45
NANG bumalik ang staff ng bar ay dala na nito ang isang bucket ng beer at calamares na order ni Jason. Agad na binuksan niya ang isang bote at isinalin sa basong puno ng yelo.
Tinungga ni Jason ang beer mula sa baso. Noon naman natapos ang kumakanta sa stage. Bumaba ito ng stage at kaswal na naglakad papalapit kay Jason.
"Hi! Can I join you? Wala rin akong kasama," nakangiting sabi ng lalaki.
Nag-angat ng mukha si Jason at kunot ang noong tiningnan ang lalaki. Pagkuwa'y tinanguan niya ito at nagsabing, "Okay lang..."
"Teka, kukunin ko lang 'yong iniinom ko." Mabilis itong nagtungo sa isang bakanteng mesa at kinuha ang bucket ng beer na naroon. Pagkuwa'y agad din itong bumalik sa kinaroroonan ni Jason at umupo sa bakanteng silya.
Isang matabang bading ang umakyat sa stage at nagsalita. "Mga mamshie at mga beshie, ang kakantahin ko ay para sa inyong lahat. Pero bago 'yon, isang masigabong palakpakan naman diyan."
Nagpalakpakan ang mga parukyano ng bar. Pati sina Jason at ang lalaki ay pumalakpak na rin.
Lumabas sa malaking screen ng videoke ang kakantahin ng bading at nagsimula itong kumanta.
Pista sa amo
Ako nangimbitar.
Mikalit kadaghang bisita
Ug wa jud ko magdahum...
Naghiyawan ang mga tao sa bar. Feel na feel ng bading ang pagkanta. Maganda rin ang boses nito at nakaaaliw ang tono ng Visayan song na kinakanta nito.
Naratol si mama
Kay nahutdag gamit sa kusina
Maong ako na lang
Nangita ug paagi...
"Frank..." Inilahad ng lalaki ang palad para makipagkamay kay Jason. Tinitigan ni Jason ang kaharap bago niya inabot ang palad nito.
"Jason," matipid niyang sagot at muling ibinalik ang tingin sa kumakanta sa stage.
Maong gi-fingers,
gi-fingers na lang
Kay wa nay kutsarag
tinidor sa lamisa
Maong gi-fingers,
gi-fingers na lang
Kay akong amigo
gigutom na...
"Bakit mag-isa ka lang?" naitanong ni Frank. "Mukhang may problema kang gusto mong lunurin sa alak." Bahagya pa itong ngumiti.
"Parang ganoon na nga." Hindi nagkaila si Jason.
Napaawang ang mga labi ni Frank. Uminom ito ng beer bago muling nagsalita, "Kung gusto mo ng makakausap, puwede ako."
Sinulyapan ni Jason ang kausap. Sa sinag ng kulay pulang ilaw na tumatama sa mukha nito ay nakita niyang tila mapagkakatiwalaan naman ito.
Tuloy lang ang matabang bading sa pagkanta sa stage.
Ako gayud nauwaw,
Di na ko halos mutan-aw
Maayo na lang ang
Akong amigo mi-ingon...
"Kinawboy lang ta bai"
Naratol si mama
Kay nahutdag gamit sa kusina
Maong ako na lang
Nangita ug paagi...
Maong gi-fingers,
gi-fingers na lang
Kay wa nay kutsarag
tinidor sa lamisa
Maong gi-fingers,
gi-fingers na lang
Kay akong amigo
gigutom na...
"Ano ba ang problema mo?" tanong ni Frank. "Puso?"
Bahagyang tumango si Jason.
"Nag-break kayo? Kuwento ka naman."
"Nagalit siya sa akin. Kasalanan ko rin kasi. Pero 'di ko siya niloko. Hindi ko magagawa sa kanya 'yon." Nilagok niya ang natitirang laman ng hawak na bote. Tapos ay binuksan ang isa pa at muling lumagok. Pinanonood lang siya ni Frank na tila naghihintay sa susunod niyang sasabihin.
