59

UMAGA na nang matanggap ni Jairus ang balita tungkol sa nangyari kay Shelley.

"Nagpakamatay si Shelley?" hindi makapaniwala niyang tanong sa kausap niya sa telepono. Kahit napakalaki ng kasalanan nito sa kanila, hindi niya kailanman hihilingin ang kamatayan nito. "Paano po ba nangyari?"

Tutok ang tainga ni Jairus habang ikinukuwento ng kausap niya kung ano ang nangyari. Hindi talaga siya makapaniwala na patay na si Shelley.

Pagkatapos ng tawag na iyon ay kaagad naman niyang kinontak si Anton na naroon at nagbabantay kay Jason sa ospital.

"Best friend, patay na si Shelley. Nagpakamatay siya. Nagbigti siya," pagbabalita niya kay Anton. "Naku, sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa. Ayokong matuwa sa kanyang pagkawala pero sa isang banda, mawawalan na tayo ng alalahanin dahil sa pagkamatay niya."

"Sinong nagbalita sa'yo?" tanging naitanong ni Anton.

"Tinawagan ako noong isang jail guard, best friend. Ano ang gagawin natin ngayon?"

"Wala na tayong magagawa, patay na pala. Hindi naman natin puwedeng idemanda pa ang isang taong namatay na," seryosong sagot niya sa matalik na kaibigan. "Ipagdasal na lang natin siya sa ikatatahimik ng kaluluwa niya. On a lighter note, gusto ko namang ibalita sa'yo na puwede nang makalabas ng ospital si Jason sa makalawa. Sabi ng doktor niya, puwedeng sa bahay na lang siya magpagaling nang lubusan."

"Wow! Naku, praise the Lord!" Halata sa boses ni Jairus ang hindi maitagong saya. "Pupunta kami riyan mamaya."

"Kumusta pala sina Mayella at nanay niya?"

"Tulog pa siguro sila. Hindi pa lumalabas ng kuwarto, eh. Pero handa na ang almusal. Nakapagluto na ako. Sabi ko naman sa'yo, ako ang bahala sa kanila."

"Salamat. Ang laking tulong mo sa akin. Hindi ko alam kung paano ang buhay ko kung wala akong kaibigang katulad mo," matapat na sabi niya kay Jairus.

"Naku, best friend, wala 'yon," sagot niya kay Anton. "Ikaw talaga. Alam mo namang loyal ako sa'yo at napakasuwerte ko rin dahil naging matalik kitang kaibigan."

EXCITED ang lahat sa araw ng paglabas ni Jason sa ospital. Sina Tesing at Mayella ang naroon at nagbabantay sa pasyente. Si Anton naman ay nasa bahay at kasalukuyang naghahanda sa pagpunta niya sa ospital.

Lumabas ng banyo si Anton. Katatapos lang niyang maligo. Ang puting tuwalya niya ay nakatapis sa kanyang baywang. Tinanggal niya ang tuwalya at natambad ang kanyang katawan na natatakpan lang ng suot niyang boxer briefs. Ginamit niya ang tuwalya para mas tuyuin pa ang kanyang katawan at buhok. Nang makuntento ay kumuha siya ng kamiseta at pantalon sa aparador at saka niya iyon isinuot. Noon siya nakarinig ng sunod-sunod na tunog ng doorbell.

"Sino kaya iyon? Grabe namang makapindot ng doorbell." Hindi na siya nakapagsuklay. Maliksi siyang kumilos at lumabas ng silid para puntahan ang gate.

Nagulat pa siya nang buksan ang gate at makilala kung sino ang kanyang bisita.

"Maaari ba kitang makausap? Iyong tayong dalawa lang?" Nakikiusap ang mukha ni Tesing.

Napanganga si Anton pero agad din naman siyang nakabawi. Tiningnan niya ang mukha ng matandang babae. Himala yata na kalmado ito ngayon. "Pumasok po kayo. Ako lang ang tao rito. May pinuntahan si Jairus. Papunta na sana ako sa ospital, nagbibihis lang ako," paliwanag pa niya sa bagong dating.

Pumasok si Tesing. Nagpauna nang maglakad si Anton. "Halikayo rito sa loob," anyaya pa niya rito. "Maupo muna kayo. Magtitimpla lang ako ng maiinom."

"Huwag na," saway sa kanya ni Tesing. "Hindi naman ako magtatagal. May gusto lang sana akong sabihin sa'yo."

"Tungkol po ba saan?" nag-aalangang tanong niya. Hindi talaga siya sanay na hindi sumisigaw si Tesing kapag kausap siya.

"Hindi ko alam kung paano mag-uumpisa. Pagkatapos ng mga nangyari, pagkatapos ng mga ginawa ko... hiyang-hiya ako sa'yo. Masyadong huli na bago ako namulat sa katotohanan. Kinailangan mo pang ipamukha sa akin na makasalanan din ako. Kinailangan pang ipaalala sa akin ni Mayella, na minsan sa buhay ko ay lumublob din ako sa kasalanan. Pero may isang taong tinanggap pa rin ako nang buong-buo at hindi ako hinusgahan... ang asawa ko. Kahit kailan, wala akong narinig na masakit na salita mula kay Lino, sa tatay ni Jason. Hindi niya ako sinisi. Inunawa lang niya ako... at minahal," garalgal ang boses na sabi ni Tesing.

