[3] Belinda's Lover
CHAPTER THREE
"SIGURADO kang hindi ako nakakaabala sa'yo, ha?" ani Billie nang huminto na ang kotse ni Kobe sa labas ng bahay nila.
"Not at all." Bumaba ng sasakyan si Kobe at pinagbuksan pa siya ng pinto. "I had fun."
"Ako rin. Natuwa talaga ako na makita ka ngayon," sabi naman niya nang makababa. "Pumasok ka muna. Hindi ka naman siguro nagmamadaling umuwi, 'di ba? Mag-'hi' ka kay Ryon. Kunwari ngayon lang uli kayo nagkita pagkatapos ng mahabang panahon. Ay, oras lang pala."
Natawa naman ito.
"Baka na-miss na 'ko n'on," pasakalye naman nito.
Hinila na ito ni Billie sa braso.
"'Lika na!"
Nang makapasok na sila sa loob ng bahay ay hindi makita ni Billie ang kapatid.
"Ryon?" tawag niya.
"Nandito."
Galing ang boses sa kusina. Nakangiting nilingon niya si Kobe.
"Hulaan mo kung sino ang kasama ko."
"Si Kobe."
"Pa'no mo nalaman?"
"Hindi nga? Magkasama kayo?" Lumabas ng kusina si Ryon na may nginunguya. Nagulat ito nang makita ang kaibigan. "O, hindi."
"Ano'ng klaseng salubong naman 'yan?" pabirong sita ni Kobe.
"Bakit kayo magkasama?"
"Nanood kasi siya ng gig namin. Nagulat nga ako nang makita ko siya at tapos na ang performance namin. Nag-dinner na rin kami sa labas," nakangiting paliwanang naman ni Billie.
Kung hindi talaga dumating si Kobe, malamang na hanggang ngayon ay badtrip pa rin siya sa hindi pagtupad ni Aiden sa usapan nila.
"Mukhang close na nga kayo, a. Hindi ko na kayo yayayaing maghapunan. Mukhang busog na busog na kayo sa isa't isa."
Tiningnan niya nang masama ang kapatid. Wala talagang pinapalampas ang pagiging malisyoso nito.
"Ang seryoso niyo naman pareho. Bagay kayo."
Natawa lang si Kobe habang siya naman ay inumangan pa si Ryon ng kamao niya. Hinarap naman ito ni Billie.
"Magpapalit lang ako ng damit. Si Ryon na muna ang bahala sa'yo, ha?"
"Okay."
NANG bumaba sa sala si Billie ay naabutan niyang nag-aasaran ang magkaibigan tungkol sa isang babaeng nagngangalang 'Ara'. So may nagugustuhan na ring babae ang kapatid niya? Tumikhim siya para kunin ang atensiyon ng dalawa. Napadako ang tingin niya kay Kobe. He was not simply looking at her, he was staring at her.
Bigla tuloy siyang na-conscious. May dumi ba siya sa mukha? Hindi tuloy niya napigilan ang makaramdam ng pagkailang.
"Rye, gusto kang makausap ni Mama," sabi niya sa kapatid at iniangat ang hawak na cordless phone.
Mabilis namang tumayo si Ryon at kinuha ang telepono sa kanya.
"Tatanungin ba niya 'ko kung ano ang gusto kong pasalubong?"
"Hindi. Sesermunan ka lang niya sa mga kalokohang pinaggagawa mo."
Eksaheradong sumimangot si Ryon bago sila iniwan at lumabas ng bahay.
"Halika muna sa kusina," yaya niya kay Kobe.
Doon ay ipinagtimpla niya ito ng kape.
"Wala bang balak umuwi rito ang mga magulang niyo?" tanong sa kanya ni Kobe.
"Hindi pa namin napapag-usapan ang tungkol diyan, e. Nag-e-enjoy pa sina Nanay at Tatay sa Canada. Hinahayaan lang muna namin sila dahil deserved naman nila 'yon. For sure nabanggit na sa'yo ni Ryon na dating nurse sa Canada sina Nanay at Tatay. No'ng mag-retire sila, pinili nilang do'n na muna dahil gustong-gusto raw nila ang community ro'n. Gusto nga rin nilang sumunod kami ro'n kaya lang nandito ang career namin ni Ryon."
