54
KANINA pa paikot-ikot sa silid niya si Shelley habang humihitit ng sigarilyo. Bagot na bagot na siya sa araw-araw na pagtatago sa bahay na ito sa probinsiya. Siguro naman ay nagsawa na ang mga pulis sa paghahanap sa kanya. Kailangan na niyang bumalik sa Maynila dahil hindi pa tapos ang misyon niya sa pesteng matandang Anton na iyon. Hindi matatahimik ang isip niya habang alam niyang masaya si Anton.
Hindi puwedeng masaya si Anton habang siya ay kinakain ng matinding kalungkutan dahil ang lalaking gusto niya ay si Anton pa rin ang mahal.
Hindi puwede ang ganoon!
Nayayamot na itinapon niya ang sigarilyo sa bintana at saka misteryosong ngumiti.
Kinuha niya sa aparador ang bag na dala niya pagpunta roon at saka siya nagpalit ng damit. Siniguro niyang maganda siya. Naglagay siya ng make-up at pinapula nang todo ang labi.
Dinampot niya ang bag at saka nagmamadaling lumabas ng bahay at pumara ng tricycle. Bakas sa mukha niya ang kakaibang ngiti.
"Dalhin mo ako sa bus terminal," utos niya sa drayber.
Humarurot ang tricycle paalis sa lugar na iyon.
Pabalik na rin ng Maynila sina Anton at Jason. Kabababa lang nila ng fast craft at ngayon nga ay sakay na sila ng bus na magdadala sa kanila sa Maynila. Tahimik na nakaupo si Anton malapit sa bintana.
Hanggang sa mailibing ang ama ni Jason ay hindi na nakabalik si Anton sa bahay nito. Pero gumawa siya ng sariling paraan para maipakita sa yumao ang respeto niya rito. Nagpunta siya sa simbahan at nag-alay ng misa para rito. Para sa buong siyam na araw at isang misa rin para sa ikaapatnapung-araw naman. Kaya kahit nasa Maynila na sila, kampante siyang may misang iaalay para sa kaluluwa ng ama ni Jason.
Hindi siya galit sa nanay ni Jason. Naiintindihan niya ito nang lubos. Kahit sinong nanay naman siguro ay hindi papayag na ang anak nilang lalaki ay sa bakla makikisama. Walang nanay na mangangarap ng ganoon para sa mga anak nila. Kaya wala ring balidong dahilan para magalit siya sa nanay ni Jason kung tutol man ito sa relasyon nila. Masaya na siya na alam niyang natanggap sila ng tatay ni Jason pati na rin ng Ate Mayella nito. Kung dumating man ang panahon na matanggap rin sila ng nanay ni Jason, salamat. Pero kung hindi man dumating ang oras na iyon, hindi niya dadalhin bilang malaking kabiguan sa kanyang buhay.
"Tahimik ka," pansin sa kanya ni Jason at siniko pa siya nito.
Sinulyapan siya ni Anton bago ito nagsalita, "Wala naman. Inaantok lang."
"Matulog ka muna. Mahaba pa ang biyahe natin."
Hindi siya sumagot. Itinali niya ang kurtina ng bintana ng bus at itinuon ang tingin sa labas ng bintana.
"Iniisip mo ba si nanay?" tanong ni Jason. Kunot ang noong napatingin siya rito.
"Ba't ko naman iisipin ang nanay mo?"
"Baka kasi iniisip mo pa rin ang mga sinabi niya. Sabi ko naman sa'yo na 'wag mo siyang intindihin. Dahil kahit ano pa ang mangyari, hindi kita iiwan. Pangako ko 'yan sa'yo." Bahagya pa niyang sinundot sa tagiliran si Anton na ikinapiksi nito.
"Tigilan mo nga 'yan," saway niya rito. "Hindi ito ang oras para sa mga ganyan."
"Sige, sa bahay na lang pagdating natin..." bulong ni Jason. "Na-miss kita, eh."
"Tumawag nga pala kahapon sa akin si Carlo. Nakalabas na ng ospital si Yuri at umuwi na lang muna sa probinsiya nila," pagbabalita pa ni Anton.
"Mabuti naman kung ganoon. Para nababawasan ka ng problema."
"Hindi ko naman sila pinoproblema. Pero hindi mo rin naman maiaalis sa akin ang mag-alala dahil si Shelley ang gumawa noon kay Yuri at alam kong matindi rin ang galit sa akin ng baklang iyon. Hindi nga ako magtataka kung gusto rin niya akong patayin."
"Ah, 'yon naman ang hindi ko mapapayagang mangyari. Magdadaan sa bangkay ko ang Shelley na 'yan bago ka niya masaktan. Pangako ko 'yan sa'yo," seryosong pahayag ni Jason. "Habang buhay pa ako, walang sinumang puwedeng kumanti sa'yo."
Tiningnan lang ni Anton si Jason at saka muling itinuon ang tingin sa labas ng bintana. Sa malas ay mukhang matatagalan pa ang biyahe nila dahil sa natanaw niyang nakabalandrang sasakyan sa bandang unahan ng kalye.
May nagkabanggaang dalawang sasakyan at ngayon ay naging dahilan ng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lugar na iyon.
DUMIRETSO si Shelley sa bahay niya. Maingat siya habang papasok sa bahay. Palinga-linga pa siya dahil iniisip niyang baka may mga pulis sa paligid na nag-aabang sa kanyang pagbabalik dito sa bahay niya.
Nang makapasok sa kuwarto ay buong laya niyang inilatag ang kanyang katawan sa kama. Ilang araw din niyang hindi nagamit ang kama niyang ito. Miss na miss na niyang matulog sa komportableng kama niya.
