12 : Freedom in chains
Lagi akong nasa huli ng linya
Ilag sa swerteng mayro'n ang iba
Hindi ako naniniwala sa tadhana
Dahil kung totoong makapangyarihan
Ang sansinukuban
Bakit wala tayong pinatunguhan?
***
Silid ang magkabilang palad sa suot na jacket, tumambad sa akin ang isang nakabukas na van, at ang nagkakarga ng ilang gamit patungo sa likod niyon na si Naik.
"Hey, shithead! If you're not gonna help loading the shits up, then you're free to go home!"
Matalim ang tinging ipinukol ko sa higante. Sinungaling si Vance—kahit 'di nakainom ay masama pa rin ang tabas ng dila ng isang ito.
Umabot sa tainga ko ang mahinang tawa ni Naik. Matapos ilapag ang bitbit na case ng bass sa van ay itinaas nito ang isang palad sa ere. "Lexy boy!"
"Alexis." Sinalubong ko ng palad ang kaniya. Hindi pa rin ako natutuwa sa palayaw niya sa akin.
"Care to lend me a hand here?" Marahan niyang tinapik ang likod ko nang mauna akong lumakad papasok sa wala pang taong bar. "You see, our Covy here really likes you—gan'yan lang talaga siya mag-profess ng feelings, medyo bayolente."
"Ha? Ano 'yung narinig kong binubulong mo, Naik?!"
Imbes na pansinin ito ay dire-diretso kaming nagtungo sa baba ng stage, kung sa'n naro'n ang mga natirang music equipment.
Mabilis kong pinasadahan ng tingin ang ilang staff ng bar na mukhang abala sa paghahanda para sa pagbubukas niyon sa gabi. Bumalik ang atensyon ko kay Naik sa kaunting pagtataka.
"Sa'n kayo?"
Sumulyap siya sa akin, sabay balewalang sinabi, "Willow Grove—music fest."
Ha? Naging pulido ang pagtataka ko. "'Kala ko ba disbanded na kayo?" Paanong tutugtog sila ngayon sa music fest? At sandali, bakit kailangang narito ako?
Huminto siya mula sa akmang pagkuha ng itim na case ng guitara para lang balingan ako, may ngising nakapinta sa mukha. "Hindi ko ba nasabi na magulo ang pamilyang ito?" Sabay mahinang halakhak.
Nasapo ko ang iniabot niyang case nang wala sa sarili. Kumukunot ang noo, isang pihit ko at napaatras sa paglakad si Nagi nang muntik na kaming magkasalubong.
Ilang segundo matapos naming magpalitan ng tingin ay mahina akong nagbuga ng hangin, binalewala siya at nilagpasan para ikarga ang hawak patungo sa van.
"Guys, okay na? May naiwan pa ba?"
Lumingon ako sa boses ng nagsalita. Mula sa bukana ng bar ay nakita ko ang suot nitong itim na band shirt at maong shorts, na pinarisan ng dilaw na chuck at mahabang pink na medyas. Sabay sa paglingon nito patungo sa direksyon ko ang pagsayaw nang maikling asul nitong buhok.
"Alexis! Hey!"
Bahagya akong napanguso sa laki ng ngiti niyang may kasamang kumpas ng kamay sa ere. Parang ang peke kasi, yamang mukhang napikon siya sa akin nang huli naming usap. Binawi ba naman 'yung player niya bigla. Hindi naman sa inaangkin ko pero... medyo nakakaasar pala. Kasi parang 'yung 'sorry' ang binawi niya.
Guess she was kind of good at keeping her façade of looking tough huh. Pikon naman.
May hapyaw na ngiting sumilay sa gilid ng labi ko. "Tutugtog talaga kayo?"
"Yep, looks like it."
Nagsimula siyang maglakad papasok nang lumapit ako. Sumunod ako sa kaniya ro'n, napapailing. Para sa'n pala 'yung iniyak ng fangirl nila?
"Naik, wala na bang nakalimutan? Halika na, baka abutan pa tayo ng traffic!" Sumaludo si Naik sa sinabi niya at saka ito nagtungo palabas, dala ang plastic na may lamang ilang soda in-can at snacks.
"Ree! Si Vance?" anang palapit na higante, nakanakaw pa nang matalim na sulyap sa akin, parang may gustong sabihin.
"Uh... susunod na lang daw siya."
"HA?"
"Actually..." Napakamot si Reon ng sentido. "Hindi raw siya sigurado kung makakapunta siya. But he'll try! Panghuli pa naman tayo sa lineup kaya panigurado makakahabol 'yon."
