CHAPTER SEVENTEEN
Hindi makakilos si Rona. Pakiramdam niya'y pinagsakluban siya ng langit at lupa. Para siyang nauupos na kandila na dahan-dahang napaupo sa malamig na sahig. Nag-uunahan sa pag-agos ang mga luha sa kanyang pisngi.
Dahil abala sa hinagpis na dulot ng isang kakarampot na text message ni Caloy, hindi niya narinig ang sunud-sunod na katok sa pintuan ng kanyang hotel room. Kung hindi pa siya nilapitan ng ina at niyakap nang mahigpit hindi sana niya namalayan na hindi na siya nag-iisa sa kuwartong iyon. Naroon na rin pala ang bading na magme-make up sana at mag-aayos ng kanyang buhok.
"Ano'ng nangyari?" pabulong na tanong ni Aling Ising. Namumutla ito. Tila nahulaan na ang pinagluluksa ng anak. Hindi nakasagot si Rona. Sa halip lalo itong humagulgol at yumakap nang mahigpit sa ina.
Imbes na magtungo sa simbahan nang umagang iyon, tahimik na nagpahatid sa barung-barong nila ang mag-ina. Nagsilabasan ang lahat ng kapitbahay nang dumating sila kaya lalong nahiya si Rona.
"Wala kang dapat ikahiya. Itaas mo ang noo mo!" asik ni Aling Ising sa dalaga.
Nang mapadaan sila sa tapat ng bahay nila Caloy, tumigil saglit ang mama niya. Pinagmasdan nitong mabuti ang nakasarang tarangkahan ng pamilya. Libo't libong boltahe ang lumabas sa mga mata ng ale. Kung pwede nga lang makasunog ang tingin naabo na siguro sa isang iglap ang bahay nila Caloy.
Naging panauhin nila nang gabing iyon ang mga magulang ng nobyo pero hindi siya pinaharap ng mama niya sa mga ito. Itinaboy nito agad ang mag-asawa. Nang tinangka ni Rona na habulin ang mga ito para humingi ng paliwanag, pinigilan siya ng ina.
"Para ano pa? Malinaw ang sinabi ng hayop mong nobyo sa text. Hindi ka na niya mahal. Rason lang ang pagbubuntis ng Elisang iyon. Kung mahal ka talaga ng hinayupak na iyon disinsana'y hindi ka niya niloko!"
Dahil sa nangyari, napansin ni Rona na lalong lumala ang ubo ng mama niya. Kung kailan ito humina at halos hindi na makalakad saka lang ito pumayag na magpaospital at doon nalaman ng dalaga na malala na pala ang sakit nitong kanser sa baga. Pero bago ito bawian ng buhay, pinilit siya nitong mangako na sumugal uli sa pag-ibig.
"Hindi madamot ang Diyos, anak. Minsan pinaparanas niya sa iyo ang pait para matutunan mong pahalagahan ang ibibigay niyang karapatdapat sa iyo balang araw."
**********
Biglang nag-ring ang cell phone ni Rona. Si Meg. Pinaalala nito ang meeting niya sa isa nilang kliyente nang umagang iyon. Dahil nakatingin sa kanya si Luke nagkunwari siyang si Jason ang tumawag. Sa matamis na tinig sinagot niya si Meg ng, "Of course, sweetie. I'll be there soon. Can't wait to see you!"
"Architect Ramirez?" gulat na gulat namang sagot ni Meg sa kabilang linya na hindi na pinansin ni Rona. Nakangiti niyang kinlik ang end button ng tawag. From the corner of her eye nakita niyang naningkit ang mga mata ni Luke. Mukha itong iritang-irita. Gustong magtatalon ni Rona sa tuwa. Nagpigil lang siya.
Pumasok uli siya sa loob ng kuwarto na kurtina lang ang pagitan sa pinaka-sala niya. Paglabas niya ng silid napalitan na niya ng pang-upisinang blusa ang suot kanina at pinatungan ito nang maluwang na blazer. Binubuton niya ito nang bigla na lang tabigin ni Luke ang kamay niya at tumitig ito sa kanyang puson. Pinamulahan agad si Rona at biglang kinabahan. Ang engot mo! Nakita mong may kaunting umbok na sa puson mo kung bakit hindi ka pa bumili ng loose fitting blouses!
"You seemed to have gained weight," komento nito.