Hindi na nga niya namalayan ang oras. Nakatulog siya nang mahimbing dahil na rin sa matinding pagod sa biyahe.
Madilim na nang magising siya. Kaagad siyang bumangon at nagtungo sa banyo para maligo. Hindi siya puwedeng mag-aksaya ng oras. Makakatulong ang dilim ng gabi para magawa niya ang plano niya kay Anton. Hindi puwedeng hindi mawala sa landas niya ang matandang baklang iyon. Hindi babalik sa kanya si Carlo hanggang nasa paligid lang si Anton kaya kailangang mawala ito sa landas niya!
NAGMAMADALING nagtungo sa pintuan si Jairus nang makarinig siya ng sunod-sunod na mga katok sa pinto. Alam niyang ngayon uuwi sina Anton at Jason. Sa wakas ay dumating na ang mga ito. Kanina pa siya naghihintay.
Excited pa siya nang buksan ang pinto.
"Bakit ngayon lang---" Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil sa nakita niyang nakatutok na baril sa mukha niya. Sa harapan niya ay may isang baklang ayos babae na puno ng galit sa mukha habang mahigpit ang pagkakahawak sa baril na nakatutok sa kanya.
"Pasok!" mariing utos ni Shelley at saka idiniin pa sa mukha ni Jairus ang dulo ng baril. Nang makapasok na rin siya sa loob ng bahay ay isinara niya ang pinto at sinigurong naka-lock iyon.
"Sino ka? Paano kang nakapasok sa gate?" Pinigilan ni Jairus ang sarili na magpakita ng takot.
Ngumisi si Shelley at nang-iinsultong sumagot, "Hindi mo ako kilala, baklang mataba? Puwes, magpapakilala ako. Shelley is the name." Nanlaki ang mga mata ni Jairus. Ito pala ang Shelley na nanggugulo lagi kay Anton sa telepono. "Bukas ang gate. Iniwan mong bukas, baklang pangit at tanga!" diin ni Shelley. "Ngayon, magtataka ka pa kung paano ako nakapasok?"
Nagdilim ang mukha ni Jairus. Mapapatawad niya ang pagtutok sa kanya ng baril ng baklang ito at kahit na nga ang pagtawag sa kanya ng tanga. Pero ang tawagin siyang pangit ay itinuturing niyang isang kalapastangan sa kanyang kagandahan. "Akala mo naman maganda ka? Eh, binalot mo lang naman sa kolorete ang pagmumukha mo, baklang toh!" nanggigigil niyang sabi.
"Nasaan si Anton?" galit na sigaw ni Shelley.
"Nakita mo ba rito? Hindi ba, wala? Eh, 'di wala!"
"Huwag kang pilosopo kung ayaw mong kumalat sa sahig ang utak mong malabnaw!"
"Eh, gaga ka pala. Sige, iputok mo ang baril na 'yan para marinig ng kapitbahay. Akala mo ba makakaligtas ka? Mapatay mo man ako, mabubulok ka naman sa kulungan, boba!"
Naningkit ang mga mata ni Shelley. "Hindi ko gusto ang katabilan mo. Gusto kong tabasan ang dila mo," mariin nitong sabi.
Tumunog ang telepono ni Jairus na nasa bulsa ng suot niyang shorts.
"Sinong tumatawag sa'yo?" agad na tanong ni Shelley. Hindi pa rin nito inaalis ang pagkakatutok ng baril kay Jairus.
"Malay ko!" singhal niya rito.
"Akin na ang cell phone mo! Bilis!"
Nakasimangot na dinukot niya ang telepono sa bulsa at iniabot kay Shelley. "Ayan, sa'yo na! Tsismosa! Pati tawag na 'di sa'yo pakikialaman mo."
Nabasa ni Shelley ang pangalan ng tumatawag. "Frank. Sino si Frank?"
"Boyfriend ko," mabilis niyang sagot. "Bakit, inggit ka? Tatawagin mo akong pangit, at least may boyfriend. Eh, ikaw, waley! At walang magtitiyaga sa'yo dahil ang sama ng ugali mo."
Nagpanting ang tainga ni Shelley sa sinabi ni Jairus. Kumulo ang dugo niya at umakyat hanggang ulo. Walang babalang sinugod nito si Jairus.
Sa labas ng bahay ay pumarada sa tabi ng gate ang isang taksi. Magkasunod na bumaba sina Jason at Anton dala ang kani-kanilang mga backpack.
Agad na napansin ni Anton ang nakabukas na gate.
"Nakalimutan na naman ni Jairus na isara ang gate." Napailing-iling na lang siya. Si Jason na ang nag-lock ng gate.
Noon sila nakarinig ng kalabog kasunod ang tila nabasag na salamin mula sa loob ng bahay.
"Ano 'yon?" tanong ni Anton. "Si Jairus!"
Napatakbo si Jason para tingnan kung ano ang nangyayari sa loob ng bahay. Mabilis din namang nakasunod sa kanya si Anton. Binuksan niya ang pinto pero naka-lock ito.
"Hayup ka! Bitiwan mo 'yan!" narinig nilang sigaw ni Jairus.
"Hindi!" narinig nilang sagot ng kung sino mang kaaway ni Jairus sa loob.
Mabilis na dinukot ni Jason sa bulsa niya ang mga susi at agad na sinusian ang lock ng pinto. Eksaktong pagbukas ng pinto ay tumambad sa kanya ang dalawang nag-aagawan sa baril.
"Jairus!"
Kapwa napatingin sina Jairus at Shelley kay Jason. Hindi pa rin nila binibitawan ang isa't isa.
Noon pumutok ang baril.
Sapul si Jason!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top