Berdugo

https://youtu.be/5A4YTT88tck

[Pakinggan ang kantang "Ilaw sa Daan" by IV of Spades habang nagbabasa]



Natigil ako sa tunog ng putok ng baril.

"Peping, takbo! Takbo!"

Binulag ako ng mga luha ko at agad na tumalikod, tumatakbo ng mabilis hangga't saan ako maaaring dalhin ng mga paa ko pababa sa eskinitang ito.

Ang umuusbong na ingay ng aking tsinelas ay umaalingawngaw sa mga pader ng eskinita na sinundan ng eko. Ito ay tumutugma sa pintig ng aking pusong binalutan ng matinding takot at lungkot habang ako'y tumatakbo.


Nilapat ko ang aking kamay sa harap ng aking bibig nang makarinig muli ako ng putok ng baril subalit sa pagkakataong ito ay naging isang musika ang tunog sapagkat ako'y tumatakas sa realidad ng totoong mundo.


----

6:00 pm

Lumilipas ang mga araw tulad ng aninong padami at pakunti sa gilid ng buwan. Ito ay dumadaloy na parang walang hanggang pag-agos ng mga taong pinapanood ko habang nakaupo ako sa gilid ng kalsada.

Nagmamadali silang umuwi dahil hinahabol na sila ng oras. Oras na nagsisimulang kumilos ang Berdugo.

Inangat ko ang aking kamay at nilagay sa tapat ng aking mga mata. Masyadong nakakasilaw ang mga sasakyan sa kalsada na siyang naglilikha ng trapiko.

Mga ilaw sa daan, nakikisabay sa liwanag ng buwan
Habang ako'y nakatingin sa kawalan nang hindi mo pansin


Nabaling ang aking tingin sa mga taong sumusulyap sa akin. Kinuha ko ang lata sa aking gilid na naglalaman ng isang piso at dalawampu't limang sentimo at itinaas.

"Eh?" sambit ko sa ilan, "Ah?" naman sa iba. Kailangan ko lamang ng sapat na pera pambili ng tinapay upang makaraos ngayong gabi.

Sa halip na pera ay nakatanggap ako ng mga pag-iwas ng tingin sa desperado kong itsura mula sa mga taong dumaraan. Sinubukan ng ilan na magmukhang simpatiko ngunit nakikita ko sa likod ng kanilang pagkukunwari ang pagkamuhi.

Tinignan ako ng isang batang may mga matang mapanuri at inosente, "Mama, bakit po nakaupo sa sahig ang lalaki? Maaari ba natin siyang tulungan? Sasaktan niya ba ako?"

Kinirot lamang siya ng kaniyang ina at hinila pasakay ng dyip.

"Peping!" tawag sa akin ng aking kuya na si Doming.

Lumapit siya sa akin habang tulak-tulak ang kariton kaya hinimas ko ang aking tiyan upang iparating sa kaniya na gutom ako.

"May naipon akong singkwenta. Tara bili tayo pan de sal," Paanyaya niya. Mabilis na lumawak ang aking ngiti at hindi nag-atubiling sumakay sa kariton namin.

Pinanood ko kung paano tumingin ng may labis na pandidiri ang mga tao sa amin. Ang paraan ng kanilang pagtingin ay nakakasakit. Mga tinging may bahid ng awa. Bagamat gayon, sanay na ako.

Mga taong nalampasan ng apat na gulong na akin ngang sinasakyan
Sa inipong usok ay bitin na nakaipit sa gitna at pang-bituin


Yumuko ako upang maiwasan ang hiya. Sa aking pagyuko, nakita ko ang headline ng dyaryong nakaladlad dito sa kariton: Berdugo.

Narinig ko mula sa mga taong nadaanan ko na ang Berdugo ay pumapatay gabi-gabi. Minsan, kapag pumasok daw ang Berdugo sa isang bahay ay ang buong pamilya ang mamamatay ngunit kadalasan daw ng mga biktima nito ay matatagpuan na lamang sa kalsada.

Tanyag ang binansagang 'Berdugo.' Lagi siyang laman ng lahat ng mga pahayagan sa iba't ibang sulok ng mundo.

Kaya naging tanyag ito dahil mahigit kumulang labing-isang libong tao na ang napatay nito at hindi pa nahuhuli ng mga pulis. Tuwing papatay siya ay nag-iiwan siya ng mga mensahe.

