52

"BAKIT naririto ang baklang 'yan?" salubong na tanong ng ina ni Jason sa kanya. Nanggagalaiti ito at para bang pusang handang mangalmot anumang oras. "Sinong nagsabi sa inyong puwedeng tumuntong sa pamamahay natin ang taong 'yan?"

"Makikiramay lang si Anton, 'Nay. Hindi naman yata tama na ganyan ang trato niyo sa isang taong wala namang ginagawang masama sa inyo," depensa pa ni Jason. Siya ang nahihiya sa inaasal ng ina lalo na at ang mga kapitbahay nila ay nasa paligid lang at tila ba nakakita ng isang magandang palabas.

"At sanay na sanay ka nang sumagot sa 'kin, ha, Jason? Ano ba ang ipinakain sa'yo ng matandang baklang 'yan at itinapon mo na lahat ng kagandahang asal na itinuro namin sa'yo ng tatay mo? Sa tingin mo ba, matutuwa ang ama mo kung makikita niyang ganyan ka na kawalang-galang sa ina mo?"

"Hindi naman sa ganoon, 'Nay. Nangangatwiran lang po ako dahil sobra naman ang mga salita n'yo kay Anton, wala namang ginagawang masama sa'yo 'yung tao," depensa pa niya. Pero inismiran lang siya ng kanyang ina. Sa malas ay tila wala itong balak na yumukod sa kanilang dalawa. Si Anton ang muling pinuntirya ng kanyang ina.

"Lumayas ka rito! Hindi ako makapapayag na madampian ng kaimoralan ang burol ng asawa ko." Bumaling si Tesing sa anak. "At ikaw, Jason, hinding-hindi ka rin makakasilip man lang sa bangkay ng ama mo kung ipagpilitan mong isama ang matandang baklang 'yan!"

"Ano ba, 'Nay? Huwag naman kayong mag-eskandalo. Pinapanood na tayo ng mga tao."

"Bakit, nahihiya ka? Aba, eh dapat ka lang talagang mahiya. Pumatol ka ba naman sa baklang matanda, nakakahiya talaga 'yon!" walang preno ang bibig na litanya ng ina ni Jason. Si Anton ay nanatiling tahimik at pinabayaan na lang ang pang-aalipusta nito sa kanya. Muli siyang pinagbalingan nito. "Umalis ka na kung ayaw mong ipa-barangay kita!"

Napakamot sa ulo si Jason. "Ano bang--- 'Nay! Ano bang pinagsasasabi n'yo?"

"Palayasin mo siya!" sigaw ni Tesing sa anak.

Pinukol ni Anton ng tingin si Jason at saka marahang tumalikod at naglakad papalayo sa kanila.

"Anton!"

"Huwag mo siyang susundan!" babala ng kanyang ina. "Hayaan mo siya. Matanda na 'yan, hindi 'yan maliligaw!"

Hindi pinansin ni Jason ang mga sinabi ng nanay niya. Sinundan pa rin niya si Anton. Nakita niya ang nakikiusyusong mga kapitbahay pero wala siyang pakialam sa mga ito. Ang tanging nasa isip lang niya ay si Anton.

"Anton, saan ka pupunta?" tanong niya rito nang kanyang maabutan.

"Pupunta na lang muna ako sa bayan, hahanap ako ng matutuluyan doon," matamlay na sagot ni Anton. "Magkita na lang tayo 'pag babalik na tayo ng Maynila."

"Sasamahan na kita..."

"Huwag na. Ako na lang, kaya ko na 'to." Muling naglakad si Anton.

"Hindi. Sasamahan na kita." Sumunod si Jason at hindi inalintana ang nanunuring mga mata ng mga usisero at usiserang kapitbahay.

"Sige, sumama ka sa baklang 'yan. Huwag ka nang babalik dito!" sigaw ni Tesing.

Nagpatuloy lang sa paglalakad ang dalawa. Hindi pinansin ni Jason ang pagtutungayaw ng ina.

Pumara ng traysikel si Anton. Pero bago siya sumakay ay hinarap si Jason. "Hindi mo na ako kailangang samahan. Huwag mong hayaang mas lumala pa ang galit ng nanay mo. Puntahan mo na siya at mag-sorry ka sa kanya. Mas kailangan ka niya ngayon," paalala niya rito.

"Pero..."

"Tama ang nanay mo, matanda na ako. Hindi ako maliligaw." Tinapik niya si Jason sa balikat at saka mabilis na sumakay sa traysikel. "Pakihatid ako sa bayan. Kung saan merong hotel o lodging inn na puwede kong tuluyan," bilin pa niya sa drayber na agad namang pinatakbo ang sasakyan.

Wala nang nagawa si Jason kundi tanawin na lang ang papalayong traysikel. At saka taas-noong naglakad pabalik sa kanilang bahay. Noon niya nakita ang Ate Mayella niyang bumaba na rin pala ng bahay at ngayon ay nasa tabi ng kanyang ina.

