Hazel


Binuksan ko ang ilaw ng hotel room ko at dumiretso ako sa pag-upo sa kama. Maliit ang room, typical na Japanese hotels, walang sinasayang na space. Nakasunod sa akin si Kuya Waiter na mukhang bigat na bigat sa mga pinamili ko.

"Hay, kapagod!" Reklamo ko kasabay ng pagpapahinga ng likod sa malambot na kama.

"Saan 'to?" Tukoy ni Kuya Waiter sa mga pagkain ko.

"Kahit saan."

Inilagay niya naman ang lahat ng plastic bags sa TV rack, halatang hinihingal. "Pwedeng paupo saglit?" Turo niya sa sofa sa gilid ng kama.

"Go lang."

Nahulog ako sa malalim na pag-iisip habang tinitingnan si Kuya Waiter. Oo, hindi ko pa rin alam ang pangalan niya, oo, maaaring hindi na kami magkikita ulit kaya kahit hindi ko rin naman tanungin, at oo, hindi niya rin alam ang pangalan ko, which is weird.

"Ano?" Masungit na tanong ni Kuya Waiter.

"Pinoy ka 'di ba?"

"Oo."

"'Di mo talaga ako namumukhaan?" Alam kong hindi na ako ganoon kasikat pero kilala pa rin ako ng mga tao. Yung iba nga ay nahihiya pang dikitan ako.

"Hindi." Blangko lang ang mga mata niyang nakatingin sa akin.

Mabagal akong tumayo at naglakad papalapit sa kanya, ramdam ko ang kaba niya. Parang sira. Napakurap-kurap pa siya nang bigla akong sumayaw. Lahat ng steps ko sa isa kong cheddar cheese jingle noong bata pa ako. Nung hindi niya na-gets, umakting ako na kunyari mayroong hawak na baso.

"Uuuuuu-haw? Quenchie, quenchie, now in pomelo flavor!"

Napalunok si Kuya Waiter, lukot na lukot na ang noo niya sa pagkakakunot. Sinisilip niya ang pinto at humakbang ang paa niya ng isa patungo roon. Tumalon ako sa kama.

"Huwag matakot, ebribadeh! Narito na si... Mighty Baby Nene!" Ginawa ko pa ang superhero moves ko para mas convincing.

Mabilis na tumayo si Kuya Waiter at dali-daling lumapit sa pinto.

"U-uwi na ako, 'ha? Ilang oras din ang byahe. Sige."

Mas lalo akong nagtaka. Iniisip niya atang baliw ako! Siya ang baliw dahil hindi niya pa rin ako maalala. Sa bawat sulok ata ng Pilipinas alam iyon. Kahit ang bihira manood ng TV, alam na nag-e-exist ang shows ko. Bukambibig ng mga bata at matatanda ang Mighty Baby Nene at halos lahat ng commercials ko, merong recall.

"'Di mo alam ang mga iyon?"

"Hindi."

"Seryoso?" Paniniyak ko.

Tumaas ang dalawang kilay ni Kuya Waiter at nagkibit-balikat. Hala siya! Ganoon na ba ako kalaos? Tama nga ata si Mama. Laos-tsina na nga ako. My gulay! Naglakad ako pabalik-balik sa maliit na hotel room at saka nag-dive sa kama, nagtago pa ako sa ilalim ng kumot at nag-isip ng mabuti.

"Ano ba iyong ginawa mo kanina?" Inosente ang boses ni Kuya Waiter kaya alam kong wala talaga siyang alam tungkol sa pagkatao ko. Sumilip ako mula sa blanket at pinanliitan ko siya ng mata.

"Mga sikat kong commercial iyon n'ung bata pa ako! Tapos si Mighty Baby Nene hindi mo kilala? Tagapagtanggol ng mga hampaslupa? Taas kaya ng ratings 'nun! Saan ka ba lumaki? Sa ilalim ng lupa?"

"Sa Japan, simula 10 years old. Wala akong alam masyado sa mga palabas sa Pilipinas. At saka, akala ko ba gusto mong walang makakilala sa'yo? Tapos ngayon, ngangawa-ngawa ka."

Itinapon ko ang kumot at saka umupo ng maayos. Nag-init ang sulok ng mga mata ko, maya-maya pa, hindi ko na napigilan ang sariling umiyak sa harap ng isang estranghero. Naglakad siya papalapit sa akin at tumabi.

"Laos na talaga ako. Iyon lang 'yon."

"Uh.. Kaya mo yan." Walang kalatoy-latoy na subok ng comforting words si Kuya Waiter.

"Alin?"

"Ang pagkalaos."

Pagkalaos. Mas lalo akong pumalahaw ng iyak. Nadagdagan ang sama ng loob ko nang sabihin iyon ng ibang tao bukod kay Mama. Ang mga tao kasi sa showbiz, hindi naman nila sasabihin sa iyo iyon ng harapan pero malamang sa likod mo pinagchi-chismisan ka naman. Oh my God, laos na nga ako! Meron na rin na ibang tao na nagsabi sa akin. Sa pagmumukha ko pa!

" H-hindi. Ang ibig kong sabihin.. Ano.."

Umupo na lang si Kuya Waiter sa tabi ko at tinapik-tapik ang balikat ko sa napaka-awkward na paraan. Pero kahit papaano, gumaan ang pakiramdam ko. Hinagod niya ang likod ko na parang bata. Never pa akong nahawakan ng kahit sino sa likod, kasi kung gagawin nila iyon, for sure kakasuhan sila ni Mama ng sexual harrassment.

"Dyudyugdyugin mo na ako?" Tanong ko sa kanya. Parang napasong inalis ni Kuya Waiter ang kamay niya sa likod ko.

"Ang weird ng takbo ng utak mo."

"Kasi okay lang naman." Sa sobrang lungkot ko, bahala na si Batman. Ang dami kong namiss dahil sa career na siyang nagpapalungkot sa akin ng husto. Hindi man lang naging grateful ang career na ito sa lahat ng pagpupuyat ko! Buti pa ang pag-aaral, may kapalit na diploma, pero ang showbiz, kapalit nga ang pera pero soon enough, hinanakit din naman ang balik sa iyo kapag hindi ka na relevant.

Tumayo si Kuya Waiter at tuluyan na ngang lumayo sa akin, pero hindi pa ako tapos mag-emote. "Lakad-lakad tayo sa labas." Aya ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #makiwander