"Ba't dito ka napunta?" muling tanong ni Frank na tila nag-iimbestiga.
Napahinto sa pag-inom si Jason. Sinipat niya ang kausap. "Bakit?" nagtataka niyang tanong. Nakita niyang ngumiti si Frank na parang nakakaloko.
"Are you aware na kilala ang bar na ito bilang tambayan ng mga gay at bisexual?"
Namilog ang mga mata ni Jason. Hindi niya alam iyon. Sunod-sunod ang ginawa niyang pag-iling.
Dugtong pa ni Frank, "Madalas din nila itong ginagawang pick-up point. Kaya 'wag kang magugulat kung may biglang lalapit sa'yo at makikipagkilala."
"Just like what you did," seryoso niyang sabi sa kausap.
"Oo, but don't you worry. I'm not here to ask you to go out with me. Pagpasok mo pa lang dito, napansin na kita. Wala kang kasama, eh. Usually, ang mga pumupunta rito ng mag-isa, either malungkot kasi brokenhearted o malungkot kasi nag-iisa at naghahanap ng maikakama." Bahagyang natawa si Frank sa huli niyang sinabi. "Pasensya ka na, medyo bulgar yata ang bibig ko."
"Okay lang..." Muling tumungga ng beer si Jason.
Natapos kumanta ang bading. Bumaba na ito ng entablado.
"Bakit nagalit sa'yo ang girlfriend mo?"
"Hindi girlfriend. Gayfriend."
Si Frank naman ang bahagyang nanlaki ang mga mata. "So, bakit nagalit sa'yo ang gayfriend mo?"
"Akala kasi niya na niloloko ko siya dahil madalas kong kasama ang ex-girlfriend ko." Hindi tinatantanan ni Jason ang pag-inom ng beer. Tungga lang ito nang tungga gayong hindi naman ito sanay na uminom. "Hindi na ako nagkaroon ng pagkakataong magpaliwanag dahil ayaw na niya akong kausapin." Muli niyang tiningnan ang kaharap. "Ikaw, bakit ka nandito?"
"Malungkot din ako kaya ako nandito. Pero hindi ako brokenhearted. Naghahanap lang ako ng pupuwedeng makasama." Nagkibit-balikat ito. "Makasama, maikama... kahit ano."
"And you think dito mo makikita ang hinahanap mo?" Kaagad na tumutungga si Jason sa tuwing matatapos itong magsalita.
"Bakit naman hindi. Madalas sa mga ganitong lugar ang mga tipo ko."
Hindi na pinansin ni Jason ang sinabi ng kausap. Mas pinagtuunan niya ng pansin ang beer na nasa mesa.
"O, dahan-dahan lang. Wala kang kaagaw," umiiling na sabi ni Frank.
"Oorder pa ako pagkaubos nito."
"Huwag na. Sa'yo na lang itong apat na bote ko. Dalawa lang ang kaya kong ubusin," deklara ni Frank. "Baka mamaya hindi ka na makauwi."
HINDI nila namalayan ang mabilis na pagtakbo ng oras. Ang dalawang bucket ng beer na nasa mesa ay halos ubos na.
"Oorder pa ako." Halata na sa boses ni Jason ang kalasingan.
"Huwag na. Umuwi ka na. Lasing ka na, Jason."
Tumayo si Jason para tawagin ang staff ng bar pero agad itong natumba at sumubsob ang mukha sa mesa. Tulog!
"Patay! Sabi ko na nga ba." Napailing na lang si Frank. Siya na ang sumenyas sa waiter at binayaran ang inorder nilang dalawa. Pagkatapos ay nagpatulong na rin siya rito para mailabas ng Moonlight Bar si Jason at maisakay sa kotse niyang nakaparada sa 'di kalayuan. Binigyan ni Frank ng tip ang waiter pagkatapos maisakay si Jason sa kanyang kotse.