Nawaglit ang aking isipan nang tapikin ako ni kuya. Nakaparada na kami sa tapat ng panaderya. Tumango ako sa kaniya at pinanood siyang maglakad paalis.

Isa sa mga nakahiligan kong gawin ay ang magkalkal. Kinalkal ko ang mga bagay na matatagpuan sa supot sa aking likuran. Ito ang mga kinokolekta ni kuyang mga lata upang mabenta namin. 

Inalog ko ang ilang mga lata upang tignan kung may baryang laman ngunit sa aking dismaya ay wala. May isang lata naman na may lamang supot. 

Inangat ko ang supot at tinignan ang laman niyon. May mga pakete ng gamot sa loob. Siguro napulot ito ni kuya para kung sakaling magkaroon man kami ng sakit ay may gamot kami.

Inalog ko muli ang iba pang mga lata ngunit wala pa ring barya. Paano na kami makakaraos bukas ng umaga? Ang saklap ng buhay. Kumawala ako ng buntong hininga at tumingin sa malayo

7:00 pm

"Peping!"

Inangat ko ang aking ulo subalit kumunot agad ang aking noo sa babaeng nakatayo sa kabilang dako ng kalsada at kumakaway. Inay.

Hindi na punit-punit ang kaniyang damit gaya noong huli ko siyang nakita. Hindi na rin siya madungis tignan. Malinis ang kaniyang itsura at disente na. Sa katunayan, mukha siyang mayaman.

Kumurba ng kaunti ang kaniyang mapupulang labi at tumalikod sa akin saka lumiko sa isang kanto.

Gustuhin ko mang isigaw ang pangalan niya at tawagin siyang 'inay' subalit hindi ko kaya sapagkat pinanganak na akong pipi.

Hindi alintana ang mga sasakyang dumaraan, tinakbo ko ang kalsada papunta sa cantong dinaan niya. Nakarinig ako ng ilang mga harurot ng sasakyan ngunit hindi ko iyon pinansin. Limang taon ko siyang hindi nakita, ito na ang aking pagkakataon.

Tuloy-tuloy sa pagtakbo
Biglaang hihinto sa dulo


Nang makatawid ako sa kalsada, lumiko ako sa kantong dinaanan niya habang sinasampal ang aking tainga. Kanina ko pa naririnig ang paulit-ulit na kantang ito.

Sa mga oras na ito, kumunti ang mga tao kaya hindi nahirapan ang aking mga mata sa paghahagilap ng isang babaeng nakasuot ng pulang damit na may mahabang buhok.

Pinagpatuloy ko ang paglakad sa kantong ito ngunit natigil ako sa balitang narinig ko mula sa tindahan ng mga TV.

Kahit maraming mga TV ang nakaladlad sa tindahan, iisa lamang ang pinapalabas nito.

"Isang terenta'y tres anyos na lalaki ang natagpuang patay sa barangay Marahuyo, lungsod ng Alpas kagabi. Makikita sa cctv ng kanilang barangay ang insidente na animo'y pinaulanan ng mga putok ng baril ang biktima."

Kung makikita mo naman, lahat sila ay nagkakaisa
Tumatalon, sumisigaw, humihiyaw ang iba sa kanila
Hindi mo na mapipigilan ang saya, damdamin mo ay umaapaw
Sulitin mo ang buong gabi bago pa sumapit ang araw


Sinampal ko ulit ang aking tainga at nanatiling nakatutok sa TV kung saan pinalabas nila ang grupo ng mga lasing na naglalakad sa gitna ng kalsada ngunit bigla silang nagsitakbuhan at natirang nakahiga ang lalaking biniktima.

"Nanawagan ang kaniyang pamilya sa sinomang makatutulong sa kanila sa paghahanap ng salarin. Naireport na ito sa mga pulisya at iniimbestigahan na nila ang insidente. Ito si Lito Torres, reporting."

"Naniniwala akong si Berdugo iyon," napalingon ako sa aking likuran. Si inay.

Agad ko siyang niyakap ng mahigpit at inamoy ang samyo niya. Nakapagtataka lamang na kaprehas niya ang samyong naamoy ko kanina. Pinikit ko na lamang ang aking mga mata at humikbi. Sila lamang ni Kuya Doming ang nakakaintindi sa sigaw ng puso at damdamin ko kahit hindi ko mabigkas.

"Shh, tahan na," paglalambing ni inay habang hinihimas ang aking likod.

8:00 pm

Humiwalay sa yakap si inay ngunit agad akong nagtaka nang mapalibutan ako ng maraming babaeng kamukha niya na nakasuot din ng pulang damit.