Hindi sumagot si Anton. Naghihintay siya ng iba pang sasabihin ng kaharap.

"Makasalanan din ako, Anton. Kaya wala akong karapatang husgahan ka." Umagos ang luha ni Tesing sa kanyang pisngi. "Mapapatawad mo pa ba ako?"

"Wala kang dapat ihingi ng tawad sa akin. Kailan man ay hindi ko itinuring na kasalanan mo ang hindi mo pagtanggap sa akin. Ina ka, nauunawaan ko nang buong puso kung bakit ganoon ang reaksyon mo. Hindi ikaw ang unang ina na nagpakita ng ganoong reaksyon. Alam kong kapakanan lang ni Jason ang iniisip mo. Alam kong gusto mo lang siyang mapabuti sa paraang alam mo. Wala kang kasalanan sa akin. Umpisa pa lang, alam ko nang posibleng umabot talaga kami sa ganoong senaryo." Matapat ang ngiting ibinigay niya sa ina ni Jason bilang pagpapakitang anumang hindi magandang nangyari noon ay hindi niya isinisisi rito. "Kalimutan na natin ang mga hindi magandang nangyari. Maikli lang ang buhay para magpakulong tayo sa galit at hindi pagkakaunawaan. Mahal ko ang mga taong minamahal ni Jason, ang mga taong importante sa kanya."

Napahahulgol na si Tesing. Hindi na niya napigilan ang pagbuhos ng luha sa sobrang kasiyahan. "Maraming salamat, Anton. Salamat..."

Hinawakan ni Anton ang kamay ng ina ni Jason at saka ngumiti. "Hintayin n'yo ako rito. Magsasapatos lang ako at pupunta na tayo sa ospital. Huwag na kayong umiyak."

Sunod-sunod na tango lang ang isinagot ni Tesing kasabay ang mga paghikbi sanhi ng pagpipigil niya sa pagtulo ng kanyang luha.

Nang makalabas ng ospital si Jason ay nagpaalam na sina Tesing at Mayella para umuwi sa Mindoro.

"Ikaw na ang bahala sa anak ko. Alam kong hindi mo siya pababayaan," sabi pa ni Tesing kay Anton. Nakamasid lang sina Mayella, Jason at Jairus sa dalawa. Lahat sila ay masaya pero higit ang tuwang nadarama ni Jason dahil sa wakas ay natapos na ang gusot sa pagitan ng dalawang taong mahalaga sa kanya.

"Makakaasa kayo. Hinding-hindi ko pababayaan ang anak n'yo," sagot naman ni Anton.

"Jason, aalis na kami. Huwag mong bibigyan ng sakit ng ulo si Anton," paalala ni Tesing sa anak.

Niyakap ni Jason ang kanyang ina pati na rin ang ateng si Mayella. "Mag-iingat po kayo sa biyahe. Mahal na mahal ko kayo."

"Mahal na mahal din kita, anak." Hinalikan niya sa noo si Jason.

"Alis na tayo, 'Nay. Baka magbago pa ang isip mo eh hindi na tayo bumalik sa Mindoro. Mukhang gusto mo nang tumira rito," natatawang sabi ni Mayella.

"Puwede kayong bumalik rito ano mang oras n'yo gusto. Bukas ang bahay namin para sa inyo," maaliwalas ang mukhang sabi ni Anton. Alam niya na simula sa araw na ito ay mas magiging maganda na ang samahan nila ni Jason dahil tanggap na siya ng ina nito.

Nang gabing iyon ay magkatabi silang humiga sa kama. Inaantok na si Anton nang maramdaman niyang kinakalabit siya ni Jason.

"Bakit? Hindi ka pa inaantok?" inaantok na tanong niya nang hindi ito nililingon.

"Mamaya ka na matulog. Usap muna tayo," sabi naman ni Jason.

"Antok na antok na ako, eh. Ano bang pag-uusapan natin?"

"Anong ginawa mo kay nanay? Bakit biglang bumait?"

"Mabait naman talaga ang nanay mo. Siguro nakita niyang mahal talaga kita kaya tinanggap na niya ako para sa'yo?" Ipinikit niya ang kanyang mata dahil sa hindi na mapigilang antok.

"Weh? Ganoon?" Hindi makapaniwala si Jason sa sinabi ng katabi.

Hindi na sumagot si Anton na tuluyan nang nilamon ng antok.

"Anton? Tulog ka na ba?"

Wala pa ring sagot.

Tumagilid si Jason at saka niya nakitang nakapikit na ang katabi.  Tahimik siyang napangiti habang pinagmamasdan ang payapang mukha ni Anton. Maya-maya pa ay marahan niya itong hinalikan sa pisngi, kasunod noon ay niyakap niya ito at saka inihimlay ang kanyang ulo sa balikat nito. Hinigpitan pa niya ang yakap kay Anton. Si Anton na minahal niya sa edad nitong kuwarenta at patuloy niyang mamahalin hanggang sa huling sandali ng kanyang hininga.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top