58
BINISITA ni Lucia sa kulungan si Shelley.
"Kanino mo nalaman na nandito ako?"naiiritang tanong ni Shelley habang nasa visitor's area sila at magkaharap na nakaupo habang napapagitnaan sila ng isang mahabang mesa.
"Laman ng mga balita sa telebisyon ang nangyari, Shelley. Kaya lumuwas ako para kumistahin ka. May abogado ka na ba? Kailangan mo ng abogadong magtatanggol sa'yo."
"Huwag ka nang mag-abala. Binigyan na nila ako ng abogado," walang pakialam na sagot ni Shelley. "At sigurado namang hindi nila ako maipakukulong nang matagal dito. Sisiguruhin ko 'yan." Mapait ang ngiting pinakawalan ni Shelley.
"Anong sabi ng abogado mo? Hindi ka ba puwedeng magpiyansa?" tanong ni Lucia. Kita sa mukha nito ang pag-aalala sa kausap.
"Sa dami ng kasong isinampa sa akin, saan ako kukuha ng perang pampiyansa?" taas-kilay na tanong niya.
"Nag-aalala ako sa'yo, Shelley."
"Huwag kang OA. Hindi naman tayo magkamag-anak." Itinirik pa ni Shelley ang kanyang mga mata.
"Kahit katiwala lang ako sa bahay n'yo, hindi mo maiaalis sa akin ang mag-alala. Bata ka pa lang, sa inyo na ako nakatira. Halos ako na ang nagpalaki sa'yo, kaya mahalaga ka sa akin," matapat na sabi ni Lucia. "Parang anak na rin kita."
"Wala ka na bang sasabihin? Gusto ko nang bumalik sa loob," nagkakamot ng ulong sabi ni Shelley.
"Wala na. Sige, babalik na lang ako sa ibang araw. Mag-iingat ka rito, Shelley," paalala pa ng matandang babae.
Huminga lang nang malalim si Shelley at saka tumayo. Hindi man lang nito inintindi ang sinabi ni Lucia. Walang pakialam siyang tumalikod at naglakad pabalik sa kanyang selda. Si Lucia ay naiwang nakatanaw lang sa kanyang baklang amo.
MAGKASABAY na nagpunta sa ospital sina Anton at Jairus. Naabutan nilang gising na si Jason at kasalukuyang pinapakain ni Aling Tesing. Si Mayella naman ay naroom din at nakamasid lang.
"Mayella, baka gusto n'yong umuwi muna sa bahay para makapagpahinga naman kayo ng nanay mo," alok ni Anton. "Sumabay na kayo kay Jairus pauwi mamaya. Ako na lang muna ang bahala rito. Bukas na lang kayo bumalik."
Napatingin si Mayella sa kanyang ina na nagbaba naman ng tingin nang magtama ang kanilang mga mata.
Bumaling siya kay Anton. "Sige, kung okay lang sa'yo..."
"Oo naman, walang problema. Baka kayo naman ang magkasakit kung tuloy-tuloy kayong magbabantay rito. Huwag n'yong alalahanin itong si Jairus. Aasikasuhin niya kayo habang nandoon kayo sa bahay." Tiningnan pa niya ang kaibigan.
"Wala kang aalalahanin, best friend. Ako na ang bahala sa kanila," nakangiting sabi ni Jairus. "Isa lang ang goal natin ngayon, magkaisa para sa mabilisang paggaling ni Jason. Lahat tayo, na nagmamahal sa kanya." Nagkatinginan sila ni Anton bago siya tumingin sa kapatid ni Jason. Sinubukan naman ni Anton na hulihin ang tingin ni Tesing pero nanatiling iwas ito at parang hindi narinig ang pag-uusap sa silid na iyon.
"Kumain ka pa para gumaling ka agad," sabi ni Tesing kay Jason at muling sinubuan ito ng pagkain.