Inilibot ko ang aking tingin at maraming mga kamukha si inay na nakatitig sa akin at nakangiti. Unti-unting nag-iba ang hulma ng mga gusali sa paraang natutunaw ang mga ito na parang sorbetes.

Maluha-luha kong tinulak papalayo si inay na nakahawak sa akin na siyang hudyat ng pagbilis ng aking hininga.

Umiikot ang aking paningin at patuloy akong umatras hanggang sa tumama ang aking likod sa poste hudyat ng pagsalampak ko sa lupa. 

Mga tao sa daan, sila'y sabay-sabay sa paggawa ng paraan
Upang lapitan ang lasing na unti-unting umiikot ang paningin


Nanginginig kong inangat ang aking ulo subalit nawala na ang sandamakmak na pigura ni inay. Maging ang nag-iisang inay na nakayakap ko ay nawala. Napalitan sila ng mga taong mabilis na naglalakad sa kalsada at nakatingin pa rin sa akin.

Batid kong hindi ito panaginip ngunit bakit ganito? Hindi ako lasing ngunit bakit ganito? 

9:00 pm

Nakikita ko kung paano ako panoorin ng mga tao habang nagpagulong-gulong ako sa gilid ng kalsada. Mukha akong baliw sa mata nila. Siguro dala ito ng gutom.

Pilit kong winasik sa aking isipan si inay nang hindi na siya mahagilap ng mga mata ko. Imahinasyon ko lamang siguro iyon. Dahan-dahan akong gumapang pabalik sa pwesto ng aming kariton hanggang sa nakayanan ko nang tumayo at tumakbo.

Tuloy-tuloy sa pagtakbo
Biglaang hihinto sa dulo


Sinampal ko ulit ang aking tainga.

"Peping!"

Narinig ko siya muli. Kumurba ako palikod habang patuloy na tumatakbo. Nakikita ko siyang kalmadong tumatakbo rin habang nakatitig sa akin. Walang ekspresyon ang mababasa sa kaniyang mukha.

"Peping!"

Nais kong sumigaw ng 'Huwag! Lubayan mo ako!' ngunit ang tanging lumabas sa aking bibig ay mga salitang hindi naiintindihan ng mga tao, "L-lu mu eh ah k."

Namamanhid na ang aking mukha at bumubuhos na ang mga luha sa aking pisngi. Bakit ako umiiyak? Anong ikinababalisa ko?

Tinignan ko ulit si ina mula sa likod ko. Tumatakbo pa rin siya ngunit sa pagkakataong ito pabilis na siya ng pabilis. Ibinaling ko na lamang ang tingin ko sa daan habang umiiyak. Ang aking mga labi ay nakaawang at nanginginig ngunit walang salita na lumalabas.

Sinubukan kong pakalmahin ang aking paghinga ngunit nararamdaman kong umuusbong mula sa aking tiyan papunta sa aking puso ang pagkabalisa. Pinunasan ko ang malalamig na mga butil ng pawis sa aking noo.

Mula sa 'di kalayuan, natatanaw ko si kuya na nakaupo sa kariton sa harap ng panaderya. May mga tao siyang kinakausap at tila nagtatanong habang kumukumpas ang kaniyang kamay subalit walang pumapansin sa kaniya. Hinahanap niya ako.

Habang tumatakbo, pinilit kong sumigaw sa kaniya, "S-si wa g-ga ra!"

Tatawid na sana ako nang biglang umikot ang aking mundo. Ang mga sasakyan ay naging malalaking lata na umiikot sa gitna ng kalsada.

Ang mga tao naman sa aking paligid ay katulad ko na nakasalampak at umuugong paroo't parito.

Biglang nag-iba ang lugar. Napunta ako sa gitna ng mga nagsisiyahang tao sa club kung saan madilim at kumikislap ang iba't ibang kulay ng ilaw. Lahat ng mga taong nakapaligid sa akin ay buhay na buhay habang umiinom ng alak at umiindak sa tugtugin.

Kung makikita mo naman, lahat sila ay nagkakaisa
Tumatalon, sumisigaw, humihiyaw ang iba sa kanila
Hindi mo na mapipigilan ang saya, damdamin mo ay umaapaw
Sulitin mo ang buong gabi bago pa sumapit ang araw


Hindi ko na namalayan ang aking sarili na sumasayaw sa musika tulad ng ginagawa ng mga tao rito. Parang hindi ko kontrolado ang aking katawan at patuloy itong tumatalon.