"Thanks for the compliment," sarkastiko niyang sagot. Pinatatag niya ang tinig kahit na grabe na ang kabog ng dibdib niya dahil sa kaba.
Hindi sumagot si Luke. Sa halip tumingin uli ito sa puson niya at sa bandang dibdib niya. Na-conscious na si Rona kung kaya hinapit niya ang blazer para huwag masyadong maging halata ang matambok niyang dibdib na lalong lumaki dahil sa pagbubuntis.
"Stop staring at me!" angil niya rito at nauna na sa pintuan. Tahimik na sumunod sa kanya si Luke. Nang makalabas na sila ng apartment, bigla na lang siya nitong hinarangan at tinanong ng, "Are you preggy?" nang walang kaabog-abog. Nag-init agad ang pisngi ni Rona, pero aamin ba naman siya?
Inismiran ng dalaga si Luke at sinagot ng, "Thank you for fat shaming me!"
"I wasn't. You're not fat that's why I wonder what those extra bulges are."
"Well, I would like to tell you that---"
"Is it mine?"
Lalong nanghilakbot si Rona.
"It's mine," sagot din ni Luke sa sariling tanong.
"Ewan ko sa iyo!" galit kunwaring singhal ni Rona sa binata at nilampasan ito. Habang nagmamadali papunta sa garahe tinext niya si Jason. Simabihan niya itong pumunta agad sa kanyang upisina ora mismo.
"Why didn't you tell me about this?" patuloy pa ni Luke. Pinigilan pa siya sa pagbukas ng pinto ng kanyang sasakyan. Nairita na siya talaga sa kumag. Sa inis inamin niyang totoo nga ang hinuha nito pero sinabi niya ritong si Jason ang ama ng kanyang pinagbubuntis.
Si Luke naman ngayon ang napaismid.
"D'you expect me to believe that?"
"You're not the only guy in the world, Luke. Why elese do you think we're getting married right away if not for the baby? If it were yours, why would I agree to marry someone else?"
"Because I was not available at that time."
Nakagat ni Rona ang labi sa kunsumisyon. Hindi yata talaga siya tatantanan ng kumag.
"Believe whatever you want to believe, I have to go. I'm already late for my meeting."
Pagpasok sa loob ng kotse, inatras niya agad ito at nang tuluyan nang nasa kalye ay wala siyang inaksayang sandali. Pinasibat niya agad ito. Nakita niya sa rearview mirror na dali-daling pumunta sa kotse niya si Luke at binuntutan siya. Tinext niya uli si Jason at sinabihang salubungin na lang siya nito. Mabuti naman at masunurin ang hunghang. Mayamaya pa'y narinig na niya ang pamilyar na tunog ng motorsiklo nito. Pagkakita sa kotse niya, tumabi ito sa kanya at nag-salute. Sabay na sila pumasok sa parking lot ng building ng kompanya nila.
Paglingon ni Rona, nakita niyang huminto ang kotse ni Luke sa bukana ng parking lot nila. Nang umibis sila ni Jason at magka-holding hands na pumasok sa building, umatras ang sasakyan ni Luke at tuluyan nang lumayo roon.
**********
Isang linggo simula nang pagbisita ni Luke sa apartment ni Rona, naging panauhin naman ng dalaga ang masungit nitong ama. Kagaya dati wala itong kangiti-ngiti. Pakiramdam nga ni Rona lumamig pa ang paligid sa pagdating nito. Ganoon ka walang buhay ang matanda.
"I think you already know why I'm here."
Medyo kinabahan ang dalaga pero hindi siya nagpahalata. Pinagkurus niya sa dibdib ang mga kamay at hinarap ito nang taas-noo.
"There's a very important reason why I want you to stay away from my son," sabi pa nito sa pnakamalamig na boses.
Imbes na sumagot, nagtaas lang ng kilay si Rona. Sa loob-loob niya, how dare he?! Hindi na kailangan pang manduan siya nitong layuan ang anak. Ano pa nga ba ang ginagawa niya?
Sumulyap ito sa larawan ng kanyang ina na makikita mula sa pintuan. No'n lang nakita ng dalaga ang kaunting emosyon sa mga mata ng matanda. Napalingon nga rin siya sa naka-hang na portrait ng mama niya. Nagtaka pa siya kung ano ang nakita ng don sa larawan na iyon na nagpalambot sa puso nito. Pero bago pa siya makabuo ng sariling sapantaha, tumikhim ang ama ni Luke at nagsalitang muli.
