CHAPTER NINE
"Nakita ni Mama na suut-suot ko ang kuwintas na bigay mo. Tinanong niya ako kung kanino galing. Okay lang ba na sinabi kong bigay ni Papa? Kasi natitiyak kong magagalit siya kapag nalaman niyang galing sa iyo."
"Okay lang. Pero paano kapag tinanong niya ang Papa mo? Naabisuhan mo na ba iyon?"
"Hala, patay! Hindi ko naisip iyon!"
Nagkatotoo ang kutob ni Caloy. Nang hapon ding iyon, pag-uwi ni Rona mula sa eskwelahan, nadatnan niyang magkasalubong ang kilay ng kanyang ina. Hindi pa niya naisara ang pinto ay sinita na siya nito.
"Galing dito ang Papa mo kanina para magbigay ng sustento mo. Tinanong ko siya tungkol sa kuwintas."
Napalunok nang sunud-sunod ang trese anyos na si Rona.
"Kailan ka pa natutong magsinungaling sa akin?" Malumanay lang ang boses ng mama niya pero puno iyon ng hinanakit at galit.
Nang hindi siya sumagot, bumuntong-hininga ito.
"Wala kang pinagkaiba sa papa mo. Ginagawa n'yo akong tanga!"
Nang makita ni Rona ang pangingilid ng luha sa mga mata ng ina, siya pa ang naunang naiyak. Niyakap niya ito mula sa likuran.
"Sorry po, Mama. Galing po kay Caloy ang kuwintas. Sige po, isosoli ko na lang po sa kanya."
Natigilan ang kanyang ina. Dahan-dahan nitong binaklas ang mga braso niyang nakayapos sa kanyang baywang at tinitigan siya nang matagal. Para bang noon lang siya nakikita nito.
Makaraan ang ilang sandali, sinapo nito ng dalawang palad ang pisngi niya at hinagkan ang kanyang mga mata. Nakapikit ito habang tumutulo ang luha.
"Mula sa araw na ito gusto kong maging matapat ka sa akin. Hindi kita pagbabawalan pero sa isang kondisyon. Gamitin mo'ng utak mo. Huwag kang pauuto. At huwag na huwag kang gagawa ng isang bagay na alam mong ikakasama ng loob ko."
Nagulat siya sa naging reaksiyon nito. Ang akala niya kasi'y sasabunin siya nang todo.
"Hindi n'yo po ako pagbabawalan? Hindi n'yo po hihingin sa akin na hihiwalayan ko si Caloy? Okay lang po sa inyo na --- na boyfriend ko na po si Caloy?"
Napakagat ito ng labi. "Wala na rin akong magagawa. Simula't sapol alam kong espesyal siya sa iyo. Gusto ko lang ipangako mo sa akin na huwag na huwag kayong tumulad sa mga kapitbahay nating maagang nagsipag-asawa."
Lalo siyang napaiyak. Niyakap niya ang ina sa labis na kaligayahan. Hanggang sa magkolehiyo sila ni Caloy ay pinanindigan niya ang pangako sa ina.
**********
"Architect Ramirez, may bisita po kayo," salubong sa kanya ni Meg. Kapapasok lang niya sa ikaapat na palapag ng building kung saan siya nag-uupisina. Nagulat siya nang makita ang babaeng naghihintay sa kanyang silid. Nakasuot ito ng kulay puting single shoulder top with slim trousers na kulay puti rin. Nakalugay ang mahaba at unat na unat nitong brownish hair. Mas kamukha na niya ngayon si Candice Swanepoel, isang modelo rin, kaysa kay Gigi Hadid. Nakaramdam ng pagkainis si Rona. Nang umalis siya kanina ng bahay naisip niyang seksi na siya sa suot na plunging V-neckline, halter style, wide-leg jumpsuit from Rachel Zoe. Iyon pala ay ilalampaso lang siya ng hitad na ito.
"Good morning," nakangiting bati ng babae sa kanya. Tumayo pa ito para salubungin siya ng isang halik sa pisngi. She felt guilty right away. Sinikap niya lang maging kampante. Ngumiti rin siya sa babae kahit na kumakabog ang dibdib sa kaba at takot na baka pumunta ito sa kanya para komprontahin siya.