Pumalatak ang higante sabay sulyap ulit sa akin, may kasama nang tango. "Bakit pala narito 'yan? Back-up o display?"
"Sponsor." Sinulyapan ako ni Reon sa likod niya nang ako ang sumagot.
Ngumiwi naman ang higante sa pagkalito. "Ng ano? Kagaguhan?" Sabay pang-asar na tumawa.
Sinabayan ko iyon ng pekeng tawa. "Oo, kagaguhan. Parang 'yung galit mo sa mga politiko hanggang angkan nila." Nangibabaw ang mas nakakaasar kong tawa nang matahimik ito.
Napailing si Reon matapos kong magtago kuno sa likod niya dahil sa pag-amba sa akin ng higante.
Naisip ko lang, applicable bang tukuying misteryo ang saltik na mayro'n ang mga 'to?
"Halika na nga kayo!" Hinila ni Reon ang braso ko.
Nagpatangay ako sa kaniya hanggang sa makalabas kami. Ang naiwang higante ay lumapit at umakbay kay Nagi na naro'n pala sa tabi. Sumunod ang dalawa sa amin patungo sa van.
"Shotgun!" Bahagya akong natabig ng malaking babae nang nakipag-unahan pa sa akin sa front seat. Hindi ko naman inaagawan.
Pinandilatan ko lang ito bago ako sumunod sa pagsakay ni Reon. Ang katabi niyang nakaupo sa kabilang dulong si Nagi ay mabilis nagbitiw ng tingin sa akin. Pagkasara ko ng pinto ay agad nang pinaandar iyon ni Naik.
Abala sa kung anong pinag-uusapan ang dalawa sa harap pati na si Reon nang mag-umpisa ang byahe. Hanggang sa binuksan ang speaker at sinabayan nila ang kantang umaalingawngaw doon.
Kahel ang kulay ng padilim nang langit nang ibaba ko ang bintana. Dahan-dahan akong suminghap sa pagsalubong ng pang-hapong hangin, habang pinagmamasdan ang isa-isang pagsindi ng bawat poste ng ilaw sa gilid ng kalsada.
Hindi ko inasahan ang maliit na ngiting dumapo sa labi ko.
Nang bigla kong maalalang, "Hindi ko dala 'yung player mo."
"Huh?" Mula sa pakikisabay sa pagkanta ay lumingon sa akin si Reon.
"'Yung player mo naiwala ko."
Unti-unting namilog ang mga mata niya hanggang sa halos mabalisa nang matuon sa akin ang buong atensyon. "Weh? Naiwala mo? Huy, hindi nga?"
"Malaki ba sentimental value no'n sa 'yo?"
Dumapo ang palad niya sa braso ko, sabay kaunting uga ro'n. "Baka na-misplaced mo lang. Alalahanin mo sa'n mo huling nailagay!"
Hmn. "May nagregalo ba n'on sa 'yo?" Tatay niya?
Kagat ang labi, animong problemado siyang natigilan sandali. Wala naman akong ibang ginawa ro'n kundi panoorin ang bawat reaksyon niya.
"Meron..."
"Sino?"
Imbes na sagutin ang tanong ay sinamaan niya ako ng tingin. "Bakit mo iwinala? Importante 'yon sa 'kin—shit ka talaga."
Sa blangkong ekspresyon ay dahan-dahan kong hinugot ang tape na nasa bulsa, iniangat at idinampi katabi ng pisngi ko sabay sad face.
"Sorry." Iniutas ko ang sulat-kamay na naro'n.
Mula sa kalituhan ay mabagal na napintahan ng iritasyon ang ekspresyon niya. Sinapak ako sa braso bigla, napikon. Kumawala naman ang tawang kanina ko pa pinipigilan.
Sinapo ko ang braso nang sunod-sunod niya iyong hampasin. "Aray! Child abuse! Aray!"
"Siraulo ka, Lex! Naiwala mo ba o hindi?!"
"Ree, take it easy on the kid," si Naik, natatawa.
"Buksan mo 'yung pinto para gumulong sa kalsada!" Pahisterya ang halakhak ng higante.
"Bakit kailangang nananakit?!" Pinandilatan ko si Reon, pilit kong pinipigil ang matawa. Ang laki na kasi ng butas ng ilong niya sa inis. "Tangina, ang liit mo ang lakas mong manghampas ah?"
Naalala ko tuloy 'yung kamag-anak nilang hinampas niya ng bag—parang gusto ko tuloy makiramay, medyo masakit pala.