Maraming pawis ang kumakapit sa aking balat at alam kong hindi iyon lahat sa akin sa sobrang siksikan dito sa club.

Sa kadiliman ng club na ito, nakita ko sa malayo si inay. Masyadong mapanakit sa aking mga mata ang pula niyang damit. Tinignan niya lamang ako at biglang pumitik ang isa niyang mata.

Unti-unting nag-iba ang itsura ng mga tao rito at nagiging kaparehas na niya ulit ngunit sa pagkakataong ito sobrang saya at malaya tignan ang maraming inay. Ang aking mga katabi ay kumekembot hudyat ng pag-ipit ko sa pagitang ng dalawang kamukha ni inay. 

Sa hindi malamang dahilan, umindak ako at mas naging komportable sumayaw. Nalalanghap ko muli ang pamilyar na samyo na iyon. 

Nagpasya akong pumikit upang makabalik ako sa realidad. Kasabay ng pagpikit ng aking mga mata ay ang masakit na pagpintig ng aking utak. Naririnig ko pa rin ang paulit-ulit na kantang iyon. Minulat ko ang aking mga mata at naiba na naman ang lugar na kinaroroonan ko. 

Napunta naman ako dalampasigan. Katabi ko si inay habang pinapanood namin ang paglubog ng araw.

Sinulyapan ako ni inay at nginitian, mga kulubot na lumalabas sa kaniyang mga pisngi. Ang kaniyang mahabang buhok ay sumasampal sa kaniyang mukha ngunit nakikita ko pa rin siya ng maayos.

"Nangungulila kami ng iyong itay sa iyo," mahinang sambit niya. Nginitian ko siya pabalik at nilagay ang aking kamay sa tapat ng aking dibdib saka yumuko upang ipakita na malugod ako.

Binalik ko ang aking tingin sa dalampasigan. Tuwing lumulubog ang araw, isa lamang ang naaalala ko. Si Berdugo.

Ika nga ng mga tao, "Lulubog ng araw, magsisimula ang pagpanaw."

Sabay kaming nagkatinginan ni inay na parang nababasa niya ang laman ng utak ko.

Umiiral muli ang pagkabalisa sa aking sistema at pilit na kumakawala sa aking katawan. Sa palagay ko ay malapit nang sumabog ang aking puso hudyat ng paglaki ng aking mga mata sa takot.

Nais ng aking katawan na tumakbo nang mabilis palayo kay inay para sa ikaliligtas ko, ngunit sa halip ay nanatili akong nakaupo.

Hindi na ako ang kumokontrol ng katawan ko. Marami akong gustong gawin subalit walang nangyayari.

Maging ang aking ulo ay naestatwa at nanatiling nakatitig sa kaniyang mga mata. Nag-iiba na ang kulay ng mga mata ni inay. Mula sa itim ay nagiging pula, kasing pula ng matingkad niyang damit at kulay ng araw.

Sa kinalalagyan at nararanasan ko ngayon, mas pipiliin kong mamatay sa kamay ni Berdugo kaysa manuod ng paglubog ng araw kasama si inay.

10:00 pm

Nakaramdam ako ng malakas na suntok sa aking panga at doon nabalik ang aking sarili sa totoong mundo.

Naka-upo pa rin ako rito sa kariton. Dahan-dahan akong napatingin sa supot na hawak ko. Tumingin ako sa paligid at masasabi kong nasa realidad na ako. Wala nang tao sa kalsada kundi kaming dalawa lamang ni kuya. 

"Nag-drudrugs ka?!" Sigaw sa akin ni Kuya Doming.

Drugs? Wala akong natatandaang nagdrugs ako kasi alam kong bawal at nakasasama. Binibintangan niya na naman ako.

Si kuya ang mas panganay kaya siya parati ang nasusunod. Ako? Pipi lang naman ako na walang nais makinig sa akin.

Napahilamos ako sa aking mukha at kinumpas ang aking kamay kay kuya. Ito ang senyas na ginagamit ko sa kanila tuwing si inay ang tinutukoy ko.

Nakapamewang na siya ngayon at bahagyang tumawa ng sarkastiko ngunit nagseryoso muli ang kaniyang mukha.

"Wala na si inay! Patay na siya Peping! Kailan mo yan isasaksak sa kokote mo?!" ulyaw niya at tinapon sa akin ang mainit na supot ng pan de sal, "Kailan ka pa nagdrudrugs ha? Kailan pa?"