"Huwag na huwag mo nang pababalikin dito ang baklang iyon," singhal ng kanyang ina nang mapatapat siya rito."

"Tama na po, 'Nay, umalis na nga 'yung tao," saway rito ng ate niya bago bumaling sa kanya. "Umakyat ka na sa itaas."

Halos talunin niya ang mga baitang ng kanilang hagdan para makapasok agad sa loob ng bahay. Naabutan niya sa loob ang ilan pa nilang mga kamag-anak na lahat ay nakatingin sa kanya na para bang inuuri ang kanyang buong pagkatao. Pero hindi siya nagpadaig sa nanlilibak nilang mga tingin. Diretso siyang naglakad patungo sa kabaong kung saan nakahiga ang namayapa niyang Tatay Lino.

Halos madurog ang puso niya nang makita ang walang buhay niyang ama. Kahit na ba mukha namang payapa ang itsura nito sa loob ng kabaong, hindi niya maiwasang lukubin ng lungkot ang buo niyang pagkatao. Ilang linggo pa lang ang nakararaan nang umuwi siya at nagkausap sila ng tatay niyang buong pusong tinanggap ang kanyang sitwasyon. Ang taong inaasahan niyang kokontra sa pakikipagrelasyon niya kay Anton ang siya pang unang taong nakaintindi sa kanya. Bakit naman kinuha agad ng Diyos ang taong kakampi niya?

Kasabay ng pag-usal niya ng dalangin para sa kaluluwa ng kanyang ama ay hindi namalayan ni Jason na tumutulo na pala ang luha niya. Saganang umagos sa kanyang pisngi ang likidong nagmula sa kanyang mga mata na tanda ng sobra niyang kalungkutan pero hindi niya iyon inalintana. Hindi na nga rin niya namalayan nang lumapit at tumabi sa kanya ang ate niya.

"Bago siya namatay, nagkausap kami," mahinang sabi ni Mayella pero sapat naman para marinig ni Jason na bahagya lang nagulat sa kapatid. "Pinag-usapan namin ang sitwasyon mo, at kung paano niyang tinanggap iyon. Ipinaliwananag niya sa akin na nasa tamang edad ka na para magdesisyon sa iyong sarili. Aaminin ko sa'yo, ayoko sa ginawa mo. Ginagawa kang paksa ng mga usapan ng mga kapitbahay. Alam mo naman dito sa atin, hindi tanggap ang ganyang klaseng relasyon. Kaya siguradong pag-uusapan ka ng lahat. Pero pagkatapos naming mag-usap ni Tatay, mas naintindihan na kita."

"Salamat, Ate," sagot niya sa normal sa lakas ng boses. "Wala naman akong pakialam sa mga sasabihin nila. Pagtsismisan nila ako kung gusto nila. Anong taon na ba? 2019 na. Hindi ko na kasalanan kung hanggang ngayon ay may mga tao pa ring makitid ang pag-iisip pagdating sa relasyong lalaki sa lalaki. Hindi ako ang unang lalaking nakipagrelasyon sa bakla. Hindi rin ako ang huli. Pero isa lang ang masasabi ko, hindi ako nagsisisi."

Tinapik ni Mayella sa balikat ang kapatid. "Mahal na mahal ka ni Tatay. Naiintindihan ka niya. Pero sana, maintindihan mo rin kung bakit iba ang pagtanggap ni Nanay sa ginawa mo."

Marahan siyang tumango. Wala rin namang siyang balak na pilitin ang nanay niya kung hindi nito matatatanggap ang ginawa niyang pakikipagrelasyon kay Anton. Kahit habang buhay pang magalit sa kanya ang ina, hindi niya tatalikuran ang mga responsibilidad niya rito bilang anak. Pero buo rin sa puso at isip niya na hindi rin niya muling ilalagay sa alanganin ang relasyon nila ni Anton ano man ang mangyari.

NAKAHANAP na ng matutuluyan si Anton. Hindi naman pala mahirap humanap ng lodging inn sa bayang iyon. Simple lang ang kuwartong nakuha niya, tipikal sa mga lodging inn sa probinsiya. Pero ayos na ayos na iyon kay Anton. Mas importante sa kanya na malinis ang lugar at may matutulugan siya mamaya pagsapit ng gabi.

Pero habang nakahiga siya at nagpapahinga ay hindi mawala sa isip niya ang mga sinabi ni Nanay Tesing. Paulit-ulit na ipinamukha sa kanya ng ina ni Jason kung gaano nito ikinahihiya ang relasyon niya sa anak nito. Naiisip niya tuloy ngayon na baka nga tamang hindi na lang niya ipagpatuloy ang pakikipagrelasyon kay Jason. Kung meron siyang ayaw na ayaw, iyon ay ang masira ang relasyon ni Jason at ng ina nito nang dahil lang sa kanya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top