"Hello. Linda, right?"
"Yeah! Oh. I'm so flattered that you still remember me, Architect Ramirez."
"The feeling is the same. You also remember my name."
"That's not hard to do. Luke always talks about you. He likes your work a lot. He seldom talks about people at work so you must be really special," nakangiti pa nitong dugtong. Napalunok si Rona. Hinuhuli ba siya ng babaeng ito? Ganunpaman, nakaramdam siya ng warm, fuzzy feeling. Isipin mo, lagi pala siyang bukambibig ng kumag na iyon? No wonder palagi na lang siyang natitisod.
"I'm thinking, ikaw na lang ang kukunin kong architect ng ipapagawa naming bahay. He said I can have any architect I want, but then again I want him to be happy with the design I choose kaya naisip kita."
Kung gaano kabilis na-excite si Rona na bukambibig siya ni Luke, ganoon din kabilis naglaho ang excitement na iyon. May nadagdag pang bigat ng pakiramdam sa kanyang dibdib. Inisip pa naman niyang nagkaroon na rin siya ng pitak sa puso ng hudas dahil halos hindi ito pumapalya sa kate-text sa kanya kada umaga paggising niya at sa gabi bago siya matulog. Iyon pala...
"Architect Ramirez? Are you okay?"
Pinilig-pilig kaagad niya ang ulo at dumeretso na sa likuran ng desk. Pinatong niya ang shoulder bag doon at naupo sa swivel chair. Minuwestra niya sa babaeng maupo na rin sa visitor's chair.
**********
Palabas na si Rona ng SM Southmall nang mamataan sa Jollibee ang half-brother. May kausap itong mag-ina. Napansin niyang umiiyak ang bata habang nakayakap sa mga hita ng kanyang kapatid. Hindi niya napigilan ang sariling lumapit.
"Don't leave yet, Papa. Let's have chicken joy and spaghetti muna," sabi ng bata at tumingala ito sa ama. Nang makita ni Rona ang mukha ng paslit napasinghap siya. Ito ang nakita niya sa Cassansdra resort noon!
"Ikaw ang ama ng batang ito?"
"A-ate!" gulat na gulat na sagot ng kapatid. Bahagya itong pinamulahan. Hindi siya pinansin ni Rona. Binalingan ng huli ang babaeng nakatayo lang sa gilid ng mag-ama. May nangingilid na luha sa mga mata nitong mukhang nagulat din.
"I've been wondering about the asshole that fathered this child. Ikaw lang pala?"
Lalong namula ang pisngi ng nakababatang kapatid at nakita ni Rona na napakuyom pa ang mga palad nito. Humalukipkip siya sa harap ng mag-ama.
"Anak ka nga ni Papa. Pareho kayong walang kuwentang ama!" sabi niya sabay talikod sa tatlo. Dali-dali siyang lumabas ng mall. Sa pagmamadali may nabangga siyang pader. Este, tao pala. Napamulagat siya nang magkasalubong ang mga mata nila ni Luke.
"What are you doing here?" tanong niya agad sa lalaki.
Natawa ito nang mahina. Ano raw bang klaseng tanong iyon?
"This is a public mall. Bawal bang pumunta ako rito?"
No'n napagtanto ni Rona na baka sinusundan siya ng damuho. Ano naman ang gagawin ng isang Luke Santillan sa Southmall kung may sarili naman siyang mall sa isang high-end area sa Makati?
"Are you stalking me?" Naningkit pa ang kanyang mga mata.
Tumawa na nang malakas si Luke.
"Don't flatter yourself, sweetie," nakangisi nitong sagot sabay tapik sa kanan niyang pisngi. "Linda is here. She's checking the renovation of her boutique, her fifth branch in the region. We agreed to have lunch here today rather than go back to Makati."
Nakagat ni Rona ang labi. Napahiya siya. At the same time, kumulo ang dugo niya. How could he just mention his girlfriend's name casually pagkatapos ng nangyari sa kanila?
