55
"JASON!" Binalot ng hilakbot ang mukha ni Anton nang makita ang dugong umaagos sa tagiliran nito. Agad niya itong dinaluhan.
Sinapo ni Jason ang tinamaang bahagi ng kanyang katawan. Unti-unti siyang naupos.
"Hayup kang bakla ka!" Kinagat ni Jairus ang braso ni Shelley. Napasigaw ito sa sakit at nabitiwan nito ang baril.
Hindi na binigyan ni Jairus na makabawi pa si Shelley. Kinubabawan niya ito at pinagsasampal. Kung minsan ay umiigkas din ang kamao niya sa katawan nito. Nang mapagod ay tinantanan niya rin ito.
"Tumawag ka ng pulis! Tumawag ka ng ambulansya!" natatarantang sigaw ni Anton.
Nakita ni Jairus ang cell phone niya sa sahig. Mabilis niya itong dinampot at tumawag sa istasyon ng pulis. "Hello? Police station... Pumunta kayo rito sa Sampaloc. May barilan... Ambulansya, kailangan din ng ambulansya. Ano? Address? Teka, eto..."
Sa gitna ng pagkataranta ng lahat, nagawang damputin ni Shelley ang baril niya at dahan-dahang nakabangon.
"Hindi pa tayo tapos. Magsasama kayong lahat sa impiyerno!" umiiyak na sigaw ni Shelley habang nakatutok kina Jairus, Anton at Jason ang baril. "Kasalanan mo ito, Anton. Gusto mong agawin sa akin si Carlo."
"Anong pinagsasasabi mo? Wala akong inaagaw sa'yo! Wala na kami ni Carlo bago pa naging kayo. Naghiwalay kayo dahil na rin sa'yo, hindi dahil sa akin." Hindi maintindihan ni Anton kung bakit siya nagpapaliwanag sa baklang ito na tila sarado naman ang isip.
"Hindi 'yan totoo!" malakas nitong sigaw kasabay ang pagpapaputok ng baril sa itaas na naglagos sa kisame ng bahay. Napapitlag si Jairus sa putok ng baril. "Inagaw mo sa akin si Carlo. Inagaw mo, kaya dapat kang mamatay!" Muling itinutok ni Shelley ang baril sa kanila pero maliksing hinablot ni Anton ang kamay nito at pilit na inagaw ang baril. Mas malakas si Anton kaysa kay Shelley pero hindi ito ang tipong magpapatalo nang basta-basta.
Pinilipit ni Anton ang braso ni Shelley pero wala itong balak na bitiwan ang baril. Nakipaglaban ito kay Anton nang buong lakas at buong tapang.
"Best friend, mag-iingat ka!" tili ni Jairus. At saka niya nakita si Jason na tigmak na sa dugo ang tagilirang bahagi hanggang sa may tiyan nito.
Isang malakas na suntok sa mukha ang ipinatikim ni Anton kay Shelley. Tumilapon sa sahig ang bakla at nabitawan ang baril na agad namang dinampot ni Anton at tinanggalan ng mga bala. Biglang bumunghalit ng iyak si Shelley.
"Salbahe ka. Sinasaktan mo ako. Masama kang tao!" sigaw pa nito at saka muling bumunghalit ng iyak.
Napanganga si Anton. Anong nangyayari kay Shelley? Pero hindi pa siya nakakabawi sa nasaksihan ay bigla na naman siyang nagulat sa sunod nitong ginawa.
Biglang humalakhak si Shelley na akala mo ay masayang-masaya. Naging malikot ang mga mata niya. Tapos ay humikbi... at muling umiyak. At saka humagikgik na tila ba kinikiliti.
Maging si Jairus ay hindi makapaniwala sa nakitang itsura ni Shelley. Nabaliw na yata ang baklang ito.
Nagkatinginan sina Anton at Jairus.
"Mga salbahe kayong lahat. Ayoko sa inyo, salbahe kayo!" Tumawa nang pagkalakas-lakas si Shelley at saka tumayo at nagtatakbo papalabas ng pinto.
Paglabas niya ng gate ay tila nagulat pa ito sa dami ng mga taong nasa labas at nabulabog sa mga putok ng baril.
Noon naman dumating ang mga pulis. Kasunod nito ang isang ambulansya. Bumaba ang mga ito sa police mobile at lumapit kay Shelley. Ang iba naman ay tumakbo papunta sa bahay nina Anton.
Nataranta si Shelley at hindi na alam ang gagawin. Muli itong umiyak, pagkatapos ay tumawa.