Iniusog niya palapit ang tasa ng kape kay Kobe. Kinuha naman iyon ng huli pero kasama nitong sinapo ang isang kamay niya. Nahigit tuloy niya ang paghinga nang magtama ang mga mata nila.
"Salamat," nakangiting sabi pa nito.
"M-mainit, Kobe."
"Sorry." Nangingiti pa ring pinakawalan nito ang kamay niya.
Ipinagtimpla na rin ni Billie ang sarili at pagkuwan ay naupo sa tabi nito. Gusto pa yata siya nitong bigyan ng problema sa puso.
"Pinakagusto kong kanta mo ang 'I'll Find You'."
Manghang napatingin naman siya rito.
"Bakit 'yon?"
"Hopeless romantic din kasi ako, e."
Naibaba ni Billie ang hawak na tasa at natawa nang hindi oras.
"Wala naman sa itsura mo, e!"
"Well, wala talaga. Pero isa ako ro'n sa mga naniniwala na hindi mo pwedeng piliin ang mga taong dadating sa buhay mo pero pwede mong piliin ang mga taong gusto mong manatili sa tabi mo."
"Ako ang sumulat ng kantang 'yon," pag-amin niya. Hindi rin niya inaasahan ang kanyang reaksiyon. Nakaramdam siya ng pagkailang at hindi niya ma-explain kung bakit e si Kobe lang naman ang kausap niya.
"Really?" gulat na anito.
"Isinulat ko 'yan mga limang taon na ang nakararaan. No particular inspiration. Si Tatay ang nag-request na sumulat ako ng kanta para sa anniversary nila ni Nanay. Basta tungkol sa paghahanap ng tunay na pag-ibig. Gusto kasi niya kiligin si Nanay kaya ayon."
"Pero bakit three years ago lang na-release?"
"Ang plano ko kasi talaga, itago na lang 'yon sa baul. Pero nagkataon kasi na tungkol sa pag-ibig ang concept ng album na 'yon. I had no choice though natuwa na rin ako sa huli kasi napagkakitaan ko naman."
"Nakapagsulat ka na rin ba ng kanta para sa boyfriend mo?"
Saglit siyang natahimik sa tanong na iyon ni Kobe.
"Hindi pa. Pero dahil sa 'I'll Find You' kaya nagkakilala kami ni Aiden. We were on a mall tour. Isa siya sa mga nagpapirma ng album. Pagkatapos n'on, hindi na niya 'ko nilubayan. He said he liked the song very much. Feeling ko nga no'n, ang ganda-ganda ko, e."
"Maganda ka naman talaga, e. Walang duda 'yon."
Nag-init ang mukha ni Billie. Hindi niya maintindihan ang sarili. Daig pa niya ang isang teenager sa harap ni Kobe. Lalo pa nang makitang titig na titig na naman ito sa kanya. Napaiwas siya ng tingin nang wala sa oras at ang kape na lang ang binalingan.
"'Pag ako naniwala, sige ka."
"I'm just telling the truth," he said with a shrug.
"Siguro madali na lang sa'yo ang magpasagot ng babae, 'no?"
"Hindi naman ako basta nanliligaw lang. I told you I'm a hopeless romantic. Gusto ko, kapag nanligaw ako, siya na nga 'yon."
"Ang corny," she said with a nervous laugh. "Gagawin mo lahat?"
"Lahat."
"Pa'no kung taken na 'yong babaeng gusto mo?"
"Kung masaya siya, I'll let her be. Pero kung hindi, aagawin ko siya. Ako ang magpapasaya sa kanya."
INILAGAY mismo ni Tinie sa kamay ni Billie ang isang bote ng beer.
"Hayan. Inumin mo. 'Wag kang KJ."
"I told you I'm not in the mood," pabuntong-hiningang sabi naman niya.