"Saan kaya umuuwi ang mokong na 'to?" tanong niya sa sarili sabay dinukot niya sa likurang bulsa ng pantalon ni Jason ang wallet nito at binuksan. Nagbabakasakali siyang makita sa pitaka ang address ng lalaking lasing at ngayon ay nakahilata sa kanyang sasakyan.
Nakita niya ang ID ni Jason. May address na nakasulat doon. "Sampaloc, Manila. Malapit lang pala." Ibinalik niya ang wallet sa bulsa ni Jason at mabilis siyang sumakay sa kotse. Ilang sandali lang ay binabaybay na nila ang kahabaan ng E. Rodriguez Avenue para marating ang address ni Jason sa Sampaloc.
Ilang sandali pa ay narating nila ang address. Ipinarke ni Frank ang kotse sa harap ng gate ng bahay at saka siya bumaba at nag-umpisang magtawag.
"Tao po! Tao po!" Malalim na ang gabi. Mukhang mahihirapan siyang gisingin ang mga kasama ni Jason sa bahay. Muli siyang tumawag.
"Tao po!!!" At saka lang niya napansin ang doorbell. "May doorbell pala..." Pinindot niya ang doorbell ng dalawang beses. Hindi naman siya nainip dahil ilang saglit lang ay bumukas ang pinto at lumabas ang isang chubby na lalaki na magulo pa ang buhok at halatang bagong gising. Kasunod nitong lumabas ang isang lalaking maganda ang katawan pero may edad na. Magkasunod na lumapit sa kanya ang dalawa.
"Anong kailangan mo?" tanong ng chubby na magulo ang buhok. Agad nitong napansing may hitsura ang lalaking nasa labas ng gate.
"Ah, kasama ko kasi Jason. Andoon siya sa kotse, tulog sa kalasingan kaya hinatid ko na lang siya rito. Pasensya na, pinakialaman ko ang wallet niya para malaman kung saan siya nakatira," mahabang sagot ni Frank.
Nagkatinginan sina Jairus at Anton. Mukha namang nagsasabi ng totoo ang lalaki.
Si Jairus ang unang kumilos. Binuksan nito ang gate. "Asan si Jason? Tulungan mo akong maipasok siya sa loob," sabi nito kay Frank.
Agad namang binuksan ni Frank ang pinto ng kotse at maingat na inilabas si Jason. Magkatulong nilang ipinasok sa loob ng bahay ang lasing habang nakamasid lang si Anton. Inihiga nila ito sa sofa.
"Maraming salamat sa'yo. Anong pangalan mo?" tanong ni Jairus kay Frank.
"Frank," sagot niya sabay lahad ang kamay. "And you are?"
"Jairus. At siya naman si Anton, ang partner ni Jason.
"Nice to meet you, Anton." Inabot ni Frank ang palad niya kay Anton.
"Same here," kaswal na sagot ni Anton at inabot ang palad ni Frank.
"Salamat, Frank at inuwi mo rito si Jason," sabi ni Jairus.
"Wala 'yon. Kung wala akong nakitang address sa wallet niya, iuuwi ko muna siya sa pad ko to make sure he's safe," nakangiti nitong sabi. Hindi inaasahan ni Jairus ang sunod na sinabi ni Frank. "By the way, can I have your number?"
Nanlaki ang mga mata ng bakla. "Ako? Number ko talaga?" Hindi siya makapaniwala. Ba't hihingin ng lalaking ito ang number niya?
"Yeah... Kung okay lang sa'yo."
Pakiramdam ni Jairus ay ang haba-haba ng buhok niya ngayon. Ang ganda niya bang babae para hingin ng guwapong Frank na ito ang number niya?
At bago pa magbago ng isip ang Frank na ito ay agad na nagdesisyon si Jairus. "Akin na ang cell phone mo para mai-save ko ang number ko."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top