bakit mo ginawa iyon?! Galing siya sa sakit! Tingnan mo tuloy ang nangyari sa kanya!" May sakit pa si El, malamang na sumakit ang ulo ng lalaki dahil sa suntok, hindi ko tuloy napigilan ang pagtaas ng boses.


Umawang naman ang mga labi ni Joachim. Tila siya nagulat dahil ngayon ang unang beses na sinigawan ko siya, ngayon din ang unang beses na nakita niya ako na galit.


"El, sorry. Okay ka lang ba?" Hindi ko na inintindi ang pagkagulat ni Joachim, binalikan ko ng tingin si El. Lalapitan ko na siya nang para siyang may narinig na matinis na tunog dahil bigla siyang napahawak sa kanyang magkabilang tainga.


Pumikit siya nang mariin. Napahinto ako sa paglapit sa kanya. Natatakot ako na baka nakasama sa kanya ang ginawa ni Joachim. Baka nabinat siya!


Nang dumilat si El, at tumingin sa akin ay burado na ang kaninang kaguluhan sa kanyang mga mata. Ang makikita roon ay pagod at antok. Gayunpaman, nakakunot ang kanyang noo at salubong ang mga kilay niya. Pawisan din ang gilid ng kanyang pisngi pababa sa leeg niya, kahit pa napakalamig ng panggabing hangin.


Pagewang na tumayo si El. Nang tumayo siya nang tuwid ay tumingin siya nang deretso sa akin. Duguan pa rin ang gilid ng labi nang maliit na ngumiti. "I-I'm leaving..."


"Ha? Uuwi ka na? P-pero okay ka lang ba?" Tutol pa ako dahil baka bigla na lang siyang bumagsak sa daan.


Pero tumango si El, at tumalikod na. Tuwid naman na siyang maglakad. Nakahabol na lang ako ng tingin sa kanya nang magsimula na lumayo.


Iba ang dinaanan ni El, doon siya sa kabilang daan palabas ng street at hindi doon sa aming pinasukan. Okay lang naman dahil may mas malapit doon na paradahan ng tricycle. Mas mahal nga lang doon ang pila, pero kaya naman niyang magbayad dahil may natitira pa siyang pera. 


Nang hindi ko na natatanaw si El ay aking binalikan ng pansin si Joachim. Nasa likod ko pa rin ang lalaki. Nagtaka ako dahil sa iba pala siya nakatingin. Hindi sa daan na tinahak ni El at hindi rin sa akin. Saan at ano ba ang tinitingnan niya, at bakit wala siyang kakurap-kurap?


Sumunod ako ng tingin sa tinitingnan niya. Doon nakatuon ang kanyang paningin sa daan na pinanggalingan namin ni El kanina. Doon sa kanto kung saan madilim ang paliko.


"Joachim," tawag ko sa kanya. Parang hindi niya ako narinig. Naroon pa rin ang buong pansin niya sa kanto. Maliban sa patay-sinding ilaw sa poste sa kanto, sarado na ang mga bahay sa malapit at wala roong katao-tao.


Ano ba ang meron doon? Sinipat ko nang mabuti. Madilim talaga sa parteng paliko. Napakurap ako dahil may gumalaw roon na kung ano.


"Kena." Napapiksi ako sa gulat nang magsalita na si Joachim. Naalis ang paningin ko sa kanto. "Tara na sa loob, gabing-gabi na."


Binuksan na niya ulit ang gate, pero tila siya balisa. Muli pa niyang nilingon iyong tinitingnan niya kanina, pagkuwa'y nauna siya sa akin na pumasok. Tahimik naman ako na sumunod. Wala kaming imikan hanggang sa pagpasok sa sala.


Nakatalikod sa akin si Joachim. Wala siyang binibitiwang salita, wala maski tanong kung bakit ngayon lang ako at saan ako galing. Naalala ko ang pagtaas ng aking boses kanina.


Tumikhim ako. "Kaklase ko iyong kanina..." Hindi ko alam kung paraan saan ang aking sinasabi, pero nagpatuloy ako, "May sadya rin siya doon sa pinuntahan ko kaya kami magkasamang dalawa."


