56
TAPOS nang operahan si Jason nang dumating sa ospital sina Frank at Jairus. Nasa kuwarto na ito na may dalawang higaan. Sa kabila ay naroon si Anton na nagpapahinga dahil katatapos lang din niyang kunan ng dugong isinalin kay Jason.
"Best friend, pasensya ka na. Natagalan kami sa presinto. Tapos sobrang trapik pa kaya ngayon lang kami nakapunta rito," paliwanag ni Jairus.
"Kumusta na si Jason?" tanong naman ni Frank.
"Naoperahan na siya," umpisa ni Anton. "Maraming dugo ang nawala sa kanya kaya nagbigay ako ng dugo. Sabi ng doktor, hintayin na lang natin na magising siya. Huwag lang magkakaroon ng komplikasyon, magiging maayos na ang lagay niya."
"Mabuti naman kung ganoon. Takot na takot ako kanina, best friend. Ang dami niyang dugo. Mabuti magkatipo kayo. Kung nagkataon maghahanap pa tayo ng katipo niya." Kahit paano ay nakahinga nang maluwag si Jairus.
"Umuwi na muna kayo para makapagpahinga kayo. Ako na lang ang bahalang magbantay rito," sabi ni Anton sa dalawang kasama.
"Sige, best friend. Pero babalik ako bukas. Para may kasama ka sa pagbabantay rito."
Tumango siya. "Salamat..."
"Mauuna na kami..." pagpapaalam ni Frank.
"Ingat kayo," tipid niyang sagot.
Hanggang sa makaalis ng ospital sina Frank at Jairus ay nanatili na lang si Anton sa silid ni Jason. Dito lang siya... magbabantay. Hindi niya iiwan si Jason sa lahat ng mga laban nito sa buhay.
Kinabukasan ay naalimpungatan si Anton sa boses na tumatawag sa kanyang pangalan.
Nagmulat siya ng mga mata.
"A-anton..."
Gising na si Jason!
Kaagad siyang bumangon at bumaba sa kama para makalapit sa pasyente.
"Kumusta na ang pakiramdam mo?" nag-aalala niyang tanong.
"Masakit lang ang sugat ko, pero okay na ako," sagot ni Jason sa mahinang tinig.
"Sigurado ka? Wala kang iba pang nararamdaman?" paniniguro pa niya.
"Oo..."
Noon pumasok ng silid ang doktor kasama ang isang nurse.
"Gising na pala ang pasyente. Nurse, please check his vital signs," utos ng doktor sa kasama na agad namang sumunod at ginawa ang mga dapat niyang gawin. Pagkatapos ay iniabot sa doktor ang patient's record.
Nilagyan ng doktor ng betadine solution ang sugat ni Jason. Nang matapos ay gumawa ito ng reseta at ibinigay kay Anton. "Bilhin mo ito at umpisahan mong ipainom sa pasyente ngayon, three times a day para sa mas mabilis niyang paggaling."
"Sige po, Doc."
Nang makalabas na ang doktor at ang nurse ay nagpaalam si Anton kay Jason.
"Pupunta lang ako sa botika. Saglit lang..." Nakita niyang marahang tumango ang pasyente.
Maliksing kumilos si Anton. Ayaw niyang matagal na maiwang mag-isa si Jason. Nang makabalik sa silid ay agad niyang pinainom ng gamot ang pasyente. Muli itong nakatulog pagkatapos uminom ng gamot.
Bago magtanghali ay dumating si Jairus. May dala itong pagkain para kay Anton at prutas para kay Jason.
"Ba't dinalhan mo pa ako ng pagkain?" tanong ni Anton sa kaibigan.
"Siyempre, baka mamaya ikaw naman ang magkasakit. Gusto ko lang masiguro na makakakain ka nang maayos at nasa oras," paliwanag ni Jairus.
"Boyfriend mo na ba si Frank?" biglang naitanong niya.
"Oo, bakit?"
"Kaya pala todo effort na samahan ka rito sa ospital kagabi."
"Siyempre naman, love niya ako, eh." Abot-tenga ang ngiti ni Jairus.
