Hazel


"Iyan na iyon?"

Hindi ko na maalala ang huli na nakatira kami sa maliit na bahay, madilim at hindi maayos, pero ngayon ko lang naisip na sa hindi pala kaming kumportableng sitwasyon noon. Saka maliit pa naman ako 'non, lahat ng bagay at lugar sa akin dati, malaki. Mas nag-suffer ang parents ko, nagtiyaga sila sa maliit na space. At para kay Louie, siguro sapat na ito kasi mag-isa siya pero parang hindi naman makatarungan na magpapakamatay siya sa tatlong trabaho tapos sa ganitong bahay siya uuwi. Yes, up and down, majority ng parte binuo gamit ang kahoy. Kaunting ihip lang ng hangin palagay ko bibigay ang bahay.

"Makasabi ka na panay ang lindol dito pero gawa sa kahoy ang bahay mo. Imba ka rin ano?"

"Anong imba? Hindi ito gawa sa kahoy dahil nagtitipid ang nagpagawa. Lightweight materials ang kadalasang ginagamit ng mga hapon kahit sa mga structures like buildings, para kapag lumindol at gumuho ang bahay, injury lang, hindi deadbol. Kung sa Pilipinas, bagyo ang kalaban, dito lindol kaya naghahanda ang mga tao."

Nakuha ko naman ang sinabi niya, pero ang liit pa rin ng bahay.

"Dito mo iwan ang sapatos mo." Pinanood ko si Louie na mabagal na inalis ni Louie ang sapatos niya at maayos na inilagay sa isang sulok kung nasaan ang wooden shoerack cabinet. Aba strikto pa siya sa napakaliit niyang bahay. Gumaya din naman ako. Walang masyadong palamuti ang bahay niya, isang maliit na porcelain plate lang na merong drawing, siguro binili niya roon sa porcelain museum na balak kong puntahan. Ang damot talaga nito ni Louie, kundi ko pa pinilit, baka hindi ako samahan bukas eh nakarating na pala siya roon. Sabi niya pa, malayo.

"Sa'yo ang bahay na 'to?"

"Oo."

"As in sa iyo? Ikaw ang nagpatayo?"

"Binili ko."

Oh well, nag-expect ako na nirerentahan niya lang. Kung sa kanya naman pala ang lupa, pupwede naman pala niyang patayuan ng mas maganda kapag sinipag siya.

"Paano mo ito binili?" Umupo ako sa maliit na lamesa, siguro iyon ang living room.

"Isa siyang 'Akiya'. Abandonadong bahay. Bagsak presyong binebenta ng gobyerno. Nu'ng nabalitaan ko ang tungkol sa mga akiya, kinuha ko agad 'to. Kahit malayo sa Hiroshima. Kesa tumira sa bahay ng tita kong talakera. Yakuza pa asawa nu'n. Putol ang kaliwang kalingkingan."

Napatakip ako ng bibig. Masyadong morbid. Kalmado lang si Louie na nagtitimpla ng tea mula sa porcelain ware niya. Iniabot niya sa akin ang isang tasa.

"Heto o, totoong tsaa."

Umupo ako sa mababang lamesa, ang tipikal na lamesa ng mga Japanese na madalas kong makita sa cartoons. Hinipan ko ang mainit na tsaa. Hindi ko pa natitikman, ang bango na ng amoy, parang ang sarap-sarap!

"Ang dali mo namang nakakuha ng sariling bahay. Kami, pitong taon naming pinag-ipunan." Komento ko.

"Ako lang din kasi ang interesado sa bahay na ito."

"Kasi?"

"'Yong dating may-ari, matandang dalaga. Uminom ng muriatic acid. Natagpuan ang bangkay diyan mismo. Kung saan ka nakaupo."

Bigla akong nasamid sa sinabi ni Louie. Wait lang ha, alam kong makiki-overnight ako, pupwede naman siyang tumanggi kung ayaw niya, hindi iyong tatakutin pa ako!

"Seryoso ka?"

"Mukha ba akong nagpapatawa?"

Nagpalinga-linga ako. Nakakatakot pa naman kung gumawa ng ghost movies ang mga Japanese, baka mamaya pangmalakasan ang takutan dito in real life. Sabagay, kahit multuhin niya ako, hindi ko naman siya maiintindihan so dapat hindi ako affected. Bahagya kong itiniklop ang mga tuhod ko nang makaramdam ng panlalamig. May naglalarong maliit na ngiti sa mga labi ni Louie.

