50

GISING pa si Jairus nang umuwi sina Anton at Jason.

"Saan kayo galing?" tanong nito pagkapasok pa lang nila sa loob ng bahay. Komportable itong nakaupo sa sofa at talagang hinihintay ang kanilang pagdating. "Kanina ko pa kayo hinihintay. Excited pa naman akong magkuwento tungkol sa bonding namin ni Frank."

"Nagpunta kasi kami sa ospital," sagot ni Anton na umupo sa tabi ni Jairus. Si Jason ay dumiretso na sa kanilang silid. "Tinawagan kasi ako ni Carlo. Dinala niya sa ospital si Yuri."

"Yuri? Iyong dinemanda mo?"

Tumango si Anton.

"Anong nangyari? Ba't dinala sa ospital? Sana mamatay na ang gagong 'yon." Umarko ang kilay ni Jairus. Hanggang ngayon ay kumukulo pa rin ang dugo niya sa lalaking nagtangka nang masama sa buhay ni Anton.

"Binaril siya ni Shelley?"

"Iyong baklang sira-ulo na tumatawag sa'yo at inaaaway ka? Iyong jowa ni Carlo na ex mo?"

"Ipagdidiinan mo pa talaga?" Pinandilatan ni Anton ang kaibigan.

"Nililinaw ko lang, best friend. Para sigurado. Alam mo naman ako, hindi ko tinatandaan ang mga taong wala namang katuturan sa buhay natin."

Huminga nang malalim si Anton at saka ibinuga ang hangin. "Tumawag nga rin sa akin si Shelley, eh."

Napanganga si Jairus. "At baket?"

"Ako raw ang susunod kay Yuri..."

"Eh, tarantado pala talaga ang baklang 'yan. Ikaw na naman ang napagbuntunan ng mga kashungahan niya," nag-iinit ang ulong komento ni Jairus. "Naku, 'wag na 'wag ko siyang makikita at siya ang isusunod ko kay Yuri."

"Ang tapang mo naman... Ano na ang ikukuwento mo tungkol sa inyo ni Frank?" pagbabago niya sa tinatakbo ng kanilang usapan.

Bigla ring nagbago ang mood ni Jairus. Tumili ito nang pagkatinis-tinis. "Naku, best friend! Ang saya ko! Si Frank na nga yata talaga ang magpapatibok sa pihikan kong puso."

Muntik nang maubo si Anton. "Paano kang naging pihikan eh, wala naman talagang nagkakagusto sa'yo?" pambabasag niya rito.

"Grabe ka naman! Magkaibigan pa ba tayo o hindi na?" kunwa'y nagtatampong sabi ni Jairus.

Tinawanan lang ni Anton ang kaibigan bago siya nagseryoso. "Kidding aside, I'm so happy for you, best friend. You deserve to be happy. Sana nga, si Frank na ang totoong magpapasaya sa'yo."

Touched si Jairus sa sinabi ng kaibigan. Alam naman niya kung gaano siya kamahal ng best friend niyang si Anton. "Sana nga siya na, friend! Ayoko na ng iba pa. Siya na ang gusto ko!"

"Nililigawan ka na ba?"

Nagusot ang mukha ni Jairus. Bigla itong nalungkot, tapos ay umiling. "Hindi pa. Pero papunta na kami roon." Pinagkrus pa nito ang dalawang daliri.

"Paano mo naman nasabi?"

"Best friend, napaka-gentleman niya sa akin," kinikilig niyang sabi. "Tapos, hindi niya ako pinagbayad sa mga kinain namin. Siya lahat talaga ang gumastos." Bigla siyang natigilan at napatingin sa kausap. "Best friend, first time in history na hindi ako gumastos sa lalaki. Dati, butas ang bulsa at wallet ko kapag lumabas ako with a guy. Pero ngayon, feeling ko isa akong dalagang sinusuyo to the highest level. Ang ganda-ganda ko kanina, best friend. Sumobra ang haba ng hair ko!"

