CAPITULO 10 - You
CAPITULO 10
AAGAWIN KITA.
Kung kanina pagpasok ay sabog lang ako, ngayon ay sabog na sabog na. Totoo nga yata ang sinabi noon sa akin ni El. Lapitin ako. Lapitin ng gulo!
Hindi lang supernatural entities ang sumusunod sa akin, kundi pati taong may sira sa ulo!
Aagawin ni Kristian Vergara kay El? As if may gusto nga sa akin si El? E, hayan nga at iniiwasan ako!
Mabuti at absent ang katabi ni Bhing sa upuan, doon ako sa tabi niya umupo. Na-stress ako kay Kit kaya wala akong balak magpa-stress pa lalo sa pag-iwas ni El. Kung gusto niya akong iwasan, puwes magpakasawa siya. Iiwasan ko rin siya. Hindi ko naman siya kahit kaibigan. Hindi siya kawalan.
Tama. Sino ba si El para isipin ko? Baka nga siya talaga ang dahilan kaya nabuksan ang third eye ko. Baka siya ang may kasalanan kaya nararanasan ko ang lahat ng ito!
Habang nagkaklase ay siniko ako ni Bhing. "Kena, ikaw yata iyong tinitingnan ng lalaki sa labas."
"Ha? Sinong lalaki?" Sumunod ako sa tinitingnan ni Bhing. Ganoon na lang ang pagbagsak ng panga ko nang makita kung sino ang tinutukoy niya.
Nasa labas ng room namin si Kristian Vergara!
Anong ginagawa ng siraulong iyon dito? Nasa may tapat mismo siya ng bintana. Naglalakad lang siya kanina tapos ngayon ay huminto na. Nakangapalumbaba siya habang pilyong nakangiti sa akin!
Pati mga kaklase namin ay napatingin na rin kay Kit. May ilang nakakakilala sa kanya, kasi nga guwapo. Sikat siya sa mga babae. Takot naman sa kanya ang ilang mga lalaki dahil kilala siya at ang tropa niya na mga out of school youth na mga bully.
Nahinto sa pagtuturo ang subject teacher namin. Napansin din nito si Kit. Kilala siya nito. "What are you doing there, Vergara?"
Saka umalis si Kit sa bintana, at nagtungo sa may pinto. "Hi, Ma'am!"
"So why are you here?" tanong ni Mrs. Sanchez sa kanya. "Sa baba ang room mo. Wala ka bang klase? Baka nagka-cutting ka na naman!"
"Meron po, Ma'am. Pero hindi ako nag-cutting. Nagpaalam po ako sa teacher namin. Saka hindi na ako magka-cutting, magtitino na ako kasi meron na kong inspirasyon ngayon."
Napairit sa kilig ang mga babae sa room namin, maliban sa akin na pawisan na dahil ang lalaki ay nakatingin sa akin. Kabadong-kabado na ako sa susunod niyang sasabihin.
"Nandito sa room niyo ang inspirasyon ko, Ma'am. May quiz kasi kami kaya sinilip ko lang siya saglit para ganahan ako."
Muli ay napairit ang mga kaklase kong babae, pati si Bhing! Kilig na kilig ang mga ito. Ang mga lalaki naman ay nagtatawanan ang iba at merong simpleng nanunukso.
"Alis na ako, Ma'am. Pakiingatan po ang baby ko riyan."
Napailing na lang si Mrs. Sanchez pagkaalis ni Kit. Sumigaw na ito ng 'Quiet!' dahil ang iingay pa rin ng mga kaklase ko. Hindi pa nakaka-move on sa kilig. Kahit nga si Bhing ay parang inasinan sa aking tabi.
"Sino kaya iyong inspirasyon na baby ni Kit?" tanong ni Bhing sa akin. "Si Kit pala iyon, ano? Si Kristian Vergara! Di ko agad nakilala kanina kasi mas lalo siyang tumangkad at gumuwapo! Crush ko na iyon mula elementary, eh!"
May kung ano sa likod ko ang parang humihila sa akin na lumingon, at nang ginawa ko iyon, nasalo ko ang malalamig na tingin ng lalaki na nasa dulo. Si El.
