[4] Belinda's Lover
CHAPTER FOUR
"HINDI ka naman mamumroblema nang ganyan kung tama lang ang taong pinili mo, 'di ba?"
"Aiden is my boyfriend for three years."
"Mahahanap mo rin ang lalaking para sa'yo."
"Pa'no ka naman nakakasiguro?"
"Basta."
"May atraso ka pa sa 'kin."
"Atraso saan?" takang anito at sinulyapan siya mula sa rearview mirror.
"Kung marami rin palang nainom si Ryon, sana sinabi na lang niyang hindi niya 'ko masusundo. Ikaw pa tuloy ang naabala."
"Ako nga ang nag-insist. Sinabi kasi niyang masama ang pakiramdam mo."
She smiled guiltily.
"Dahilan ko lang 'yon para sana iwasan si Aiden."
"Kung gano'n, mas tama lang palang sinundo kita."
"Thank you talaga, Kobe, ha?" Napasandal siya sa silya at bumuntong-hininga. "Pasensiya na rin sa abala. Siguro ngayon nagpapahinga ka na sa bahay niyo kung hindi lang dahil sa 'kin."
"Sino naman ang may sabing abala sa 'kin 'to? Kung gusto mo, umidlip ka muna. Gigisingin na lang kita kapag nasa bahay na tayo."
She gave him a lazy smile.
"Thanks, Kobe. You're so sweet."
Ipinikit nga niya ang mga mata. Walang sapat na salita ang makapagsabi kung gaano siya nagpapasalamat at dumating si Kobe kanina.
"We're here," mayamaya ay deklara ni Kobe.
Napamulat naman si Billie at napaayos ng upo. Nasa labas na nga sila ng gate.
"Gusto mo bang pumasok na muna?" tanong niya.
"Hindi na siguro. I have to let you take a rest."
"Kung gano'n, mag-iingat ka, ha? Pa'no ba 'ko makakabawi sa'yo?"
"Isang kiss lang, okay na 'ko."
Natawa pa siya. Palabiro talaga ito.
"Good night, Kobe."
Inilapit niya ang kanyang mukha para bigyan ito ng halik sa pisngi pero bigla itong humarap. At sa mga labi nito lumapat ang mga labi niya. Tinangka niyang lumayo rito pero hinawakan ni Kobe ang likuran ng kanyang ulo at inangkin ang mga labi niya.
Sinubukan din niya itong itulak pero niyakap siya nito at pilit ibinuka ang kanyang mga labi. Ang pagtutol niya ay agad ding naglaho dahil natagpuan niya ang sariling tinutugon ang mga halik nito.
Hindi niya alam kung tama ba iyon. Hindi siya makapag-isip nang maayos. Nagkandalabo-labo na ang utak niya sa mga nangyayari. Ayaw niyang matapos ang halik. She had never been kissed that way before. Nalalasahan niya ang alak sa mga halik nito pero mas nangingibabaw ang tamis. And Billie wanted to taste some more.
HANGGANG sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin makapaniwala si Billie sa mga nangyari kagabi. Parang gusto tuloy niyang hilingin na sana ay hindi na lang nangyari ang mga nangyari. Lalo na kapag naaalala niyang hinalikan siya ni Kobe at tinugon niya dahil nagustuhan niya. Sana nga ay panaginip na lang ang lahat!
"'Te."
Napapisik si Billie mula sa pagkakaupo nang pumasok si Ryon sa kusina.
"Hmm? Bakit?"
"Lalabas lang ako, magpapa-load. Kapag dumating na rito si Kobe, pakisabi na lang kung saan ako nagpunta."
Sumikdo ang dibdib niya nang marinig ang pangalan ni Kobe.
"Pupunta rito si Kobe?"
"Oo. Pumayag siyang sumabay ako sa kanya ngayon papunta sa press conference namin, e. Nabanggit ko na 'yon sa'yo kaninang nag-aalmusal tayo."
"Nawala lang siguro sa isip ko."
