57
PAGPASOK ni Tesing sa kuwarto ni Jason ay agad napansin ni Mayella ang pamumugto ng mga mata nito.
"Umiyak ba kayo, 'Nay?" nag-aalalang tanong niya.
Umiling ang kanyang ina. "Hindi..." Lumapit ito kay Jason. "Kumusta ka na?"
"'Nay... medyo okay na po ako," mahinang sagot ni Jason. "Ano pong pinag-usapan n'yo ni Anton? Sana naman, 'Nay, hindi n'yo na siya pinagsalitaan ng hindi magagandang salita. Wala namang ginagawang masama sa'yo 'yong tao. Nagbigay pa nga siya ng dugo para iligtas ako. Ang laki ng utang na loob ko kay Anton. Baka patay na ako ngayon kung hindi niya ako tinulungan."
Hindi sumagot si Tesing. Sumali na sa usapan si Mayella.
"Magpahinga ka na, Jason. At saka na kayo mag-usap ni Nanay." Bumaling siya sa ina. "Punta muna tayo sa canteen, 'Nay. Kumain muna tayo."
Marahang tumango si Tesing.
"Jason, kakain lang kami. Babalik kami kaagad," paalam ni Mayella sa kapatid at saka siya lumabas ng silid kasunod ang nanay niya.
Sa canteen ay napansin ni Mayella na matamlay ang nanay niya. Halos hindi nga nito ginagalaw ang pagkaing nasa plato.
"May problema ka po ba, 'Nay? Si Anton po ba?"
Nakita niyang huminga nang malalim ang kanyang Nanay Tesing. "Ayoko siyang pag-usapan," sabi nito habang tinitingnan siya nang matalim.
"Mabait po si Anton, 'Nay. Nagkausap kami noong nakaburol pa ang tatay. Pinuntahan ko siya sa bayan, nagkita kami at nag-usap. At ipinaalam ko sa kanya na tanggap ko siya... na tanggap ko ang relasyon nila ni Jason."
Nanlaki ang mga mata ni Tesing. "Anong pinagsasasabi mo? Okay lang sa'yo ang kaimoralang ginagawa ng baklang iyon at ng kapatid mo?"
"'Nay..."
"Tama na! Ayoko nang pag-usapan pa ito!" Napalakas ang boses ni Tesing. Napatingin sa kanila ang iba pang mga kumakain sa canteen na iyon.
Taas-noong tumayo ang ina ni Mayella at naglakad paalis sa lugar na iyon.
"'Nay!" Tumayo na rin si Mayella at iniwan ang pagkain para habulin ang ina.
NAGULAT pa si Jairus nang dumating sa bahay si Anton. Nasa sala ito at nanonood ng palabas sa telebisyon.
"Best friend, anong ginagawa mo rito? Sinong nagbabantay kay Jason?" nagtatakang tanong ni Jairus.
"Dumating ang nanay at kapatid ni Jason. Sila na muna ang magbabantay ngayong gabi. Babalik na lang ako roon bukas," kaswal niyang sagot ngunit matalas ang pakiramdam ni Jairus.
Sumimangot si Jairus. Alam niyang may gulo na namang nangyari. "Nagtaray na naman ang nanay niya, 'di ba?" pagkukumpirma pa niya.
Sinulyapan siya ni Anton. Huminga muna ito nang malalim bago nagsalita, "Ano pa nga ba? Kumukulo lagi ang dugo no'n kapag nakikita ako. Kahit nga sa Mindoro nagwala."
"As expected..."
"Kaya hindi ko man lang nakita ang tatay ni Jason," malungkot niyang pahayag. "Sa hotel ako nag-stay the whole time na nasa Mindoro kami. Hindi niya ako pinayagang makatuntong man lang sa bahay nila."
"Eh, ang sama pala talaga ng ugali ng babaeng iyon. Mabuti na lang at hindi ako sumama sa inyo. Naku, papatulan ko 'yon." Nanggigigil na si Jairus.
"Hayaan na natin, tapos na 'yon. Wala naman akong magagawa kung ayaw niya sa akin," pagkikibit-balikat ni Anton.
Umikot ang mga mata ni Jairus. "Tumawag nga pala si Carlo. Sorry daw hindi pa siya nakakapunta sa ospital. Tambak daw ang trabaho niya dahil ilang araw siyang absent no'ng nasa ospital pa si Yuri. At sorry rin daw dahil alam daw niyang siya ang dahilan kung bakit ginawa iyon ni Shelley."