Mag-isa lang siya sa likod ng room dahil ang nag-iisang upuan sa tabi niya ay bakante. Doon ang upuan ko pero hindi ako roon umupo. Ngayon ay nakahalukipkip siya habang nakatingin sa akin. Iyong tingin na para bang may kasalanan ako sa kanya kahit wala naman.
Ano ba talaga ang problema niya? Di ba umiiwas siya? E bakit siya ganoon makatingin ngayon?!
LUNCHBREAK. Hindi ako sumama kay Bhing sa paglabas. Ayoko na matukso na bumili ng kahit ano. Pinagkakasya ko kasi ang natitira kong twenty pesos dahil hindi pa ulit ako binibigyan ni Mama ng allowance. Kapag ganoon, ibig sabihin ay wala pa itong pera.
Naubos ko ang sandwich na gutom pa rin ako. Hindi rin kasi ako nag-almusal sa pagmamadali na umalis ng bahay kanina. Ang tagal pa ni Bhing bumalik. Naasa kasi ako na baka may dala siya na tirang pagkain.
Kakaunti lang ang tao sa room nang mula sa pinto ay may pumasok. Isang lalaki na may naglalarong ngisi sa mapupula nitong mga labi. "Bakit hindi yata nag-lunch ang baby ko?"
Sa sinabi niya ay hindi lang yata ako ang napanganga. Pati na rin ang mga natitirang kaklase ko sa room.
Lumapit sa akin si Kit. May inilapag siyang burger at Coke in can sa mesa ko. "Kain ka na, baby ko."
Napabulalas ako, "Siraulo..."
Imbes ma-offend, napangisi pa si Kit. Nag-squat siya sa harapan ko habang nakatingala siya sa akin. "Kena, bakit ba ngayon ko lang napansin na ang cute-cute mo pala?"
Nag-iiritan ang mga natitirang kaklase ko sa room at iyong mga nasa labas ay napapasilip na rito sa loob. Mga nakikiusyoso, nakakatukso.
"Ano bang ginagawa mo?" gigil na mahinang sita ko kay Kit. "Ginagawa mo ba ito dahil akala mo GF ako ni El? Sinabi ko lang iyon para tumigil ka, pero hindi iyon totoo!"
Nakangisi pa rin siya. "E di mas maganda. Solo pala kita."
"Baliw ka ba talaga?!"
"Bakit? Hindi mo ba ako type? Kung sa mukha at katawan lang, hindi ka naman lugi sa akin. Hindi rin ako bobo, tamad lang. Pero kung uutusan mo akong mag-aral nang mabuti, susundin kita. Kung ayaw mo na rin akong bumarkada at manigarilyo..." Napahimas siya sa baba niya. "Hmn, try ko."
Lalong nalukot ang ilong ko sa pagkakasimangot. "Umalis ka na bago kita matadyakan sa mukha."
Tumaas ang isang kilay niya. "So di mo talaga ako type?"
"Hindi!"
Tumayo siya at namulsa. "Okidoks, aalis muna ako." Yumuko siya at bumulong sa akin. "Baby, babalik ako. pag di ka na galit."
Lalong nag-iritan ang mga nakakakita sa amin. Sumisipol habang nakapamulsa sa school pants na lumabas naman na si Kit ng room namin. Bago siya lumabas ng pinto ay lumingon pa siya. Doon sa likod nakatuon ang mga mata niya. At parang alam ko na kung sino ang tinitingnan niya.
"Aalis muna ako, guys..." sabi niya. Ang kinakausap ay hindi ako, kundi ang mga kaklase ko pati ang iba pang mga taong nakakarinig. "Iiwan ko muna ang baby ko, pakialagaan naman habang wala ako. Saka pakibantayan, baka may ibang boys na lumapit. Seloso kasi ako."
Napatakip na lang ako ng tainga ng magtilian na naman ang nasa paligid. Pagpasok ni Bhing sa pinto ay takang-taka ito kung ano ang nangyari.
"Hoy, Kena, bakit ka nila tinutukso?!" tanong ni Bhing sa akin.
Nakuha niya ang sagot mula sa mga kaklase ko. Gilalas siya nang una, pero kalaunan ay kasama na siyang ng umiirit at nakikitukso sa amin. Pinaghahampas niya pa ako sa braso.
