8
SUNOD-SUNOD NA pag-ring ng doorbell na nasa gate ang narinig ni Jairus. Tila ba nagmamadali ang kung sino mang nasa labas ng gate na iyon at hindi na makapaghintay.
"Teka lang! Andyan na!" Halos lundagin ni Jairus ang mga baitang ng hagdan sa ikalawang palapag ng bahay papunta sa ibaba upang puntahan ang nagdo-doorbell sa gate.
"Sino bang kailangan---" Napanganga siya pagkakita kung sino ang nasa labas ng gate. Si Carlo.
"Asan si Anton?" malumanay na sabi ng lalaki.
"Nasa trabaho siyempre. Anong akala mo, nagmumukmok dito 'yung tao dahil iniwan mo?" Binara kaagad ni Jairus ang kaharap. Kahit guwapo itong si Carlo, naiinis siya rito dahil sa ginawa nitong pambabasura sa kaibigan niya.
"Gusto ko siyang makausap."
"Eh, 'di puntahan mo sa trabaho. Bakit sa akin ka nagpapaalam, anak ko ba siya?"
"Hindi niya sinasagot ang mga text messages at tawag ko."
"Kung ako man ang nasa kalagayan niya, hindi ko rin sasagutin ang mga text at tawag mo. Para saan pa? Para makinig sa mga drama mo?" mataray na pahayag ng bakla.
"Bakit niya ba ako iniiwasan?"
"Hala? Baliw ka ba? Ano ba ang ine-expect mong gagawin niya pagkatapos mo siyang hiwalayan? Inaasahan mo bang maghahabol siya sa'yo at na-disapppoint ka ngayon dahil 'di man lang nag-effort ang best friend ko na magmakaawa sa'yo para balikan mo siya? Well, for your information huwag ka nang umasa na gagawin niya 'yun dahil naka-move on na siya," mahabang sagot ni Jairus. Ipinagdiinan pa niya ang salitang "move on".
"Sinasabi mo bang may iba na siyang boyfriend?"
Itinirik ng bakla ang kanyang mga mata at binalewala ang tanong ni Carlo.
"So, boyfriend nga niya ang nakita kong kasama niya sa restaurant no'ng nakaraang gabi."
"Ah, talaga? Nakita mo ba sila? Ang sweet-sweet nila siguro. Kapag dito nga, halos mamatay ako sa inggit kay best friend Anton 'pag naglalambingan sila. How sweet talaga!" pang-iinis pa niya sa lalaki.
"Dito nakatira ang lalaking 'yun?" tila naiiritang tanong ni Carlo.
"Ano ito imbestigasyon? Puwede ba Carlo, manahimik ka na kung saang banga ka man nakatira ngayon. Huwag mo nang guluhin ang buhay ng kaibigan ko. Juice ko! Ikaw na nga 'tong nang-iwan ikaw pa 'tong manggugulo. Mahiya ka naman sa balat mo. Ang bait-bait sa'yo ng kaibigan ko para gaguhin mo lang."
"Ginugulo ko ba? Sabi ko, gusto ko siyang makausap. Ano'ng panggugulo do'n?" depensa nito.
"Eh, para saan pa ang pag-uusap? Iniwan mo na nga, 'di ba? Kaya dapat, move on ka na lang din. Masaya na ang best friend ko. Sana maging masaya ka na lang din para sa kanya," seryosong payo niya sa binata.
Hindi nakasagot si Carlo.
"Hindi na kita papapasukin dahil I'm sure na kahit nandito si Anton ay hindi ka rin niya papapasukin. Makakaalis ka na, marami pa akong gagawin. Babush!" Iniwan na ni Jairus ang lalaki.
KINAGABIHAN ay agad na ibinalita ni Jairus ang pagpunta ni Carlo kaninang tanghali.
"Best friend, 'yung ex mo nga pala nagpunta rito kanina, hinahanap ka," kaswal na sabi ni Jairus.
"Bakit daw?"
"Malay ko ro'n," nakairap nitong sagot.
"Anong sabi mo?"
"Eh 'di sinabi kong nasa trabaho ka at doon ka puntahan. Hindi mo raw kasi sinasagot ang mga text at tawag niya."
"Buang ka talaga. Papupuntahin mo pa sa trabaho ko."
"Kaysa naman dito 'yun magpunta. Nakakaistorbo lang sa online job ko. Alam mo namang busy ako mag-online encoding the whole day. Mas maraming ma-encode, mas malaki ang kita. Baka nga subukan ko na ring mag-online English tutor ng Koreans. Malay mo, Koreano pala ang soulmate ko. At saka, best friend hindi ka naman niya mahahanap sa trabaho mo. Madalas ka namang nasa labas. At hindi rin naman 'yon pupunta sa office n'yo during office hours," mahabang diskusyon ni Jairus. Hindi talaga ito nauubusan ng sasabihin.
