CAPITULO 1 - Pervert
CAPITULO 1
"PAPASOK KA NA SA SCHOOL?"
Nilingon ko si Mama, Karen Buenaventura, 45, byuda. Nakatayo siya sa pintuan ng kuwarto nila ng bago niyang kinakasama na si Tito Randy. Ang itsura niya ay bagong gising, gusot ang buhok at namimikit pa ang mga mata.
Isang buwan na mula nang magpasukan pero ngayon lang naisip ni Mama na tanungin ako. Hindi ko siya sinagot, tinalikuran ko na siya at lumabas na ako ng bahay.
Hindi na ako sumakay ng tricycle dahil walking distance lang naman ang papunta sa school na pinapasukan ko, ang Sto. Cristo Senior High School. Isang semi-private senior high school sa lugar namin.
Nang malapit na sa gate ng school ay parami na nang parami ang kasabay kong mga naglalakad na estudyante. Ang tagal ko na sa school na ito at maging sa lugar na ito, pero iilan pa rin ang kakilala ko.
May iilan din naman akong namumukhaan; mga estudyante na madalas kong makasabay sa labas bagamat kahit kailan ay hindi ko pa nakita sa loob ng eskwelahan. Kakatwa na sa tuwing naiisip ko ang tungkol doon ay bigla na lamang magtatayuan ang aking mga balahibo sa katawan.
Bago ako makarating sa gate ay isang kotse ang huminto sa gilid ng daan. Bumaba mula roon ang isang matangkad na lalaki, naka-uniforme siya ng katulad sa uniform ng mga boys dito sa Sto. Cristo. Ang una kong napansin ay ang makinis at pangahan niyang mukha, maging ang kanyang matangos na ilong. Guwapo.
Ang lalaki ay pinagtitinginan ng mga kasabayan naming estudyante rin. Kilala siya. Kilala ko rin. Pumasok na pala siya nang mga araw na wala ako. Siya si Gabriel Juan T. Salgado.
Si Gabriel Juan o kilala sa tawag na 'El' ay crush ko mula noong Grade 9. Guwapo, palangiti, matalino. Gayunman, ang kumuha sa atensyon ko ay hindi ang kanyang panlabas na anyo, kundi ang nakakahawa niyang mga ngiti. Punong-puno siya ng buhay until...
...Naaksidente si El. Nahulog siya mula sa third floor ng Grade 12 Building. Na-comatose siya ng kalahating taon dahilan para mahinto sa pag-aaral. Ang akala ng lahat ay hindi na siya mabubuhay, pero inilaban siya ng mga magulang. Himala na nagising siya na para bang nagdahilan lang. Mabilis siyang naka-recover matapos ang therapy nitong nakaraang bakasyon.
Maraming bali-balita tungkol sa kanya. Nagbago raw ang kanyang ugali mula nang magising siya. Hindi na siya palangiti. Hindi rin palasalita. Naging masyadong seryoso at parang tagus-tagusan kung tumingin.
Hindi pa nga raw dapat siya i-enroll ngayong pasukan, kaya lang naisip siguro ng mga magulang niya na kaysa hayaan siyang nagkukulong lang sa kuwarto maghapon, ay makabubuti kung meron siyang pinagkakaabalahan.
"Kena!!!" sigaw ng babae na palapit sa akin. Nakatirintas ang buhok, chubby, cute. Kumikinang ang mga mata. Kaibigan ko mula Grade 7 na si Benita Rose Magtibay o 'Bhing'.
"Bakit, Bhing?"
"Absent ka kahapon kaya di mo tuloy alam na ililipat ngayon sa room natin si El!" masayang sabi niya. Katulad ko, katulad ng ibang babae sa school namin ay may crush din siya kay Gabriel Juan T. Salgado.
"Crush mo pa rin siya?" tanong ko habang naglalakad kami.
Nabura ang ngiti sa mga labi ni Bhing.
Mula nang pasukan ay isa-isa nang dumistansya ang lahat kay El. Sino ba ang gugustuhing lumapit sa taong tila walang nakikita sa paligid niya. Seryoso at hindi palasalita. May isa pang dahilan, may kung ano sa mga titig ni El na hindi mo talaga matatagalan.
May dulot na kakaibang pakiramdam ang kalmadong mga mata ni El, na para bang kapag nagtama ang mga mata niyo ay maaalala mo ang lahat ng kasalanan na nagawa mo sa mundo. Mabigat sa dibdib.
Maaga pa kaya bago sa room ay nagpunta muna ako sa CR ng mga girls. Naghiwalay kami ni Bhing dahil pupunta naman siya sa canteen.