Maingay ang halu-halong tunog mula sa bandang kasalukuyang tumutugtog sa stage, hanggang sa mga naghihiyawang manonood. Agad inatake ang pang-amoy ko ng hilera ng mga food stall sa bukana niyon, habang tinutungo namin ang backstage. Mula sa mga poste ng ilaw ay kita ang ilang nakabiting iba't ibang kulay ng banderitas, pati nang mga tarp para sa detalye ng event.
Bumara ako sa harap ni Reon bago pa man siya makapasok sa tent. Ang tingin niya'y nagsalit sa mukha ko at sa inilahad kong palad.
"Pahiram phone mo sandali."
Sumimangot siya agad. "Ayoko, baka maiwala mo rin."
Para talagang bata.
"Saglit lang, dali."
"Para sa'n ba kasi?" pabalang niyang untag, halos mangalahati na ang mata dahil sa sama ng tingin sa 'kin.
Paano ko ba seseryosohin ang isang 'to?
"Papalitan ko 'yung player mo, pahiram na ng phone." Mas inilapit ko sa kaniya ang pagkakalahad sa palad.
"Ayoko ng kapalit! 'Yung akin ang gusto ko!"
I tilted my head a bit to the side as I drew out a sigh. Sa huli ay hinugot ko na lang ang sariling phone at nagtipa ro'n. Nag-beep ang kaniya matapos kong gawin iyon.
I motioned my head towards her pocket, urging for her to check it. A few beats after, she did what she's told. Kumunot ang noo niya sa nabasa ro'n.
"Ano 'to?"
"Spotify duo, log in details." Sa 'min ni Xander 'yon pero hindi na ginagamit ng ungas ang kaniya kaya, "Ikaw na lang ang gumamit."
She looked up at me in question. Hanggang sa may matanto. "Hindi mo talaga ibabalik 'yung player ko?"
Tamad akong nagkibit-balikat. "Sino ba kasing nagbigay n'on?"
"Ree! Si Vance wala pa? Hindi sumasagot sa tawag ko, ikaw kaya ang tumawag?" Naagaw ng higante ang atensyon naming dalawa.
Bumuntonghininga si Reon. "Sige, wait tawagan ko."
Nahagod ko na lang ng palad ang buhok patungong batok, nang sinundan ko ng tingin ang pagtalikod niya sa akin para gawin ang sinabi.
Sila na ang sunod na tutugtog pero wala pa rin ni bakas ni Vance. Habang nasa loob ng tent ay hindi ko maiwasang punahin ang kanina pang pagkakabalisa ni Reon.
"Why don't we ask a member from the other bands to fill in for Vance?"
Natigilan ang higante sa pabalik-balik na paglakad, nang sabay silang mapalingon ni Reon sa nagsalitang kaibigan. Wala mang salitang namutawi sa dalawa ay malinaw naman sa mga ekspresyon ang hindi pagsang-ayon.
Sumilip ang isang staff sa bukana ng tent para abisuhan silang maghanda na. Napapamura, wala nang nagawa ang mga ito nang isa-isang lumabas. Hindi ko naman maiwaglit ang tingin sa hindi mapalagay na si Reon, kahit pilit niyang itinatago ang kaba sa mga kaibigan.
"Baka maihi ka pa stage." Hindi ako pinansin. Mukhang hindi na naman ako naririnig ng isang ito dahil sa mga pinangangamba niya.
Nasaan ba kasi si Vance?
Naiwan ako mula sa gilid ng stage nang umakyat na sila ro'n para maghanda. Hindi ko alintana kung gaano katagal natuon sa kanila ang buo kong atensyon, nang tila mahugot ako mula sa malalimang pag-iisip dahil sa bumagsak na palad sa balikat ko. Isang lingon at tumambad sa akin ang hinihingal na mukha ni Vance.
"Where are they?"
Nang hindi ako nakasagot ay narinig ko ang boses ni Nagi. "Sa stage na sila, Kuya." Noon ko lang natantong naro'n pala siya, hindi ko kasi maramdaman ang presensiya.
Matapos sumulyap doon ay nagsalit pa sa amin sandali ang tingin ni Vance. Tinapik nito ang braso ko bago dire-diretsong nagtungo paakyat sa stage para daluhan ang mga kaibigan.
Mula sa baba ay pinanood ko ang pagliwanag ng bawat ekspresyon nila pagkakita sa taong dumating. Para bang isa itong rekadong kumompleto sa kaninang matabang na putahe. O siguro siya iyong pangunahing sangkap na hindi pwedeng mawala dahil walang maluluto kung wala siya.
Natawa ako sa mga naiisip. Gutom ko ba 'to?
Bumagsak ang tingin ko sa sahig, napapailing. Naisip ko—marahil kahit kailan ay hindi ako magiging tulad niya. Siguro kakailanganin ako pero hindi ako magiging isang importanteng sangkap.