Natatawa lang si Anton na napapailing habang nakikinig sa pagkukuwento ni Jairus. Pero sa loob niya ay masaya siya para sa matalik na kaibigan. Deserve namang maging masaya ni Jairus. Mabait naman ito, at todo rin kung magmahal. "So, kelan naman ang kasal?" naisipan niyang itanong.

"Kasal agad? Hindi pa nga ako nililigawan. Nagpaparamdam pa lang." Bahagya itong sumimangot. "Pero alam ko, magiging kami. Kasi..."

"Kasi ano?"

"Kapag hindi niya ako niligawan, ako ang manliligaw sa kanya!" deklara pa ni Jairus na ikinahalakhak ni Anton.

HATINGGABI ay nasa bus terminal si Shelley. Bitbit ang isang malaking bag na puno ng kanyang mga damit at iba pang mga gamit ay sumakay siya ng bus. Alam niyang anumang oras ay maaaring may pumuntang mga pulis sa bahay niya. Puwede siyang hulihin ng mga ito para ikulong dahil sa ginawa niya kay Yuri. Pero hindi ang tipo niya ang ganoon kabilis na mahuhuli. Bago pa siya mapuntahan ng mga pulis ay nauna na siyang nag-alsa balutan upang magtago pansamantala sa bahay na kinalakhan niya sa probinsya ng Pangasinan. Alam niyang ligtas siya roon. Walang nakakaalam kahit isa sa mga kaibigan niya sa Manila kung saan ang probinsiya niya. Hindi naman kasi talaga siya palakuwento. At ugali na talaga niyang magtago sa ibang tao ng mga personal na impormasyon tungkol sa kanyang sarili.

Bumiyahe ang bus patungong Norte. Ayaw sana niyang matulog pero dahil sa haba ng biyahe ay hindi na niya nakayanan ang antok. Nagising lang siya nang huminto ang bus sa highway kasunod ay nakita niyang may dalawang sundalong umakyat sa bus at isa-isang tiningnan ang mga pasahero.

Kinabahan si Shelley. Hindi niya inaasahang may madadaanan silang checkpoint.

Pagtapat ng sundalo sa kanya ay alanganin niyang nginitian ang isa.

Lumagpas sa kanya ang sundalo at nang matapos inspeksyunin ang mga pasahero ay kaagad din namang bumaba ang mga ito.

At saka pa lang nakahinga nang maluwag si Shelley nang muling umandar ang bus at nagpatuloy sa biyahe.

Pagdating sa bayan ng Mangatarem ay bumaba ng bus si Shelley at sumakay naman ng tricycle para magpahatid sa kanilang bahay. Wala nang nakatira sa bahay nila na iniwan na niya upang manirahan sa Maynila mula nang sabay na mamatay sa car accident ang kanyang mga magulang. Tanging ang mahigit singkwenta anyos na caretaker na si Lucia ang nakatira ngayon sa malaking bahay nila na naipundar ng yumao niyang mga magulang.

Gulat na gulat si Lucia nang bumaba ng tricycle si Shelley. Napalabas tuloy ito ng bahay para salubungin ang amo.

"Shelley! Ikaw nga ba 'yan? Hindi ka man lang nagpasabi na uuwi ka. Sana man lang ay nakapaghanda ako ng espesyal na agahan." Kinuha niya kay Shelley ang bitbit nitong mga gamit.

"Malinis ba ang kuwarto ko?" tanong pa niya. "Gusto ko munang matulog."

"Oo, nililinis ko 'yon araw-araw," sagot ni Lucia habang naglalakad kasunod ni Shelley.

Nang makapasok silang dalawa sa kuwarto ay nagbilin si Shelley sa babae. "Iwan mo na lang ang gamit ko d'yan. Matutulog ako, ayoko munang maistorbo."

"Sige, Shelley, magpahinga ka na. Nandito lang ako sa labas. Tawagin mo lang ako 'pag may kailangan ka."

Nang mapag-isa sa silid ay ni-lock niya ang pinto at saka humilata sa kama.

Dito sa probinsiya ay makapagtatago siya sa mga pulis at makakaisip pa siya ng magandang diskarte kung paano makagaganti sa matandang si Anton.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top