"Akala kasi ni Shelley aagawin ko sa kanya si Carlo. Eh, si Carlo nga mismo ayaw na rin sa kanya. Hindi na kinaya ang ugali niya. Ano nga pala ang balita kay Shelley?" naalalang itanong ni Anton.
"Dumaan ako sa presinto kanina. Nagsampa na ako ng kaso para hindi nila pakawalan si Shelley. Pero alam mo naman na puwede siyang magpiyansa. Kaso, may sinabi sa akin ang pulis."
"Ano raw?"
"Mukhang nasisiraan daw ng ulo si Shelley. Kapag ganoon, best friend, hindi siya ikukulong. Ipagagamot siya sa mental. At saka 'di ba, hindi naman talaga puwedeng makulong kapag napatunayang nasisiraan siya ng bait noong oras na ginawa niya ang krimen?" pakumpas-kumpas pa ang kamay ni Jairus habang nagsasalita.
Bumakas ang pagkabahala sa mukha ni Anton. Kailan ba matatapos ang problema nila kay Shelley?
SA ospital ay nakita ni Mayella ang ina na nasa isang sulok ng chapel. Tahimik itong nakaupo sa hulihang upuan. Nakalapit siya rito nang hindi nito namamalayan.
"'Nay..."
Hindi lumingon si Tesing.
Naglakad si Mayella at umupo sa tabi ng ina.
"Doon na lang po tayo sa kuwarto ni Jason," yaya niya sa kanyang ina. "Wala siyang kasama roon."
Hindi pa rin umiimik si Tesing. Nanatili lang itong nakatingin sa kawalan.
"Galit ka na rin ba sa akin, 'Nay? Ang gusto ko lang naman po ay maayos na ang gulo. Wala namang idudulot na mabuti ang hindi natin pagkakasundo-sundo. Pamilya tayo, 'Nay, isang pamilya tayo. Dapat pinag-uusapan natin ang mga problema para masolusyunan," mahabang paliwanag ni Mayella.
Wala pa ring imik si Tesing. Pinanindigan na nito ang hindi pagpansin sa anak.
"Mahal na mahal kita, 'Nay." Gumaralgal ang boses ni Mayella. "At mahal na mahal ko rin si Tatay dahil tinanggap niya ako nang walang alinlangan... kahit hindi niya ako anak. Kahit bunga ako ng kasalanan mo sa kanya." Nangilid ang luha sa kanyang mga mata. "Natatandaan mo ba iyon, 'Nay? Nasa abroad pa si Tatay noong nangyari iyon."
Nilingon siya ni Tesing. "Pinatawad ako ng tatay mo. At pinagsisihan ko na ang kasalanang nagawa ko sa kanya." Pumatak ang luha ng ina ni Mayella. "Alam kong malaking kasalanan ang nagawa ko. Pero pinatawad at tinanggap pa rin ako ni Lino. Pati ikaw, tinanggap niya."
"Kaya ganoon na lang din kadali sa kanya na tanggapin ang relasyon nina Jason at Anton. Kaya ganoon din siguro kadali sa akin na tanggapin sila. Sino ako para husgahan sila eh, ako nga mismo bunga ng isang kasalanan pero tinanggap pa rin ni Tatay?"
"Ewan ko, natatakot ako sa sasabihin ng mga tao. Napagdaanan ko na ang libakin ng ibang tao. Naranasan ko na ang pagpiyestahan ng mga tsismosa. Ayoko nang pagdaanan pa ulit iyon. Ayokong maranasan iyon ni Jason." Walang tigil sa pagluha si Tesing.
"Hayaan natin sila, 'Nay. Hindi natin sila mapipigilan kung gusto nila tayong pag-usapan. Pero puwede nating gawing masaya ang mga buhay natin nang hindi iniintindi ang mga bulung-bulungan. Ang mas mahalaga ay tayo. Mas importanteng nagkakasundo tayo at masaya sa ating mga buhay. Huwag nating ibase sa ibang tao ang kaligayahan ng taong mahal natin. Mas mahirap, 'Nay kapag ikaw pa mismo na inaasahan ni Jason na uunawa sa kanya ang unang-unang kokondena sa kaligayahan niya. Kailangan ni Jason ang suporta mo, 'Nay. Suportahan natin siya."
Napahagulgol na si Tesing. Niyakap ni Mayella ang kanyang ina at hinagod ang likod nito. Mahigpit silang nagyakap. Hindi na kailangan pang magsalita ni Tesing. Naiintindihan niya ang sinabi ni Mayella, at alam niyang naiintindihan na rin siya nito.
Hindi na kailangan pa ang maraming salita.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top