Naguguluhan akong tumingin sa kaniya. Ano bang pinagsasabi niya?

Tinitigan ko ang supot ng gamot na kanina ko pa hawak-hawak. Ito ba iyon? Akala ko may sinat ako kaya ininom ko. Pagkatapos niyon ay nakita ko na si inay.

Hindi ba gamot ito? Nagkibit-balikat ako sa kaniya ngunit agad niyang hinablot sa akin ang supot.

Kumalma ng kaunti ang mukha ni kuya kumpara kanina nang makitang wala akong kaalam-alam. Si kuya ang tipong hindi mahilig magalit ng matagal. Gagawa at gagawa siya ng paraan upang maayos ang lahat. Minsan pinagsasamantalahan ko kabaitan niya.

Kumawala siya ng buntong-hininga at tinango sa akin ang pan de sal, "Kumain ka na. Itatapon ko ito, bawal 'to."

Pinanood ko siyang naglakad paalis. Habang paliit ng paliit ang pigura niya sa madilim na kanto, nginuya ko ang pan de sal at pilit na isinasaulo lahat ng mga nangyari sa akin kanina.

Kinuha ko ang isa pang pakete ng pinagbabawal na gamot sa isa pang supot. Kahit itapon ni kuya iyon, mayroon pang natira rito. Ito pala ang hudyat niyon.

Hindi ko alam ngunit hinahanap-hanap na siya ng katawan ko. Hindi ko rin 'to alam gamitin kaya nilunok ko muli. 

Ang iba namang nasa pakete ay kinuskos ko sa kamay ko saka nilanghap. Ito ang kaparehas na samyo ni inay.

Kasabay ng pagproseso ng aking utak sa mga pangyayari ay ang sunod-sunod na tahol ng isang agresibong aso mula sa kalayuan ngunit hindi ko iyon pinansin at lumanghap pa.

11: 00 pm

Natigil ako sa tunog ng putok ng baril.

"Peping, takbo! Takbo!"

Binulag ako ng mga luha ko at agad na tumalikod, tumatakbo ng mabilis hangga't saan ako maaaring dalhin ng mga paa ko pababa sa eskinitang ito.

Ang umuusbong na ingay ng aking tsinelas ay umaalingawngaw sa mga pader ng eskinita na sinundan ng eko. Ito ay tumutugma sa pintig ng aking pusong binalutan ng matinding takot at lungkot habang ako'y tumatakbo.


Nilapat ko ang aking kamay sa harap ng aking bibig nang makarinig muli ako ng putok ng baril subalit sa pagkakataong ito ay naging isang musika ang tunog sapagkat ako'y tumatakas sa realidad ng totoong mundo.

Nalalanghap ko muli mula sa aking kamay ang amoy ng droga. Naririnig ko pa rin mula sa malayo ang tahol ng mga aso.

Bakit ako tumatakbo? Dahil ba sinabi ni kuya Doming? O dahil mali itong ginagawa ko? O dahil nandito na ang Berdugo?

Lumiko ako sa iba't ibang eskinita at kanto hanggang sa sumampat ako sa bubong ng isang bahay upang tanawin ang mga nangyayari.

Bakit hindi pa umeepekto ang droga? Hinihintay ko na lamang na mag-iba ang paligid ko at tumakas sa sitwasyon ng totoong mundo.

Mula sa bubong, para akong lobong nasisinagan ng maliwanag na bilugang buwan.

Sa gabing ito, natagpuan ko na kakaiba ang kadilimang ito. Sa siyam na taon kong paninirahan sa gitna ng mga lungsod, nasanay ako sa init ng kahel na ilaw mula sa mga lampara ng kalsada ngunit ang gabing ito ay ang kadilimang hindi ko maalalang nakita ko na noon.

Tumingala ako sa langit. Nakikita ko ang malilinaw na milyun-milyong bituin na nakadikit sa walang hanggang kadiliman subalit wala sa mga kislap na iyon ang makapagpapaliwanag ng madilim kong mundo.

Tinalikuran ko ang mga bituin at ang buwan. Mula sa bubong kinauupuan ko, natatanaw ko ang maliliit na bahay. Ito na ba ang epekto ng droga? Ang hindi mabahala sa kasalukuyan kong sitwasyon?

12:00 am

Tinanaw ko ang mahahabang kalsada at hinanap ng aking mga mata ang presensya ni kuya Doming. Lumipat ako sa iba't ibang bubong ng mga kabahayan ng lugar na ito upang makabalik sa pwesto ng aming kariton.