"Tama na po, 'Nay. Busog na ako," pagtanggi pa niya. Natuon ang tingin niya kay Anton bago siya muling nagsalita, "Maraming salamat sa inyo. Lalo na sa'yo, Anton sa pagliligtas ng buhay ko." Bumaling naman siya sa ina. "'Nay, wala akong ibang hinihiling ngayon kung hindi ang magkaayos na kayo ni Anton. Sana matanggap mo na siya. Sana tanggapin mo na kung ano mang relasyon mayroon kami. Ang relasyon namin ni Anton ay hindi magdidikta kung mabuti o masama ba kaming tao. Dahil ang kabutihan man o kasamaan, katulad ng pagmamahal ay walang kinikilalang kasarian. Puso ang magsasabi. Puso ang bumubulong kung kanino ito titibok. At wala tayong magagawa kapag tumibok na ito at nagmahal." Pumatak ang luha ni Jason. "Mahal na mahal kita, 'Nay. Pero mahal na mahal ko rin si Anton. Kaya nahihirapan ako na hindi kayo magkasundo. Nasasaktan ako na hindi mo siya matanggap. Pero gusto kong sabihin, 'Nay na hindi ko siya iiwanan. Kahit buong mundo man ang tumutol."
Gustong matunaw ni Anton nang marinig ang mga sinabi ni Jason. Hindi niya akalaing ganoon kalalim ang pagmamahal nito sa kanya. Pagkatapos ng mga nangyari noon na halos ikasira ng kanilang relasyon, hindi ni inaasahang ganito pala siya kaimportante sa lalaking ito na noong una ay ayaw niyang mahalin dahil sa paniniwalang napakabata pa nito para sa kanya. Halos anak na nga niya ito, 'di ba? Pero mahal pala siya ni Jason. Totoong mahal siya nito.
Gusto niya sanang sugurin ng yakap si Jason pero inaalala niya ang presensya ng ina nito. Kaya bilang respeto na lang kay Tesing at para wala na ring gulo, nanatili lang siya sa kanyang kinatatayuan. Sapat nang tinititigan niya si Jason, umaasa siyang sa titig na iyon ay naipahiwatig niya rito kung ano ang gusto niyang sabihin. Na mahal na mahal niya rin ito at hinding-hindi niya rin ito iiwan ano man ang mangyari.
TUMUNOG ang maliit na kampana sa kulungan tanda na oras na upang kumain ng hapunan. Nagkanya-kanyang takbuhan ang mga bilanggo sa lugar kung saan nila kukunin ang rasyon nilang pagkain. Pumila ang mga bilanggo at sinimulang bumilang para masigurong naroon na ang lahat.
Matapos bumilang ang lahat ng mga bilanggo ay nagsalita ang isang jail guard.
"Nasaan 'yong bakla? 'Yong bago?"
Nagkatinginan ang mga bilanggo. Wala naman silang maisagot kung nasaan nga ba si Shelley.
"Walang sasagot?" matigas na tanong ng jail guard. "Walang kakain hanggang hindi kayo kumpleto!"
"Boss, baka nasa kubeta!" sigaw ng isa sa mga preso.
"Puntahan mo!" pasigaw na utos ng jail guard.
Mabilis na tumakbo ang preso at nagtungo sa kubeta. Naabutan niyang sarado ito at nang subukan niyang buksan ay saka niya nakumpirmang naka-lock ito.
Kinatok niya nang sunod-sunod ang pinto.
"Hoy, lumabas ka na riyan! Ikaw na lang ang hinihintay para makakain tayo!" Muli niyang kinalampag ang saradong pinto pero wala siyang narinig na sagot mula sa loob.
Nayayamot na ang preso.
"Punyeta naman! Lumabas ka na ritong bakla ka! Gutom na kami!"
Nang wala pa ring sagot ay bumalik siya at ipinaalam sa jail guard ang nangyari.
"Boss, naka-lock ang pinto ng kubeta. Sisirain ko na ba?" tanong ng preso.
"Halika, sumunod ka sa akin." Itinuro pa nito ang dalawang preso. "Kayong dalawa, sumama kayo."
Magkasunod nilang pinuntahan ang kubeta.
"Sirain n'yo ang pinto," utos ng jail guard.
Magkatulong na sinira ng tatlong preso ang pinto ng kubeta para mabuksan ito. Ilang sandali lang at tuluyan nilang nabuksan ang pinto.
Sa bukana pa lang ng kubeta ay nakita na nila ang kanina pa nila hinahanap.
Si Shelley...
Nagbigti sa loob ng kubeta gamit ang isang nylon cord na ginagamit ng mga preso bilang sampayan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top