"Nu'ng unang linggo ko rito, naalala ko, mga ganitong oras din. Nagluluto ako ng hapunan sa kusina, tapos may naririnig akong parang yapak."

Hinampas pa ni Louie ang lamesa ng mababagal ngunit malalakas na hampas.

"Parang galing sa taas. Eh ako lang mag-isa rito." Patuloy niya pa.

Napayakap ako ng sarili.

"Tangina mo, nananadya ka eh! Strategy mo iyan, 'no? Tinatakot mo ako para mapilitan akong matulog sa kwarto mo!"

Nagmukhang inosente bigla si Louie. "Ang weird mo talagang mag-isip!"

"Bistado ka, 'no?"

"Kine-kwento ko lang naman ang karanasan ko rito."

Hinawi ko ang buhok ko at mayabang siyang tinaasan ng kilay. "If I know! Sabi kasi sa akin ni Miss Sadako, may crush ka sa akin."

Si Louie naman ang nasamid mula sa pag-inom niya ng tsaa. Namula pa ng bahagya ang pisngi niya. Maharot na lalaki! Sinasabi na nga ba't may itinatago siyang kalandian. Masungit on the outside, marupok on the inside.

"Imbento ka!" Alma niya. Mas lalo akong naging pursigidong inisin siya. Lalo kasing nadaragdagan ang pagba-blush niya.

"Simula raw nu'ng nakita mo ako, wala ka nang bukambibig sa kanya kung gaano ako kaganda. Tama ba?" Naku, Hazel, sana tama.

"Mali! Alam mo, lakas ng trip mo. Diyan ka na nga! Luto na ako!"

Nagmamadaling umalis si Louie sa harapan ko pero sinundan ko lang siya. Nagmamadaling binuksan ni Louie ang ref pero maya-maya ay sinarhan din. Binuksan niya ang cupboards na parang may hinahanap pero wala naman. Binuksan ang gripo at sinarhan. Napangiti ako sa pagka-taranta niya.

"Kaya ka nagpresintang ihatid ako sa hotel, ano?" Pamimilit ko.

"Binobola mo lang ang sarili mo." Itinulak ako ng balikat ni Louie na parang isang kalat na paharang-harang.

"Pasimple ka pa." Umupo ako sa kitchen counter at pinagmasdan si Louie na kumilos sa kusina, iniinom pa rin ang tea.

"Banidosa ka. Masyadong bilib sa sarili." Umikot ang mga mata niya, may kinuha siyang gulay sa ref pagkatapos ay muling nagsalita habang nakaharap sa fridge, "ano pang pinag-usapan n'yo?"

"Secreeeettt!" Tukso ko.

"Dali na."

"Belat!"

Tumayo si Louie, stoic muli ang mukha. Mukhang nakabawi na muli ng confidence. Ngumisi siya at saka ako tinaasan ng kilay. "Baka naman ikaw ang may pagnanasa sa akin kaya pinilit mong mag-overnight dito."

"Nilagyan agad ng malisya?"

"Sinong babae ang mag-vo-volunteer na makitulog sa bahay ng isang lalaki?"

"Double-standards?"

"Aminin mo na kasi, crush mo rin ako, 'no?"

"Kapal mo. Sa dami ng mga lalaking artistang nakatrabaho ko, sa tingin mo mata-type-an kita?"

"Pero bawal kang magboyfriend, 'di ba? Natigang ka na."

"So padidilig ako kung kani-kanino? Hoy, kung akala mo—" Natigilan ako nang may maalala, naihampas ko ang palad sa noo ko, "shit."

"Bakit? Earthquake?" Pinagmasdan ni Louie ang paligid, nakatitig sa hanging furniture pero hindi ito gumalaw.

"Wala akong dalang ekstrang damit!"

"Akala ko kung ano na. Sumunod ka." Napailing si Louie. Aba, importante ang magpalit ng damit bago matulog para hindi mag-overnight ang germs sa katawan mo. Dapat nga ay hindi ako mapakali dahil hindi ko dala ang beauty soap, toner at creams ko. Nasanay pa akong nagsa-shower bago matulog. At paano ang panty ko? Side A at side B? Cannot be!

In fairness naman kay Louie, binigyan niya ako ng pinakadisente niyang t-shirt at jogging pants sa closet niya. Masyado iyong malaki para sa akin pero wala naman akong choice so gora na. Naghilamos na rin ako, natutulala pa ako sa harap ng salamin nang may kumatok sa labas ng banyo.