Sa aking pagsasampat, sinubukan kong hinaan ang aking mga hakbang upang hindi makagising ng mga tao.

Hindi nagtagal, nakita ko na ang aming kariton subalit wala pa si kuya. 

Bumaba ako sa bubong at nagtungo sa kalsadang pinaglakaran niya kanina nang itapon niya ang droga. 

Buong tapang akong naglakad sa madilim na kalsada kahit alam kong anomang oras ay maaari akong mamatay sa kamay ni Berdugo. Ito rin ba ang epekto ng droga? 

Kinaladkad ko ang sira-sirang tsinelas ko papunta sa kinaroroonan ni kuya. Ang aking pagkaladkad ay sobrang bigat, kasing bigat ng pasaning dala-dala ko.

Agad akong naestatwa sa aking kinatatayuan nang makita si kuya Doming. Nakahiga at natatakpan ng mahabang karton.

"D-du m g!" Nais kong bigkasin.

Tumakbo ako ng matulin papunta sa kaniya at lumuhod. Bago ko tanggalin ang kariton, napukaw ng aking atensyon ang nakasulat sa maliit pang karton.

Adik ako. Huwag tularan.


Berdugo. Kagagawan ito ni Berdugo.

Kung makikita mo naman...
Tumatalon, sumisigaw...


Sinampal ko muli ang aking tainga at walang pakunda-kundadang tinanggal ang karton na nakatakip sa kaniya. Tinamaan siya sa panga at dibdib.

Nanginginig ang aking kamay na humimas sa kaniyang mukha. Siguro iniisip niyo na malaking kapighatian ang makikita sa aking mga mata, ngunit hindi. Masaya ako.

Masaya akong wala na siya at hindi na babalik pa. Sa siyam na taong palaboy-laboy kami sa lansangan, masaya akong wala na siya sapagkat hindi na niya mararanasan ang hirap dito sa mundo.

Ako na ang papasan ng araw-araw na problema sa lansangan. Karapat-dapat na mangyari sa akin ito sapagkat kasalanan kong namatay siya. 

Niyakap ko muli si kuya sa huling beses at inilublob ang aking mukha sa duguan niyang dibdib.

"Imulat mo ang mga mata mo."

Marahan kong inangat ang ulo ko sa babaeng nagsalita. Umeepekto na naman ang droga. 

Mapait na ngumiti sa akin si inay ngunit nanlaki ang aking mga mata nang maglaho siya sa ere. Nagulat na lamang ako na may baril na nakatutok sa aking noo.

Siya si Berdugo.

Sa wakas ay nakita ko na ang Berdugo. Malinaw na malinaw. Madalas pala natin siyang nakikita sa umaga. Napakagaling magpanggap. 

Sa umaga siya ay nakauniporme at laging may dalang baril ngunit sa gabi, ang buong mukha niya ay natatakpan ng itim na tela.

Nakarinig muli ako ng putok ng baril.

Ang sakit na sumusunog sa aking noo at utak ay parang apoy na lumalala hanggang sa mamanhid. Unti-unting nagdilim ang aking paligid at ang tanging naririnig ko ay ang sariling tibok ng puso ko. Ang aking hininga ay umiikli at may pagkakataong sumisinghap ako.

Lumipas ang ilang segundong nakahiga kasama si kuya, nakarinig ako ng mga tinig. Ang mga tao ay nakapalibot sa amin at napagtanto kong sinusubukan nilang tulungan kami. Nais nila kaming iligtas.

Kung hindi ganito ang sitwasyon ko, tatawanan ko sila. Tiyak na nasa isip nila na huli na upang maligtas kami ni kuya Doming, gayunpaman tulad sila ng mga batang walang kamuwang-muwang sa kadiliman ng totoong mundo.

Hindi mo na mapipigilan...
Sulitin mo ang buong gabi...


Ang kawalan ng pag-asa at katarungan ng mundo ay nag-alis sa lahat ng mga mahal ko. Ako ay sasama na sa kanila sa lalong madaling panahon, kina inay, itay, at kuya. Maiiwan ko na lahat ng mga sakit. 

Ipinikit ko ang aking mga mata. Maaari na akong mamatay ng maligaya ngayon. Ang aking marupok na puso ay pumintig ng isa pang beses sa huling pagkakataon. Paalam.


***********************************

#Berdugo

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top