Iyak, tawa.
Tawa, iyak.
Sa malikot na mga mata ni Shelley ay makikita ang lubos na takot at pagkabahala.
"Huwag kayong lalapit! Wala akong kasalanan! Sinaktan nila ako. Salbahe silang lahat!" umiiyak na sigaw ni Shelley. "Salbahe sila..." Umatungal na ito sa labis na paghihinagpis.
Hinuli ng mga pulis si Shelley. Sumama sa presinto si Jairus. Si Jason naman ay isinugod sa pinakamalapit na ospital kasama si Anton.
Kaagad na binigyan ng first aid treatment sa emergency room si Jason habang inihahanda ang operating room.
"Marami ng dugo ang nawala sa pasyente. Kailangang masalinan siya ng dugo," sabi ng doktor kay Anton. "Blood type O."
"Ako, type O ako. Kunan n'yo ako ng dugo," kaagad na pagboboluntaryo niya.
"Maghintay ka lang dito. Ipatatawag kita sa nurse mamaya," sagot ng doktor.
Bago pa siya puntahan ng nurse ay tinawagan ni Anton si Mayella.
"Si Anton 'to," pagpapakilala niya nang marinig niya sa kabilang linya ang boses ng ate ni Jason.
"Napatawag ka... Dis-oras na ng gabi."
"Nandito ako sa ospital. Nabaril si Jason... Ooperahan siya at sasalinan rin ng dugo," pahayag niya sa kausap.
"Anong nangyari? Bakit siya nabaril? Sinong bumaril?" Ramdam ni Anton ang pangamba at pag-aalala sa boses ni Mayella.
"Mahabang kuwento, Mayella."
"Sir, excuse me. Kayo po ba ang donor ng dugo para kay Jason?" Hindi niya namalayang nakalapit na ang nurse at ngayon ay nagtatanong.
Mabilis siyang tumango. "Oo, ako nga."
"Sumunod na po kayo sa akin..."
Habang naglalakad ay nagpaalam siya sa kausap sa cell phone. "Mayella, ite-text ko na lang sa'yo ang address ng ospital sakaling gusto mong dalawin si Jason. Tinawag na ako ng nurse. Kukunan na ako ng dugo para isalin kay Jason. Saka na lang tayo ulit mag-usap."
"Huwag mong pababayaan ang kapatid ko. Pakiusap..." nanginginig ang boses ni Mayella.
"Hindi ko siya pababayaan, pangako. Naniniwala akong malalagpasan niya ang operasyon."
DINALA ng mga pulis sa presinto si Shelley. Sinubukan ng mga pulis na kausapin ito at kunan ng pahayag pero hindi ito sumasagot sa mga tanong. Si Jairus na lang ang nagbigay ng impormasyon sa mga pulis tungkol sa mga nangyari.
"Sa tingin mo, ano ang motibo ng suspek para gawin ang karahasang iyon sa mismong bahay n'yo?" tanong ng pulis.
"Selos. Nagseselos siya sa kaibigan ko kasi akala niya, nagkabalikan ang kaibigan ko at si Carlo na ex na rin ni Shelley. Paranoid na ang bakla. Hindi ito ang unang beses na may binaril siya. Kalalabas lang sa ospital noong lalaking binaril niya," pahayag pa ni Jairus. "Ewan ko ba sa baklang 'yan. Lumuwag na yata ang turnilyo. Tingnan n'yo, umiiyak tapos biglang tatawa. Weird..."
"Makikipag-coordinate kami sa police station na may hawak ng kasong pamamaril na sinabi mo. Iimbitahan din namin dito ang kaibigan mo para makunan din namin ng pahayag," sabi ng pulis.
"Puwede na ba akong umalis?" tanong niya. "Pupuntahan ko pa sa ospital ang mga kaibigan ko."
"Sige, tatawagan ka na lang namin kapag may mga katanungan pa kami." Kinamayan siya ng pulis.
"Jairus!" Narinig niyang may tumawag sa kanya. Nilingon niya ang pinagmulan ng tinig.
"Frank!" Bumakas ang saya sa mukha ni Jairus. Tinawagan na niya kanina ang binata at naikuwento na niya rito ang nangyari kaya nagpunta agad ito sa presinto. "Mabuti at dumating ka na, samahan mo ako sa ospital."
"Halika na..."
Habang nasa biyahe, isa lang ang panalangin ni Jairus.
Sana ay nasa maayos na kalagayan na si Jason.
Hindi puwedeng mamatay si Jason.
Hindi puwede...
Hindi ngayon!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top