Nagkibit-balikat lang si Anton. Wala na siyang pakialam ano man ang gawin ni Carlo. Masaya na siya ngayon. Ayaw niyang mag-isip ng mga bagay na hindi na importante sa kanya ngayon.
***
HINDI mapakali si Jairus. Sabado ngayon. Ngayon ang araw ng paglipat ni Jason. Kanina pa nga niya hinihintay ang binata. Ano ba ito? Hindi naman niya boyfriend si Jason pero mas excited pa siya kesa kay Anton. Kanina pa nga siya paikot-ikot sa salas. Madalas din siyang sumisilip sa gate, baka naroon na ang binata. Mababa lang naman ang gate nila at mula sa salas ay makikita kung may tao man sa labas ng gate.
"Ano ba, para kang pusang 'di maihi? Ilang beses mo bang planong ikutin ang buong salas ngayong araw?" tanong ni Anton sa kaibigan. Abala siya sa paghahanda ng pananghalian. Luto na ang sinaing. Nakapagprito na rin siya ng isdang dalagang bukid. Niluluto niya ngayon ang pork sinigang na siyang specialty niya. Paborito niya ang sinigang kaya he made sure na marunong siyang magluto nito. Ang sabi ni Jason ay darating ito bago mag-ala una. Alas onse y medya pa lang naman. Mahaba pa ang oras para maihanda niya ang pananghalian nila.
"Best friend, anong oras ba talaga siya darating? Miss na miss ko na siya, eh." Muling sumilip si Jairus sa gate. Baka sakaling naroon na ang binatang kanina pa niya hinihintay.
"Baliw! Eh, kung tinutulungan mo na lang ba akong magluto rito kesa para kang timang na nag-aabang ng grasya riyan. Mamaya pa 'yun darating. Ala-una nga, 'di ba?"
"Sige na nga, tutulungan na lang kitang magluto. Ano pa ba ang lulutuin?" Lumapit si Jairus sa kaibigang nasa kusina.
"Maluluto na itong sinigang. Pinalalambot ko lang itong baboy tapos ilalagay mo ang mga sahog na gulay, at 'yun na," paalala niya.
"Eh, wala na pala akong maitutulong. Tapos na 'yan, eh. Ganito na lang, ako na ang bahala rito at ikaw naman, maligo ka na kasi amoy suka ka na. Mahiya ka naman sa boyfriend mong ang pogi-pogi, ang bata-bata at ang bango-bango, tapos ikaw matandang mabaho," nakangiti si Jairus habang inaasar ang best friend niya.
"Kung maka-matandang mabaho ito! Hoy, kahit amuyin mo pa ang buong katawan ko, wala kang maamoy na baho. Malinis ako sa katawan, alam mo 'yan. Eksaherada ka."
Humalakhak si Jairus. "Hindi ka naman mabiro. Basta, umalis ka na riyan at ako na ang bahala. Maligo ka na. Mag-beauty rest. Para pagdating ng prince charming mo, mas lalong mainlab sa'yo. Sige ka, baka maagaw ko siya sa'yo."
"Eh, 'di agawin mo." Nasa tinig ni Anton ang kumpiyansa. Alam niyang hindi naman siya aahasin ng kaibigan at hindi rin naman magpapaahas si Jason.
"Ang lakas ng loob. Porke alam niya na hindi ako type ni Jason. Naku, best friend ang swerte mo lang talaga na choosy ang Jason mo. Kung nagkataon, magsaulian na tayo ng kandila kasi aagawin ko talaga siya sa'yo."
"Oo na. Andami mong alam. Tikman mo nga lang kung tama na sa lasa 'yung niluluto ko. Dagdagan mo ng patis kung kulang."
Lumapit si Jairus sa kalan at hinalo ang nakasalang na sinigang. Pagkuwa'y kumuha ito ng konting sabaw, hinipan at tinikman. Medyo ninamnam pa nito ang lasa ng sabaw bago nagkomento, "Sakto na, best friend. Alam ko namang kahit nakapikit eh kayang-kaya mong magluto ng isang napakasarap na sinigang."
Noon tumunog ang doorbell.
"Ay! Best friend, nandyan na siya!" Agad na binitiwan nito ang hawak na sandok at patakbong lumabas ng bahay patungong gate. Ngunit ang excitement niya ay agad na napalitan ng pagkagulat, pagtataka at pagkayamot. Bakit hindi? Kung ang inaasahan niyang dumating na si Jason ay hindi naman pala si Jason kundi ang taong ayaw niyang makitang muli ni Anton.
Si Carlo!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top