"You cheated on her. How could you pretend like nothing happened?" asik niya sa lalaki.
Nagtaas ito ng kilay.
"I didn't," sabi pa nito.
Nagpanting ang tainga ni Rona. Sa lahat ng pinaka-ayaw niya, iyon ay ang isang sinungaling.
"If I wasn't the one you cheated with papaniwalaan pa sana kita!" nagngingitngit niyang sagot sa mahinang boses. Boses na puno ng galit at hinanakit.
"We seemed to be --- not on the same page," pakli naman nito. May emphasis sa huling sinabi. "Cheating, for me, involves feelings. It was just pure sex; therefore, it doesn't qualify as one."
Natulig sa narinig ang dalaga. Hindi niya napigilan ang pag-igkas ng kanan niyang kamay. Lumagapak ang isang matunog na sampal sa kaliwang pisngi ni Luke. Nabigla ito. Maging ang mga taong dumadaan sa gilid nilang dalawa ay napalingon pa at napa-"Ay!"
"Wala kang karapatan na insultuhin ang pagkatao ko nang ganito! Bwisit ka! Bwisit ka!" at dinuru-duro pa niya ito.
Namula ang pisngi ni Luke. Iyon ay dahil sa tindi ng impact ng sampal at siyempre pa sa namumuong galit na rin sa loob ng binata. Pero nang nag-uunahan sa pag-agos ang mga luha ni Rona, lumambot agad ang ekspresyon sa mukha ng lalaki. Humabol pa ito sa dalaga nang dali-dali itong tumakbo sa parking lot.
**********
"I've promised you that I will always protect my heart, pero hindi ko na naman nagawa, Mama. Nalinlang na naman ang puso ko."
Habang nakatunghay sa puntod ng ina may naramdaman parang malamig na simoy ng hangin ang dalaga. Napaangat siya ng mukha. Napakurus sa dibdib ang kanyang mga braso.
"Patawarin n'yo po ako, Mama. Naging mapusok na naman ako. Naghangad na naman ako ng hindi para sa akin."
Todo emote siya nang bigla na lang may dumamba sa kanya. Napahiga siya sa damuhan. Kasabay no'n ay may dumila-dilang aso sa kanyang pisngi. A medium-sized, brown Labrador. Iniwas niya ang mukha at pinikit ang mga mata pero parang pinaharap pa ng aso ang pisngi niya gamit ang front paws nito para madilaan pa siya nang husto. Mayamaya pa may tumatawa sa hindi kalayuan. Napadilat agad si Rona dahil pamilyar sa kanya ang tunog ng tawa. At gano'n na lang ang pagsikdo ng kanyang dibdib nang makita si Luke. Naka- shorts ito ng kulay sky blue na umabot hanggang tuhod at naka-de kuwelyong polo na kombinasyon ng asul at puting kulay. Kakulay ng shorts ang nasa parteng dibdib at kulay puti naman mula baywang pababa.
"I think Bullet loves you. He is not friendly to strangers, you know. Sorry for the intrusion," nakatawa pang paghingi ni Luke ng paumanhin sabay buhat sa aso palayo sa kanya. Kung umakto ito para bang walang mall-scene na nangyari no'ng isang araw kung saan nasampal niya ito nang todo.
Imbes na sumagot pinagpag lang ni Rona ang damong kumapit sa kanyang pantalong maong at puting blusa. Pinunasan niya rin ng panyo ang mga braso na kinapitan ng alikabok at maliliit na dahon mula sa mga puno sa hindi kalayuan. When she was done, she made a sign of the cross at tumayo na. Without saying a word umalis na siya roon. Hindi pa siya nakalalayo dinaklot na agad ni Luke ang braso niya. Tinulak niya ito agad pero hindi siya binitawan ng lalaki. Sa halip niyakap siya nito.
"Lubayan mo na ako! Hindi ako masokista! Wala na rin akong pakialam kung bumalik sa dati ang kondisyones mo sa kompanya namin. Let's put a stop to this. Hindi ako bayarang babae!"
