46

"MAGPAPAALAM na ako," sabi ni Frank pagkatapos na maibalik ni Jairus ang cellphone niya. Hindi niya inaalis ang tingin sa bagong kakilala.

"Sige... Balik ka, ha?" Nag-beautiful eyes pa si Jairus kay Frank.

"Best friend!" sita ni Anton sa kaibigan.

"Tutuloy na po ako," paalam ni Frank kay Anton bago ito naglakad patungong pintuan. Agad namang sumunod dito si Jairus hanggang sa gate.

"Frank!" tawag niya sa lalaki nang makalabas na ito sa gate.

Lumingon ang tinawag. "Bakit?"

"Text mo ako ha?" Halata ang pagpapa-cute ni Jairus.

Ngumiti nang matamis si Frank. "Oo," sabi nito sabay tango. "Bye!"

Kumaway pa si Jairus sa lalaki at sinundan ito ng tingin hanggang sa makasakay ito ng kotse at paandarin nito ang sasakyan.

Parang nakalutang sa alapaap si Jairus nang makabalik sa loob ng bahay.

"Hoy!" sita rito ni Anton.

"Ha?" tila natauhang sagot ni Jairus.

"Bangag ka na naman. Nakakita ka lang ng lalaki."

"Ang guwapo niya, best friend! At ang bait!" kinikilig nitong sabi. "Baka siya na ang forever ko."

"Buang! Buhatin mo na itong lasing at dalhin mo sa kuwarto mo," utos niya sa kaibigan.

"Bakit ako? Jowa ko ba 'yan?" reklamo ni Jairus. "At saka, bakit sa kuwarto ko? Ayoko na sa kanya, best friend. May Frank na ako." At nagmartsa na ito papunta sa kanyang kuwarto. Naiwang nakatanga sa salas si Anton at ang tulog sa kalasingang si Jason.

Napakamot na lang sa ulo si Anton. Wala sa plano niyang ipasok sa kanyang silid si Jason. Nagsimula siyang humakbang para pumunta sa kanyang kuwarto. Pero bago pa niya narating ang hagdan ay lumitaw si Jairus at nagsalita.

"At talagang iiwan mo siya riyan? 'Di mo man lang ipapasok sa kuwarto para makatulog nang maayos?" nakapamaywang na sabi nito, nakataas pa ang kilay.

"Gusto mo siyang makatulog nang kumportable? Puwes, dalhin mo siya sa kuwarto mo at doon kayong dalawa matulog." Inilang hakbang lang ni Anton ang mga baitang ng hagdanan at kaagad na pumasok sa kuwarto. Siniguro rin niyang naka-lock ang pinto para hindi na siya kulitin pa ni Jairus. At para hindi rin makapasok si Jason sakali mang magising ito mamaya.

Pinatay niya ang ilaw sa kuwarto at mabilis na ibinagsak ang katawan sa kama. Pero hindi naman siya dinalaw ng antok. Paminsan-minsan ay lumilitaw sa isip niya ang imahe ni Jason. Ngayon lang niya nakitang lasing ang lalaki. Ang alam nga niya'y hindi naman ito umiinom. Ayaw niyang maging feelingera pero iniisip niyang siya ang dahilan ng paglalasing ng binata.

Bigla ay naisip niyang bumangon para puntahan sa salas si Jason pero nagdadalawang-isip siya. Baka magising pa ito at makita siya. Baka mag-isip pa ito ng kung ano. Ayaw niya ng ganoon.

Pero sa huli ay nagpasya siyang puntahan ang natutulog na lasing sa salas.

Dahan-dahan niyang binuksan ang pintuan pero muntik na siyang mapasigaw nang makitang nakatayo sa labas ng pinto si Jairus.

"Anong ginagawa mo riyan?" Gusto niyang batukan ang kaibigan. "Akala ko multo ka!"

"Wow, ha? Best friend, ang ganda ko namang multo," nakasimangot na reklamo nito. "At ikaw, ano rin ang ginagawa mo riyan?"

"Ha? Ah, eh... Pupunta sana ako sa kusina. Nauuhaw ako," pagsisinungaling pa niya.

"Nauuhaw? 'Yong totoo? Nauuhaw ka sa pagmamahal ni Jason," diretsong sabi ni Jairus kasabay ang isang malutong na tawa.

"Jairus!"