Wala pa ring imik si Joachim. May iniisip siya.


"K-kumusta rito habang wala ako?" Ang gusto ko talagang itanong ay kumusta siya noong mga gabing hindi niya ako katabi. Hindi ko lang madirekta dahil baka magtaka siya.


"Uuwi na raw ang mama mo bukas, okay na siya," iyon ang sagot niya.


"Ah..."


Nang tumingin siya sa akin ay salubong ang kanyang mga kilay. Hindi siya mukhang galit, mas mukha siyang naguguluhan. Ang emosyon na nasa mga mata niya ay may pagtataka. Bumukas ang mga labi niya n agad din niyang isinara.


Tumalikod na ulit si Joachim. Naglakad na siya papunta sa kuwarto niya habang nakahabol ako ng tingin sa kanya. Ano ba ang gusto niyang sabihin? Bakit hindi niya masabi sa akin?


Kasunod niya ako sa likod. Ilang hakbang sa kanyang kuwarto nang tawagin ko siya, "Joachim!"


Sandali siyang huminto. "Gabi na, Kena," patag ang boses na sabi niya. "Matulog ka na at magpahinga, may pasok bukas." Pagkatapos ay naglakad na siya ulit at pumasok na sa kanyang kuwarto.


Napatitig naman ako sa nakasaradong pinto. Galit ba siya? Hindi niya ako tinanong ng kahit ano, hindi rin niyaya na matulog kami nang magkasama.


Bakit nga rin ba big deal sa akin? Concerned lang naman ako sa kalusugan niya, pero hindi ko na dapat iniintindi iyong mararamdaman niya. Hindi naman talaga kami close na dalawa.


Pumunta na rin ako sa aking kuwarto. Binuksan ko ang doorknob gamit ang aking susi. Pagpasok sa loob ay tinungo ko ang closet para kumuha ng pamalit na damit. Naglapat na lang nang mariin ang aking mga labi nang makitang magulo ang damitan ko.


Sumunod kong tinapunan ng tingin ang hamper sa gilid, magulo rin. Nakalabas ang ilan kong maruruming damit. Masyado na akong pagod para bilangin pa kung meron na naman bang nawala.


Iniligo ko na lang ang pagkibot ng aking sentido. Nagpa-presko ako sa malamig na tubig. Nakaligo ako nang matiwasay kahit gabi. Kahit walang katao-tao sa labas. At kahit wala rin ngayon si Mama para magbantay sa akin mula sa labas.


Walang mabigat sa pakiramdam na kahit ano. Paglabas ko ng banyo ay aking iginala ang paningin sa paligid, hanggang doon sa madilim na sala. Doon sa pinto na nakasara. Napansin ko ang nakasabit na lumang palaspas sa likod. Saan iyong nagmula?


Ang palaspas ay gawa sa tangkay at dahon ng saging. Hinahabi iyon na may disensyo para sa panata. Luma at nangunguluntoy na. Mukhang mula pa sa nakaraang Kuwaresma. Panata ng mga Katoliko. Pero bakit meron kami rito?


Mukhang walang alam ang mga tao rito kung ano ang gagawin sa palaspas. Nandito sa loob na dapat ay doon nakasabit sa labas.


Mula sa pinto ay napabaling ako sa may bintana. Nakahawi pala roon ang kurtina. Siguro ay nilipad ng hangin. Nakalimutan yata ni Joachim na isara ang jalousie. Nilapitan ko iyon para ako na ang magsara.


Pagkasara sa jalousie ay sinunod kong hilahin pasara ang kurtina nang mapatingin ako sa labas. Parang may tao. Sinipat-sipat ko dahil madilim at hindi gaanong maaninagan. Sarado na ang jalousie, kaya bakit may hangin akong naramdaman? Bigla akong pinanlamigan.


Nagbawi rin agad ako sa labas ng tingin. Agad ko nang isinara ang kurtina. Kung tunay na may tao man, kakatok iyon kung may kailangan.