"I'm happy for you," matapat niyang sabi. "You deserve to be."
Tila dalagang mahiyain na nagpakawala si Jairus ng isang mahinhin na ngiti. "Thank you, best friend. Ito na talaga. Hindi ko na pakakawalan si Frank."
Kinagabihan ay dumating sa ospital si Mayella kasama ang inang si Tesing. Si Anton na lang ang nagbabantay kay Jason nang oras na iyon dahil umuwi na si Jairus. Eksaktong pinapainom ni Anton ng gamot si Jason nang pumasok sa silid ang mag-ina. Dala-dala pa nga ni Mayella ang isang bag na mukhang naglalaman ng mga damit nilang mag-ina.
Nagulat pa si Anton sa malakas na boses ng ina ni Jason.
"Kung sinunod mo lang ang sinabi kong layuan mo ang anak ko, hindi niya sana sinapit ang trahedyang ito." Dire-diretsong lumapit si Tesing kay Anton at sinampal ito.
Hindi agad nakakilos si Anton. Dinama lang ng kaliwang palad niya ang pisnging nasaktan.
"'Nay..." daing ni Jason. Hindi siya makapaniwala sa ginawa ng ina.
"Nasa ospital po tayo, 'Nay. Huwag kayong gumawa ng eksena rito," pakiusap ni Mayella.
Hinarap ni Tesing ang anak na babae. "Hindi puwede rito? Puwes, sa labas!"
"Tama na, 'Nay. Pumunta tayo rito para makita ang kalagayan ni Jason, hindi para makipag-away."
Pero parang walang narinig si Tesing. Muli siyang bumaling kay Anton at hinawakan ang suot na t-shirt nito. Padaskol na hinila si Anton ng ina ni Jason.
"Halika rito! Halika!" Hila-hila ng matandang babae si Anton papalabas ng silid.
"Teka, 'Nay!" Susunod sana si Mayella pero pinandilatan siya ng kanyang ina.
"Diyan ka lang. Huwag kang makasunod-sunod dito. Bantayan mo ang kapatid mo!" pasigaw na utos ni Tesing sa anak na babae.
Hila-hila pa rin ni Tesing si Anton habang naglalakad sila sa pasilyo ng ospital. Nang madaanan nila ang pinto ng fire exit ng ospital ay binuksan iyon ni Tesing at pumasok sila roon.
"Dito tayo. Kahit patayin kita rito, walang makikialam," matigas na sabi ni Tesing. Tinitigan nito si Anton habang hawak pa rin ang t-shirt nito. "Sagutin mo ako, ano ba talaga ang plano mo kay Jason? Kailan mo lulubayan ang anak ko? Kailan mo siya titigilan, kapag patay na siya? Hihintayin mo pa bang mamatay muna ang anak ko bago ka magising sa kahibangan mo?" galit na galit na tanong ni Tesing. Kung nakamamatay lang ang matalim na tingin, kanina pa siguro bumulagta sa sahig si Anton.
"Ano bang kasalanan ko sa'yo?" buwelta naman niya. "Bakit galit na galit ka sa akin? Minahal lang ako ng anak mo. Minahal ko lang din siya. Nagmahalan lang kami. Bakit hindi mo iyon matanggap?"
"Dahil bakla ka! Ayokong masunog sa impiyerno ang kaluluwa ng anak ko! Inililigtas ko lang siya sa malaking kasalanan. Kasalanan na patuloy niyang gagawin kung hindi niya puputulin ang pakikipagrelasyon sa'yo," nanggigigil na sabi ni Tesing. Hindi niya kailanman matatanggap na sa isang bakla lang makikisama si Jason. Hinding-hindi! "Nakakahiya... Alam mo iyon? Kukutyain siya ng mga tao. Pagtatawanan siya. Dahil ano? Dahil nakipagrelasyon siya sa'yo. Dahil nakisama siya sa bakla."
Hindi makapaniwala si Anton sa sinabi ng ina ni Jason. "Bakit ang damot ng puso mo? Bakit ang damot mo?" sumbat niya rito. "Mas iniisip mo pa ang sasabihin ng ibang tao kaysa sa kaligayahan ng anak mo. Ipokrita ka!"