"Huwag ka nang tumanggi,  best friend.  Naiintindihan kita." Hindi nawawala ang nakalolokong ngiti ni Jairus. 

Nagsalubong ang kilay ni Anton at saka pinormalan ang kaibigan. "Ang sabi ko, iinom lang ako ng tubig.  Ikaw, ba't ka nandito?"

Sumeryoso si Jairus.  "Hihingi sana ako sa'yo ng unan at kumot.  Kawawa naman kasi si Jason do'n sa sofa, hindi komportable."

Binigyan ni Anton ng daan ang kaibigan.  "Ayun, kunin mo sa kama."

Mabilis na pumasok sa silid si Jairus at kinuha ang isang unan at kumot sa kama. Kasunod noon ay kaagad din siyang lumabas at nagpaalam kay Anton. "Dadalhin ko na 'to kay Jason."

Hindi siya tuminag.

"Akala ko ba iinom ka ng tubig?" pahabol na tanong ni Jairus.

"Hindi na. Tinamad na ako. Bumaba ka na, isasara ko na ang pinto." Bago pa nakasagot si Jairus ay napagsarhan na niya ito ng pinto.

Bumalik siya sa higaan pero hindi pa rin siya dalawin ng antok. Hindi niya namalayan ang paglipas ng oras.

Muli siyang bumangon at dahan-dahang lumabas ng silid. Tahimik pa rin siyang bumaba ng hagdan at nagtungo sa salas. Nang sa wakas ay malapitan niya ang natutulog na si Jason ay buong kasabikan niyang pinagmasdan ang napakaguwapo nitong mukha. Salamat na lang sa liwanag ng buwan na naglalagos sa salaming bintana kaya malinaw niyang nakita ang mukha ng nahihimbing na binata.

Wala sa sariling lumuhod si Anton para mas mapagmasdan ang natutulog na si Jason. Ano ba ang nangyayari sa kanya? Hindi ba dapat ay galit ang nararamdaman niya pa rito? Bakit parang iba na ang pakiramdam niya? Bakit tila gusto niyang yakapin ito nang mahigpit at halikan nang paulit-ulit sa labi?

Tatayo na sana siya nang bigla siyang mapako sa pagkakaluhod nang makita niyang biglang dumilat ang mga mata ni Jason. Hindi niya malaman kung paano kikilos. Kitang-kita siya ni Jason na nakaluhod at tila binabantayan ito sa pagtulog.

"A-anton?" Hindi siya sigurado kung narinig ba niya talagang nagsalita si Jason o bunga lang iyon ng kanyang imahinasyon. Pero nang tingnan niyang muli ang lalaki ay nakapikit na ito at tila bumalik sa pagkakahimbing.

Nakahinga siya nang maluwag.  Ang akala niya'y nagising talaga si Jason.

Nagpasya siyang bumalik na sa kuwarto bago pa tuluyang magising ang lalaki. Tatayo na sana siya pero isang kamay ang humawak sa kanyang braso.

"I'm sorry,  Anton... Patawarin mo na ako, " narinig niyang bulong ni Jason.  May kung anong kilabot na gumapang sa kanyang katawan. Ramdam niya ang sinseridad sa mga binitiwang salita nito.

Itutuloy na niya sana ang pagtayo pero mas humigpit pa ang hawak ni Jason sa braso niya. Ayaw siya nitong pakawalan.

"Please... Nakikiusap ako." Hindi inaasahan ni Anton ang biglang pagbangon ni Jason at kasunod niyon ay niyakap siya nito nang mahigpit habang patuloy sa paghikbi. Paghikbi na unti-unti ay naging impit na pag-iyak.

Sabi-sabi nang 'pag iniyakan ka raw ng isang lalaki ay totoong mahal ka nito. Ayaw paniwalaan ni Anton ang kasabihang iyon pero bakit ramdam niya ang sobrang paghihirap ng kalooban ni Jason?

Hindi niya na namalayang kumilos ang kanyang kamay at dumampi sa likod ni Jason. Marahan niyang hinaplos ang likod nito na tila ba isang amang nagpapatahan sa kanyang umiiyak na anak.

Mas lalo pang hinigpitan ni Jason ang pagkakayakap kay Anton. Wala na siyang pakialam kung muli siyang ipagtatabuyan nito. Basta gusto niyang mayakap ito. Paulit-ulit na mayakap.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top