"Hala oy, Kena! Bakit ang lihim mo?!" Ang lakas-lakas ng boses niya sa kilig. "Ano, Kena? Sasagutin mo na ba siya?! Kena, kuwento ka saan kayo nagkakilala?!!!"
Dahil sa mukhang hindi matatapos ang pangungulit ni Bhing ay wala tuloy akong choice kundi bumalik na lang muna sa tunay na upuan ko. Pagdating ng teacher namin sa sunod na subject ay tumayo na rin ako.
Papunta ako sa likod ng room, pabalik sa upuan ko, kaya hindi puwedeng hindi ako tumingin kay El. Hindi siya nakatingin sa akin. Ang mga mata niya ay nakatuon sa labas ng bintana. Nakita at narinig niya kaya ang mga nangyari kanina noong dumating si Kit?
Saka magkaaway ba sila ni Kit? Bakit parang may galit sa kanya si Kit?
Bakit parang hindi niya rin ito gusto? Ano ba ang meron sa kanila? Kahit pa magkaiba ang dahilan ng sabay nilang paghinto sa pag-aaral noong nakaraang taon, hindi ko pa rin maiwasang isipin na may kung ano sa kanilang dalawa.
Sa aking pag-upo sa upuan ay sa harapan ng blackboard ko itinutok ang aking atensyon. Ayaw ko na abalahin si El. Ayaw ko rin na ma-stress pa siya kung paano iiwas sa akin.
Tahimik lang naman si El. Parang wala lang siyang katabi. Kalahati ng klase ng may ipasulat sa akin ang teacher namin. Tatlong Manila paper. Nananakit na ang kamay ko sa pagsusulat nang mapansing hindi nagsusulat ang aking katabi.
Nakatingin pa rin si El sa labas. Pagsunod ko sa tinitingnan niya, naroon ulit iyong bata. Nanayo ang balahibo ko nang makita ulit ito. Ang bata ay kay El din nakatingin. Walang kahit anong emosyon sa mga mata nito.
"That Joshua Martinez from the other section, the one you were talking about last time." Narinig ko ang patag at mahinahon na boses ni El. "'Wanna know what happened to him?"
May gumapang na kilabot sa aking balat. 'Wag naman sana.
"He's safe."
"Ano?" Ligtas ito? Paano?
"Narinig ko sa faculty, mag-i-stop daw muna sa pag-aaral. His family is moving to the province."
Bakit agad-agad naman? Saka hindi ba nagkasakit si Joshua? Nabunggo ito ng bata katulad ni Laarni. Parang nabasa ni El ang nasa isip ko. Lumingon siya sa akin.
"He got sick. I overheard the conversation of the teachers in the faculty when I passed by this morning. Sore eyes ang naging sakit ni Joshua Martinez na lumala sa magdamag lang. His family didn't bring him to the hospital, though. Not that they don't believe in science, but I think his family had an idea what was really happening to him."
Kaya imbes ipaospital ay dinala ito sa probinsiya? Para doon ipagamot sa mga albularyo? Pero magiging ligtas na nga ba talaga ito?
"Ano ba talaga ang nangyayari, El?" Sinulyapan ko ang bata sa labas. Nandoon pa rin ito. Nakatingin na sa aming dalawa. "Bakit nagkakaganoon sila pag nabubunggo siya? Bakit din nakikita mo rin sila? May third eye ka rin ba?!"
"I have none."
Ang huling tanong ko lang ang sinagot niya.
Nang muli siyang tumingin sa akin ay seryoso na ang mga mata niya. "But Kena... I can see them too."
"Kung wala ka namang third eye, bakit nakikita mo rin sila? Paano?!"
"Dahil sa 'yo."
"Ha?" Anong dahil sa akin? Anong kasalanan ko?!
"It has begun since we became seatmates. Mula nang araw na dumikit ka sa akin, nakikita ko na rin ang mga nakikita mo."
Windang ako. Kung gaanon ako nakikita niya lang pala ang mga ito dahil kasalanan ko? Kung ganoon kaya siya umiiwas sa akin ay...
"Kena, dahil sa 'yo kaya nakikita ko na rin ang mga dapat na hindi ko nakikita." Ang mga kalmadong mga mata ni El ay nabahiran ng pait. "I hate it. I don't want to see them. And that's the reason why I am avoiding you."
#JFBOTCP10
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top