Lumagapak muli ang palad ni Tesing sa mukha ni Anton. Pangalawa na. Ramdam niya ang sakit pero gusto niyang turuan ng leksyon ang ina ni Jason. Hindi siya nagdalawang-isip na sampalin din ito.
Gulat na gulat si Tesing. Hindi niya inaasahang gaganti si Anton.
"Tarantado ka! Wala kang karapatang saktan ako! Matandang bakla ka lang!" histerikal na sabi ni Tesing. Tinangkang hablutin ng babae ang buhok ni Anton pero maagap na nahawakan niya ang dalawang braso nito. Buo ang loob niyang hinarap ang galit na galit na ina ni Jason.
"Oo, may edad na ako. At oo, bakla ako. Pero may pinagkatandaan ako at mas mabuting tao ang baklang ito kaysa sa inyo!" namumula ang mukhang sabi niya sa babae. "Hindi kabawasan ng pagkatao ko ang pagiging bakla ko. Pinalaki ako ng magulang ko na may tamang asal. Kailan man ay hindi ako nang-agrabyado ng tao. Marunong akong rumespeto sa iba. Eh, ikaw? Anong klaseng pagkatao mayroon ka? Saan mo natutunan ang ganyan kabaluktot na pag-uugali?"
Nagpupumiglas si Tesing at pilit na kumawala sa pagkakahawak niya. "Bitiwan mo ako! Kahit ano pa ang sabihin mo, hindi magbabago ang paniniwala ko na hindi ka magandang impluwensiya sa anak ko. Kaya layuan mo ang anak ko para parehong matahimik ang mga buhay natin."
Napailing si Anton. "Nakakaawa ho kayo. Natanggap kami ng asawa mo. Natanggap kami ni Mayella. Bakit ikaw, bakit hindi mo kami matanggap? Nakikita mo ang mali sa ginagawa namin. Kailan mo naman makikita ang mali sa ginagawa mo? Sa ginagawa mong panghuhusga at pagyapak sa karapatan naming magmahal at mahalin." Hindi inaalis ni Anton ang tingin sa mata ni Tesing. Nagpatuloy siya, "Hindi ko ho kayo hinuhusgahan, pero matanong ko nga ho kayo... Hindi ka ba nakagawa ng pagkakamali sa buong buhay mo? Hindi ka ba nagkasala kahit minsan sa buhay mo? Pare-pareho tayong tao, sana naman tratuhin mo akong tao, labas ang sekswalidad ko. Kahit kailan, hindi kasalanan ang magmahal. Pero napakalaking kasalanan ang manghusga ng kapwa." Binitiwan niya ang dalawang braso ng nanay ni Jason at sa huling pagkakataon ay tiningnan ito sa matang puno pa rin ng galit at saka walang imik na iniwan. Taas-noo siyang naglakad pabalik sa silid ni Jason.
Naiwang mag-isa si Tesing. Namumula ang pisngi niya sa galit na nadarama. Parang gusto niyang sumabog pa at habulin ang kinaiinisang matandang baklang lumalason sa utak ng anak niyang si Jason. Pero taliwas sa gusto niyang gawin, unti-unting namuo ang luha sa kanyang mga mata hanggang tuluyan na itong umagos sa kanyang pisngi.
Naabutan ni Anton si Jason na pinapakain ng kapatid na si Mayella.
"Uuwi muna ako para makapag-usap kayo ng nanay mo," sabi niya kay Jason bago bumaling sa kapatid nito. "Mayella, ikaw na muna ang bahala kay Jason, please... Babalik na lang ako bukas."
Napatango na lang ang babae.
Kinawayan na lang ni Anton si Jason at saka lumabas ng silid. Nakita pa niya si Tesing na pabalik na rin sa silid ni Jason at saglit na nagtama ang kanilang mga tingin pero hindi na iyon inintindi pa ni Anton at tuluyan na siyang naglakad papalabas ng ospital na iyon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top