Umalis na ako sa sala. Aandap-andap ang kalooban ko na magbalik sa aking sariling kuwarto. Ang paningin ko ay nasa pinto na nasa dulo, sa kuwarto ni Joachim. Tulog na kaya siya? Hindi ako mapakali. Ako yata ang hindi kayang matulog ngayong gabi na walang katabi. Natagpuan ko na lang ang sarili na humahakbang patungo roon.


Naka-lock ang pinto kaya kinailangan ko pang kumatok. Sumubok lang naman ako, kaya nagulat ako nang matapos ang dalawang mahihinang katok ay bumukas ang pinto. Patay ang ilaw sa loob maliban sa dim na lampshade. Napatingala ako sa matangkad na lalaki na nagbukas. Kalmado ang ekspresyon niya habang nakayuko sa akin.


Tulala lang ako sa kanya habang nakabuka ang aking bibig. Para akong nahihipan ng hangin.


"Pumasok ka kung papasok ka," sabi niya na nagpabalik ng ulirat ko.


"S-sorry." Oo nga naman, baka may biglang magising at makakita sa amin. Iyong balak ko na imbes magpaalam at umalis ay kabaliktaran sa aking ginawa. Itinulak ko siya paara makapasok ako sa loob ng kuwarto niya.


Narinig ko na lang ang pagsara at pag-lock ni Joachim sa pinto.


"O-okay na ba talaga si Mama?" tanong ko para lang magkaroon ng paksa.


"Oo. Uuwi na sila bukas."


"Hinanap niya ba ako?"


"Oo," sagot niya na maiksi. Naupo na siya sa gilid ng kama habang nakatingin sa akin.


Wala naman na akong masabi. Nakakailang ang mga titig niya. Pinagpag niya ang kanyang tabi. Pinaparating sa akin na maupo ako roon kaysa mangalay ako sa pagkakatayo at mangalay rin siya sa pagtingala sa akin.


Urong-sulong ako kung lalapit ba. Nang medyo malapit na ay inabot niya ang pulso ko at hinila ako. Napaupo na ako sa tabi niya.


Narinig ko siyang nagpakawala ng paghinga mayamaya. "Hindi muna kita uusisain kung saang lupalop ka at sino iyong lalaking iyon. Pagod ka, magpahinga ka muna. Kailangan mo na ring pumasok bukas dahil nakailang absent ka na."


Nang mahiga na siya sa kama ay naglagay siya ng unan sa pagitan. Sa akto niyang iyon ay isa lang ang ibig sabihin, dito niya ako sa kanyang kama rin pinapatulog. Mga ilang segundo bago ako kumilos.


Nang mahiga na ako sa tabi niya ay sinubukan ko nang pumikit. Pinipilit ko na makatulog na agad, nang tumikhim si Joachim.


"Kena, siya nga pala..."


Hinintay ko ang tanong niya, kaya lang ay ang tagal bago siya nagsalita kaya napadilat na ako. "Ano iyon?"


Napabuga siya ulit ng hangin bago nagsalita, "May kasama ka pa bang iba... bukod sa lalaki na kasama mo kanina?"


Napatagilid ako pabaling sa kanya. "Ha?"


Si Joachim ay nakatihaya sa kama at ang mga mata ay nakatuon sa kisame. "Kasi..."


"Kasi ano?"


"Kanina... sa kanto..."


Kanto? Doon ba sa daan na pinanggalingan namin ni El kanina? Doon sa parte kung saan siya nakatingin?


"Sa kanto..." Huminto siya sandali. "Kanina sa kanto, may natanaw akong nakatayong babae."


Para kong nalulon ang aking dila, pinilit ko lang na magtanong. "A-anong itsura ng nakita mong babae?"


Kumunot ang noo ni Joachim. "Nakaitim. Damit na pangmadre."


Ang lamig sa aking talampakan ay unti-unting kumalat sa aking buong katawan.


"Nakatingin sa inyo." Napailing siya. "Mali. Sa 'yo lang pala nakatingin. Kilala mo ba iyon, Kena? Dahil kahit hanggang nang pumasok na tayo, nakahabol pa rin siya ng tingin sa 'yo—"


Hindi na natapos ang sinasabi ni Joachim nang biglang may kumalabog sa labas ng pinto!


jfstories

#JFBOTCP

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top