"Labas muna ako."
"Okay."
Nang umalis na ang kapatid niya ay inubos naman niya ang kanyang kape. Iniligpit na niya ang kanilang pinagkainan sa lababo para mahugasan na niya.
Paano siya ngayon haharap kay Kobe nang hindi naiilang pagkatapos ng nangyari? Paano siya aarte nang normal? Daig pa yata niya ang isang teenager.
"Hi."
Malakas siyang napasinghap nang marinig ang boses na iyon sa likuran niya. Umarangkada ang tibok ng puso niya nang makita si Kobe. Ang bilis naman nitong dumating?
"W-wala si Ryon. Umalis sandali."
"Alam ko. Nakasalubong ko siya sa labas."
Nagpakawala siya ng isang buntong-hininga.
"Do you want anything? Kape, juice, tubig."
"Hindi mo na kailangang mag-abala. Okay lang ako."
Tumango-tango siya.
Nang lumapit ito sa kanya ay naalarma ang kanyang sistema.
"Kumusta?" tanong pa nito.
"I'm good. T-tungkol nga pala sa nangyari kagabi—"
"Don't tell me balak mo na lang 'yong kalimutan, Billie," sansala nito kaya naumid ang dila niya. "Sa tingin mo, nangyari 'yon nang hindi sinasadya?"
Kung ganoon ay sinadya nga nitong halikan siya. Mali man ay nakaramdam siya ng kakaibang kilig.
"Hindi 'yon dapat na nangyari, Kobe. Kaibigan ka ng kapatid ko, may boyfriend akong tao at..." Hindi na niya alam ang idudugtong.
"At pareho nating ginusto 'yon. Gusto kita, Billie."
Nanlaki ang mga matang napatitig siya kay Kobe.
"A-ano?"
Inilagay ni Kobe ang makabilang braso nito sa gilid ng lababo at na-corner siya. Ngayon ay sobrang lapit na nito sa kanya. Ang kanilang mukha ay ilang dangkal na lang ang pagitan.
"K-Kobe..."
Walang salitang bumaba ang mukha nito at inangkin ang mga labi niya. Sa sobrang pagkagulat ay naitulak niya ito pero walang salitang lumabas sa kanyang bibig. Ilang sandali rin sila nitong nagtitigan. Muli siyang hinalikan ni Kobe at sa pagkakataong iyon ay hindi na siya tumutol pa.
"MASAMA na ba akong babae, Tinie?"
"'Wag mo ngang isipin 'yan. Inisip mo lang ang makabubuti sa inyo ni Aiden. Isa pa, hindi ka naman tuluyang nakipaghiwalay sa kanya, 'di ba?" sagot naman ni Tinie.
Nagpunta siya sa bahay ng mga ito nang makaalis na sina Kobe at Ryon. Kailangan niya ng makakausap, kung hindi ay maloloka na talaga siya sa mga nangyayari. Nakatambay sila sa kwarto nito. Mayaman ang pamilya ni Tinie at nag-iisang anak na babae ito kaya spoiled. Mabuti na lang at hindi ito brat.
"Hindi 'yon, Tinie, e." Naisubsob niya ang mukha sa unan.
"E ano kung gano'n?"
"Hindi pa nga kami break ni Aiden pero nakipaghalikan ako sa ibang lalaki..."
"What?" malakas na bulalas nito at pinatihaya siya sa kama. "Pakiulit nga n'ong sinabi mo, Belinda?"
"Tinie, naman..." reklamo niya.
"Hindi nga, Billie?"
"Nakipaghalikan nga ako sa ibang lalaki. Masaya ka na?"
"Bakit mo ginawa 'yon? Kanino?"
"Hindi ko rin alam. Siguro wala ako sa sarili—hay, ewan! Kahit nasa tamang katinuan ako, hinayaan ko pa ring mangyari." Nakagat niya ang ibang labi. Sino ang sisisihin niya? Hindi naman kasalanan ni Kobe na nagustuhan niya ang mga halik nito at kung bakit hindi pa niya nararanasan ang ganoong halik mula kay Aiden.