"Tapos ka na? Papasok ako." Si Louie. Tiningnan ko ang sliding bathroom door, wala nga iyong lock, para talaga ang bahay sa mag-isang naninirihan kagaya ni Louie at yung matandang dalagang namatay. Bago pa kung saan lumipad ang isip ko, bumukas ang pinto at iniluwa 'non si Louie na dala ang liquid detergent at fabcon. Iniabot niya sa akin ang mga iyon.

"Labhan mo na." Ininguso ni Louie ang washing machine.

"Isama mo na lang sa wash day mo." I smiled sheepishly.

"Araw-araw, wash day ko. Bago matulog naglalaba ako para hindi maipon."

"Eh 'di isabay mo na nga. Ikaw na lang."

"Magluluto pa ako."

"Hindi pa ako gutom."

"Hindi lang para sa'yo ang lulutuin ko."

"Tss, sige na. Crush mo naman ako."

"Nagandahan lang. Hindi crush."

Iniwanan na ako ni Louie sa banyo na sa wakas ay meron nang word para feelings niya sa akin. Nagagandahan lang pala ah. Doon naman nagsisimula 'yan. Nakangiti kong hinarap ang labahan.

"Ihahanda ko na ang tutulugan mo." Sumigaw si Louie mula sa labas ng banyo.

"Thanks! Crush mo talaga ako pero ayaw mo ipahalata!"

"Whatever!"

Masarap ang hapunan. Pakiramdam ko ay nasa bahay lang ako. O dapat ko bang sabihing, mas mabuti pa ang kalagayan ko kaysa nung nasa bahay ako. Nakakain ako ng kanin, two cups, take note, dahil sa sobrang sarap ng gohan sa Japan. Gyoza, omelet, sauteed spring beans at isda lang ang inihanda ni Louie pero busog na busog ako. Magaling din magluto ang loko.

Nakahiga ako sa kuwarto na inihanda ni Louie sa unang palapag. Sa ikalawang palapag naman ang kuwarto niya. Sobrang tahimik sa buong bahay, kahit ata ang mga kapitbahay, walang balak na manood ng TV sa gabi kaya natutulog na lang. Naku, kung may kapitbahay silang pamilya na Pilipino, siguro narindi na sila sa pa-videoke hanggang madaling araw. Saka ang lamig sa labas, nakakatuwa kaya magtagu-taguan sa ilalim ng buwan kapag ganito ang klima.

Hinila ko ang makapal na kumot hanggang sa leeg ko. Kumaluskos ang pinto na gawa sa kahoy at papel dahil sa ihip ng hangin sa labas. Iginala ko ang mata ko sa paligid na bahagyang maliwanag dahil sa full moon sa labas. Naalala ko ang kuwento ni Louie. Saan kaya ang kuwarto ng nagpakamatay na matandang dalaga?

So, ano sa palagay ko kung bakit siya matandang dalaga? Baka hindi masyadong maganda kaya walang nagkagusto sa kanya. Paano na lang kung narinig niyang tinutukso ko si Louie na may crush sa akin? Paano kung crush niya pala si Louie? OMG! Hindi na ako nag-isip. Nagmamadali akong bumangon at patakbong umakyat sa second floor kung nasaan si Louie. Naabutan ko pa siyang naka-brief lang at nagpapalit ng pantulog. Hindi man lang ako nagulat pero nagmadaling magsuot ng pajama si Louie na parang isang dalagang Pilipina na hindi dapat masilipan.

"Putaragis ka! Hindi ako makatulog dahil sa ghost stories mo!" Galit na bungad ko.

"Kaya ka umakyat sa kuwarto ko at sinilipan ako?" Mas malakas ang boses niya.

"Wow ha, excuse me. Nakakita na ako ng bukol na mas malaki pa riyan!"

"Akala ko ba virgin ka pa?"

"Ano ka ba? Taon-taon may underwear fashion show sa Pilipinas. Normal na iyan doon. Siguro dapat kang makipag-mingle sa aming laki sa Pilipinas para hindi ka ganyan ka-naïve!"

"Sige na, sige na. Bumaba ka na. Mag-sleeping pills ka na lang." Itinulak niya ako papalabas ng kuwarto niya pero nagpabigat ako.

"Hindi uubra. So either jo-join ako sa'yo rito, 'o sasamahan mo ako sa baba."

"Walang multo, okay?"

"Kakasabi mo lang meron e."

"Nagdadahilan ka lang ata."

"Na-corrupt na ang imagination ko! Kasalanan mo! Magpapatugtog ako ng malakas na music sa baba, sige ka!"

"Huwag mong gagawin yan."