"She used to be my --- fiancee," bigla na lang nitong sabi sa mahinang-mahinang boses. Nangunot agad ang noo ni Rona. Bigla siyang nalito. Sinong she?
Sinundan niya ang tingin ni Mr. Santillan. Nakatitig na naman ito sa larawan ng mama niya. Shit! Nobya niya kamo si Mama? No way! Si Papa lang ang naging lalaki sa buhay no'n!
"You see---your mother and I---we used to be l-lovers. She was my college sweetheart. We only parted ways because my --- my parents didn't want her for me. As soon as we broke up, they arranged my wedding with Luke's mother. I---I only agreed to it because I thought it would be just temporary. I told your mother I will return for her, but she was already married when I came back. That's when I discovered that she was pregnant with our baby when I left her."
Nanghina bigla sa mga narinig si Rona. Napatukod siya sa dingding at napahagulgol. Naisip niya ang mama niya. All along pala'y may tinatago itong mapait na kahapon. Akala niya ang papa niya lang ang nanakit sa damdamin nito. Kaya pala ang sabi niya noon, dalawang beses siyang umasa at nagtiwala sa isang lalaki, dalawang beses ding nabigo.
Nawala ang lamig sa mga mata ni Mr. Santillan. For the first time in a long time, sinulyapan siya nito with warmth in his eyes. Dahan-dahan pa siya nitong itinayo at dinala sa loob. Nang makaupo na siya sa sofa saka na naman ito nagsalita.
"I am sorry, but --- y-you could be my d-daughter. That's why I want you to stay away from my son. I don't want an incestuous relationship for my children."
Gulat na gulat na kanina pa si Rona sa mga pinagsasabi ng matanda pero lalo siyang nayanig sa bigla nitong sinambulat. Dagli ang reaksiyon ni Rona. Umiling-iling siya at pasigaw na nagsabi ng, "You're lying! Hindi ikaw ang ama ko! Alam kong si papa ang tatay ko!"
Ngumiti ito nang malungkot.
"Why do you think your father never prioritizes your needs? You were always second fiddle to his other kids."
Natigil sa pagsinghot si Rona. Awtomatikong nag-flash back sa kanyang imahinasyon ang hindi mabilang na pagkakataong binigo siya ng papa niya. May takot sa mga matang napatitig sa matanda ang dalaga. Nasapo niya nang hindi namamalayan ang umbok sa kanyang puson.
"If you leave my son --- your brother --- alone, I will give you whatever you need. Just name it. I can even arrange for you to live anywhere else in the world and I will give you the financial support that you need."
Nanghilakbot si Rona nang marinig niya ang sinabi nitong your brother. May kung anong galit na umusbong sa kanyang dibdib. Ang lahat niyang naipong hinanakit sa kinikilalang ama pati na rin kay Caloy ay tila naghalu-halo. Sumabog siyang parang bulkan.
"Kung totoong ama ko kayo bakit hindi n'yo ako hinanap? Bakit ngayon lang kayo nagpakilala? Bakit sa kabila ng lahat, na alam n'yong maaari n'yo akong maging anak, bakit tila wala kayong malasakit sa akin? Bakit puro na lang iyong anak n'yong si Luke ang iniitindi n'yo?!"
"Hija, calm down."
"You're lying! I know you're lying! Get out! Huwag na huwag na kayong magpakita pa sa akin kahit kailan!" paghuhumiyaw ni Rona sabay turo sa direksiyon ng pintuan. Napahinga nang malalim ang matanda at walang sali-salitang lumabas ng apartment niya.
**********
Nakita niyang tumakbo sa direksiyon niya si Jason pagka-park ng motorsiklo at siniguro nitong mapagbuksan siya ng pintuan.
"Dumadalas yata ang eksena ko nitong mga nakalipas na araw, Architect?" nakangising bungad sa kanya ng binata. Labas ang mapuputi at pantay nitong ngipin.
"Huwag mo akong binibiro-biro at mainit ang ulo ko!" asik niya rito sabay baba ng sasakyan.
"Kinabisado mo ba ang linya mo? Kapag pumalpak ka mamaya hindi kita babayaran."