"Nagustuhan mo kaya ka nagpaubaya?"
Nag-iinit ang mukhang tumango-tango siya.
"Gosh!" napasinghap na anas ni Tinie. "Sino ang lalaking 'yon?"
"'Wag mo nang alamin, nakakahiya."
"Belinda, naman! Ipinagkakatiwala ko nga sa'yo lahat ng pinaggagawa namin ni Jake tapos pangalan ng lalaking 'yon, ipinagkakait mo pa sa 'kin?"
Nakagat na naman niya ang ibabang labi.
"Basta, sa 'tin lang 'to, ha? Si Kobe."
"Si Kobe?" nanlaki ang mga matang anito pero saglit lang iyon. "Well, dati pa man may hinala na akong gusto ka niya."
"What do you mean 'dati pa'?"
"Naalala mo no'ng nanood siya ng gig ninyo? There was something extraordinary with the way he looked at you."
"Baka naman feeling mo lang 'yon?"
"Pa'no mo naman mapapansin 'yon e na kay Aiden ang utak mo? At ngayon ngang sinabi mong hinalikan ka niya, tama nga ako. Gusto ka niya. At sigurado akong balak kang ligawan n'on."
Lalong nailang si Billie sa sinabing iyon ni Tinie.
"Hindi kaya ang awkward n'on, Tinie? Magkaibigan sila ni Ryon at mas matanda ako sa kanya ng tatlong taon!"
"E ano naman ngayon? Tingin mo ba talaga mahahalata ng mga tao ang agwat ng edad ninyo? Tingnan mo nga si Kobe, ang laking bulas ng lalaking iyon kaya magmumukha ka pa ngang mas bata kaysa sa kanya. Besides, napakagwapo niya. Ang swerte mo kasi ikaw ang nagustuhan niya sa dami ng babaeng nagkakandarapa sa kanya."
"Maraming babaeng nagkakandarapa? Sigurado ka riyan?"
"Magbasa ka kasi ng magazine. Iyong pang-showbiz."
Kunsabagay, sa itsurang iyon ni Kobe, imposibleng walang nagkakagusto rito. Kahit na nga siya mismo ay hindi niya maikakaila ang kakisigan nito. Kung hindi nga lang ito magaling mag-basketball, malamang ay naging artista na rin ito.
Napabuntong-hininga siya.
"Iiwasan ko na ba si Kobe, Tinie?"
"No, Billie. It's not a good idea."
"Bakit?"
"Sinabi ba niyang gusto ka niya?"
"O-oo."
"Kung gano'n, may intensiyon nga siyang ligawan ka," nakangising ani Tinie.
"Pero kami pa rin ni Aiden kahit na may cool-off kami."
"Pa'no naman kung ma-realize mo na gusto mo si Kobe pero huli na ang lahat dahil iniwasan mo na siya? Kung hindi ka na masaya kay Aiden, break up with him. E di tapos ang problema mo."
"Kung makapagsalita ka, parang ang dali-dali lang sa'yo."
"Well, itong akin ay suggestion lang naman. But you know what? I really like Kobe for you. Feeling ko, mas bagay kayo," nakangising ani Tinie.
"Akala ko pa naman matutulungan mo 'ko."
WHERE R U? CAN I ASK U OUT?
"Ano'ng ire-reply ko?" tanong ni Billie sa sarili habang nasa comfort room siya ng kwarto ni Tinie. Hapon na nang mga oras na iyon nang mag-text si Kobe sa kanya.
NND2 AQ KNA TINIE. BKT MO TNTANONG?
Then he called her. Kumuha muna siya ng bwelo bago iyon sinagot.
"Nandito na kami ni Ryon sa bahay niyo pero wala ka."
"Na-bore kasi ako sa bahay kaya pumunta ako rito."
"So can we meet?"
"Para saan?"
