Epilogue

NANG ganap nang magaling ang sugat na tinamo ni Jason sa operasyon ay kaagad din siyang bumalik sa trabaho. Nanumbalik ang dati nilang samahan, malayo sa mga problema.

Nabalitaan nilang ang bangkay ni Shelley ay iniuwi sa Bulacan ng isang babaeng nagngangalang Lucia. Hindi na nila inalam pa kung kaano-ano ito ni Shelley.

Si Carlo ay naging abala rin sa trabaho at madalang nang makipagkita kay Anton pero paminsan-minsan naman itong nangungumusta sa telepono. Nalaman ni Anton kay Carlo na pupunta ito sa Tuguegarao dahil inimbitahan ito ni Yuri sa kapistahan ng kanilang bayan kung saan Mayor pala ang ama nito. Ikinagulat ni Carlo ang nalamang iyon. Kaya pala noong bago lumabas ng ospital si Yuri at nagtanong siya kung magkano na ang bill ay sinabi ng kahera na bayad na ang hospital bills nito. Siguro ay binayaran na ng ama ni Yuri. Pero ang ipinagtataka niya ay kung bakit wala man lang kapamilyang dumalaw kay Yuri habang nagpapagaling ito sa ospital. Kaya nga nagboluntaryo na siyang asikasuhin ito. Ang buong akala niya talaga ay nag-iisa na lang ito sa buhay. Maraming bagay na kailangang linawin sa kanya si Yuri kapag nagkita silang muli.

Kasama rin sa inimbitahan ni Yuri si Anton at si Jason para pumunta sa bayan nila sa Tuguegarao pero magalang nila itong tinanggihan dahil sa iyon naman ang araw na kailangan nilang bumiyahe papuntang Mindoro para sa kaarawan ng nanay ni Jason. Nagpasabi pa nga si Tesing na hindi puwedeng hindi umuwi si Jason. At lalong hindi puwedeng hindi siya kasama. Talagang okay na sila ng ina ng lalaking minahal niya.

Nang dumating nga sila sa Mindoro ay naranasan niya ang salubungin ni Tesing nang may ngiti at masayang mukha, na hindi niya nakita noong una at ikalawang pagpunta niya rito.

Nakilala rin niya ang lahat ng mga kamag-anak ni Jason at ramdam niya ang mainit na pagtanggap sa kanya ng mga ito.

Tuwang-tuwa si Jairus nang makarating sa bayan nina Jason sa Mindoro. First time niyang makarating sa lugar na iyon at kasama pa niya ang boyfriend na si Frank. Sobrang nag-enjoy siya sa out of town trip na iyon at lalo pa silang nagkaroon ng bonding time ni Frank.

Makalipas ang ilan pang buwan ay nagpaalam na si Jairus kay Anton dahil niyaya na ito ni Frank na tumira sa bahay nito. Walang pagsidlan ng kaligayahan si Jairus. Pagkatapos ng ilang beses niyang kabiguan sa pag-ibig, sa wakas ay magkakaroon na rin siya ng happy ending.

Masayang-masaya si Anton para sa kanyang matalik na kaibigan dahil wala naman siyang ibang hinihiling kung hindi ang magkaroon na rin ito ng makakasama sa buhay. Napakabait ni Jairus. Deserve nito na maging masaya kapiling ng lalaking magmamahal dito nang lubos at tapat.

At sila naman ni Jason, patuloy lang ang maligaya at tahimik nilang buhay. Totoong tapos na ang mga problema at kung may darating pa, magkasama nila itong haharapin. Walang problema ang hindi nila malalampasan, basta ba pagtutulungan nila itong pag-uusapan at sosolusyunan.

At sa lahat ng magtataas ng kilay sa kanilang relasyon hindi lang dahil sa kanilang sekswalidad kung hindi dahil sa agwat ng kanilang mga edad, hindi na nila kailangan pang magpaliwanag na ang pag-ibig ay walang kinikilalang kasarian at hindi rin tumitingin sa edad. Dahil ang edad ay numero lamang, binibilang pero hindi ginagawang batayan ng pagpili kung sino ang iyong mamahalin at gugustuhing makasama habang buhay.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top