"Of course. Buti na lang pala at malapit lang dito ang gym na pinupuntahan ko tuwing umaga." Humagalpak pa ito ng tawa.
Hindi na pinansin ni Rona si Jason. Nauna pa siyang maglakad dito. Inilang hakbang naman ng binata ang pagitan nilang dalawa at umakbay pa ito sa kanya. Tatabigin niya sana ang kamay nito nang may binulong ito sa kanya.
"Iyong guy na pinagseselos mo last time is just behind us. Why is he here?"
Bumilis agad ang tibok ng puso ni Rona sa narinig pero hindi siya nagpahalata.
"May emergency meeting kami. May mga nag-rally laban sa pagtatayo namin ng condotel nila sa Iloilo. Pinapatigil ng mga ito ang konstruksiyon dahil sapilitan daw na binili sa mga orihinal na may-ari ng lupa iyong kinatitirikan mismo ng project."
"Same old story. Ano pa nga ba ang maaasahan natin sa mga mayayaman?"
"The Santillans didn't do it. Binili lang nila ang nasabing lupa sa mga Dizon."
"Hi there, Mr. Santillan," bigla na lang ay bati ni Jason sa dumaan. Hindi ito lumingon sa kanila. Tuluy-tuloy itong pumasok sa building dahilan para matawa na naman si Jason.
"You guys are like high school kids. Kailan pa ba kayo aamin na mahal n'yo ang isa't isa?"
Tinabig na ni Rona ang kamay nito sa balikat niya dahil sigurado na siyang hindi na sila nakikita ni Luke.
"Huwag kang mangialam. Siguraduhin mo lang na kabisado mo ang linya mo. Ang usapan natin, ha? Isang pagkakamali mo lang goodbye five thousand pesos na!"
"Akala mo naman kalaki ng binabayad mo sa akin!" naiinis nitong pakli. No'n lang ito sumimangot. Kapwa sila natigilang dalawa nang mapadaan sa tabi nila si Meg. Kimi itong bumati kay Rona at tumango naman kay Jason bago dali-daling pumasok din sa building.
"Bullshit! You and your big mouth!" asik ni Rona sa binata. Hindi na sumagot pa si Jason.
**********
Malayo pa si Rona sa apartment niya nang gabing iyon nakita niya agad ang naghihintay na itim na BMW sa bandang unahan. Pagkapasok ng kotse niya sa garahe, nakita niya sa rearview mirror na lumabas na rin si Luke sa sasakyan at sumunod sa kanya.
"I want us to talk," sabi nito sa malumanay na tinig. Larawan ito nang matinding lungkot. Ayaw sana itong harapin ni Rona pero naantig ang damdamin niya sa nakitang kalungkutan sa mga mata nito. Tahimik itong pinasabay ng dalaga hanggang sa loob.
"I heard Dad was here a few days ago," wika agad nito pagkaupo nilang dalawa sa sofa sa sala. "Do you believe him?"
"N-no."
"Neither do I," pakli naman ni Luke sabay gagap sa kanyang kamay. Akala ni Rona ay pipisilin lang niya ito, kaya nagulat siya nang bigla na lang ay dalhin niya ito sa mga labi at dampian ng masuyong halik habang nakapikit. "I know you're not my sister. I can feel it."
Nang idilat nito ang mga mata at magkatitigan sila napalunok nang ilang beses si Rona. Kaagad siyang umiwas ng tingin at dahan-dahan niyang binawi ang kamay.
"I know some laboratory here in Manila who could help us find out whether we're related. I just need some specimen from you."
"I don't think we need that. Tatanungin ko na lang ang papa ko. For sure alam niya kung ano ang totoo."
"It's better to get DNA-tested. Mas sigurado iyon."
Ayaw pa sana ni Rona pero sa bandang huli'y napilit din siya ni Luke.
Nang araw na lumabas ang resulta nagkita sila sa mismong laboratoryo kung saan isinagawa ang test at sabay na humarap sa pinuno n'yon para sa paliwanag ukol sa kinalabasan ng pagsusuri. Gulat na gulat sila pareho nang sabihin nito na positibo ngang ama raw ng dalaga ang matandang Santillan. Kapwa sila tinakasan ng kulay. Nakaramdam ng pandidiri sa sarili si Rona. Dahil doon ay bigla na lamang siyang naduwa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top