"Gagawin ko hanggang sa katukin ka ng Baranggay Tanod!"

"Walang Baranggay Tanod dito!" Balik niya at inis na ginulo ang buhok niya. "Okay! Okay! Pero para klaro, ha? Gagawin ko iyon dahil humihingi ka ng pabor."

Inis akong napakamot ng ulo at saka nagpatiuna sa paglabas ng kanyang kuwarto.

"Hindi dahil may gusto ako sa iyo." Pagdidiin pa niya na ikinatawa ko. Masyadong defensive kaya masyado ring obvious!

Nag-set up kami ni Louie ng isa pang higaan sa sahig para sa kanya. Magkalayo kami ng halos six feet para maging kumportable siya. Akala naman mapagsasamantalahan, 'e! Nakahiga na kami at nakatitig ako sa maliwanag na ilaw sa kisame.

"Off ko ang ilaw." Suhestyon ni Louie.

"Huwag."

"Mahihirapan akong matulog."

"Magtalukbong ka."

Malakas na napabuntong-hininga si Louie, sinilip ko siya na tumagilid pero bumalik rin naman sa higa na nakatihaya.

"Ano nang balak mong gawin sa Pilipinas pag-uwi mo?"

"Hm?"

"Hindi ka na mag-aartista, 'di ba?"

Mabilis akong napabangon at hinagilap ang cellphone ko. Hinanap ko roon ang jamming namin ng grupo ni Douglas at saka ko kinabitan ng earphones ang phone at iniabot kay Louie. May pagmamalaki akong ngumiti. Gumulong si Louie papalapit sa higaan ko.

"Anong meron?" Tanong niya.

"Napag-isipan ko actually 'yung tanong mo. Sa totoo lang, mahilig ako sa Pinoy hip-hop. 'Yung underground? So bilang hobby, nagre-recording kami nu'ng mga tropa kong rappers sa Pilipinas, mga original na rap. Pakinggan mo 'tong isang ginawa namin. Kalahati pa lang."

Napangiwi si Louie, "ikaw 'yong nag-ra-rap?"

"'Yung kumakanta ng chorus."

"Kumakanta ka?"

Nagkibit-balikat ako kaya ikinabit na lang ni Louie ang earphones sa tainga niya.

"Oo, pero hindi birit, ha? 'Yung chill lang na parang si Moira."

"Sino 'yun?"

My God, meron pa palang Pilipinong hindi nakakakilala kay Moira.

"Basta, pakinggan mo!" Mayabang akong ngumiti habang hinihintay ang reaksyon ni Louie nang i-play ko na ang music file. "Chorus na?"

Umiling si Louie, maya-maya pa ay sumenyas na si Louie.

"Ayun!" Para akong sinisilihan sa excitement. Gusto ko pa ngang sabayan ang kanta kaso ay gabi na. Sobrang catchy ng song, nai-imagine ko na mayayanig ang showbiz industry kapag mag-rebrand ako from Soap Opera Princess to Queen of Rap. Ipinanganak na talaga ang magmamana sa galing ni Francis M. Naitatag na ang grupong magpapatumba sa Salbakuta.

Maya-maya pa ay inialis na ni Louie ang earphones sa tainga niya.

"Tama ba ang pagkakaintindi ko? Titigil ka na sa pag-arte, at—"

"Magfo-focus sa hip-hop music. Magbubuo ng hip-hop group na parang Black Eyed Peas. Tapos ako 'yung babanat ng mga pakantang parts. Parang Fergie. Kilala naman ang Black Eyed Peas dito, 'di ba?" Pagpapatuloy ko. Makikita talaga ni Mama at Papa. Hindi sa paraan nila ako sisikat kundi sa talent ko.

Ilang beses na yumuko si Louie, umangat ang gilid ng labi pero pilit niyang pinakukunot ang noo, ilang sandali pa ay sumabog mula sa kanya ang napakalakas na tawa.

"B-bakit?" Takang-tanong ko.

Hindi pa siya agad nakasagot. Nagpagulong-gulong siya sa sahig at tinapik-tapik pa niya ang tiyan na parang hindi makahinga sa kakatawa. Ang OA!

"Baka mas lalong lumubog ang career mo niyan." Sumisinok-sinok pa rin ng tawa si Louie at mukhang hindi pa rin tapos.

"Sakit mo namang magsalita." Humiga na ako pagkatapos bawiin kay Louie ang cellphone ko. Nakasimangot akong pumikit.

"Good night, Fergie." Humahagikgik pa rin siya.

Bastos!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #makiwander