Nasa isang resort sila para i-celebrate ang birthday ng drummer nila na si Gino.
"Gusto mo bang sumama ang loob ni Gino sa'yo?"
Nagbuntong-hininga uli siya.
"Sabi ko naman sa'yo, mas mabuti pang hindi na lang ako sumama dahil baka mahawaan ko pa kayo ng ka-badtrip-an ko ngayon."
Bago sila pumunta ng resort na iyon ay nagkausap sila ni Aiden sa cellphone. Nagtalo silang dalawa dahil gusto nitong pag-usapan ang tungkol sa proposal nito. Kailan daw ba niya iyon tatanggapin? Sinabi naman niyang hindi pa siya handa at hindi siya sigurado. Hindi nagustuhan ni Aiden ang narinig kaya nagpilit itong mag-usap sila nang personal.
She laughed sarcastically to herself. Kailangan lang palang galitin niya ito para magpakita ito sa kanya.
"O, ano'ng problema nitong si Billie?" tanong ni Gino na umupo sa gitna nila ni Tinie. Inilapag nito ang isang pinggan ng chicken barbecue sa mesa.
"Masama ang pakiramdam ko," sagot naman niya.
"Nag-away na naman kasi sila ni Aiden," dagdag ni Tinie.
"Bakit kasi hindi mo pa siya hiwalayan nang hindi ka namumroblema nang ganyan?" Kinuha ni Gino ang isang bote ng beer at tuloy-tuloy na ininom iyon.
"She can't. Mahal ni Billie si Aiden."
"E ano naman ngayon kung mahal pa niya? E sa hindi na siya masaya, e. Alangan namang pilitan niyang magsama pa sila ni Aiden. Ano 'yon? Dahil lang sa pinagsamahan nila kaya sayang naman kung maghihiwalay lang sila?"
Nagkatinginan sila ni Tinie. May point si Gino. Hindi lang iyon, may natumbok din ito.
"Gusto ko nang umuwi. Gusto kong iwasan si Aiden."
"E di magpasundo ka na lang sa kapatid mo."
"Hindi ka magagalit?"
"You'll just ruin the fun kung pipilitin mong mag-stay. We'll get along. Ang dami kayang chicks na pwedeng mapaglibangan dito."
Siniko niya si Gino.
"Okay lang ba talaga?"
Inakbayan naman siya nito at kinintalan siya ng halik sa gilid ng kanyang noo.
"Okay lang kay Kuya, Bunso. Tawagan mo na ang kapatid mo at magpasundo ka para safe ka."
"Salamat, Birthday Bro."
Kinuha niya ang kanyang cellphone na nakapatong sa mesa at tinawagan ang kapatid niya. Hindi naman busy si Ryon dahil ang paalam nito sa kanya ay magna-night out lang ito kasama si Kobe at ang mga kasamahan nito sa team dahil nanalo ang mga ito sa magkakasunod na laban.
"Ate, bakit?"
"Nasa bar ka pa ba?"
"Bakit mo natanong?"
"Sunduin mo naman ako rito."
"Ngayon na?" gulat na anito. "Akala ko ba mag-o-overnight ka riyan?"
"Sumama bigla ang pakiramdam ko, e. Masusundo mo ba 'ko? Hindi ka naman siguro lasing?"
"Hindi, Ate. Susunduin kita. Gagawan ko 'yan ng paraan. Hintayin mo 'ko."
Nakahinga naman nang maluwag si Billie kahit papaano.
"Mag-ingat ka, Ryon."
Pagkatapos ng tawag na iyon ay bumalik sa cottage si Billie para magpalit ng T-shirt at kunin ang dala niyang gamit. Ipinaalam niya kay Ryon kung saan niya ito hihintayin kaya bumalik siya poolside. Pagdating niya doon ay nandoon na si Aiden.
"Let's talk, Belinda," seryosong sabi naman nito.
Tinalikuran siya ni Aiden kaya napilitan siyang sumunod dito.
"Galit ka pa rin ba dahil sa hindi natuloy na dinner natin noong isang araw?" tanong ni Aiden nang pumwesto sila sa ilalim ng palm tree.