Kakaunti pa lang ang tao sa school dahil nga maaga pa. Nasa alas seis pa lang ng umaga. Pagpasok ko sa CR ay ako lang mag-isa. Ang banyo ay may malaking salamin sa ibabaw ng lavatory at tatlong cubicle. Pumasok ako sa gitnang cubicle. Hindi ko kasi nakasanayan ang sa dulo at mas lalo sa unahan.
Pagkatapos kong umihi ay narinig ko ang pagbukas ng pinto. Wala namang ingay kaya malamang na hindi grupo ang pumasok kundi iisang estudyante lang.
Paglabas ko ng cubicle ay isang estudyante nga lang ang aking nakita. Nakatayo siya patalikod sa akin dahil nakaharap siya sa salamin. Mag-re-retouch siya siguro.
Tumabi ako sa kanya para maghubas ng kamay sa lababo. Sa peripheral vision ko ay wala namang ginagawa ang babaeng estudyante sa aking tabi. Wala siyang dalang bag o pouch man lang kaya paano pala siya mag-re-retouch ng mukha?
Pinihit ko ang gripo para patayin. Wala pa ring kakilos-kilos ang nasa tabi ko. Maski magsuklay ng buhok ay hindi niya ginagawa. Nag-angat na ako ng paningin sa salamin para tingnan siya. Nagulat ako nang makitang nakatingin din siya sa akin.
Normal lang naman ang mukha niya. Walang bahid ng kahit anong make up o kahit pulbo, ang buhok niya ay hanggang balikat, at ngayon ko lang napansin na bagamat pareho ang uniform na suot namin ay bahagyang mas luma ang kanya. Naninilaw na ang tela.
Hindi rin pamilyar ang mukha niya sa akin. Ano bang grade niya? Wala siyang suot na ID kaya hindi ko masabi.
Hindi pa rin siya kumikilos at ako rin. Magkahinang ang mga mata namin sa salamin at nakapagtataka na hindi ko magawang magbawi ng tingin. Nagulat ako nang bigla siyang ngumiti sa akin.
Ang ugali ko ay kapag mabait sa akin, mabait din ako. Kapag nginitian ako, ngingiti rin ako. Iyon ang klase ng 'pakikisama' na talagang pinag-aralan ko para wala akong maging problema sa mga tao. Ngingiti na rin ako nang parang bigla ay hindi ako makahinga.
Napahawak ako sa aking dibdib habang nakatingin sa repleksyon ng aking katabi. Bakit ang ngiti niya ay palaki nang palaki? Halos mabanat na ang kanyang pisngi sa pagkakangiti.
Habang lumalapad ang pagkakangiti niya sa akin ay mas lalo akong nahihirapan na huminga.
"KENA!!!"
Doon ako napalingon ako sa pinto. Boses ni Bhing. Pagbalik ko ng tingin sa babaeng katabi ko ay pumasok siya sa dulong cubicle. Bumalik na rin sa normal ang aking paghinga.
"Kena, sobrang tagal mo! Magsisimula na ang klase!"
Sobrang tagal ko? Pero saglit pa lang ako rito? Tiningnan ko ang suot kong wristwatch, pumipitik-pitik ang hour hand at minute hand. Mukhang sira na o baka wala nang battery.
May pumasok na limang estudyanteng babae sa CR. Mga magkakaibigan. Maiingay sila, maliligaya, mga naghaharutan.
"Bilisan natin nandiyan na si Ma'am," sabi ng isa na may kasama pang hagikhik ang pagsasalita.
Ang tatlo sa kanila ay pumasok sa tatlong cubicle. Pipigilan ko sana ang isa dahil doon ito akmang papasok sa cubicle na nasa dulo. May tao na roon dahil doon pumasok iyong babaeng katabi ko sa harap ng salamin kanina. "Miss, sandali!"
Hindi ko na ito napigilan. Pumasok na ito sa dulo ng cubicle na nakakapagtaka na nakabukas. Hinintay ko na lang na lumabas ulit ito dahil nga may tao sa loob pero hindi na ito lumabas. Maririnig na lang ang masayang boses nito habang kausap pa rin ang mga kaibigan.
Naguguluhan at pinanlalamigan ng palad na lumabas na lang ako ng banyo.
"Ang tagal mo naman!" sinalubong ako ng nakasimangot na si Bhing. "Nag LBM ka ba? Nakailang balik na ako sa canteen, nasa banyo ka pa rin!"
Hindi ko na gaanong napagtuunan ng pansin ang sinasabi niya dahil nanlalaki ang mga mata ko sa paligid. Pagpasok ko kanina sa banyo ay kaunti pa lang ang mga tao at sobrang aga pa, pero ngayon ay mataas na ang araw at napakarami nang estudyante ang paroo't parito.