"For a date."
"A date?" she said with a nervous laugh. "T-tama ba ang narinig ko?"
"Mukha ba 'kong nagbibiro?"
"Bakit mo naman ako pag-aaksayahan ng oras mo, Kobe?"
"Sinabi ko na sa'yo 'yon, 'di ba? Gusto kita."
Ang huling sinabi nito ay nakapagpatayo ng balahibo niya sa batok.
"At kung hindi ako pumayag?"
"Kukulitin kita nang kukulitin hanggang sa pumayag ka."
Hindi niya naitago ang kanyang tawa.
"You're unbelievable."
"It's a 'yes', right?"
Nahimigan niya ang ngiti sa boses nito.
"Oo na. Bago mo pa 'ko kulitin. Magkita na lang tayo."
"Okay! I'll see you," masiglang sabi naman nito.
SA LABAS ng subdivision na tinitirhan nina Tinie ay mayroong convenience store. Doon na lang siya nagpahatid sa kaibigan niya at hindi na muna agad siya nito iniwan. Gusto raw nitong makita si Kobe para makapagpa-cute sandali.
"Kapag sinabi ni Kobe na manliligaw siya, 'wag ka nang magpatumpik-tumpik pa, ha," ani Tinie.
"Tinie," angil niya. "Ikaw, ha. Gusto mo pa 'kong palabasing two-timer."
"Kung hindi ka two-timer, bakit ka pumayag na makipag-date kay Kobe?"
"Dahil sinabi mong wala namang masama at pwede namang maging friendly date lang itong paglabas namin."
"Because I just want you to be happy, Billie. Kung kay Kobe mo mahahanap ang happiness na iyon, go for it."
"Hindi pa rin ako kumbinsidong gusto nga niya ako. Gusto ko siya bilang kaibigan ni Ryon pero kalabisan naman yata 'yong... alam mo 'yon?"
"Ikaw naman. Hinalikan ka na nga, kung ano pa ang iniisip mo riyan."
Siniko niya ito nang wala sa oras.
"Wala na tayo sa kwarto mo, Athena, ha."
Namili siya ng mga inumin sa freezer. Pinili niya ang isang lemon drink.
"Balitaan mo na lang ako sa magiging date niyo, ha?"
"Ewan ko sa'yo."
"Go have fun with him. Wala namang masama ro'n, e. Wala nang ibinigay si Aiden sa'yo kundi stress, 'di ba?"
"Sobra ka naman."
"I'm just telling the truth." Kumuha naman ito ng kape.
Katatapos lang nilang magbayad sa counter nang dumating si Kobe.
"Kobe," salubong dito ni Tinie. "Nandito ka. May usapan kayo ni Billie?"
"Hi, Tinie. Yeah, may lakad kami," nakangiting sagot ni Kobe pero sa kanya naman ito nakatingin.
"Pwedeng sumama?"
"It's a date. Kung okay lang naman sa'yo na maging chaperone, pwede kang sumama."
"I changed my mind. Manonood na lang pala ako ng TV sa bahay. Mag-enjoy na lang kayo, ha?"
Pinauna nilang umalis si Tinie bago sila sumakay sa kotse ni Kobe. Naiilang si Billie nang sila na lang ngayon nito. Daig pa niya ang first time na makipag-date.
"Kumusta ang press conference niyo ni Ryon?" tanong niya rito.
"Mabuti naman. Tumagal din 'yon ng dalawang oras. Pagkatapos n'on, nagkaroon ng contract signing for endorsements. Nag-meeting with the big bosses, nag-lunch, wala naman kaming masyadong ginawa."
"Wow, that's good to hear. E di ang yaman-yaman niyo na ng kapatid ko niyan," kantiyaw naman niya rito.
"Hindi naman. Medyo lang."
Nagkatawanan pa sila nito.
"Sa'n tayo pupunta?" tanong pa niya.
"Gusto mong manood ng movie?"
"Walang problema sa 'kin."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top