How fucking sad is that huh? Bakit ko pa ba kasi iniisip ang mga 'to? Makakain na nga lang ng corndog mamaya. O baka pwedeng ngayon na?
Bumaling ako kay Nagi. "Hoy. Corndog?"
"Huh?" Lito siyang napatuon ng tingin sa akin, naituro pa ang sarili.
"Gutom na 'ko."
Blinking for a few jiffy, she slowly nodded then started walking.
Nasundan ko siya ng tingin sa pagtataka. "Sa'n ka pupunta?"
Nalampasan na niya ako nang huminto siya para lingunin ako. Alanganin niyang itinuro ang makipot na daan sa gilid ng barikada palabas matapos. "Ibibili ka? Ang sabi mo..."
Kunot-noo ko siyang tinapunan ng tingin. Napaahon pa ako mula sa prenteng pagkakasandig. Inutusan ba kita?—gusto ko sanang isinghal ngunit hindi ko na nagawa, nang umalingawngaw ang boses ni Vance at magsimula ang mga itong tumugtog sa stage.
Pumalatak ako at binalewala siya para mag-umpisang maglakad paalis. Minsan hindi ko sigurado kung sino ang mas dapat sisihin: ang mga nang-aabuso o ang mga pumapayag na maging sangkap niyon.
Julian's face suddenly flashed on my mind. That fucker reminded me of everything that I don't want to be. But for some reason, I can't get myself to hate him as much as I do with my own family. At kung bibigyan ko ng dahilan ang sarili, siguro dahil 'di tulad ng ibang tao, siya lang ang naging totoo sa akin.
Nakatayo ako sa stand para sa corndog pagkabaling ko sa sumunod sa aking si Nagi. Tatanungin ko sana siya kung ano ang gusto niya ro'n, ngunit nang mapansin ang kanina niya pang tinitignan sa nakapaskil na menu ay um-order na ako. Hindi naman siya umangal.
Umaalingawngaw na sa buong paligid ang pagtugtog ng banda nina Reon, na siyang nahahalinhinan ng sigawan, usapan at magkakahalong tunog gawa ng mga tao at stand na naro'n.
Pagkakuha ng mga binili ay inilahad ko sa kaniya ang isa. Sandali pang nagsalit sa akin at sa hawak ko ang tingin niya, kaya't bahagya ko iyong inilapit at muling inilahad. Kalaunan ay alanganin niya iyong tinanggap.
Bagal talagang kikilos.
"Thank you..."
Bumili ako ng dalawang bottled water, nagtungo sa bakanteng pandalawahang lamesa sa malapit at saka nag-umpisang kumain. Tanaw ko mula sa kinauupuan ang malayong stage pati nang nagtatalunang audience.
Maingat na lumapit at naupo si Nagi sa bakanteng upuan, para bang takot makagawa ng kahit kaunting ingay o ano. Hindi ko maiwasang isipin na para akong nangidnap ng bata sa mga reaksyon niya. Bahagya tuloy akong natawa sa sarili ng wala sa oras habang ngumunguya.
Inabot ko ang bottled water, binuksan at ininom. Ang isa pa'y inilapag ko malapit sa kaniya.
"Uh..." Sumulyap siya ro'n. "Thank you ulit."
"Anong thank you? Sinabi ko bang libre 'yan?" walang-gana kong subok magbiro, nga lang, nalimutan kong hindi nga pala biro ang dating n'on sa kaniya.
Agad namilog ang mga mata niya, bahagya pa siyang namula bago dali-daling kumuha ng kung ano sa dalang bag. Iniabot niya iyon sa akin mula sa kabilang banda ng maliit na lamesa matapos.
Kita mo, hindi kasi 'yan si Reon, gago.
Isang sulyap sa paperbill na nasa kamay niya at balewala akong nagpatuloy sa pagkain, ngayo'y tuon na ang tingin diretso sa mata niya. Ilang segundo kaming nagpalitan ng tingin hanggang sa siya ang bumitiw do'n. Sunod ay inilapag niya sa lamesa, malapit sa akin ang perang inaabot kanina.
Pinandilatan ko iyon. "Kunin mo 'yan."
Lito ang tinging sunod niyang itinapon sa akin. "A-Akala ko ba—"
"That's a fucking joke," kalmado kong utas bago tinapos ang pagkain.
I should've known better than to go jesting around someone like this girl. Tropa ba kami? Kung bakit kasi nasanay ako kay Reon na kaya akong sagot-saguting pabalik. Dagdag na naman ang puntos ko nito sa impyerno, kung kulang pa ang nakolekta ko ro'n.