"Hoy Kena Mae Ruiz!" Inuga ni Bhing ang balikat ko. "Sabi ko tara na. Nandiyan na si Ma'am Asuncion."
Si Ma'am Asuncion ay ang first subject teacher namin. Saktong 7:30 AM talaga dumarating. Napatingin ako ulit sa suot kong wrist watch. Napanganga ako nang makitang gumagana na ulit iyon at sa oras na naririto ay 7:37 AM.
Nakatulog ba ako sa banyo? 6:00 AM lang ako pumasok kanina roon.
Hinila na ako ni Bhing papunta sa building namin, sa Grade 12 building. Tahimik sa corridor. Pumapasok na ang mga estudyante sa kani-kanilang room.
Humihingal kami ni Bhing nang marating ang 4th floor. Mabibilis ang hakbang namin papunta sa section na kinabibilangan namin, ang pinaka huling section, na narito sa pinakataas at pinakadulong room.
Tahimik sa loob. Nakayuko ang mga kaklase namin at ang fisrt subject teacher na si Ma'am Asuncion na kilalang mabunganga ay napakatahimik din ngayon. Ni hindi nanita kung bakit ngayon lang kami.
Nakayuko kami ni Bhing na pumasok sa loob. Magkatabi kami ni Bhing sa unang row pero may nakaupo ngayon sa upuan ko. Pinapaalis ito ni Bhing pero ayaw umalis. "Uy, diyan si Kena!"
"Quiet..." narinig naming sabi ni Ma'am Asuncion sa mahinang boses.
Bumagsak ang balikat ko. Iginala ko ang paningin sa loob ng room, lahat ay may mga nakaupo na. Dahil late ay mukhang wala akong mauupuan.
Sa muling paghahanap ng aking mga mata sa room ay nahagip ng paningin ko ang isang bakanteng upuan na nasa dulo. Ang parteng iyon ay wala talagang umuupo, kasi nga dikit na halos sa pader at kalapit pa ng basurahan. Apat ang upuan doon, dalawa ay sira at dalawa lang ang maayos.
Napakunot ang noo ko nang makitang may nakaupo sa isang upuan na katabi ng bakante. Ang nakaupo ay lalaki. Nakayuko kaya hindi ko makita ang mukha. Naglakad ako papunta roon. Ayos lang naman siguro na doon na rin ako maupo tutal may katabi naman pala ako.
Pagkaupo ko ay inilagay ko na ang bag sa upuan. Naglabas ako ng notebook dahil may ipinapakopya sa amin si Ma'am Asuncion. Tahimik na tahimik pa rin ang room. Lahat ay busy sa pagsusulat. Kahit nga si Bhing ay hindi na nakuha pang lumingon sa akin.
Kahalati na nang pagsusulat ko nang mapansin na hindi kumikilos ang aking katabi. Nilingon ko ito. Nakayukyok ang lalaki sa armchair at mukhang natutulog.
Seryoso ba siya? Ang aga-aga pa para tamarin.
Ang mga binti niya na natatakpan ng suot na black slacks na nakaunat sa harapan ay mahahaba, maski ang paa niya na nakasuot ng black shoes ay mukhang malalaki. Matangkad siya pero wala akong matandaang kaklase na masyadong matangkad na katulad niya.
Ang mga mata ko ay natukso na pagmasdan ang mahahaba niyang daliri na nakadikit sa armchair ko. Ang ganda pati ng mga kuko niya. Sumunod na ibinaling ko ang aking paningin sa kanyang nakalantad na batok. Makinis iyon at medyo balbon. Ang buhok naman niya ay itim na itim at mukhang napakalambot.
Nagulat ako nang bigla siyang magsalita. "Do you have a weird habit of watching people sleep?"
"Ha?" Naramdaman niyang tinitingnan ko siya?
At ang lamig ng buong-buo na boses niya. Nang mag-angat siya ng mukha ay pinanlakihan ako ng mga mata.
Alam ko na nalipat siya sa room namin, pero hindi ko alam na makakatabi ko siya sa upuan ngayon. Mas lalong hindi ko inaasahan na sa ganitong paraan.
"S-sorry! H-hindi naman kita tinitingnan—"
Hindi ko na natapos ang sasabihin nang ang nakatiim niyang mapulang mga labi ay bahagyang ngumiti. "Pervert."
Nahugot ko ang aking paghinga. Ang gusto ko lang ay mabuhay nang normal kahit kapag nasa eskwelahan lang, pero iyon ba ay posible pa?
Gabriel Juan T. Salgado o 'El'. Hindi ko alam na ang pakikipagusap kong iyon sa kanya ay magbibigay sa akin ng...
...FREE PASS TO HELL.
JF
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top