"Sshh," bulong sa kanya ni Luke. Hinagud-hagod pa ang kanyang likuran. Nang maramdaman niya ang mga labi nito sa kanyang leeg, awtomatikong napapikit siya. For like five minutes, ninamnam niya ang mainit nitong hininga roon. Napayakap pa siya rito na tila bagang ayaw niyang humiwalay. Bumalik lamang sa kasalukuyan ang kanyang huwisyo nang marinig ang malalakas na kahol ng aso. Naramdaman pa niyang tumayo ito at nakiyakap din sa kanila. Kasabay ng pagdilat, tinulak niya nang malakas si Luke. May rumehistrong pait sa mukha nito na kaagad namang nawalang parang bola.
"What do you want me to do? You know I have a girlfriend."
"You have a girlfriend and yet, you have the audacity to ask me to be your woman!"
"Hindi pa naman kami kasal, e. Linda is open-minded. We agreed to have an open relationship while we are not married yet."
"At gusto mo pa akong gawing palipas-oras habang naghihintay ng kasal n'yo, gano'n?"
Napabuntong-hininga ito.
"You're more than that. You know we have deep chemistry."
"Iniinsulto mo ba ako?"
Tumawa ito nang mahina. "How could that be an insult?"
"Hindi ka na kinikilabutan sa pinagsasabi mo. Nandiyan lang nakahimlay ang mama ko, o!" at itinuro niya ang puntod ng ina sa hindi kalayuan. Lumingon naman doon si Luke bago tumingin uli sa kanya.
"I don't know what will happen in the future but for now all I can promise is I like you a lot. And I intend to make you my woman whether you like it or not."
"Promise? Anong klaseng pangako iyan?" pakli niya. Ganunpaman hindi maitatanggi na nakaramdam siya ng hindi maipapaliwanag na kaligayahan. Pinipigilan lamang niya ang sariling huwag mag-tumbling sa tuwa. Para sabihin ng isang Luke Santillan na gusto siya nito ay hindi biro. Lalo pa't he looked pained when he said it. Para bagang napipilitan itong magtapat ng ganoong damdamin na hindi naman nakasanayang gawin.
"I don't know, Rona. I like you, period."
"Well sorry because I don't like you!"
Ngumiti si Luke at kumislap pa ang mga mata nito sa kapilyuhan. "Don't make me prove you wrong in front of your mother's grave."
Napasulyap si Rona sa puntod ng ina. Kaagad na bumalik sa kanyang alaala ang isang eksena sa kanyang kamusmusan nang nahuli siya nitong nagsinungaling para itago ang relasyon nila ng kababatang si Caloy. Parang narinig na naman niya itong nagpapaalala sa kanya na kahit ano'ng mangyari huwag na huwag na siyang magsinungaling pa uli. Dahil doon napalunok ang dalaga. Palihim siyang humingi ng dispensa sa ina.
"Gaya ng sinabi ko kanina, huwag mo nang bigyan ng pabor ang kompanya namin kung ang kapalit no'n ay pagkawasak ng respeto ko sa sarili. Hindi bale nang hindi bumilib sa akin si Boss Dave. Hindi bale na ring mawalan kami ng bonus ngayong pasko dahil sa pagbayad sa penalty charges na sisingilin mo sa amin dahil sa pagkaantala ng proyekto. Ang mahalaga---"
"Are you making me feel guilty?" putol nito sa sasabihin pa niya. Umiba na ang ekspresyon sa mukha nito. Parang nairita na ito bigla. Nang hindi siya nakasagot walang pasabing dinampot niya ang aso at nauna nang lumabas ng memorial park. Natukso si Ronang batuhin ang likuran nito nang makabawi man lang siya kahit kaunti.
Hindi muna niya pinaandar ang makina ng sasakyan pagkaupo niya sa harap ng manibela. Ipinahinga muna niya ang ulo roon at huminga nang malalim. Natigil lamang siya sa ginagawa nang makarinig ng message alert tone ng cell phone.
"I don't say this often enough --- I'm sorry for making you feel bad about yourself. That was not my intention. I just want to be honest with you. I like you a lot. I think about you all day and all night, but I am not sure if we have a future together. And I want you to know that."