Matapos nilang tumugtog para sa huling lineup ay unti-unti nang nagsisilisawan ang mga tao. Hinintay naming humupa ang mga iyon bago ako bumalik sa tent, si Nagi ay nagpaiwan. Tanging ang maingay na si Naik at ang higante ang nadatnan ko ro'n. Pinag-uusapan nila kung saan kami kakain pagkatapos.
"Sina Reon?"
"She's with Vance, I don't know, they're probably walking around, try mo baka nasa food stalls," si Naik ang sumagot sa akin.
Ang kaninang 'di mahulugang karayom na crowd ay naging ilang piraso na lang matapos ang event. Ang karamihan ay naro'n pa sa mga food stall, ang iba naman ay palakad-lakad na lang doon. Nililinis na ang ilang mga naiwang kalat ng mga tao nang bumili ako ng sigarilyo. Ang akto ko sanang pagsindi ro'n ay hindi ko naituloy.
Malalim akong napabuga ng hangin bago ibinulsa iyon at inumpisahang maglakad-lakad. Malapit na ako patungo sa parking para sa van, nang mahagip ng paningin ko ang dalawang pamilyar na pigurang naro'n sa isang stand.
Lalapit sana ako ngunit otomatikong huminto ang mga binti ko, matapos makitang sinapo ni Vance si Reon mula sa baywang. At base sa laki ng mga ngiti nila'y mukhang may interesante silang pinag-uusapan.
Parang kanina lang hindi maipinta ang ekspresyon niya.
Hindi ko agad naintindihan kung para saan ang nagdaang talim sa dibdib pagkasinghap.
Ramdam ko ang tensyon sa panga nang magtagal ang tingin sa mga ito hanggang sa magsimulang maglakad.
I remember her saying that she wasn't a coward, the way she looked at him and every smile curving up her lips whenever they joked around and threw glances at each other.
Ilang metro lang ang layo nila sa akin, ngunit sa kung anong dahilan, unti-unti kong naramdaman ang biglaang paglaki ng distansya sa pagitan namin. Para akong tinutulak palayo sa kanila at wala akong magawa, dahil sa una pa lang ay wala naman talaga dapat ako rito.
Sindi na ang sigarilyong hawak ko nang magtungo ako kung saan nakaparada ang van. Sa kabila nang kaunting dilim ay malinaw ang pagsayaw sa hangin ng bawat usok na ibinubuga ko.
Matagal ko naman nang alam na may kung ano sa kanilang dalawa. Kumpirmasyon lang siguro talaga ang hinihintay ko. Tapos ano?
Sumandal ako sa gilid ng sasakyan, tumingala at pinagmasdan ang gasuklay na buwan sa madilim na langit. Taimtim akong nagkakalat ng polusyon sa hangin nang bahagya akong mapatalon. Marahas 'kong nilinga ang paligid dahil sa boses ng babaeng narinig sa malapit.
Napapamura kong hinanap kung saan iyon galing para lang makita si Nagi na nakasandal doon sa likod ng van.
Nakatingala siya at parang windshield ang salit-salit na pagpaling ng ulo habang kumakanta, okupado ng nakapasak na earphone sa magkabila niyang tainga.
Ilang sandali akong tumunganga sa pigura niya hanggang sa halos maupos na ang sigarilyo ko. Natanto ko na lang na nakatingin na siya sa akin, namimilog ang mga mata habang pinagmamasdan ang 'di magkamayaw kong pagtawa.
Sinapo ko na ng palad ang bibig ngunit hindi pa rin ako matigil sa katatawa. Tangina, buong akala ko ang lala na ng boses ko, pero heto siya at mukhang mas minalas pa sa malas.
"Bakit ka tumatawa?"
Sinubukan kong umiling. Nababaliw na kasi ako, kung hindi pa man ako matagal na baliw nito.
Pinitik ko palayo ang sigarilyo matapos kong mapakalma ang sarili. Hinilamusan ko ng magkabilang palad ang mukha at saka siya pinagtuunan ng pansin, pinta ang ngisi sa mukha ko.
Ilang segundo makalipas kainin ng katahimikan ang gabi ay huminga ako nang malalim. Ang panimulang paninikip ng lalamunan ay pilit kong isinantabi.
Hindi ko malaman sa sarili kung ano ang naisip ko nang halos bulong ko itong ibinulalas, "Did you ever feel like there's a better place you're supposed to be than where you are? That you wanted to be somewhere else so badly—because if not... then you would rather fucking die."
Matagal kaming nagpalitan ng tingin hanggang sa unti-unting mamula ang mga mata niya. Sinundan iyon nang marahan niyang pagtango.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top