"Pinalampas ko na 'yon," malamig na sabi niya.
"Kung gano'n, bakit ayaw mo pa ring tanggapin ang marriage proposal ko?"
"Dahil alam kong ginagawa mo lang 'to para hindi kontrolin ng mama mo ang buhay mo. You don't really wanted to marry me for the sake of it. Ginagamit mo lang ako."
"Billie, you know that's not true! I love you."
Aiden is one of the country's most eligible bachelor. Galing ito sa prominenteng pamilya ng mga negosyante. Ang gusto ng mga magulang nito ay magpakasal ito sa isang babaeng galing din sa isang prominenteng pamilya na pwedeng ipagmalaki sa lahat. At siya ay isa lamang bokalista ng isang banda. Bukod sa mahal niya ang ginagawa niya, wala na siyang ibang ipinagmamalaki.
"Mahal mo nga ba 'ko, Aiden? Baka naman sinasabi mo lang 'yan dahil gusto mong 'wag mawalan ng rason para patuluyin na asarin ang mommy mo?"
Halatang natigilan si Aiden sa sinabi niya. Mapait siyang ngumiti.
"Mahal kita, Aiden. Pero hindi na 'ko masaya. Kung ayaw mong mag-break tayo, kahit cool-off na lang, pwede ba? Pareho nating kailangan ng panahon para pag-isipan ang lahat. Tama nga sila, hindi sapat na mahal lang natin ang isa't isa."
"Billie, naman. 'Wag ngayon," pagsusumamo nito.
"Dapat nga matagal na natin 'tong ginawa, e. 'Wag na tayong magbulag-bulagan, Aiden. May problema sa relasyon natin. Pwede bang kahit ngayon lang, ako naman ang masunod? Give me space."
"Billie."
Pareho silang napalingon sa pinanggalingan ng boses. Gayon na lamang ang gulat ni Billie nang makitang si Kobe iyon at hindi ang kapatid na si Ryon.
"Kobe? Nasa'n si Ryon?" tanong niya rito. She took the opportunity to distance herself from Aiden.
"Nasa bahay niyo na siya. Hinatid ko na siya. Marami siyang nainom kaya ako na lang ang sumundo sa'yo."
"Pero ang sabi niya—"
"I insisted. Hindi naman malayo 'tong resort kaya wala namang problema sa biyahe."
"Nakainom ka rin, 'di ba?"
"Nakaisang bote lang ako kanina. You don't have to worry."
"Good," pabuntong-hiningang sabi niya. Hulog na naman ito ng langit sa kanya.
"Who is he, Billie?" tanong naman ni Aiden.
"He's Kobe, kaibigan siya ni Ryon. Kobe, si Aiden. Aalis na kami."
"Ako na lang ang maghahatid sa'yo, Belinda."
"Hindi na, Aiden. Salamat na lang." Humawak na siya sa braso ni Kobe. "Halika na, Kobe?"
"Sure."
Habang papunta sila sa sasakyan ni Kobe ay wala isa man ang nagsalita sa kanila.
"Kausapin mo naman ako," pabirong sita ni Kobe sa kanya nang nasa biyahe na sila.
Nakaramdam nama ng hiya si Billie nang ma-realize niyang kanina pa pala siya wala sa sarili.
"Migosh, Kobe, I'm sorry," napahilamos sa mukhang sabi niya. "Sorry talaga..."
"Ang lalim ng iniisip mo. Baka naman gusto mong i-share sa 'kin 'yan. Sige na, magkaibigan naman tayo, 'di ba?"
"Hindi mo magugustuhang malaman ang love life ko."
"Is your boyfriend harassing you?"
"Hindi naman. Normal lang naman sa mga nagtatalo 'yon, 'di ba? I was asking him to give me space."
"At?"
"Pero wala na rin naman siyang magagawa, e. Nakapagdesisyon na 'ko. Cool-off muna kami. Hay, kung bakit pa kasi ako nag-boyfriend, e!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top