Tumulo ang luha ni Rona, pero at the back of her mind she was kind of happy. It was the first time that somebody she likes so much, aside from Caloy, told her he likes her back. Isipin mo iyon? At isang kagaya pa ni Luke. She felt so flattered. Pero kaagad din niyang pinagalitan ang sarili. Nahihibang ka na, Rona! Napaka-pathetic mo talaga!
Pinaandar niya ang makina ng sasakyan. Umubo lang ito pero hindi nag-start. Inulit niya. Umubo ulit. Nakailang ulit siya nang maisipang lumabas at buksan ang harapan nito para matingnan kung ano'ng problema.
"Uh-oh. I think you have carburetor problem," sabi ng isang pamilyar na boses sa kanyang likuran. Sinimangutan niya ito sabay baba sa hood. Bumalik siya sa loob ng sasakyan at ini-start uli ang kotse. Walang nangyari. Tumigil siya sa ginagawa at hinanap sa contacts ang suki niyang mekaniko. Tinatawagan niya ito nang kinatok siya sa bintana ni Luke. Nang hindi niya ito pinansin, ito na mismo ang nagbukas ng kotse niya. Nakalimutan niya palang i-lock. Hinila siya nito palabas.
"Ano ba?!" singahal niya rito.
"I already called my mechanic. Meantime, come with me. Ihahatid na kita."
Nang hindi siya tuminag hinawakan siya nito sa kamay.
"Hurry up! I heard that there's a typhoon coming. I want to be back in the comfort of my house before that comes."
Bago nakasagot si Rona may pumatak na isang butil ng ulan sa kanyang mata. Ang isang butil ay naging dalawa hanggang sa halos hindi na niya mabilang ang mga iyon. Napatakbo sila ni Luke sa sasakyan nito.
"Ang kotse ko!" naibulalas na lang niya nang rumagasa na ang ulan.
"Parating na ang mekaniko, don't worry."
"Hindi ko yata nai-lock iyon."
"It's all right."
"Ano'ng it's all right ka riyan? Palibhasa kaya mong bumili ng isla sa isang pitik lang ng daliri kaya hindi mo alam kung paano ang mawalan!"
"Stop being melodramatic, Rona. It's just a car. A broken car," at napangisi pa ito sa huling tinuran. Sinamaan ito ng tingin ng dalaga. Sumeryoso naman ito agad. "Sige na nga, I'll call a towing company instead," at may tinawagan nga ito. Hinintay nilang makarating ang nasabing maghihila ng kotse bago nila nilisan ang pook na iyon.
Dahil sa bagal ng usad ng traffic gawa ng tubig baha sa ilang bahagi ng highway, ang kalahating oras na biyahe ay naging tatlo. But halfway through it, nakatulog si Rona. Nagising na lang siya nang niyuyugyog na siya ni Luke sa balikat. Maraming nakahilerang mamahaling kotse sa paligid. Napaupo nang matuwid ang dalaga sabay kurap-kurap.
"Where are we?"
"We're at my garage. Dineretso muna kita sa bahay dahil mataas na ang tubig papunta sa inyo."
Hindi na nito hinintay ang sagot niya bago bumaba. Napilitan na rin siyang umibis ng sasakyan. Hinawakan na naman siya sa kamay ni Luke habang naglalakad sila papunta sa elevator. Sampo ang numerong pagpipilian nila at nakailaw ang Basement 2. Pinindot ni Luke ang number 3 at umakyat na ang elevator. Sa Basement 1 may nakita pa siya ulit doong mga sasakyan. Sari-saring kulay at brand, pero puro mamahalin.
" Min sonn (My son)," narinig ni Ronang bati ng isang babaeng blond na medyo may edad na. Nakangiti ito. Ang ngiting iyon ay biglang napalis nang makita siya.
"Hi Mom!" bati ni Luke sa ginang at humalik ito sa pisngi ng huli. "This is Rona."
Bumalik ang ngiti sa labi ng babae at bumati ito sa kanya.
"Welcome to my home."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top